Sa labas ng mall, merong food park na may mga advertisement ng Japanese food. Kabuki ang pangalan at gawa lang iyon sa tagpi-tagping bubong at bakal na pininturahan ng itim. Kung anong lamig sa loob ng mall, siya namang init sa labas pag-upo namin sa mesa. Buti na lang may naliligaw na hangin minsan, at may dala akong hand-held fan pantaboy ng init.
"Thank goodness meron pa silang powerbank..." Pasalamat niya nang inabot sa akin ang powerbank na galing sa isang charging station malapit sa counter. "I'm sure you're hungry, wanna order?"
"Libre mo ulit?" Paninigurado ko.
"Yeah, don't worry about it." Sabay buklat niya ng isa sa mga menu sa mesa. "You want something hearty? Like rice?"
Napunta ang atensyon ko sa omelette rice na nakasulat sa menu. Parang 200+ ata yun. Mahal para sa simpleng pagkain, pero libre niya naman. "Sige, itong omurice na lang."
"I'll get this one too. Whew. Kapagod." Tinawag niya yung isang waiter para sabihin ang order namin. "Two omurice...no, make it two wagyu omurice." Wait, wagyu talaga gusto mo? Yung 400+ pesos? "Then two sets of mozarella sticks with soft-serve ice cream, and...Cas, do you drink ba?"
"No." Pagsisinungaling ko.
"Then a bottle of Coke." At Php 200 yung 1.5 liter na yun. Ginto! Kung alam ko lang dapat isang bucket ng San Mig na pala pinaorder ko. Pwede naman ako uminom, wala lang ako sa mood. Sayang din, siya naman daw magbabayad.
Dumating agad yung mozarella sticks pantawid-gutom namin bago maluto yung wagyu.
"You had fun?" Tanong niya sa akin habang sabay naming tinitikman yung mozarella sticks.
"Honest answer?" Walang gana kong sagot.
"Yes, please." Parang ilang beses na ata niyang nasabi yung salitang please ngayong araw.
"No." Pag-amin ko. "Di ako maka-relate."
"I'm really sorry I'm bugging you." Hingi niya ng tawad, sabay kagat ulit sa hawak niyang stick. "I just felt that...you're lonely."
Lakas naman maka-asumero nito. "Hindi ba pwedeng pagod lang ako? Nag-eenjoy sa bean bag?"
"I've never seen people sitting in those bean bags that intently." Dumating ang waiter at linapag ang main course na order namin. "They said I have a talent of reading people well."
"Creepy." Hawak ko sa kutsara at tinidor na para bang gusto ko siyang saksakin. "Ano ba intensyon mo sa akin?"
"I just want to be friends with you!"
"Then you're doing a bad job at it." Sita ko sa kanya. Kung may ulterior motives nga naman siya, napaka-awkward naman ng galaw niya.
"And if you don't really trust me, you should've left the moment I talked to you at the bean bags, right?" Pagtataka ko din. Anong humihila sa akin ng todo sa taong 'to? Oo nga, gwapo siya, pero wala ako sa mood na lumandi. Kanina pa nga dapat ako nakauwi.
"I'm just being polite."
"Do I look that bad of a person?" May lungkot sa tono niya. Di ko alam kung disappointed siya sa akin, o sa sarili niya.
"No, I just don't get why you're into me."
"I'm sorry. I won't be that clingy anymore." Inabala na lang ni Jigo na kainin yung order niyang wagyu.
"Bakit parang kilala ka ng lahat ng tao?" Pagtataka ko habang may kagat-kagat pang kanin sa bibig. "Para bang ikaw may-ari ng lugar na 'to."
"They're my friends." Dahilan niya. "They've been organizing that dance contest for a long time now. And yes, I do live here."
"Dito? Sa Chino Roces?" Mayaman siya sigurado if afford niyang tumira sa Makati.
"Wanna drop by?" Bigla akong nanlamig sa kaba. May intensyon talaga 'to sa akin.
