Nakatitig sa kawalan si Xinghe…
Nawala ang kinang sa kanyang mga mata habang sinasabi niya, "Pakiramdam ko ay wala akong silbi…"
"Huh?" hindi maintindihan ni Xia Zhi ang sinasabi niya.
"Noong nawala ang aking memorya, pakiramdam ko ay wala akong silbi, parang nakalutang ako sa realidad." Ngayong iniisip ni Xinghe ang mga nangyari, para ngang mahabang panaginip ang anim na taon.
Hindi niya akalain na ganoon ang epekto ng memory loss.
Parang nawalan ng laman ang kanyang utak, naiwang parang lalagyang walang laman…
Hindi niya nagagawa ng tama ang mga araw-araw na gawain at hindi siya nagmamalay sa kanyang kapaligiran.
Kung ipapalarawan sa kanya ang anim na taong nakalipas sa isang salita, masasabi niyang siya ay nawala.
Inisip ni Xia Zhi anim na taon na ang nakalipas noong unang tumira si Xinghe sa kanila.
Natatalisod ito sa mga maliliit na bagay. Kinailangan pa nito ng ibayong lakas ng loob upang maghanap ng trabaho.
Mahabang proseso at mahirap para dito dahil kailangan niyang pagtagumpayan ang mga psychological pressure na kanyang nararanasan.
Sa takot na mapunta sa masamang landas ang kapatid, agad na iniba ni Xia Zhi ang usapan. "Sis, patawad kung ipinaalala ko pa sa iyo ang nakaraan. Ngayong nabawi mo na ang iyong memorya, pagtuunan natin ng pansin ang kinabukasan. Sa iyong taglay na galing, alam kong magiging maayos at maganda na ang lahat sa hinaharap."
"Tama ka," sabi ni Xinghe na may munting ngiti habang ipinagpapatuloy ang pagbabasa.
Sa loob ng pinakamaiksing panahon, nagawa niyang maging updated sa pinakabagong impormasyon sa IT…
Hindi na nagmadali pa na makalabas si Xinghe sa ospital dahil sa natanggap na bayad mula sa proyekto ni Xia Zhi.
Alam ni Xinghe kung saan gagastahin ang pera dahil gumagasta lamang siya sa mga worthwhile investments.
Kailangan niya ang malusog na katawan bago siya makalabas para kumita. Madaling kitain ang pera ngunit ang kalusugan ay hindi dapat ipagsawalang-bahala, iyon ang kanyang pilosopiya.
Ang pagtatapos ni Xia Zhi ay nalalapit na kaya kinakailangan na lamang niyang pumasok ng ilang araw sa paaralan para sa rehearsals. Nagdesisyon siyang manatili sa ospital para bantayan si Xinghe at para gumawa ng mga proyektong nagbabayad ng maliit na halaga.
Ang dedikasyon ni Xinghe sa kanyang pag-aaral ang nagbigay inspirasyon kay Xia Zhi.
Minabuti na din niyang magbasa ng ilang libro kapag hindi siya nagpoprogramming at kapag mayroon siyang mga bagay na hindi niya maintindihan, ay siya niyang isinasangguni kay Xinghe.
Pagkatapos ng dalawang araw na ganito ang sistema, napag-alaman ni Xia Zhi na si Xinghe ay halos mayroong kaalamang maihahalintulad sa encyclopedia sa computer science!
Walang tanong na hindi niya kayang resolbahan!
Imbes na panghinaan ng loob, ito ang nagtulak kay Xia Zhi na pag-igihin pa ang sarili upang mahabol at maabot ang husay ng kanyang kapatid…
Pero mayroong malaking puwang sa gitna ng isang henyo at sa isang pangkaraniwang tao.
Sa loob ng dalawang araw, natapos na basahin ni Xinghe ang sampung reference books…
Ipinilig ni Xinghe ang ulo at napabuntung-hininga habang ibinababa ang huling aklat. Mukhang hindi siya nasiyahan.
"Sis, ano ang problema?" tanong ni Xia Zhi, "May problema ba sa mga aklat na ito?"
"Hindi, walang problema sa mga librong ito. Ang kaso ay para sa mga estudyante ang mga librong ito. Wala bang aklat sa paaralan ninyo na para sa mga professional?" tanong ni Xinghe.
Ngumuso si Xia Zhi. "Ito ang mga aklat na inirekomenda ng mga propesor ko at hindi ko nga maintindihan kahit kalahati ng mga ito. Sis, ibang klase ka talaga."
"Sa kahit anong panahon mo tingnan, ang mga impormasyong naririto ay para sa mga estudyante at para sa classroom reading lang. May alam ka pa bang pwedeng hiraman ng mga librong may ganitong paksa maliban sa inyong school library?"
Saglit na nag-isip si Xia Zhi at nagsabi, "Doon kaya sa senior ko? Isa siyang director sa isang IT company, sigurado akong mayroon siyang mga aklat na hinahanap mo."
"Hindi masama ang ideya mong iyan ha." Sang-ayon ni Xinghe.
"Okay, kakausapin ko na siya ngayon."
Alam ni Xia Zhi na nababalisa na si Xinghe at gusto na nitong makakuha ng mga bagong aklat kaya agad siyang kumilos.
Tinawagan niya ang kanyang senior, si Tang Junting para ipaalam ang kanyang intensiyon.
Agad na pumayag si Junting at sinabihan si Xia Zhi na katagpuin siya sa kanyang kumpanya.
Agad na tumungo si Xia Zhi sa kumpanya nito. Ipasasabi na lamang sana niya sa receptionist na ipaalam kay Junting na naroon siya nang lumabas mula sa elevator si Junting.