Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 502 - Natatakot na Manakaw Siya

Chapter 502 - Natatakot na Manakaw Siya

Hindi lamang iyon, kinuha din ni Philip si Xinghe bilang kanyang step-sister. Sa madaling salita, si Xinghe ang kapatid ng presidente. Nangako ito na pahahalagahan ang grupo ni Sam.

Hawak ang pangakong ito, hindi na nag-alala pa si Xinghe tungkol sa mga bago niyang kaibigan.

Isang buwan ang ginugol niya sa Country Y. Walang nakakaalam nang dumating siya, at tulad nito, wala ding nakaalam na aalis siya.

Tanging ang maliit na grupo ng kanyang mga kaibigan lamang ang nagpunta para magpaalam sa kanya.

"Sister, kapag may kahiligan ka o may hinaharap na problema sa hinaharap, lumapit ka lamang sa akin. Kami ni Kelly ay palaging aalalahanin ang lahat ng ginawa mo para sa amin; parte ka na ng pamilya namin sa ngayon," seryosong sambit ni Philip kay Xinghe.

Nagulat si Xinghe na seryoso si Philip na kuhanin siya bilang kapatid. Dahil nakilala lamang nila ang isa't isa ng ilang araw. Pero masigasig si Philip dahil alam niyang ang operasyong iyon ay hindi magiging matagumpay kung wala ang tulong niya.

Tumango si Xinghe. "Naiintindihan ko, huwag kang mag-alala, kayong dalawa ay palaging magkakapuwang dito sa puso ko."

"Xinghe, huwag mo din kaming kalilimutan. Pupuntahan ka namin kapag may panahon kami. Kung kailangan mo ang tulong namin, huwag kang mag-atubiling magsabi sa amin," mabigat ang loob na sinabi sa kanya ni Ali.

Ngumiti si Sam, pinipilit na pagaangin ang nararamdaman ng lahat. "Kahit na sasandali lamang natin nakilala ang isa't isa, huwag mong kalimutan, palagi kang magiging kabahagi namin."

Nakangiting tumango si Xinghe. "Siyempre. Ang totoo niyan, nagpapasalamat ako sa tulong ninyo, kaya naman kung kailangan ninyo ang tulong ko, pakiusap puntahan at hanapin ninyo ako, tutulungan ko kayo sa abot ng aking makakaya."

Ito ang pangako ni Xinghe na panghahawakan niya hanggang nabubuhay siya. Hindi siya agad nagbibitiw ng mga pangako, pero sa mga pinagbigyan niya nito, ay tutuparin niya ito ng habambuhay.

"Xinghe, ayaw talaga kitang umalis," hinila siya ni Ali para yakapin. Ito na siguro ang unang beses na ang tigasing babae ay ipinakita ang kanyang kahinaan bilang isang babae. Wala siyang masyadong kaibigang babae, si Xinghe lamang ang nag-iisa.

Hindi rin sanay sa mga sentimental na hiwalayan si Xinghe, kaya naman naaalangang kinonsola niya si Ali, "Bibisita ako kapag may oras ako."

Pinaalalahanan sila ni Mubai, "Kailangan na naming umalis ngayon, pero huwag kayong mag-alala, sigurado akong magkikita din tayong muli isang araw."

Sa wakas ay pinakawalan na ni Ali si Xinghe at kumaway dito bilang pamamaalam, "Xinghe, maging ligtas ang inyong paglalakbay, bibisita kami sa inyo kapag naayos na namin ang lahat dito."

"Sige, paalam na sa inyong lahat," kumaway na din ng pamamaalam si Xinghe sa kanila habang hinihila na siya ni Mubai pasakay sa eroplano.

Si Ali at ang iba pa ay nanatili hanggang sa nawala na sa himpapawid ang eroplano ni Mubai. Nakita ni Xinghe na patuloy pa ding kumakaway ang mga ito sa kanya mula sa bintana at hindi niya napigilang hindi ngumiti.

Dati ay halos wala siyang mga kaibigan pero ngayon, nakikita niya ang sarili na nagkakaroon na ng mga taong matatawag niyang kaibigan..

"Ang totoo, ayaw ko sa kanila," biglang sabi ni Mubai sa kanyang tabi.

Bumaling si Xinghe dito ng may naguguluhang tingin. Hindi alam ni Mubai kung paano ipapaliwanag ang kanyang sarili. Tumingin ito sa kanya at inilihis ang tingin. Hindi nasisiyahang nagreklamo ito, "Hindi ko gustong kasa-kasama mo sila dahil kinukuha nila ang atensiyon at oras mo na dapat ay ginugugol mo sa akin."

Dati, tanging siya lamang ang nagpapahalaga kay Xinghe. Ngayon ay natatakot na siya, na parami na ng parami ang mga taong nagugustuhan ito, ay kukuhanin na ito mula sa kanya.

Hindi na kailangang sabihin pa pero hindi maintindihan ni Xinghe ang ibig nitong sabihin. Maliwanag nitong ipinaliwanag sa kanya, "Pero mga kaibigan ko sila, kaya tama lamang na magbigay ako ng panahon at bigyan sila ng atensiyon."

Bumaling pabalik si Mubai sa kanya at nagtanong sa paos nitong boses, "Pero, paano naman ako?"

Hindi makapagsalita si Xinghe.

Related Books

Popular novel hashtag