Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 313 - Mga Anino sa Dilim

Chapter 313 - Mga Anino sa Dilim

Napatahimik sa pagkagitla si Ye Shen.

"Maliban doon, hindi mo ba naikunsidera ang nakakatakang pagkakataon na ang pareho nating ama ay lumitaw sa City T 30 taon na ang nakakaraan at nawala 12 taon na ang nakalipas? "

"…"

"Kung ano ang mayroon ka ay isa lamang maliit na parte ng isang palaisipan."

Nanlumo ang mukha ni Ye Shen.

Tumawa si Xinghe. "Kaya naman, ang katotohanan ay maaaring hindi tulad ng sinabi mo. Bago hanapin ang lahat ng impormasyon, ang bawat teorya ay isa lamang haka-haka, kabilang na ang sa iyo!"

"Hindi, nagkakamali ka!" Ang mga mata ni Ye Shen ay natuon sa kanya. "Hindi magsisinungaling sa akin si Pops, ginamit na niya ang spaceship and umalis na sa Earth!"

"Ipagpalagay na nating tama ka, maaari ba kayang umalis siya dahil sa ibang dahilan maliban sa pagkagunaw ng mundo? Ang propesiya ng pagkagunaw ng mundo ay hindi na bago at baka may nakuha siyang bagong impormasyon para makumpirma ang katotohanan nito o baka naman tuluyang iba ang dahilan. Gayunpaman, naniniwala ako na may nalaman silang napakahalaga at tutuklasin ko ang pinakadulo nito. Kung gusto mong malaman ang buong katotohanan, dapat ay makipagtulungan ka sa akin, kaya sabihin mo sa akin, nasaan ang enerhiyang kristal mo?"

Misteryosong humagikgik si Ye Shen. "Hindi ko sasabihin sa iyo kahit na ano ang mangyari. Ito na lamang ang nahuhuli kong pamalit, ibibigay ko ito sa iyo kapag dumating na ang katapusan ng mundo. Gusto mo makuha ito ngayon? Imposible."

"Ayaw talaga makipagtulungan?" Ngumisi si Xinghe. "Hindi ako naniniwala sa mga pagkagunaw ng mundo na ito. Kung ayaw mong sabihin sa akin, maghanda ka na manatili dito ng habambuhay."

"Ayos lamang sa akin na manatili pa ng may katagalan dito dahil babalik ka din naman. At hindi lamang iyon, nasa aking mga kamay ang mga enerhiyang kristal na kailangan mo," buong kumpiyansang sabi ni Ye Shen.

Malamig siyang tinitigan ni Xinghe. "Kung ganoon, maghanda ka nang mabulok dito sa buong buhay mo!"

Kung magiging matapat siya, wala talaga siyang intensiyon na palayain ito sa simula pa lamang. Dahil sa hindi nagkasundo sa usapan, tumalikod na siya para umalis. Gayunpaman, sinabihan niya ang mga pulis na ibalik si Ye Shen sa dati nitong kulungan, at iligtas siya sa kapalaran na makihati sa selda ng mga sanay na gumawa ng sodomiya. Binigyan naman siya nito ng ilang impormasyon; nagiging patas lamang siya.

Hindi naman talaga niya alintana na maghitay kay Ye Shen na balang araw ay ibigay sa kanya ang enerhiyang kristal dahil hindi talaga siya naniniwala sa pagkagunaw ng mundo. At, kahit pa totoo ito, hindi ito mangyayari ng agad-agad!

Lingid sa kaalaman ni Xinghe, matapos niyang umalis, ilang misteryosong anino ang patalilis na pumasok sa selda na kinaroroonan ni Ye Shen.

Gumamit sila ng sikretong daanan na nagdala sa kanila kay Ye Shen. Isang nanghihinang Ye Shen ang nakahiga sa kanyang higaan, naghahanda na magpahinga para sa gabing iyon ng marinig niya ang bakal na pintuan ng kanyang selda ay bumubukas. Kasunod niyon ay ang serye ng mabibigat na yabag.

Binuksan niya ang mga mata sa takot ngunit ang kadiliman at ang pagod mula sa naunang interogasyon ang nagpahirap sa kanya kaya kaunting mga anino lamang ang nakita niyang nakatayo sa tabi ng kanyang kama.

"Sino kayo?" napasimangot si Ye Shen at nahihintakutan silang tiningnan.

"Mr. Ye, narinig ko na may hinahanap kang partikular na bagay." Isang lalaki ang nagtanong sa mababang tinig. Walang emosyon sa kanyang mga salita, maliban sa mabigat na pahiwatig ng pagbabanta.

Nahirapan si Ye Shen na intindihin ito at nagpatuloy ang lalaki, "Hawak mo din siguro ang bagay na iyon, nasaan ito?"

"Sino ba kayo?" mabilis na napaupo si Ye Shen, tensiyunado ang buong katawan. Naaamoy na niya ang panganib sa paligid.

"Ang katauhan namin ay hindi importante," Sagot ng lalaki, "Ang tanging kailangan mong sabihin sa amin ay, nasaan ang bagay na iyon?"

"Ano'ng bagay?"

"Mukhang ayaw mong makipagtulungan." Sa sandaling tinapos ng lalaki ang kanyang sinasabi, nakaramdam si Ye Shen ng mala-telang bagay na sumasakal sa kanyang leeg mula sa likuran!

Nanlaki ang mga mata ni Ye Shen sa pagkabigla at nagsimulang magpupumiglas, pero masyado siyang mahina.

Lalong humigpit ang pananakal sa kanyang lalamunan at numinipis na ang hangin. Ang mukha ni Ye Shen ay nagbago mula sa pagiging pula hanggang sa maging kulay ube.

Related Books

Popular novel hashtag