"Dapat ba kitang kampihan matapos mong pagtangkaan ang buhay ni Xinghe?" Masungit na tanong ni Mubai.
Napatakip ng bibig si Tianxin. Ang mukha niya ay kakikitaan ng pagkagulat, trauma at iba pang emosyon.
Ano ang sinabi niya? Paano niya nalaman…
Malayang dumaloy ang mga luha sa mukha ni Tianxin. Tumili ito na tulad ng sugatang hayop kay Mubai, "Xi Mubai, paano mo ako naakusahan ng ganyang bagay?! Hindi pa ba sapat na ipinalit mo ang pagmamahal ko sa iyo para sa b*tch na ito at ngayon ay kinakampihan mo siya para akusahan ako? Wala na bang saysay ang mga taong magkasama tayo?"
Ngumisi si Mubai at nagtanong, "Anong mga taong magkasama? Wala namang naging relasyon sa pagitan nating dalawa."
Napaatras si Tianxin na para bang tinamaan siya ng isang sampal. "Wala? Hindi ako naniniwala sa iyo, hindi ako naniniwala na kahit kailan ay hindi ka nagkaroon ng interes sa akin; hindi ako maniniwala!"
"Hindi ka karapat-dapat sa interes ko," walang pusong dagdag ni Mubai.
Isa na namang dagok ito sa puso ni Tianxin. Ang lakas ng loob niyang sabihin na hindi ako karapat-dapat…
"Haha. Kung hindi ako karapat-dapat, huwag mong sabihin sa akin na siya ang karapat-dapat!" Itinuro ni Tianxin ang daliri na nag-aakusa kay Xinghe. "Mas mababa siya kaysa sa akin sa kahit anong aspeto, bakit siya naging karapat-dapat habang ako ay hindi? Ipaliwanag mo ito sa akin!"
"Chu Tianxin, huwag mong baguhin ang paksa," pabastos na sabat ni Xinghe sa kanya. "Marami pa akong regalo sa iyo na kailangan mong tanggapin.
Tumuwid ng tayo si Tianxin at ang tingin na napako kay Xinghe ay nabahiran ng nakakatakot na kabaliwan.
Tila ba isang demonyo ang nakatingin sa kanya mula sa kailaliman ng impyerno…
"Bakit kailangan kong tanggapin ang mga regalo mo? Sino ka ba? Xia Xinghe, binabalaan kita, lumayas ka sa bahay ko o tatawagin ko ang mga pulis!" Malamig na banta ni Tianxin. Dahil hindi na gumagana ang pagmamakaawa niya kay Mubai, pagod na siyang magkunwari.
Tinapunan siya ni Xinghe ng isa sa mga matatalim nitong titig. "Bakit kailangan mong tanggapin ang mga regalo? Simple lang, dahil sa iyo ang lahat ng mga ito sa simula pa lamang!"
"Ano'ng akin? Huwag mo akong akusahan dahil lang sa gusto mo!" Mukhang may tinamaan si Xinghe kung kaya't parang baliw na sumigaw sa kanya si Tianxin.
Ngumisi si Xinghe, "Ikaw mismo ang may alam kung akusasyon ito o hindi. Gayunpaman, dapat ay pagtuunan mo ng atensiyon ang mga kondisyon ng mga regalo. Nagpakahirap ako para ayusan sila ng ganito."
"…"
Nagpatuloy si Xinghe, "Ang isang ito ay namatay sa matinding sakit matapos ko itong bulagin ng saksakin ko ng matalim na bubog sa mga mata. Ang totoo nga niyan, gusto kitang pasalamatan sa pagreregalo mo sa akin ng dalawang hayop na ito dahil ang bawat saksak sa mga mata nito ay magandang pang-alis ng stress. Naririnig ko pa din ang nahihirapang ungol nito ngayon. Sana ay naroroon ka para marinig ito."
"Tumigil ka na!" Galit na putol sa kanya ni Ginang Chu, nagpatuloy ito sa nanginginig na boses, "Nababaliw ka na! Tumawag na kayo ng pulis at ipaaresto ang baliw na b*tch na ito!"
Balewalang ngumiti si Xinghe, hindi alintana ang insulto. "Ginang Chu, tama ka. Pero hindi lamang ako ang lumalaban sa apoy gamit ang apoy," sumulyap siya kay Chu Tianxin at idinagdag na, "Dahil ang anak mo ang pinakabaliw sa lahat!"
"Ikaw…" Galit na galit si Ginang Chu. "Xia Xinghe, you b*tch, mag-ingat ka sa mga sinasabi mo!"
"Umalis na kayo ngayon!" Galit na bulyaw ni Ginoong Chu. Napuno na siya, "Ang sinumang hindi gagalaw, ako na mismo ang kakaladkad palabas sa kanila!"
Nagsimula na siyang humakbang palapit sa kanila at mabalasik silang tinitigan na tila handa itong patayin sila anumang oras.
Ang mga mukha nina Xinghe at Mubai ay kasingpayapa ng ibabaw ng malalim na sapa.
Sa kabaliktaran ng Chu Family, ang hitsura nila ay puno ng kumpiyansa at mapayapa, na tila ba ang lahat ay nahuhulog sa kanilang plano.