Chereads / Mr. CEO, Spoil me 100 Percent! (Tagalog) / Chapter 121 - Ang Dating Asawa ni Xi Mubai

Chapter 121 - Ang Dating Asawa ni Xi Mubai

Ang totoo, nagsisimula na nilang mapagtanto na mukhang pamilyar si Xinghe pero hindi nila matukoy kung sino talaga siya.

Ang pangalan na, Xia Xinghe, ay pamilyar din.

Hindi na itinago pa ni Xia Zhi ang katotohanan kay Junting. Simple lamang ang kanyang sagot, "Senior, siya ang anak ng tiyuhin ko kaya pinsan ko siya, pero itinuturing ko siya bilang tunay kong kapatid."

Naguguluhan pa din si Junting. "Bakit hindi ko narinig sa iyo na may pinsan ka na sobrang galing sa coding? Teka nga sandali… Ibig mo bang sabihin ang mga librong hiniram mo sa akin ay para sa kanya? Ang mini-game, siya rin ang gumawa nito?"

Tumango si Xia Zhi.

Ang prediksyon ni Junting na ang computer expert na kilala ni Xia Zhi ay hindi simpleng tao, pero ang tunay na kapabilidad ng taong iyon ay mas higit pa sa kanyang prediksyon.

"Maloko ka ha, paano mo nagawang itago ang magaling na talentadong ito mula sa akin na senior mo?" Pabirong hinampas ni Junting ang braso ni Xia Zhi.

Humihingi ng tawad na napatawa si Xia Zhi. "Gusto ni ate na maging low profile. Hindi niya gustong may mga nakikialam sa ginagawa niya…"

"Alam ko na!" Bigla, isang sigaw ang umalingawngaw mula sa bulto ng mga tao. Isang senior CEO ang agad na nakisiksik sa harap ng mga tao at sabik na nagsalita, "Alam ko na ang tunay na katauhan ni Miss Xia!"

"Ano iyon?" Agad na tumalikod si Junting para tanungin ito.

Puno ng pananabik ang mga mata ng CEO na ito habang inaanunsiyo, "Nakita ko na siya sa birthday party ni Young Master Xi. Kaya naman pala mukha siyang pamilyar, siya ang dating asawa ni CEO Xi!"

ANO?!

Lumuwa sa pagkakagulat ang mga mata nila Junting at Xiao Mo.

Paano ito naging posible… si Xia Xinghe ay ang dating asawa… ni Xi Mubai!

Naging kumplikado ang naramdaman ng dalawang lalaki sa nalaman.

Sa isang break room, magkaharap na nakaupo sina Xinghe at Mubai na napapagitnaan ng mesa.

Mula ng pumasok si Xinghe, mabait na nakatitig sa kanya si Mubai. Ang kanyang mga iniisip at emosyon ay natatago sa matitiim niyang mga mata.

Matapos ang isang minutong katahimikan, napansin ni Xinghe na wala pa din siyang intensiyong magsalita kaya sinabi na niya na, "Kung wala kang sasabihin, aalis na ako."

"Wala ka bang gustong sabihin sa akin?" Sa wakas ay nagtanong na si Mubai.

Naguguluhang tumingin sa kanya si Xinghe at sumagot, "Ano ang ibig mong sabihin?"

"Ipaliwanag mo ang kasalukuyan mong pagbabago."

Hindi man lamang natinag, sumagot si Xinghe, "Bakit ko gagawin iyon?"

Hindi niya kailangan pang magpaliwanag dito.

Nabasa ni Mubai ang iniisip niya kaya sinubukan niya ang ibang taktika, "Nabawi mo na ang alaala mo?"

"Oo."

"Isa ka nang computer genius bago pa mangyari ang lahat ng ito?"

"Oo."

"Masyado talaga kitang minaliit. Napahanga mo ako." Seryosong sabi ni Mubai, ang tono niya ay puno ng paghanga. Purihin ang karapat-dapat na bigyan ng papuri.

"Akala ko ay narito tayo para pag-usapan ang partnership." Hindi nagpunta si Xinghe doon para makipagkwentuhan.

Trinato niya ang nakaraan nila na tila panaginip. Nagising na siya mula rito at handa na siyang pakawalan ito.

Ang Xinghe na nakabawi na ng kanyang alaala ay ang bagong Xinghe. Wala na siyang interes na makipagkwentuhan pa ng nakaraan nilang dalawa.

Bahagyang nagningning ang mga maiitim na mata ni Mubai at ngumiti ito. "Tama, pag-usapan na natin ang partnership…"

Matapos niyang ipasa sa kanya ang dokumento, nagpaliwanag siya, "Nasa loob niyan ang mga basic clauses. Basahin mo ito ng maigi at kapag ayos na ito sa iyo, pumunta ka sa kumpanya bukas para pirmahan ang kontrata."

Tinanggap ni Xinghe ang dokumento, ibinulsa ito ng hindi binubuksan, at tumayo na para umalis.

Naguluhan si Mubai. "Hindi mo ba titingnan ito? Saan ka pupunta?"

"Iuuwi koi to para pag-aralan ng maigi. Kapag wala akong naging isyu dito, si CEO Xiao ng kumpanya ko ang pupunta sa iyo bukas para pirmahan ang kontrata."

Related Books

Popular novel hashtag