Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 152 - Gusto Kong Kunin Ang Kustodiya ng Aking Anak

Chapter 152 - Gusto Kong Kunin Ang Kustodiya ng Aking Anak

Nakakita sila ng tumor sa utak niya!

Noong nakaraang buwan, nang masangkot sa aksidente si Xinghe, nagpasuri siya sa CAT scan pero wala silang nakita.

Ngunit, sa loob lamang ng isang buwan, isang bagay na tulad ng tumor ang tumubo sa kanyang utak.

At hindi ito maliit…

Ang sabi ng doktor ay nakamamatay ang tumor na ito kaya inabisuhan siya na sumailalim sa chemotherapy sa pinakamadaling panahon.

Ang operahin ito ang pinakahuling pagpipilian dahil ang tumor ay natagpuan sa isang delikadong posisyon. Masyadong delikado ang operasyon.

Isa pa, ang porsyento ng tagumpay sa pag-alis ng tumor ay limang porsyento lamang.

Ang konklusyin, ang pinakamainam na pagpipilian ni Xinghe ay ang chemo kahit na hindi ito ang pinakaepektibong solusyon.

Hindi maganda ang lagay para kay Xinghe.

Maaaring magkatotoo ang kanyang bangungot… na nangangahulugang mamamatay siya at gayundin si Lin Lin.

Halos mahulog ang kanyang puso sa sahig kapag naiisip niya ang posibilidad na iyon.

Hindi natatakot sa kamatayan si Xinghe pero hindi niya mahahayaang mamatay ang kanyang anak sa murang edad!

Kaya naman gumawa ng desisyon si Xinghe sa ospital, kailangan niyang makatagpo si Xi Mubai!

..

Nasa kalagitnaan ng pagpupulong si Mubai ng matanggap nito ang tawag niya.

Tinanong siya ni Xinghe sa telepono, "Libre ka ba ngayon para sa isang pagkikita? Mayroon sana akong gustong pag-usapan natin ngayon."

Ito ang unang beses na aktibo siyang hinanap ni Xinghe matapos ang kanilang diborsyo.

Agad na pinakansela ni Mubai ang pulong at umalis para katagpuin si Xinghe.

Sa ibang kadahilanan, kamakailan lamang, ang kanyang isip ay umiikot lamang kay Xinghe. Hindi lumilipas ang isang araw na hindi niya naiisip ito.

Kaya naman, ipinaalis niya ang lahat ng nasa iskedyul niya noong pagkakataong narinig niya ang pakiusap nito…

Hindi napagtanto ni Mubai kung gaano niya kagusto na makita ito ng personal.

..

Mabilis na dumating si Mubai sa café na piniling tagpuan nila ni Xinghe.

Nasa kalagitnaan ng oras ng trabaho kaya naman halos walang tao ang café.

Sa sandaling pagpasok ni Mubai, agad niyang nakita na nakaupo ito sa isang sulok.

Nakasuot ng simple blouse na walang manggas si Xinghe, walang make-up, at walang makukulay na aksesorya. Ipinakikita lamang nito ang natural na ganda ni Xinghe, namumukadkad tulad ng elegante at walang bahid dungis na jasmine.

Tumigil sa paglalakad si Mubai para hangaan si Xinghe bago niya nilakihan ang mga hakbang patungo sa mesa nito.

"Ano ang gusto mong pag-usapan?" Tanong niya habang umuupo siya.

"Ano ang gusto mong inumin?" Balik-tanong ni Xinghe imbes na sumagot.

"Blue Mountain."

Tinulungan ni Xinghe na umorder ito ng kapeng Blue Mountain, tinitigan siya at sinabi, "Mubai, mayroon akong bagay na gusto kong pag-usapan natin."

Sumipsip si Mubai ng kanyang kape, bahagyang itinaas ang kilay at nagtanong, "Sabihin mo sa akin."

Preparado na siyang sumang-ayon sa kahit anong hilingin nito.

Subalit, halatang nabigla siya sa sumunod na sinabi nito.

"Gusto kong kunin ang kustodiya ng aking anak."

Kumunot ang kilay ni Mubai. "Gusto mong kuhanin si Lin Lin?"

Tumango si Xinghe. Sinalubong nito ang kanyang tingin at deretsong sinabi, "Kaya ko na siyang buhayin ngayon at ang magandang buhay ay posible ko ng maibigay sa kanya. Isa pa, hindi na ako mag-aasawa pang muli sa tanang buhay ko kaya siya lamang ang pagtutuunan ko ng pansin kaya pakiusap hayaan mo na ako na ang magpalaki sa ating anak. Syempre, ikaw pa rin ang kanyang ama, gusto ko lamang gampanan ng maigi ang parte ko bilang ina niya. At panghuli, ang atensiyon mo ay mahahati kapag nagkaroon ka na ng iba pang anak."

Ibinaba ni Mubai ang tasa ng kanyang kape, tinitigan siya ng walang emosyon at sinabi sa mababang tinig, "Kailangan mong malaman na si Lin Lin ay mananatiling bahagi ng Xi Family."

"Alam ko na ang Xi Family ay kayang ibigay ang lahat ng pangangailangan niya. Kaya nga hindi ko kailanman inisip na ilaban ang kustodiya sa kanya dati. Pero ngayon kaya ko na din iyon. Gusto ko na nasa tabi ko siya at makita siyang lumalaki na maging isang karespe-respetong binata. Syempre, mananatili siyang parte ng Xi Family, hindi ko ipagkakait iyon."