Agad na nagyelo ang ere sa silid sa tanong ni Xinghe.
Pero sa sumunod na pagkakataon…
Ang dalawang lalaking kasama ni Ruobing ay agad na tumawa ng walang kontrol.
Tinutuya nila si Xinghe.
"Ano ang sinabi niya? Sumunod sa utos niya? Gusto niyang sumunod tayo sa mga utos niya?"
"Iniisip talaga niya na lahat tayo, pati na si Leader Yun, na sumunod sa mga utos niya," humarap na ang lalaki kay Xinghe habang tumatawa. "Nababaliw ka na siguro dahil lahat dito ay kailangang sumunod sa utos ni Leader Yun at kasama ka na doon!"
Kahit si Ruobing ay nagsimula ng tumawa, at pauyam niyang tinanong si Xinghe, "Huwag mong sabihin sa akin na sineryoso mong inisip na ikaw ang boss ng lab na ito dahil lamang sa itinalaga ka dito ni Mubai."
Deretsong sumagot si Xinghe, "Syempre, dahil iyon ang sinabi niya."
Literal na sinabi sa kanya ni Mubai na, malaya siyang gamitin ang kahit ano at lahat ng materyales na nandoon.
Inulit pa nito ang sarili ng higit sa isang beses.
Dahil sa mapagbigay naman ito, walang nakikitang rason si Xinghe para tanggihan ang alok nito.
Tumawa si Ruobing, ang tono nito ay kakikitaan ng panghahamak. "Masyadong mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Akala mo ba ay ikaw pa din ang manugang ng Xi Family? Natapos na iyon tatlong taon na ang nakakaraan ng piliin mo ang diborsyo. Wala ni isa sa Xi Family ang itinuturing na bahagi ka pa ng pamilya kaya tingnan mong maigi ang sarili mo. Huwag kang magmalaki na akala mo ay pag-aari mo ang lugar na ito! Ngayong sinuway mo ang mga patakaran, kailangan mong pagbayaran ang konsikwensiya at umalis dito. Kapag makapal pa din ang mukha mong manatili dito, tatawagin ko ang mga guwardiya para ipatapon ka palabas!"
"Luo Jun—" biglang tawag ni Xinghe sa pintuan.
Si Luo Jun na nagdadalawang-isip kung papasok, ay nagmamadaling pumasok sa silid ng marinig niyang tinawag ang kanyang pangalan.
"Miss Xia, paano kita matutulungan?" Magalang niyang tanong.
Sinabi ni Xinghe, "Sabihin mo sa kanila kung sino ako at ano ang tungkulin ko dito."
"Opo!" Humarap si Luo Jun kay Ruobing at matapat na sinabi, "Leader Yun, si Miss Xia ay naririto sa personal na kahilingan ni Ceo Xi at partikular niyang binanggit na si Miss Xia ay magkakaroon ng buong kontrol sa lab na ito sa mga panahong ito. Ang lahat ay kailangang sumunod sa utos niya. Si Miss Xia ay may karapatang gumamit ng lahat ng kagamitan at impormasyon. Wala sinuman ang maaaring tumutol."
Ang matagumpay na ngiti ni Ruobing ay nanigas sa kanyang mukha. "Ano ang sinabi mo?!"
Maging ang dalawang inhinyero ay natigilan din.
Inulit ni Luo Jun ang kanyang mga sinabi, at idinagdag pa para ipagdiinan na, "Iyon ang mga eksaktong sinabi ni CEO Xi sa akin."
"Imposible, ako ang pinuno dito!" Hindi makapaniwalang pakikipagtalo ni Ruobing.
Alam niyang itinalaga ni Mubai si Xinghe na magtrabaho sa lab at hiningi sa kanila ang kanilang kooperasyon.
Ang hindi niya alam ay ang kahulugan pala nito ay lahat sila ay susunod sa mga utos ni Xia Xinghe.
Hindi lamang iyon, magkakaroon siya ng karapatang gamitin ang lahat ng kanilang kagamitan at yaman!
Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?
Kasali dito ang mga teknikal na kayamanan, ang perang kinakailangan at, syempre, mga tauhan.
Siya man ang pinuno sa lab pero kasali din siya sa mga tauhan. Kaya naman, pinapayagan si Xinghe kung paano nito magagamit ang lahat kasama siya!
Tumango si Luo Jun, "Leader Yun, ikaw pa din ang pinuno dito pero kung pagbabatayan ang mga salita ni CEO Xi, sa mga susunod na buwan, si Miss Xia ang gumagawa ng patakaran dito. Kung may iba ka pang tanong, maaari mong kausapin si CEO Xi."
Pumangit sa pagsimangot ang mukha ni Ruobing.
"Ngayon, naiintindihan mo na?" Maawtoridad na tanong ni Xinghe, "Ako ang gumagawa ng mga patakaran ngayon. Lahat ng naririto ay sa akin at maaari ko silang gamitin sa paraang gusto ko, kaya paano ko nanakawin ang isang bagay na pagmamay-ari ko?!"