"Pumunta ka sa lab bukas. Sinisiguro ko sa iyo, wala ng manggugulo pa sa iyo," Binitiwan na niya ito at mataimtim na ipinaalam na, "Susubukan kong lumayo muna sa iyo sa mga panahong ito para hindi ako makagambala sa iyo pero umaasa ako na sana ay pag-aralan mong muli ang bagay… sa pagitan natin. Sa alinmang paraan, binabalaan na kita na hindi ako agad na susuko."
Humarap si Xinghe para tingnan ito. Nakita niya ang iba't ibang mga emosyon sa mga mata nito.
Ayaw na ayaw niyang makikita ang mga ito doon dahil hindi niya alam pakitunguhan ang mga kumplikadong emosyon…
Ito ang kanyang kahinaan.
Mas pinili ni Xinghe ang umiwas. Umalis siya ng walang sinasabi na kahit isang salita.
Bago pa siya maka-isang hakbang, naramdaman niyang may humatak sa kanyang pulsuhan. Umikot siya para batuhin si Mubai ng isang naguguluhang tingin. "May iba pa ba?"
Naging normal ang tingin ni Mubai. Na tila ba hindi nangyari ang pag-amin nito.
Nag-utos ito, "Pumasok ka na sa kotse, ihahatid na kita pauwi."
"Hindi na kinakailangan…"
Hindi na niya ito binigyan pa ng pagkakataong tanggihan siya dahil inalalayan na niya ito patungo sa kanyang kotse. Pagod ng tumutol si Xinghe. Pumayag na ito na ipasok siya sa kotse. Ayaw na nitong sayangin pa ang enerhiya niya sa paghamon dito sa mga kalokohang tulad nito.
Mabilis na lumulan si Mubai sa kotse matapos niya at ang mamahaling kotse ay agad na umalis sa restaurant…
Ni wala sa kanila ang nakaalam na si Tianxin ay nakatitig sa kanila na nakatago sa isang sulok sa gusali ng restaurant.
Hindi makapaniwalang tumitig siya sa papalayong kotse, ang kanyang mga mata ay hindi makapaniwala at punung-puno ng takot.
Palihim na sinusundan ni Tianxin si Mubai, umaasa na maantig niya ang damdamin nito dahil sa pagpupursige niya at tanggapin siyang muli.
Sa halip, ang nakita niya ay nagpapatid ng kanyang pasensiya.
Nasa labas siya ng bintana at nanonood habang naghahapunan sina Mubai at Xinghe.
At naroroon siyang muli ng ang dalawa ay naghahatakan at naghihilahan sa may entrance.
Ang bawat pisikal na pagdadaiti ng kanilang katawan ay isang dagok sa kanyang puso ngunit ang pinakamalala sa lahat ay ang tingin sa mga mata ni Mubai.
Nakita niya doon ang pag-aalala, pagmamahal, pagnanasa at pag-aaruga para kay Xinghe!
Ang lahat ng bagay na minimithi niya sa bawat araw at gabi pero hindi niya nakuha…
Ngayon, ibinigay niyang lahat ng ito kay Xia Xinghe!
Matapos ang lahat ng pagpupunyagi niya at hindi man lamang siya nakakuha ng pagtingin mula kay Mubai. Hindi naman sinubukang magpakita ni Xia Xinghe ngunit nagawa pa niyang mapaibig si Mubai sa kanya.
Pero Diyos ko, hindi ba at sinabi mo na akin siya…
Sandali, isa itong pagsubok, hindi ba?! Alam ko na ang pabuya na kasing halaga tulad ni Mubai ay hindi madali kaya mayroong isang pagsubok!
Oo, dapat nga sigurong mawala ang bwisit na si Xia Xinghe. Oo, dahil lahat ay nasira ng muli itong magpakita!
Isa siyang makasalanan na sumira sa mga utos mo at ang mga makakasalanan ay dapat na habulin ng mga aso sa impyerno! Kinuha niya ang lahat ng dapat na sa akin kaya dapat ay mawala siya sa landas ko para maibalik sa akin ang lahat ng kinuha niya!
Ang inggit na nasasamahan ng maalab na kabaliwan ang nagsusumiklab sa mga mata ni Tianxin.
…
Ang biyahe pabalik sa Purple Jade Villas ay nagtapos sa katahimikan.
Matapos lisanin ang kanyang kotse, mabilis na bumalik si Xinghe sa bahay nito. Naghintay si Mubai hanggang sa mawala ito sa kanyang paningin bago niya inutusan ang kanyang driver na umalis.
Ang destinasyon niya ay hindi ang bahay niya kung hindi ang old family mansion ng Xi Family.
Pumunta doon si Mubai para ipaalam sa kanyang lola na ibinibigay niya kay Xinghe ang singkwenta porsyento ng mga shares ng lab.
Maiintindihan na nagalit si Old Madam Xi. "Kailan mo pa kinalinga ang bwisit na babaeng iyon? Natapos na ni Ruobing ang disenyo, kaya ang serbisyo ng dati mong asawa ay hindi na kailangan. Bakit ba ginagalit mo pa ang lola mo sa mga walang kwentang bagay na ito?"
Si Ruobing na nakaupo sa kanyang tabi ay nabigla din.
Hindi niya inaasahan na ibibigay ni Mubai kay Xia Xinghe ang singkwenta porsyento ng mga shares ng lab!
Ibinibigay nito ang lahat ng shares na nasa kanyang pangangalaga…
Wala ng makakapagtaboy pa kay Xinghe kung nasa kanya na ang singkwenta porsyento ng mga share ng lab dahil ang kalahati ng lugar na iyon ay pag-aari na nito.
"Mubai, bakit mo ba ginagawa ito kung ang totoo ay natapos ko na ang disenyo? Ano pa ang punto? Gamit ang kumpleto kong disenyo, hindi na siya kailangan pa sa lab," simangot ni Ruobing habang sinasabi ito.
Nagbigay ng nagbababalang titig si Mubai sa kanya bago nagsabi, "Ang pagtatapos ng disenyo at ang paggawa ng produkto ng matagumpay ay dalawang magkaibang bagay. Dahil hindi pa naman siya natatalo, hindi ko ititigil ang suporta ko kay Xinghe."