Chapter 12: Manatili sa Magdamag
Tunay na napangiti si Ning Xi at mahinang ikinalansing ang bote ng beer sa nakataas na tasa. "Salamat!"
Sa sandaling ngumiti siya, parang nabulag si Lu Tingxiao.
Matapos magpasalamat ni Ning Xi, tumingin siya kay Little Treasure. "Salamat din kay Little Treasure. Kung 'di dahil sa kanya, 'di ako makakahabol sa audition. Tara darling, inom din tayo!"
Napatingin si Little Treasure sa baso ng gatas niya at tiningan ang mga beer ni Ning Xi at ng ama niya. Tila ayaw niya nung una pero kalaunan ay bahagya ring ikinalansing ang baso niya sa bote ng beer ni Ning Xi bago nito ininom ang lahat ng gatas.
Namangha si Ning Xi sa seryosong pagkilos ng bata. Alam niya kaya ang pag-inom bilang paglunod ng kalungkutan tulad ng ginagawa ng matatanda?
Sa kalagitnaan ng hapunan, lumabas saglit si Lu Tingxiao para sumagot ng tawag.
Kinalabit ni Ning Xi si Little Treasure at inabot sa bata ang beer. "Hehe, nagtataka ka ba kung anong lasa? Dali, habang wala dito ang Papa mo, tikim ka ng kaunti! Pero isang higop lang ah!"
Kuminang ang mga mata ni Little Treasure na tila mga bituin sa langit at yumuko nang bahagya para tikman ang inumin.
Kahit 'di masarap, ubod nang saya ang bata.
Nang matapos ni Lu Tingxiao ang tawag at bumalik, naupo lang si Ning Xi na parang walang nangyari.
Mas propesyonal ring tignan si Little Treasure na unti-unting iniinom ang kanyang gatas. Walang kakaiba.
Parang walang napansing kahit ano si Lu Tingxiao, pero may maikling sigla na dumaan sa kanyang mga mata.
Nabusog na ang tatlo. Maraming pinamiling mga grocery si Ning Xi pero naubos pa rin nila ang lahat.
Nakita ni Ning Xi ang oras at napansing lalo nang gumagabi. Habang iniisip niya kung dapat na bang umuwi ang mag-ama o hindi, biglang kumidlat sa labas ng bintana at sinundan ng malakas na pagkulog. Nagpapahiwatig ng simula ng isang malakas na bagyo.
"Napanood ko 'yung balita tungkol sa panahon ngayon, sabi nila magkakaroon daw ng malakas na pag-ulan baka masundan rin ng bagyo…"
Nakaramdam ng pagsakit ng ulo si Ning Xi nang sumilip siya sa labas ng bintana at nakita ang pag-ulan. Tumingin si Little Treasure kay Ning Xi, ganoon din si Lu Tingxiao…
Sa wakas, pagkatapos siyang titigan ng mag-ama, nagsalita siya, "Gabi na. 'Di rin maganda ang lagay ng panahon, kaya kung iuuwi ni Mister Lu si Little Treasure, baka masyado nang delikado. Eh kung… dito na lang muna kayo magpalipas ng gabi kasama ko?"
Sinabi lang ulit 'to bilang paggalang at pakiramdam niya rin naman ay 'di papayag si Lu Tingxiao.
Sa huli…
Lu Tingxiao: "Sige"
Paulit ulit namang tumango si Little Treasure.
Ha? Pumayag siya ulit…
Masyadong walang pasubali si Lu Tingxiao!
Bakit pakiramdam niya tuloy ay hinihintay lang ng dalawa na mag-aya siya?
Malapit na siyang mabaliw!
Sa huli, si Lu Tingxiao at Little Treasure ay doon magpapalipas ng gabi.
'Di kalakihan ang bahay na ibinigay sa kanya ng kumpanya; mayroon lang itong kwarto at sala. Mukhang magiging problema ang pagdedesisyon kung sa'n silang tatlo matutulog.
"Ngayong gabi, sa sala ako matutulog. Mister Lu, kayo po ni Little Treasure pwedeng matulog sa kwarto. Papalitan ko lang 'yung mga bedsheets…"
"'Di na kailangan, matutulog ako sa sala. Kayo na lang ang matulog ni Little Treasure sa kwarto," nagpapahiwatig na wala nang magiging diskusyon ang tono ni Lu Tingxiao.
Pakiramdam ni Ning Xi ay nagkakasala siya; 'di lang niya pinakain ng mumurahing hot pot ang isang malaking CEO, pinapatulog niya pa ito sa sala.
Kung si Lu Tingxiao lang ang dumating ngayong gabi at 'di kasama ang anak niya – kahit na umuulan pa ng yelo –'di niya 'to hahayaang manatili sa bahay niya dahil ang isang single na lalaki at isang single na babae sa ilalim ng isang bubong ay maaaring magdulot ng kaguluhan, lalo pa pagkatapos ng sinabi sa kanya ni Lu Tingxiao. Pero wala siyang choice at andito rin si Little Treasure.
Para dalhin ni Lu Tingxiao pauwi ang anak niya sa ganito kasamang panahon ay mapanganib. Andito naman si Little Treasure, 'di naman siguro magiging masama ang sitwasyon, 'di ba?
Tinanggap na lang ni Ning Xi ang kapalaran. "Titignan ko lang kung may mahanap akong mga damit para sa inyong dalawa para makapaghugas at makapagpalit kayo…"
Matapos magkalkal sa kanyang damitan, may mga nahanap din siya.