Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 442 - Sumpain ang Lahat, Naghahanap ng Pagbabago!

Chapter 442 - Sumpain ang Lahat, Naghahanap ng Pagbabago!

Tumingin ang grupo kay Xinghe. Binalaan siya ni Sam, "Xinghe, kailangan mong mag-ingat. Ang mga babaeng pinuntirya ni Barron ay hindi nagkakaroon ng magandang katapusan."

"Nakakadiri ang baboy na lalaking iyon; ang mga babaeng dinudukot niya ay hindi nagkakaroon ng magandang pagtrato," dagdag ni Ali.

Inalo siya ni Wolf, "Pero huwag kang masyadong mag-alala, ipagtatanggol ka namin. Isa ka na sa amin ngayon; hindi ka namin iiwanang mag-isa."

Tumango si Carin. "Tama iyon, isa ka na sa amin ngayon; maaari mo kaming asahan palagi."

Nagtataka si Xinghe. Paano napapanatili ng grupong ito ang pagtitiwala nila sa ibang tao kahit na puno ng kaguluhan at digmaan ang kanilang bansa?

Nakilala lamang nila ako ng dalawang araw at agad na nila akong itinuturing na isa sa kanila.

Pero kahit na ganito, ang kanilang sinseridad ay tumimo sa puso ni Xinghe.

"Wala kayong kahit ano ngayon, paano ninyo ako poprotektahan?" Mahinang tanong ni Xinghe.

Natigilan dito ang lahat pati si Sam…

Tama siya, nawala sa kanila ang lahat: ang kanilang tahanan, ang kanilang mga armas at kahit na ang kanilang pera. Sila sa ngayon ay mga tumatakas na kailangan ng tulong.

"Hahanap kami ng paraan para kumita ng pera at para makakuha ng ilang armas," may tiwalang sabi ni Sam.

Sabik na nagmungkahi din si Ali, "Pwede akong bumalik sa dati kong trabaho na bartender, para hindi na natin maging problema ang pagkain."

"Ako din ay…" Bago pa makatapos si Cairn, isang grupo ang nagnakaw sa isang kalapit na tindahan.

Lumabas ang may-ari at sumigaw, "Mga magnanakaw, tulungan ninyo akong hulihin sila!"

Si Sam at ang iba pa ay kumilos para humabol pero ang pinuno ng mga magnanakaw ay bumalik para bumaril habang sumisigaw, "Sumigaw ka pa at hindi na ako magmimintis sa susunod!"

Nanahimik ang may-ari dahil dito. Tumigil din si Sam at ang iba pa…

Bigla nilang naalala na ang paghabol ay walang saysay, wala silang mga armas. Sa mapanganib na panahong ito, ang kumilos ng walang armas ay kahalintulad ng pagpapakamatay. Gayunpaman, ang mga armas ay mahal, hindi madaling makuha ng kahit na sino.

Isang mahinang huni sa hangin ang nagbigay babala ng isang mababang lipad ng isang combat jet. Bago pa nakakilos si Xinghe, nahila na siya palayo ni Sam. Nagsimula na silang tumakbo. Hindi nagtagal, sunud-sunod na mga pagsabog ang nangyari sa kanilang likuran. Agad na naunawaan ni Xinghe na isa itong airstrike. Hinila siya ni Sam para magtago. Nagpakawala pa ng ilang bomba ang eroplano bago umalis.

Ang mga damit ni Xinghe ay nakulapulan ng mga alikabok, ang orihinal na kalye ay sira-sira na ngayon. Ang mga tao ay hayagang umiiyak sa kalye at may mga katawang nakakalat doon.

Pinagpag ni Ali ang alikabok sa kanyang katawan at nagtanong, "Xinghe, ayos ka lamang ba?"

Tumingin si Xinghe sa mga namatay sa pagsabog at ipinilig ang kanyang ulo. "Ayos lamang ako… pero ang ganitong klase ba aynangyayari ng madalas?"

"Ang ibig mong sabihin ay ang airstrike?" Tumango si Sam. "Yup, palagi itong nangyayari. Aakalain mo na sanay na kami dito ngayon pero, ang mga nakikita dito…" napabuntung-hininga siya.

Walang ideya si Xinghe na, sa magandang planetang ito, ay may mga lugar na katulad nito. Kung ikukumpara ang kanyang dating buhay sa City T, masasabi na isa itong langit sa Earth. Napagtanto niya na sa nakaraang dalawang buwan, isinasagawa ni Mubai ang kanyang pananaliksik tungkol sa ilegal na organisasyong iyon sa ganitong bansa. Nasa mortal na panganib siya araw-araw…

Hindi gusto ni Xinghe na mamatay, at gusto din niyang bigyan ang kanyang mga bagong kaibigan nang panibangong panimula, malayo sa digmaan. Kaya naman, kailangan niyang mahanap ang ebidensiya ng ilegal na gawain ni Saohuang sa lalong madaling panahon, mahanap si Mubai, at umalis sa bansang ito!

Para magawa ito, kailangan niyang palakasin ang kanyang impluwensiya muna.

Bumaling si Xinghe kay Ali at sa grupo at sinabi, "Mula ngayon, tutulungan ko ang bawat isa sa inyo na mabago ang inyong buhay at baguhin ang magulong katotohanang ito!"