Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 342 - Masyadong Nakakagulat

Chapter 342 - Masyadong Nakakagulat

"Halos lahat ay nahiga para matulog dahil ang operasyon ay masyadong nakakapagod at halos hatinggabi na. Gayunpaman, nang magising sila, kalahati ng mga armas ay nawawala at ang mga naatasang magbantay dito ay walang malay. Ang mas nakakagulat na bagay pa ay wala ni isa sa kanila ang nakarinig ng kahit ano. Sa nakaraang pag-iimbestiga ay itinuturo na ang tubig nila ay may halong gamot na pampatulog."

"Pero bakit ang lahat ng suspetsa ay mapupunta kay Munan, eh mukhang lahat naman sila ay guilty."

Ipinilig ni Mubai ang ulo. "Hindi ganoon ang pangyayari sa militar. Si Munan ang pinuno ng operasyon kaya kailangan niyang akuin ang lahat ng bintang."

"Sa madaling salita, kailangan niyang tanggapin ang paratang kung hindi mahahanap ang mga armas."

"Oo."

"Ano ang konsikuwensiya noon?" Tanong muli ni Xinghe.

Ipinaliwanag ni Mubai sa mababang tinig, "Siguro ay hindi masyadong masama, ang pinakamalala ay suspensiyon mula sa katungkulan. Siyempre, sa tingin ko ay hindi titigil ang salarin doon."

"Layunin nila na wasakin ang Xi family sa isang bagsakan lamang?" Tanong ni Xinghe.

Humahangang nakatingin sa kanya si Mubai. "Ano ang nagpaisip sa iyo ng ganoon?"

Ngumisi si Xinghe. "Hindi ba halata? Kung ang kalaban ay ang Feng family, mararating lamang nila ang ituktok kapag wala na sa landas nila ang Xi family. Isa pa, si Feng Saohuang ay isang taong walang puso, hindi niya bibigyan ang kalaban ng pagkakataong makabawi kung sakaling makabawi ito ng lakas para gumanti."

Tumango si Mubai. "Tama ka, pareho ang iniisip natin dito."

"Ang ibig sabihin nito ay ipipilit nila ang sakdal na ito kay Munan. Habang ang suspensiyon mula sa katungkulan ay hindi seryoso pero ang kriminal na sakdal ay magiging seryoso. Dahil sa mundo ng pulitika, malaki ang nagagawa ng reputasyon. Maaalis sa pulitika ang Xi family kapag napatunayang nakagawa sila ng traydor sa bansa."

"Sumasang-ayon ako."

Ipinagpatuloy ni Xinghe ang kanyang pag-aanalisa. "Kaya naman, siguradong ilalagay nila ang ilang armas sa mga lugar na may kinalaman sa Xi family. May ideya ka ba kung saan ito pupwede?"

Kumislap ang mga mata ni Mubai. "Ang pier ng Xi Empire!"

Ang Xi Empire ay maraming negosyo. Ang mga produkto nito ay nakakarating sa iba't ibang teritoryo. Ang Xi family ay may sariling pier ng kanilang kumpanya at maraming lalagyan ang ipinapadala at idinadaan doon araw-araw. Kung ang mga armas ay madidiskubre doon, ito na ang pinakamainam na ebidensiya ng kriminal na aktibidades. Isa itong 'patayin ang dalawang ibon gamit ang isang bato' na klase ng plano; hindi lamang nito maididiin si Munan, kundi pati na din si Mubai! Mapapabagsak ang Xi family ng isang galawan lamang.

Ikinukunsiderang isang henyo si Mubai pero hindi pa din niya inaasahan ang posibilidad na ito.kailangan pa niya si Xinghe para ipaalala sa kanya!

Kung hindi dahil sa kanya, siguradong ang Xi Family ay malalagay sa alanganin. Kahit si Mubai ay nanginig nang maisip ang pinakamasamang kahihinatnan. Gayunpaman, ang malaking parte niya ay humahanga sa katalinuhan ni Xinghe!

Sa sandaling iyon, ang puso ni Mubai ay puno ng sari-saring emosyon, kailangan niya ng panahon para maisaayos ang mga ito.

Ibinagsak ni Xinghe ang kanyang chopsticks. "Pumunta na tayo sa pier ngayon!"

Tumayo si Mubai para umalis at nagulat siya nang maintindihan niya na intensiyon ni Xinghe na sundan siya.

"Sasama ka din?" Gulat na tanong nito.

"Siyempre, baka kailanganin mo ang tulong ko."

"Hindi puwede, ang kalusugan mo…"

"Ayos na ako." Ang titig ni Xinghe ay hindi umiiwas. "Ang paglaban kay Feng Saohuang ang ating pokus. Kapag hinayaan nating manalo siya dito, ang buhay nating lahat ay manganganib, kaya ang kalusugan ko ay maaaring ipagsawalang-bahala sa ngayon."

Dumilim ang mga mata ni Mubai. Mahigpit niyang ginagap ang mga kamay ni Xinghe at nangako ng mariin, "Nangangako ako na hangga't nasa paligid ako, hindi ko hahayaang may masamang mangyari sa iyo."

Nanginig ang mga mata ni Xinghe at binago nito ang paksa, "Pumunta na tayo sa pier sa ngayon."

"Okay." Hinila na siya ni Mubai at sa oras na ito, hindi pinalis ni Xinghe ang kanyang kamay.

Matapos ang ilang maikling preparasyon, umalis na sila patungo sa pier. Sa kotse, tinawagan na ni Mubai ang mga tauhan niya at nagsimulang magbigay ng mga utos.