Natural lamang na maramdaman ni Xinghe ang titig nito sa kanya.
Muli ay itinaas niya ang kanyang tingin para salubungin ang mga mata nito. Nagtanong siya, "Hindi ba't sinabi mong nagugutom ka?"
"…" Hindi sumagot si Mubai, tumitig lamang ito ng tahimik sa kanya.
"Kung ganoon, dahil wala naman sa atin ang gutom, trabaho ang pag-usapan natin." Ibinaba niya ang kubyertos at nagpatuloy, "Sabihin mo sa akin, ano ang iyong solusyon?"
"Gusto mo lang makipag-usap sa akin kung may kaugnayan ito sa trabaho?" Bulalas ni Mubai, marahil ay dahil sa iritasyon na hindi siya pinapansin sa buong gabing iyon.
Ang ekspresyon ni Xinghe ay hindi nagbago habang sumasagot ito, "Siyempre, hindi ba't lagi namang ganito sa pagitan nating dalawa?"
"…" Tama siya.
Natawa si Mubai sa kanyang sarili. "Tama ka. Totoo naman na bibihira tayong nagpalitan ng ilang salita habang kasal pa tayo. Ang relasyon nating dalawa ay nanatiling propesyunal at malayo."
"Natutuwa ako at nakita mo iyon sa paraang nakita ko."
"Kung alam ko lamang, sana ay trinato kita ng mas mabuti. Patawarin mo ako!" Biglang pag-amin ni Mubai.
Sa wakas ay nagawa niyang mabasag ang kahinahunan ni Xinghe, ngunit hindi gaano. Bahagyang nasorpresa si Xinghe sa kanyang paghingi ng tawad, hindi talaga niya ito inaasahan. Nakita niya ang sinseridad sa pares ng mga mata na patuloy na nakatitig sa kanya.
"Xia Xinghe, nagsisisi ka ba na pinakasalan mo ako?"
"Walang lugar ang pagsisisi sa buhay ko," matapat na sagot ni Xinghe.
Ang pagsisisi ay isa lamang pasanin na nagpapabigat ng buhay niya. Ang buhay ay patuloy na umaabante. Wala nang saysay ang pagsisihan ang mga bagay na nangyari sa nakaraan dahil naniniwala si Xinghe na palagi ay pupwedeng magamit ang kasalukuyan at ang hinaharap para ayusin ito.
Bahagyang tumango si Mubai dahil naintindihan niya ang ibig niyang sabihin. "Ako din ay nabubuhay ng walang pagsisisi, pero ngayon, nalaman ko na may pinagsisisihan pala akong bagay…"
Pagsisisi na hindi niya agad nakilala ang tunay na siya ng mas maaga. Pagsisisi na nagkatagpo silang dalawa sa maling oras.
Isa itong kaso ng tamang lugar, tamang tao, pero maling panahon…
Kung nalaman lamang niya ang tunay na sarili nito sa simula pa lamang, marahil ay malaki ang ipinagkaiba ng mga bagay…
Alas, hindi pwedeng ulitin sa simula muli ang buhay.
Ang mga kaisipang ito ang nagpatiim ng titig ni Mubai.
Hindi niya maiwasan na magtanong, "Kung pinayagan tayong magsimula ulit at ito ang una nating pagkikita, ang impresyon mo ba sa akin ay maiiba kaysa sa ngayon?"
Napagdesisyunan niyang pagbigyan ito sa laro ng haka-haka. Inamin niya sa sarili na marahil ay may paghanga siya sa lalaki na kahanga-hanga tulad nito.
Gayunpaman…
"Imposible ito sa pagitan natin."
Nilukuban ng kalungkutan ang mga mata ni Mubai ngunit ang tono ni Xinghe ay lalong lumamig habang idinadagdag nito na, "Imposible habambuhay!"
Tumayo na si Xinghe at sinabi, "Tingin ko ay kailangan ko ng umalis."
Wala ng iba pang dapat sabihin.
Tumalikod na si Xinghe para umalis. Makikita ang determinasyon sa kanyang mga yabag.
Marubdob na tinitigan ni Mubai ang kanyang likuran at napakuyom ng mahigpit ang kanyang mga kamay.
Mabilis siyang lumukso mula sa pagkakaupo para habulin ito. Narinig ni Xinghe na bumukas ang pintuan sa kanyang likuran at naramdaman ang lamig ng air-conditioning mula sa loob na humagod sa kanyang balat. Ang sumunod na nalaman niya, ay nahila siya para mayakap ng mahigpit mula sa likuran!
Ang biglaang pisikal na paglalapat ang hindi nagpakali sa kanya…
Mahigpit siyang niyakap ni Mubai, hindi siya binigyan pa ng pagkakataong makapumiglas at makaalis sa pagkakayap nito.
Bago pa siya makapagsalita ng kahit ano, narinig niya mula sa kanyang likuran, "Minsan lang, pagbigyan mo na ang kasakiman ko; gusto lang kitang yakapin!"
Nagpaubaya si Xinghe. Tumayo siya na yakap nito ng walang imik at hindi gumagalaw.
Ang sakit at kawalan ng magagawa ang pumipilipit sa kanyang puso.
Mas nanaisin pa niyang magpumiglas ito o magalit sa kanya, kahit ano maliban sa walang emosyon…
Sa unang pagkakataon sa buhay niya, naunawaan na ni Mubai ang pakiramdam ng masaktan ang damdamin.
Ilang sandali pa, lumuwag na ang kanyang pagkakahawag. Wala na siyang magagawa pa, nawawala ang kanyang lakas sa harap nito.