Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 238 - Nanganganib na Kapalaran

Chapter 238 - Nanganganib na Kapalaran

Iniisip nila na susuntukin ni Xinghe ang sarili kapag nabigo ang plano nito.

Sa kanilang pagkabigo, tumalikod lamang si Xinghe at naglakad palayo ng walang imik.

Gayunpaman, hindi siya umalis. Tumigil ito sa harap ng isang mahabang upuan at nanatili itong nakaupo doon.

Tila ba naghihintay ito na matapos ang operasyon…

Ang grupo ng mga taong ito ay nagsimula ng magsalita ng mga hindi magandang bagay tungkol sa kanya dahil sa nakitang kawalan ng hiya niya.

Salamat na lamang at malayo si Xinghe sa mga iyon kaya wala siyang naririnig. Pero kahit na may marinig pa siya, siguradong hindi rin naman ito eepekto.

Ngunit hindi naman ito masasabi kay Xia Zhi.

Naiinis siya sa mga mapangutyang tingin na patuloy na ibinabato sa kanila.

"Ate, sumosobra na ang mga taong ito. Paano nila nagawang hindi ka paniwalaan at piliing maniwala sa sinungaling na magnanakaw na 'yon? Isang grupo ng mga tangang bulag!" Reklamo ni Xia Zhi na nakatayo sa kanyang harap.

"Miss Xia, may iba ka pa bang plano? Wala ka na bang ibang paraan para maipakita ang ebidensiya ng kainosentehan mo?" Napupuno na din sa inis si Luo Jun.

Sa kabaliktaran, kalmado pa din si Xinghe.

"Huwag kayong mag-alala, nahuhulaan ko na itong mangyayari," pag-alo niya sa mga ito.

Nagulat si Xia Xi. "Ate, nahulaan mo na ito? Kung ganoon, bakit nandito pa tayo para magdusa? Humanap na tayo ng abogado at idemanda si Yun Ruobing!"

Mabait na ngumiti si Xinghe. "Pero tama sila. Wala akong maipapakitang pruweba. Siguradong hindi naman siya ilalaglag ni Ee Chen."

Kung sasabihin ang totoo, si Ee Chen ang kakutsaba ni Ruobing sa pagtulong dito na nakawin ang disenyo niya. Ang pagbunyag nito dito ay mangangahulugang madadamay ito.

Kaya ito marahil ang dahilan kung bakit buo ang tiwala ni Ruobong na hindi masisira ang plano nito.

"Pero ano ang magagawa natin? Maupo na lamang, manahimik at makita na kinukuha ni Yun Ruobing ang lahat ng karangalan na dapat ay sa iyo? Hindi ko na matagalan pa 'yung mayabang niyang mukha!"

"Huwag mag-alala," kalmadong sambit ni Xinghe, "Ang pruweba ay malapit na ding lumabas."

Masayang nasorpresa sina Xia Zhi at Luo Jun.

"Ate, ano ang ibig mong sabihin diyan? Ano'ng pruweba?"

"Ang produktong may depekto mismo ang pruweba."

Ang sagot na iyon ay hindi nanggaling kay Xinghe pero kay Mubai na naglalakad papunta sa kanila.

Nalilitong nagkatinginan sina Xia Zhi at Jun Luo sa biglaan nitong pagdating at pagsagot. Nahihirapan silang intindihin ang ibig nitong sabihin.

Hindi na nagpaliwanag si Mubai, imbes ay tinitigan niya ng mariin si Xinghe bago idinagdag na, "Gusto kong makipag-usap ng sarilinan si Xinghe."

Bago pa ito naghintay ng sagot sa dalawa, naupo na ito sa tabi ni Xinghe at pabulong na nagtanong, "Tama ba ako?"

Lumingon si Xinghe para tingnan ito bago tumango, "Tama ka."

"Ano ang magiging resulta?"

"Hindi naman buwis-buhay, kaunting sakit lang sa laman."

"Wala kang intensiyon na pigilan ito?"

"Itatanong ko din sa iyo ang parehong bagay."

Kumurba ang mga labi ni Mubai para ngumiti. "May mga klase ng tao na kailangan ng isang malakas na sampal sa mukha bago nila makita ng malinaw ang katotohanan. Maliban doon, ang hindi pagpigil dito ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon na makita ang tunay na ikaw at magamot ang kanilang panghuhusga."

"Hindi ko ito ginagawa para mabago ang pagtingin nila sa akin." Ginagawa ko ito para sa anak ko.

Naintindihan agad ni Mubai ang mga salitang hindi na nabigkas. Bahagyang kumislap ang maiitim niyang mga mata bago nagpatuloy, "Oo, hindi mo kailangang gumawa pa ng kahit ano para lamang mapalapit sa kanila. Ang pamumuhay ng pakunwari ay nakakasakit lang. gamitin mo ang talento mo para mapahanga silang lahat at mamahalin ka nila kung sino ka talaga at hindi sa kung paano ka umakto."

Ito ang dahilan kung bakit na-inlove ako sa iyo.

Minahal ko kung gaano ka katotoo at ang puno ng tiwala na dalhin ang sarili mo; ang malahari mong presensiya na nagsasabi ng katotohanan na ikaw ang may kontrol ng sarili mong kapalaran.

Ang kumpiyansa mo sa sarili at ang talento sa likod niyon, ay nakakasilaw sa kagandahan.

Pero ang higit sa lahat, mahal kita dahil, Xia Xinghe, ikaw ay nag-iisa. Ikaw ay walang katulad at hindi mapapalitan.

Inamin ito ni Mubai sa kanyang puso dahil alam niya na hindi naniniwala agad si Xinghe sa mga pagpapahayag ng pag-ibig at ang tiyempo ay hindi tama.