Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 543 - Tatlong Lalaki at Isang Babae sa Labas ng Pintuan

Chapter 543 - Tatlong Lalaki at Isang Babae sa Labas ng Pintuan

"Sinusubukan nilang kamkamin ang mga ari-arian ng Xi family," malamig na pagtatapos ni Xinghe. Ito ang sinabi sa kanya ni Saohuang. Ayon dito, ang layunin ng Lin family ay ang kamkamin ang malaking kayamanan ng Xi family.

Nanunuyang umangil si Xia Zhi, "Gusto nilang lamunin ang Xi family? Halatang kumagat sila ng marami sa kaya nilang nguyain."

"Hanap nila ay kamatayan," sabi ni Xinghe na puno ng pagkasuklam habang binabasa ang pangalan ni Lin Jing sa screen.

"Tama iyon! Sis, kailangang ipakita mo sila kung gaano kahangal sila sa pagkalaban sa atin; wasakin mo sila at huwag magtitira ng bilanggo!" Pagsegunda ni Xia Zhi na may kasamang maalab na pagkagalit.

Mula sa kanyang pananaw, ang kapatid niya ay hindi matatalo, hindi magtatagal at ang kalaban na ito ay babagsak din tulad ng iba pa. Nang sinusuri ni Xinghe ang mga record ng Bao Hwa, naging pamilyar na siya sa sitwasyon ng kumpanya. Isang plano ang nabuo sa kanyang isip.

Sinabi niya ng may pilyang ngisi, "Gusto nilang lunukin ang buong Xi Empire? Tingnan natin kung sino ang mas may malaking gana kumain."

"Sis, may plano ka na agad?" Sabik na tanong ni Xia Zhi.

Tumango si Xinghe. "Oo, isang plano na hindi pa kumpleto."

Ito ang magiging simula, ang simula ng katapusan ng Lin family.

"Kahanga-hanga, siguradong katapusan na nila! Sis, susuportahan kita!" Patuloy na palatak ni Xia Zhi. Walang magawang tiningnan siya ni Xinghe. Hindi pa nga niya sinasabi dito ang plano niya; bakit naniniwala na agad ito ng lubos sa kanya?

Ang nakakabatang kapatid niyang ito ay bulag na sa paghanga sa kanya.

Napuyat si Xinghe ng buong gabi para isipin ang lahat ng detalye at ihanda ang kanyang plano.

Sa kanyang pagkagulat, sa sumunod na araw, tatlong hindi kilalang bisita ang dumating sa kanilang bahay. Nang ipinadama nila ang kanilang pagdating, nasa kama pa si Xinghe kaya naman si Xia Zhi ang nagbukas ng pintuan.

Nagtatakang tumingin si Xia Zhi sa tatlong lalaki at isang babae sa labas ng kanilang pintuan at nagtanong, "Sino ba ang hinahanap ninyo?"

Ang tatlong lalaki ay matatangkad, ang isa ay Asyano, isa ay kalahating Asyado, at ang huli ay isang banyaga na may kulay gintong buhok. Ang babae ay isa ding Asyano.

Walang kaalam-alam si Xia Zhi kung sino sila, pero nakakaramdam siya ng presensiya na ibinabahagi ng mga ito.

Ito ang presensiya ng kamatayan!

Ito ang kakaibang presensya ng mga propesyonal na mamatay-tao!

Si Xia Zhi ay mahilig sa mga kakaibang imahinasyon kaya naman sa sandaling iyon, ang una niyang naisip ay: Ang mga ito ay mga assassin mula sa Lin family!

Dahil malakas ang loob ni Lin Xuan na pasabugin ang kanyang pinsan, ano pa kaya ang magpapatay?

Kaya naman, ang ilang tao na ito ay maaaring nandoon para patayin sila!

"Kami ay…" binuksan ng babae ang kanyang bibig para magsalita nang biglang ibinagsak ni Xia Zhi pasara ang pintuan at ipininid ito. Matapos noon ay nagmamadali itong umakyat sa ikalawang palapag.

Nagmamadali itong pumasok sa silid ni Xinghe, at sumisigaw ng malakas. "Sis, masama ito, dali tawagan mo ang mga pulis!"

Sumimangot si Xinghe habang kinukusot ang kanyang nanlalabong mga mata. "Ano ang nangyayari?"

Maluha-luha na si Xia Zhi. "May mga assassin sa ibaba; umupa ang Lin family ng mga assassin! Ano ang gagawin natin? Masyado nang huli para tumawag pa ng mga pulis. Magsimula na tayong sumigaw at sana ay makakuha tayo ng atensiyon ng ibang tao at baka sakali ay matakot sila paalis."

Agad na binuksan ni Xia Zhi ang isang bintana at dumungaw para sumigaw, "Tulong, may mga mamatay-tao dito, tulungan ninyo kami—"

Nagulantang at nag-alala si Xinghe. Talaga bang umupa ang Lin family ng mamamatay tao para patayin kami? Pero ang aga-aga naman…

Sa kaparehong sandali na ito, ang grupo ng mga indibidwal na napagsarhan ng pintuan sa kanilang mga mukha ay nagulat din nang marinig nila ang mga sigaw ni Xia Zhi. Nagkatinginan ang apat, na may kaparehong tanong sa kanilang mga isipan. Kami ba ang tinutukoy nito?