Escape From Reality (Tagalog)
May kanya-kanyang paraan ang bawat tao upang takasan ang mapait na reyalidad ng mundo, may nanunuod ng K-Drama, nagbabasa, natutulog, nagpipinta, naglalaro ng mobile or computer games at iba pang maraming bagay upang maging abala lamang ang isip at makalimot tayo pansamantala sa sakit na ibinabato sa atin ng mundo.
Sa kaso ni Caia Ortaleza, pagsusulat ang kanyang naging takbuhan sa mga panahong siya'y lugmok at luhaan, binibigyan siya nito ng panandaliang comfort at kapayapaan.
Umani ng mga papuri at pagmamahal ang bawat kuwentong kanyang natatapos mula sa kanyang mga masugid na mambabasa. Ngunit sa kabi-kabilang isipin, problema sa pamilya at sa kanyang nobyo ay mahihirapan na ang dalaga na tapusin ang dalawang kuwentong kasalukuyan niyang isinusulat.
Sa kanyang muling pagbaling sa pagsusulat, sa halip na comfort ay frustration na ang kanyang nadarama sa tuwing sinusubukan niyang simulan muling bumuo ng mga salita, hanggang sa nawalan na siya ng pag-asa at ganang ituloy ang kuwento, napagdesisyunan niyang itigil na ang kanyang nasimulan, pati na ang kanyang pangarap.
Pero mukhang hindi gano'n kadaling iwanan ang pagsusulat.
Dahil misteryosong mailalahad at magpapatuloy ang kuwento ng isa sa mga karakter niya na simula pa lang ng istorya ang mayroon at kanyang naisulat. Ang karakter na pinakapaborito niya sa lahat ng kanyang nilikha... si Rashiel Azul Allegre.
Ang nakakaloka pa ay kasabay ng pag-usad ng kuwento ay mapupunta mismo ang dalaga sa loob ng istorya kung nasaan ang binata, doon ay makakaharap at makakasama niya hindi lang si Azul kundi pati na ang iba pang mga karakter na likha gamit lamang ang makulay niyang imahinasyon.
Surprisingly, sa pananatili niya roon ay nakakalimot siya sa lungkot at alalahanin patungkol sa totoong mundo. Sumasaya na hindi niya napapansin. Nalilibang ang isipan na hindi namamalayan. Nakahanap ng kaaway, kakampi, kaibigan, pamilya, kapanatagan pati na ang hindi inaasahang pag-usbong at paglago ng kanyang damdamin.
But, reality is way too cruel... because, every story has to reach its own end.
Dahil sa nagulo ang kanyang naisip na orihinal na plot ng istorya ay hindi na alam ng dalaga kung saan ba tutungo ang kuwento, kahit na siya pa ang nagmamay-ari nito pati na ng mga karakter na nakapaloob dito, maging siya ay walang magawa kahit na anong pilit pa ang gawin niyang kontrolin ang mga bagay at pangyayari. Patuloy sa pag-usad ang istorya, ngunit walang may alam kung lungkot o saya ang dulong nakalaan sa kuwentong kanyang napasukan.