Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 239 - Plano Mo? Anong plano?

Chapter 239 - Plano Mo? Anong plano?

Lubos siyang naniniwala na pagkatapos ng insidenteng ito ay magbabago ang pagtingin ng pamilya niya kay Xinghe.

Mababaliktad ni Xinghe ang pagtingin ng mga ito sa kanya. Gagamitin nito ang kakayahan niya para ipakita na ang babaeng walang nagagawa ay isa na lamang ala-ala sa nakaraan.

Wala ng hahamak pa sa kanyang muli.

Matitigil na ang panghahamak at mga reklamo ng mga ito sa kanya.

Ngunit, gaya ng nabanggit dati, ang lahat ng ito ay hindi ang layunin ni Xinghe. Ang tanging dahilan kung bakit ginawa niya ang lahat ng ito ay para makuha ang kustodiya ng kanyang anak.

Lumingon si Mubai para salubungin ang mga mata ng mga taong matalim na tumititig kay Xinghe at naawa siya para sa mga ito.

Akala nila ay makakakuha sila ng salita mula kay Xinghe gamit ang mga nanghahamak nilang tingin at masasakit na salita, pero sa katotohanan, wala namang pakialam si Xinghe sa mga ito. Umiling si Mubai sa kayabangan ng mga ito.

Gayunpaman, ang pinaka nakakalungkot ay ang pinakamayabang ay ang kanyang ina.

"Mubai, halika rito; may gusto akong pag-usapan natin," tawag ng ina niya, naiinis na makitang nakaupo siya malapit kay Xinghe.

Si Tianxin na nakatayo sa tabi ng ina niya ay sumimangot sa pagkakalapit niya kay Xinghe.

Ibinalik ni Mubai ang tingin kay Xinghe. "Babalik lang ako doon. Ikinalulungkot ko na kailangan mo pang pagdaanan ang abalang ito. Susubukan kong tumulong sa anumang paraang kaya ko," hinging-tawad niya habang tumatayo.

Tinapunan siya ni Xinghe ng nalilitong tingin. "Pero hindi ko nararamdamang naaabala ako."

Hindi maiwasan ni Mubai na hindi tumawa. "Tama, hindi nga. Pero ganun pa man, sa tingin ko ay kailangan ko pa ding humingi ng tawad."

Alam niyang wala itong pakialam kung paano nila ito tingnan kaya naman ang mga nanghahamak na insulto at galit na tingin ay hindi ito natitinag.

Pero nasasaktan pa din ang puso niya habang nakikita niyang minamaltrato ito tulad nito…

Saka, alam din niya na hindi nito gugustuhin na kumilos siya para sa kapakanan nito kaya ang tanging magagawa lamang niya ay lumayo, para hindi na ito tapunan pa ng tingin ng kanyang ina at dating katipan.

Mariin siyang tiningnan ni Mubai bago ito umalis. "Mamaya na lang kita kakausapin."

Sa sandaling umalis ito, bumalik si Xia Zhi sa tabi ni Xinghe. Siniko siya nito at nagtanong, "Ate, ano ba ang pinag-uusapan ninyong dalawa? Hindi ko maintindihan ang kahit ano doon."

Nalilitong tinitigan siya ni Xinghe. "Kahit isang salita?"

"Ate, tigilan mo na nga akong tingnan ng ganyan, alam mong ang IQ ko ay pang normal na tao lang, kaya natural na hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa…" nagtatampong reklamo ni Xia Zhi, na ngumuso pa na parang bata.

Ngumiti si Xinghe sa kilos nito. "Wala naman kaming masyadong pinag-usapan, pero nakita niya kung ano ang plano ko."

"Plano mo? Anong plano? Bakit wala akong ideya na may plano pala?" Medyo naluluha ng isa o dalawa si Xia Zhi, sigurado na siya na ang IQ niya ay talagang pang normal na tao lamang.

Lumingon si Xinghe para salubungin ang mayabang na tingin at tiwalang ngiti ni Ruobing. Ngumisi si Xinghe at nagsalita sa mahinang tinig, "Sa isang salita, ang plano ay mailalarawan sa: kapag matayog ang lipad, malakas ang pagbagsak!"

Sinundan ni Xia Zhi ang tingin ng kapatid para makita si Ruobing na nagyayabang sa kanila. Sa oras na iyon, mukhang naintindihan na din niya ang plano ng kanyang kapatid.

Ang plano ni Xinghe ay napakasimple lamang. Ito ay ang gumawa pa ng mas madaming papuri sa produkto kay Ruobing.

Mas mataas na suporta nila kay Ruobing, mas mabilis ang kanilang pagtalikod dito kapag lumabas na ang katotohanan. Mas mataas na pag-asa, mas malaki ang kabiguan, at ang emosyon ng mga tao minsan ay napakadaling manipulahin.

Puwede naman niyang ituro ang mga kamalian sa disenyo ni Ruobing, at pahangain ang mga ito gamit ang kanyang kakayahan, para ipakita na ang disenyo ay talagang kanya.

Pero magiging masyadong madali na makakalusot si Yun Ruobing. Dahil hindi naman ito nagpapakita ng anumang pagsisisi, nagpasya si Xinghe na huwag nang maging mabait pa dito.

Mapapatawad pa nila si Ruobing kung itinuro ni Xinghe ang mga pagkukulang nito sa simula dahil walang masasaktan sa puntong iyon. Pero kapag nasira na ang depektibong produkto, haharapin ni Ruobing ang galit ng buong Xi clan. Hindi na ito makakaligtas pa gamit ang paghingi lamang ng tawad.