Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 50 - TINARGET SI XIA ZHI

Chapter 50 - TINARGET SI XIA ZHI

Nilisan ni Xinghe ang bahay matapos basbasan ni Chengwu.

Ang kanilang tirahan ay lubhang malaki. Medyo malayu-layo rin ang nilakad ni Xinghe ng kanyang matanaw si Xia Zhi sa ilalim ng lilim ng puno sa tabi ng gate.

Nakatalungko siya sa isang steel bench, nakayuko ang ulo at ang kanyang damit ay punit-punit.

Lumapit si Xinghe at tinawag ang pangalan nito.

Nang marinig ang boses niya, itinaas ni Xia Zhi ang kanyang ulo. Agad na napansin ni Xinghe ang mga pasa at galos sa mukha nito.

"Ate…" at iniyuko agad ni Xia Zhi ang kanyang ulo, hiyang-hiya na makita niya ang kalagayan nito.

Napakunut-noo si Xinghe at itinaas ang ulo nito sa pamamagitan ng paghawak sa baba nito. Galit ang makikita sa mga mata niya habang sinusuri ang mga galos nito sa mukha. "Sino ang may gawa nito?" tanong niya.

Nakita ni Xia Zhi ang galit sa kanyang mga mata at pilit na ngumiti, "Ate, ayos lang ako, maliliit na galos lamang ito. Hindi naman ito seryoso…"

"Ang tanong ko, sino ang gumawa nito," sabat ni Xinghe. Ang mga mata nito ay naghuhumiyaw ng paghihiganti.

May mga pagkakataon na si Xinghe ay walang pakialam pero kapag ibang klase kapag siya ay ginalit at kinanti ang kanyang baseline!

Ang kanyang baseline ay halata naman, at ito ay ang saktan ang mga taong mahalaga sa kanyan.

Hindi naman marami ang mga taong pinahahalagahan niya sa mundo pero sa maliit na grupo ng mga taong iyon ay kasali ang kanyang tiyo at si Xia Zhi!

Si Xia Zhi ay mabait at mapagmahal na bata mula ng ito ay musmos pa; isa siyang mabait na kapatid kay Xinghe. Habang nilalapatan ng paunang lunas ang nabugbog nitong katawan, nararamdaman ni Xinghe na umaakyat na sa ulo niya ang sobrang galit!

Hinding-hindi niya mapapatawad ang mga taong gumawa nito kay Xia Zhi!

"Sabihin mo sa akin, sino ang gumawa nito?" pag-uulit ni Xinghe na may bahid ng pagkainip sa kanyang boses.

"Hindi ko alam… nung pauwi na ako galing sa palengke, dalawang lalaki ang nanggaling sa magkabilang kalsada at sinadya nila akong bungguin. Humingi na ako ng paumanhin kahit hindi ko kasalanan pero hindi nila ako pinalampas. Sinabi nila na kailangan nila akong turuan ng leksyon sa pagbangga sa kanila… Ate, sorry kung wala akong silbi… sinubukan kong lumaban pero hindi ako ganoon kalakas at dalawa sila… sorry talaga, hindi ko sila kilala…"

Ang imahe ni Xia Zhi na binubugbog ng dalawang lalaki ay agad na rumehistro sa utak ni Xinghe at ang mga ugat niya ay pumintig.

Ramdam niya na ang puso niya ay napupuno ng sakit at galit.

Ibibigay niya ang lahat para lamang magantihan ang dalawang lalaking iyon.

Pero sinabihan niya ang sarili na kumalma, kailangan niya munang mahanap ang dalawang ito.

"Saan nangyari ito?" tanong ni Xinghe.

"Mga isang daang metro mula doon sa kanto…"

"Halika, sundan mo ako papunta sa ospital," sabi ni Xinghe habang inaalalayan ito patayo.

Nakatayo naman si Xia Zhi sa tulong ni Xinghe pero bigla siyang nakaramdam ng panghihina at muli siyang napahiga sa upuan.

Namutla siya ng husto at pinilit niyang magsalita, "Ate, sandali lang, magpapahinga lang ako saglit…"

Nakita ni Xinghe na nawawala sa pokus ang mga mata nito at bigla siyang nag-alala.

"Hintayin mo ako dito!" at tumakbo si Xinghe para humingi ng tulong sa security at tinulungan nila na madala si Xia Zhi sa pinakamalapit na ospital.

Mas malala pala ang lagay ni Xia Zhi, dahil sa mayroon siyang internal bleeding. Nagpakatatag siya hanggang sa narating nila ang ospital kung saan agad siyang nawalan ng malay.

Ang sabi ng doktor, ang sitwasyon niya ay maaari niyang ikamatay kung nahuli pa sila ng dating.

Sa narinig, muling sumiklab ang galit ni Xinghe, galit kay Xia Zhi dahil sa hindi nito agad paghingi ng tulong sa kanya noong una pa lang.

Ngunit hindi ito ang oras para pagalitan si Xia Zhi kaya ibubunton na lang niya ang galit niya sa dalawang lalaki na nanakit dito.

Nagpasalamat si Xinghe sa dalawang security na tumulong sa kanila; ang dalawang ito ang parehong tumulong sa kanya na mapalayas si Wu Rong.