Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 347 - Paalisin Siya!

Chapter 347 - Paalisin Siya!

Ang bawat miyembro ng Xi family ay isang mahalagang tao. Ang katotohanan na halos lahat sa kanila ay kailangang magmakaawa siya para manatili ay lubos na pumayapa sa mayabang niyang ego. Alam niya kung kailan titigil; isa pa, para sa kapakanan ng mga plano sa hinaharap, hindi niya dapat hayagang sagupain ang Xi family.

"Lolo Xi, Auntie, at Uncles, tulad ng sinabi ninyo ay magiging kalabisan naman sa akin na umalis na lamang ng ganoon. Gayunpaman, paano na ang isang junior na tulad ko ang makaabala kina auntie at uncle para samahan ako? Dahil abala si Big Brother Xi, bakit hindi na lamang natin tanungin ang babaeng iyon para samahan ako," Ngumiti si Lin Yun habang tinutukoy si Xinghe.

Mabagal na itinaas ni Xinghe ang kanyang mga mata, nalilito siya kung bakit pilit siyang idinadamay sa kaguluhan nila. Tumiim ang maiitim na mata ni Mubai. Kahit si Lolo Xi ay napatigil ng ilang sandali…

Sinuri ni Lin Yun ang pagbabago ng kanilang ekspresyon at nagbigay ng isang inosenteng ngiti na akala mo ay wala siyang alam. "Ang babaeng ito ay kahawig ng isang matagal ko ng kaibigan, kaya naman gusto ko sanang magkaroon ng oras na kasama siya. Siyempre, sa pagitan nilang dalawa ni Big Brother Xi, walang kaso sa akin kung sino sa kanilang dalawa."

Sinasadya ni Lin Yun na ilagay sila sa alanganing lugar. Dahil hindi naman siya binigyan ng mukha ni Mubai noong una, pupuntiryahin niya ang babae na sa tingin niya ay pinahahalagahan nito. Kung nangahas na namang tanggihan siya ng Xi family, magkakaroon na siya ng sapat na dahilan para hindi na maging mabait pa.

Alam ng buong Xi family na sinasadya silang bigyan nito ng alanganing oras. Kung dati pa ito, walang nangangahas na tratuhin sila ng ganito. Ngunit, kailangan nila ang tulong nito kaya kailangan nilang tanggapin na utus-utusan sila ng isang batang babae.

Ang mukha ni Lolo Xi ay mukhang pagod na pero hindi lumaon ay nagsuhestiyon ito ng seryoso, "Xinghe, dahil mukhang nagustuhan ka ni Xiao Yun, bakit hindi mo siya samahan ng isang araw?"

"Tama iyon, Xinghe. Dahil hindi naman libre si Mubai, bakit hindi mo samahan si Xiao Yun bilang kapalit niya?" Sulsol ni Ginang Xi, ang pahiwatig ay hindi na masasabing hindi halata.

Ito ay ang makakagawa o makakasirang pagkakataon para sa Xi family at sa desperasyon ay kailangan nila ang pakikipagtulungan ni Xinghe.

Si Xinghe ay modelo ng kahinahunan, pinanatili niya ang kalmado niyang hitsura. Gayunpaman, hindi maiwasan ni Mubai na hindi manghamak ng malakas. Itinaas niya ang mga mata para tingnan si Lin Yun. Kahit na nakaupo siya at nakatayo ito, mararamdaman mo na tila mababa ang pagtingin niya dito.

"Miss Lin, marahil ay nagpunta sa iyo ang aming Xi family para humingi ng tulong pero hindi ibig sabihin nito ay may karapatan ka na para utus-utusan kami. Wala kang karapatan para utus-utusan ang mga miyembro ng Xi family, lalo na siya. Kung gusto mong makita ang City T, nandoon ang pintuan. Please."

"Ikaw!" Nanlaki ang mga mata ni Lin Yun sa galit. Ang kanyang mukha ay pulang-pula sa inis. Hindi niya inaasahan na babastusin siya ng harapan ni Xi Mubai! Nangahas ito na paalisin siya!

Alam ni Lolo Xi na mabilis na hindi na maganda ang mga nangyayari. Bago pa siya makapagsalita, agad na sinawata ni Ginang Xi si Mubai, "Mubai paano mo nagawang pagsalitaan ng ganyan si Xiao yun. Xiao Yun, hayaan na natin siya. Halika, sumunod ka kay Auntie dahil may regalo sa iyo si Auntie, isa itong kwintas na gawa sa diyamante na nagkakahalaga ng ilang libong dolyar…"

"Hindi na kailangan!" Tinanggihan ni Lin Yun si Ginang Xi. Galit na pinandilatan niya ang mga ito. "Hindi mo ba naisip na sumosobra na ang Xi Family mo? Inimbitahan ba ninyo ako para insultuhin? Aalis na ako at sasabihin ko sa aking lolo kung paano ninyo ako trinato!"

"Xiao Yun, pakiusap huwag kang magalit…" mabilis na kinonsola ni Ginang Xi ito. Sa kaparehong pagkakataon, binigyan niya ng masamang tingin sina Mubai at Xinghe. Ang dalawang ito ay masyadong mapusok.

Hindi naman sa hindi nito alam kung ano ang sitwasyon ng Xi family. Isang bagay na kung ayaw nilang tumulong pero kailangan pa ba nilang galitin si Lin Yun?

Pinalalala lamang nila ang mga bagay para sa Xi family.

Kahit na gaano pa sinubukang aluhin nila Ginang Xi at Ginoong Xi si Lin Yun, hindi nawawala ang galit nito.

Hindi lamang iyon, ang kanyang pagiging matapobre ay nagsisimula ng lumabas.

"Sige, kung ayaw ninyo akong magalit, kailangan ninyong humingi ng tawad sa akin!" Itinuro ni Lin Yun sina Xinghe at Mubai, at mayabang na iniutos, "Gusto ko ng sinserong paghingi ng tawad mula sa kanilang dalawa. Kung hindi, aalis na ako sa oras na ito at kayong Xi Family na ang bahalang umayos ng problema ninyo ng kayo lang!"