Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 205 - Labas Na, Kayong Tatlo! (Ang Pagtatapos ng Lab Arc)

Chapter 205 - Labas Na, Kayong Tatlo! (Ang Pagtatapos ng Lab Arc)

"Ganoon kahusay ang kanyang computer skills?" May mausisang nagtanong sa madla.

"Pinag-uusapan na rin lamang ang Hacker Competition, narinig ko ang mga usapan na isang babae nga ang nanalo dito, tinalo niya ang lahat ng hacker at nadurog ang lahat ng kanyang kakumpetisyon."

"Siya nga ba talaga iyon?"

"Siya na marahil iyon!"

Bigla, ang paraan ng pagtingin ng madla kay Xinghe ay nagbago.

Noong una, makikita pa na may paghamak sa kanilang mga tingin pero ngayon ang makikita ay paghanga.

Hindi lamang sobrang galing ni Xinghe sa math pero mahusay din siya sa computer.

Sa bandang huli, ang lab ay isang institusyon ng karunungan. Lahat sila ay pinahahalagahan ang karunungan at katalinuhan sa lahat. Si Xinghe ay parehong nagtataglay ng kagandahan at katalinuhan. Ang paghanga ay may kasamang respeto at hindi inggit.

Ang mukha ni Ruobing ay pulang-pula sa galit.

Kinuyom niya ng mahigpit ang kanyang mga kamay, galit na galit kaya hindi siya makapagsalita.

Pero ano pa nga ba ang masasabi niya sa oras na ito? Anong klaseng pagsusulit pa ang pupwede niyang ibato kay Xinghe?

Ang pakikipagpaligsahan kay Xinghe ng siya mismo ay mag-iimbita lamang ng pagkapahiya sa publiko!

Walang paraan na hahayaan niya ang sarili na mapunta sa ganoon pero sa kabilang banda, hindi niya maaaring hayaan na lamang na sirain ni Xinghe ang dekada ng pagsusumikap niya sa trabaho sa lab.

Ang bawat resulta ay hindi niya mapapayagan.

Kung alam lamang niya na mahirap harapin si Xinghe, nakaisip na sana siya ng iba pang plano para pakibagayan ito.

Alas, huli na ang lahat…

"Yun Ruobing, nakapag-isip ka na ba o hindi pa?" Walang pasensiyang tanong ni Xinghe, "Kung masyado kang naduduwag para harapin ako ng personal, alam mo na kung ano ang kahihinatnan nito!"

Kayong tatlo, mag-empake na ng mga bag ninyo at umalis!

Agad na namutla ang mukha ni Ruobing, gayun din ang dalawa niyang alalay.

Ito na ba talaga ang katapusan?

Mabilis na kakalat ang balita na nasipa sila sa lugar. Walang kilalang lab ang gugustuhing kuhanin pa sila.

Gayunpaman, makakaya ba nilang maging ganoon kakapal ang mukha para manatili?

Nangangailangan iyon ng sinserong paghingi ng tawad kay Xinghe at sumunod dito ng isang buwan. Alam ni Ruobing na hindi niya makakaya ang pahirap na iyon!

Mas humigpit ang pagkuyom niya ng kanyang mga kamao at galit na pinandilatan si Xinghe. "Xia Xinghe, hindi ba't sumosobra ka na. Ang gusto ko lamang ay isang friendly competition pero nilalayon mo na mapaalis ako? Napakaitim ng puso mo! Pero sige, ngayon ay nanalo ang kasaman! Aalis ako! Pero huwag mong isipin na ang nanalo ka, dahil hindi ka makagagawa ng perpektong artificial limb technology sa isang buwan! Isang buwan mula ngayon, mararanasan mo ang parehong kapalaran na dinanas ko ngayon!"

Tama siya. Kailangan lamang niyang maging pasensiyoso sa loob ng isang buong buwan.

Matapos noon, kailangang umalis ni Xinghe ng lab sa labis na kahihiyan kasunod ng pagkabigo sa kanyang proyekto. Sa bandang huli, babalik pa din siya isang araw para pamunuan ang lugar.

Gagantihan ko na lamang ang b*tch na ito doon!

Natapos na ni Ruobing ang kanyang sasabihin at tumalikod na para umalis.

"Mukhang planado mo na walang hiyang bumalik dito matapos ang isang buwan," dagdag ni Xinghe ng may ngiti.

Natigilan sa ere ang paghakbang ni Ruobing at ang katawan niya ay nanginginig sa pagkapahiya at galit sa hayagang pagkakabuko ng kanyang plano.

Tinalasan ni Xinghe ang tono niya para sabihin na, "Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo pero mangyayari lamang ito sa panaginip mo!"

Hindi na kakailanganin ng lab ang kanyang serbisyo matapos ang buwan na ito!

Kinolekta ni Ruobing ang kanyang sarili, umikot para harapin siya at nilibak ang kaaway niya, "Sa tingin mo ang proyekto mo ay magtatagumpay? Kung ganoon, makikita natin kung sino talaga ang nabubuhay sa mundo ng panaginip!"

"Ayos lamang iyon sa akin at oo nga pala, huwag mong hayaang tamaan ng pintuan ang puwit mo sa paglabas mo," ganti ni Xinghe sa paraang walang pakialam, pero lalo lamang nitong ginalit si Ruobing.

Ang plano ni Ruobing na lisanin ang lugar ng may kaunting natitirang dignidad na mayroon siya ay nasira at pumadyak siya palabas sa lab ng may ekspresyon sa galit sa mukha. Kung titignan ang epekto, tila ba umalis siya sa lugar na iyon na nakatago ang buntot sa pagitan ng kanyang mga hita…