Kaharian ng Haraya
Kabayanihan ang pagiging isang alagad ng sining. Ito ang nagtuklasan nina Ella na isang manunulat, Tino na isang musikero, Patrick na isang mananayaw, at Joel na isang mangguguhit sa kanilang karanasan sa Kaharian ng Haraya na kanilang babaunin sa pagbabalik nila sa mundo kung saan nila tutuparin ang kanilang mga pangarap at susundin ang sinasabi ng kanilang mga puso – ang pagiging makasining.
Bandang alas-10 ng umaga ng Sabado, unang araw ng Pebrero, taong 2020, naghahanap mula sa kanyang laptop ng maaaring salihang spoken word event si Ella, isang manunulat at graduating high school student. Kanyang binisita ang isang link sa website na pagtatanghal.com sa pag-aakalang isa lamang itong simpleng kaganapang sasalihan ng iba’t ibang uri ng artista. Subalit biglang nagkaroon ng nakasisilaw na liwanag mula sa screen ng kanyang laptop at pagkadilat niya ay wala na siya sa kanyang kwarto, kundi nasa kastilyo na ng Kaharian ng Haraya.
Maya-maya ay nakita niyang sumulpot bigla sina Tino, kumukuha ng kursong music; Patrick, high school student na hilig ang pagsasayaw, nakababatang kapatid ni Tino; at Joel, bank teller mula Lunes hanggang Biyernes at tattoo artist naman kapag wala siya sa trabaho niya sa bangko. Sina Tino, Patrick, at Joel ay mula rin sa mundo ng mga tao na napunta sa nasabing kastilyo dahil din sa link na pagtatanghal.com na nakita ni Tino sa kanyang cellphone.
Sa labas ng kastilyo ay nakita nila na naglalaban ang mga nilalang, ngunit protektado ang kastilyo at isang entablado sa harap nito ng mahiwagang panangga. Sa loob naman ng kastilyo ay nakilala nila si Prinsesa Masining na may mahikang gumawa ng mga bagay base sa kanyang mga nakikita. Ayon kay Prinsesa Masining, naroon ang apat upang tulungang maisaayos ang Haraya at maibalik ang pagmamahalan at pagkakaisa sa kaharian na nawala mula noong inagaw ng isang tusong heneral, si Heneral Baligho, ang makapangyarihang korona ng kanyang amang-hari na si Kahalangdon. Ang korona ay makapagbibigay sa sinumang may suot nito ng pambihirang katalinuhan at kasagutan sa mga misteryoso sa Haraya.
Naganap ang pagpatay ng heneral, na may pambihirang husay sa pakikidigma, kay Haring Kahalangdon sa mahiwagang entabladong pinagdarausan ng masasaya at makukulay na pagtatanghal – ang entabladong nasa harapan ng kastilyo na nababalutan rin ng mahiwagang panangga. Subalit nadungisan ang entablado ng pagiging sakim sa kapangyarihan ni Heneral Baligho. Mula noon, nawalan ng pagmamahalan sa kaharian, maliban sa mga mahikerong nasa loob ng kastilyo na pinoprotektahan ng mahiwagang panangga na gawa ni Haring Kahalangdon bago siya malagutan ng hininga.
Sa tulong ng iba pang mga mahikerong nasa loob ng kastilyo, kikilalanin nina Ella, Tino, Patrick at Joel ang Haraya. Matutunghayan nila ang iba’t ibang klase ng mahika na kayang gawin ng mga mahikerong sina: Reyna Kasiki na ina ni Prinsesa Masining, may makapangyarihang tinig kapag umaawit na kayang pumukaw ng atensyon ninuman; Prinsipe Klasiko na pinsan ni Prinsesa Masining, may kakayahang lakbayin ang iba’t ibang panahon at mundo; Prinsesa Kakaniyahan na kapatid ng hari, may kakayahang basahin ang pagkatao at iniisip ng sinuman; Prinsesa Rosida na asawa ni Prinsipe Klasiko, may kakayahang magpausbong ng mga halaman, puno at bulaklak; at Prinsipe Marahuyo na anak nina Prinsipe Klasiko at Prinsesa Rosida, may kakayahang magpaamo at magpasunod ng mga hayop.
Sa papaanong paraan kaya makatutulong sina Ella, Tino, Patrick, at Joel na walang taglay na mga kapangyarihan na tulad sa mga mahikerong makakasama nila sa Kaharian ng Haraya?