Ang pintuan ng lab ay padabog na bumukas.
May awtoridad na pumasok si Ruobing, at kasunod nito ang dalawang inhinyero.
"Xia Xinghe, kagagawan mo iyon, hindi ba?" Tanong nito habang humilig para tumingin sa computer screen ni Xinghe. Natural lamang na ang impormasyon ukol sa design paper ay naroroon.
Ngumisi si Ruobing at mabilis na kumislap ang kasiyahan sa mata nito. "So, ikaw pala iyon, Xia Xinghe. Ninakaw mo ang importanteng impormasyon ng lab at nahuli ka na; ipaliwanag mo ang sarili mo!"
"Ninakaw?" Itinaas ni Xinghe ang kanyang mata mula sa ginagawa para magtanong.
Kahit na biglaan siyang tinatanong ni Ruobing, nanatili kay Xinghe ang kanyang kariktan at kahinahunan.
"Ang pagkuha ng walang permiso ay pagnanakaw. Ito ang impormasyong ninakaw mo sa computer ko, hindi ba?" Masungit na tanong ni Ruobing.
Wala ng pakialam para tumanggi pa si Xinghe at ito ay tumango. "Tama ka, galing nga ito sa computer mo."
"Mahusay, dahil inamin mo ang pagnanakaw wala na tayong dapat pag-usapan. Ayon sa mga alituntunin ng lab na ito, ang mga lumabag sa patakaran ay maaalis sa grupo. Magligpit ka na at lumayas, tinanggal ka na sa team!" Maawtoridad na sabi ni Ruobing, na maihahalintulad sa isang hukom na walang pakiramdam.
Wala siyang pakialam kung sino ang nasa likuran ni Xinghe.
Sa lab na iyon, siya ang reyna.
At dahil inamin naman ni Xinghe ang paglabag sa patakaran, walang makakatutol sa kanya kung ipagtatabuyan niya paalis ang babae.
Ang mapusok at estupidong paraan ng paggawa ng mga bagay ni Xinghe ang nagpapababa ng tingin ni Ruobing dito.
Pakiramdam niya ay isa siyang hangal sa pag-iisip na si Xinghe ang makakapagbanta sa kanyang posisyon at pag-aaksaya ng enerhiya sa paggawa ng mahabang plano kung paano pakikisamahan si Xia Xinghe.
Sino ang mag-aakala na ang babaeng ito ay napakatanga para makagawa ng malaking pagkakamali sa unang araw niya?! Nagawa ko siyang palayasin ng hindi man lamang ginagamit ang kahit isa sa mga plano ko!
Matagumpay na ngumiti si Ruobing.
Syempre, wala na siyang pakialam kung ano ang mangyayari kay Xinghe pagkatapos nitong umalis sa lab.
Ang punto ay, walang ibang makakapagbanta sa kanya sa kanyang teritoryo.
Ang lahat ng lumalapit ay kailangang maalis!
"Tinanggal? Inalis mo ang pangalan ko mula sa grupo?" Kalmadong tanong ni Xinghe, na tila kontrolado pa nito ang sitwasyon.
Ngumisi si Ruobing, "Syempre, ako ang gumagawa at nagpapatupad ng mga patakaran dito."
"Sa anong batayan?" Patuloy na tanong ni Xinghe.
Bago pa makasagot si Ruobing, ang isang matangkad na inhinyero na sumusunod dito ay pasipsip na sumabat, "Bingi ka ba? Hindi ba't sinabi na ni Leader Yun sa iyo ang rason? Ang pagnanakaw ng maselang impormasypn, hindi pa ba sapat iyon?"
"Ang pagnanakaw ay ilegal; dapat ay ipahuli na siya sa pulis," dagdag ng mas mababa sa dalawa para takutin si Xinghe.
Hindi tumigil ang tatlo sa pananakot kay Xinghe sa oras na pumasok ang mga ito sa lab. Kahit ang pinakakalmadong tao ay masisindak.
Pero si Xinghe ay ipinapatuloy ang usapan na para bang normal na talakayan lamang sa opisina, "Kayong tatlo ay palaging sinasabi na nagnakaw ako pero nasaan ang pruweba ninyo? Hindi pupwede na aakusahan na lamang ninyo ang isang tao ng krimen na hindi niya ginawa."
"Kung gayon, uulitin ko ang sarili ko, ang pagkuha ng mga gamit na walang pahintulot ay pagnanakaw. Nangangahulugang ang pang-uumit ay isang krimen, hindi ba?" Sagot ni Ruobing, may ngiting puno ng siguridad at umaasa na kakabahan si Xinghe.
"Oo nga," tumatangong sagot ni Xinghe. Ang mabilis na pagtanggap at pag-amin niya sa krimen ang nagpabigla sa tatlo.
Ngunit, sa sumunod na segundo, tumayo siya, tinitigan ng diretso si Ruobing at nagtanong, "Kung gayon, ano ang nilabag sa patakaran ang 'hindi nakikipagtulungan sa akin' at 'sinasadyang hindi sumunod sa mga utos ko'?"