Dan Gabriel Ignacio. 20 na ako actually. Kung ide-describe ko sarili ko: chinito, matankad, di naman payat, di naman obese, di naman hunk, sakto lang. Aminadong mahiyain ako pero nagagawa ko rin namang maging loose 'pag napapalapit na ako sa tao.
Nag-aaral ako sa isang state university na kilala sa dami ng mga sikat nitong "Iskolar ng Bayan". Sabi nila, ang school namin ang pinakamagaling sa bansa. Madalas ngang biro, madali daw makapasok pero mahirap makalabas. Isa siguro ako sa mga ganong kaso.
Computer Science ang una kong pinasukang course. Hindi ko nga alam bakit iyon ang pinagtripan kong ilagay sa application form dati. Sa totoo lang, wala naman talaga akong planong mag-aral dito. Di naman ako ganun katalino, sakto lang. Pero suwerte nga naman na nakapasok ako, sa main campus pa. Gaya ng ibang high school students noon, akala ko magiging isang joyride lang ang lahat. Nakaka-excite hanggang sa oras na makapasok ka na.
Okay naman ako sa mga subjects ko. Wala akong bagsak. Madami akong naging friends, naranasan ko mag-party. Pero ang problema lang talaga siguro...
Ganito kasi:
Naghiwalay ang nanay at tatay ko nung bata pa ako. Sabi sa batas, dapat daw sa nanay ako nakatira, kaya siya ang nag-alaga sa akin. Pero gaya ng inaasahan, nagkagusto din naman siya sa iba. Sabi nung lalaki okay lang daw na kasama ako sa bubuuing pamilya nila pero naasiwa lang talaga ako ng ganun. Kusa na lang akong lumipat sa bahay ng lola ko - nakakagulat ng kaunti na di nila ako pinigilan.
Mabait si lola. Siya na ang nag-aruga sa akin hanggang sa aking paglaki. Masaya naman nung high school kahit na wala ako sa pamilya ko; nagpapadala naman minsan si mama ng pera. Private school pa nga ako nag-aaral noon. Hindi sila nasasagi sa isip ko kasi okay naman ang lahat para sa akin. Di ako nag-aalala.
Ngunit natigil bigla ang pagpapadala ng pera sa akin. Balita ko, umalis na daw ang dalawa at nag-abroad. Ni ha, ni ho wala silang sinabi sa akin o kahit man lang sa mga kamag-anak. Buti na lang nakakuha ako ng scholarship kaya nakaraos ako sa unang taon sa kolehiyo. Pero sadyang walang limit ang kamalasan.
"Gab! Si lola mo, sinugod sa ospital!"
Sinugod si lola sa ospital dahil sa stroke. Yung naipon kong pera mula sa scholarship ay napunta lahat sa pagpapagamot niya. Bumuti naman kalagayan niya pero dahil sa sensitibo na ang kanyang kondisyon, kailangang tutukan ko pag-a-alaga sa kanya.
Sa puntong iyon, naisip ko...walang mas dapat mag-sakripisyo kundi ako. Kinailangan ko bigla ng raket para matugunan ang mga gastos sa araw-araw. Kung sa pensyon lang ni lola kami aasa para sa pagpapagamot sa kanya...paano na ang pagkain? Gastos sa bahay? Lalo na...ang pag-aaral ko?
Kung unang beses mo pa lang makakabisita sa Batasan, magugulat ka sa laki at lawak ng lugar na ito. Mas nakakagulat siguro ang dami ng kotse, halos lahat sa mga ito congressman ang may-ari. At di lang yung mga pipitsugin lang - yung iba, minsan mo lang makikita sa buhay mo.
Mga congressman lang ang nakakadaan doon sa front entrance na pinapakita lagi sa TV. Ang mga bisita, gaya namin, ay sa back door pinapadaan. Gaya ngayon - biglang hinarang kami ng guard dahil akala niya...aktibista raw kami?
"Can't you see this? We have an appointment this afternoon!" Nagwala na ang prof ko sa higpit ng mga guards. May dahilan nga naman siya dahil sa matagal nang naka-schedule na ang pagbisita namin. "Call your boss kung gusto niyong mapahiya!"
Napahiya nga ang mga guard, kaya napilitan silang papasukin kami. Di mo sila masisi dahil mainit na naman ang usapin ng RH Bill sa committee hearings. Lalo pa't galing kami sa isang school ng mga tibak, di mo maiiwasang maghinala sila. Wala na lang kaming nagawa kundi tawanan ang mga nangyari.
Maiinip ka talaga kapag unang beses mo pa lang dito. May dalawang "wings" kung saan nandoon lahat ng opisina, at sa gitna ang mismong session hall. Minsan nakaka-tukso na sumilip kung anong ginagawa ng congressman mo habang padaan sa mga opisina nila. Napupunta kaya sa tama ang pera natin?
Papasok pa sa loob, may library at museum kung saan dinadala lahat ng bumibista. Gaya ng inaasahan, may halong propaganda na feeling namin, nasa comedy bar kami.. Pero nakaka-hanga naman talaga na makita yung original na kopya ng mga batas, mga gavel na ginamit ng dating House Speakers, o kahit mga larawan ng mga sikat na mambabatas. Puno sila ng kwento kung paano nabuhay, namatay, at nabuhay muli ng paulit-ulit ang demokrasya sa pagdaan ng panahon.
Nakaka-antok pala na umupo dito sa Session Hall. Yung nakikita mong lugar kung saan sila nagdedebate? Sa tunay na buhay, di naman ganung katindi mga nagaganap sa kongreso. Madalas, absent sila. O kaya nandoon nga, pagala-gala lang, nakikipag-tsismisan habang may nagdedeliver ng privelege speech, dinaig pa ang isang klase sa high school. Kung makikita niyo lang ang listahan ng mga walang kwentang batas na pinapasa nila, maiiyak na lang kayo sa pagsisisi.
Teka lang...naiihi na ata ako. Punta lang akong CR.
"Gab!" Nagulat tuloy ako sa pagtapik ng isang nilalang sa akin. Siya lang pala. Matagal-tagal ko na rin pala siyang di nakikita.
"Oh, musta? Huwag mong sabihing may raket ka pa rin dito?"
"Ganun talaga...sayang din pera ano! Konting ipon na lang siguro...para makabalik na rin ako sa school. Ikaw nga eh, suwerte, naka-balik ka na. Nice naman!"
Pakilala ko sa inyo si Vernon. Isa siya sa mga nakilala ko pagpasok sa unibersidad. Payat siya oo, naka-glasses, pero di yung tipong nerd na lolo ang itsura. Imagine niyo na lang. Yung tipong nagpapakanerd para mas guwapo.
Malaki natulong sa akin ni Vernon sa kung ano ako ngayon. Kung di dahil sa kanya, wala na sigurong college na tatanggap sa akin pagbalik. Mas malaki ko pang utang na loob na siya ang nagbigay sa raket nung walang-wala ako.
"Paano 'yan, Gab? Namimiss ka na daw ni boss."