"Pero hindi pa iyon ang mga pangunahing punto. Ang punto ay, matapos na ikaw at ang iyong ina ay makulong, hulaan mo kung ano ang mangyayari sa mana? Ang plano niya ay hindi lamang mawala ang kanyang kakumpetensiya kung hindi mabigyan din siya ng malaking halaga ng pera para magsimulang muli. Sinabi ko na sa iyong nakakasabik ang plano niya, hindi ba?"
Hindi makapaniwalang binuksan ni Wushuang ang kanyang mga mata.
Hindi niya maproseso ang katotohanan na ipinagkanulo siya ng ganoon kasama ng kanyang asawa.
Hindi lamang plinano nito na siya ang umako ng mga krimen kung hindi pati na rin ang pagkuha nito sa kanya ng kayamanan ng Xia Family!
Hindi ito totoo… siguro ay ginawa ni Xinghe ang kwento na ito para lokohin ako!
Galit na binatikos siya ni Wushuang, "Tumigil ka na sa pagsisinungaling sa akin! Lahat ng ito ay peke, hindi ako naniniwala sa iyo! Paano naging posible na nalaman mo kung ano ang iniisip niya? Kaya nagsisinungaling ka! Sinungaling!"
May mga punto naman si Wushuang. Oo nga naman, paano nga naman kaya nalaman ni Xinghe kung ano ang pinaplano ni Chui Ming?
Pero, ang tanging rason kung bakit siya nakaligtas hanggang ngayon ay dahil nakita na niya ang mga plano ng mga ito noon pa man at napaghandaan na niya ang mga ito bago ito mangyari.
Bahagyang ngumiti si Xinghe. "Tama ka, pero alam ko kung ano ang iniisip at pinaplano niya. Nakaligtas nga ako sa pagtatangka mo at sa pagtatangka niya sa buhay ko, hindi ba?"
"…"
Nagpatuloy pa si Xinghe, "Ito ay dahil sa naiintindihan ko kung paano kayong kumilos na dalawa. Alam ko na si Chui Ming ang klase ng tao na gagawin ang lahat para kumita at alam ko na kayo ni Wu Rong ay hindi magdadalawang isip na maipapatay ako. Kaya naman, nakita ko na ang plano ninyo sa kalayuan pa lamang!"
"Isa pa, nahaharap ng Chui Corps ang banta ng pagkakabangkarote, at hindi ito matatanggap ni Chui Ming. Kailangan niyang maresolbahan ang dalawang problemang kinakaharap niya."
"Ang una ay sirain ang X PC Manager ng aking kumpanya. Ito lamang ang tanging paraan para makabalik sa pinakatuktok ang King Kong Internet Security."
"Ang ikalawa ay makakuha ng malaking halaga ng pera para matulungang makaahon ang Chui Corps."
"Sa oras na iyon, ikaw ay naging isang higanteng bank account na lamang. Kaya naman, ang pagpatay sa iyo at sa akin ang tanging solusyon nila. At ano nga ang mas mainam na gawin kung hindi paglabanin tayong dalawa?"
"Xia Wushuang, ang asawa mo ay nagdesisyon na isakripisyo ka sa umpisa pa lamang. Iniisip mo pa din ba na hindi ka niya sasaktan?"
"…" Sobra ang pagkabigla ni Wushuang kung kaya nalimutan din niyang huminga.
Patuloy na umalingawngaw ang mga salita ni Xinghe sa kanyang isipan.
Bawat isa sa mga pangungusap ni Xinghe ay parang kutsilyo na humihiwa sa puso niya dahil alam niya na totoo ang lahat ng ito.
Matapos ang kanyang aksidente, sigurado siya na si Xinghe ang nagplano ng laban sa kanya. Kinasusuklaman niya si Xinghe mula sa kaibuturan ng kanyang puso.
Pinanghawakan niya ang pagkasuklam na ito at lumaban para mabuhay para isang araw ay makaganti siya.
Pero ngayon, matapos ipakita sa kanya ang masakit na katotohanan, gumuho ang kanyang mundo.
Lumabas na ang tunay na may gustong kumuha ng buhay niya ay hindi si Xinghe kung hindi ang kanyang asawa, si Chui Ming!
Pinakasalan siya nito dahil lamang sa mana. Ito ang tanging gusto nito.
Papatayin siya nito para lamang makuha ang pera. Para sa pera, tatapusin nito ang buhay niya!
Si Chui Ming ang may dahilan kung bakit nagkaganito siya.
Si Chui Ming pala…
Si Chui Ming, ang pinakamamahal kong asawa!
Paano mo nagawa ito!
Biglang tumawa si Wushuang. Wala na siyang pakialam kung bumukas ang mga sugat sa kanyang mukha. Tumawa siya ng tumawa hanggang sa kapusin siya ng hininga, hanggang sa nanginig na ang buong katawan niya.
Natakot si Xia Zhi na baka may gawing kabaliwan si Wushuang kaya agad niyang hinila si Xinghe palayo. "Ate, halika na. Ginawa mo na ang magagawa mo, kaya iwanan na natin siya."
Tumango si Xinghe at sumunod kay Xia Zhi palabas.
Bigla ay dumausdos pababa sa kanyang kama si Wushuang, kinaladkad ang kanyang sugatang katawan at gumapang patungo kay Xinghe, sumisigaw ng buong lakas tulad ng isang nababaliw na babae.
"Xia Xinghe, tumigil ka riyan, papatayin kita!"