"I'll refuse, thank you."
"Aw, c'mon...I won't do anything."
"Do you even understand what you're saying?" Seryoso pero mahina kong reaksyon dahil ayokong maging viral online. "Are you gay?"
"Why, you're saying I can't be friends with a man?" May point nga naman siya. "I have no bad intentions, trust me. Please." Pang-ilang please na iyan yun na para bang aso siya.
"Well, I am gay." Pag-amin ko. "And I know if a guy's hitting on me."
"That's how I sound to you?"
"Yes. Kanina pa, actually."
"Damn."
Tumahimik lang siya at bumalik sa pagkain. Na-realize siguro niya na nahahalata ko siya. Bumalik naman ang waiter sa amin para i-deliver yung soft-serve ice cream. Tamang-tama, na-uuyam na ako dito sa mantika ng karne.
"Sir, card payment po? Or cash?"
"Pwede credit?" Hinugot ni Jigo yung wallet sa likod ng pantalon niya, sabay abot ng isang card sa waiter. Pinasok nung waiter yung card sa terminal tapos bigla yung nag-buzz ng malakas. Card declined daw.
"Sir, declined po."
"Here, try mo ito." Ibang card naman inabot niya. Card declined pa rin.
"I'm sorry, pwede GCash na lang?" Nahiya na rin siguro siya. Isip siguro niya, ang yabang yabang niya sa harap ko tapos wala pala siyang pambayad.
Tumakbo yung waiter pabalik sabay abot sa kanya ng QR code. "Sir, sorry po, down po pala terminal namin. Nakakahiya po sa inyo."
"Nah, don't worry. I just paid the bill so sure ako there's something." Tinapat niya yung camera ng cellphone niya sa QR code ng GCash. Nasilip ko pang 2,000 yung tinype niya. "Here, I added a tip."
"Thank you ser." Umalis ang waiter para i-confirm sa cashier na pumasok na yung pera.
Para bang nakalimutan na rin niyang may pending pa kaming usapan. Parang wala lang din sa kanya nung narinig niyang gay ako. Hindi man lang siya nagulat sa bilis ng usapan namin.
Hinawakan ni Jigo yung plastic cup na may soft-serve, nagmamadaling ubusin ang laman. Madilim noon at halatang parating na ang ulan dahil ang lakas ng kulog at kidlat.
"Ok na phone mo?" Nakalimutan kong nakasaksak pa pala yung power bank. Pagsindi ko sa cellphone, wala man lang text na pumasok. Mukhang walang naghahanap sa akin sa bahay.
Ilang segundo pa, bumagsak na yung ulan. Palakas ng palakas, pumapasok na yung patak sa loob ng restaurant at nababasa na yung mga kumakain.
Nagsitayuan yung mga tao habang busy ang mga waiter at waitress na ibulatlat yung mga panakip na tarpaulin. Tapos na rin naman kaming kumain ni Jigo, kaso sa lakas ng ulan wala akong masasakyan pauwi. Walang jeep na dumadaan. Ewan ko kung may Grab.
"I can book you a Grab." Alok niya sa akin, sabay bukas ng app sa cellphone niya. No available drivers in your area. Sinubukan niya ulit, wala pa rin. Paikot-ikot lang yung loading button habang naghihintay kami ng pwede kong sakyan.
"It's okay. Kaya ko naman mag-jeep. Patilain ko lang yung ulan."
"It's not safe. I'll worry about you." Halos di kami magkarinigan sa lakas ng ulan sa paligid namin. "If you'll still allow me...may I still offer my room?"
"You won't do anything with me?"
"I won't. Please." Ayan na naman siya with his puppy eyes.
"Fine."
Tumayo kaming dalawa at tinaas yung isa sa mga tarpaulin para makalabas kami. Wala kaming payong, kaya ginamit niyang panakip yung dala niyang hoodie para di kami mabasa. Hindi naman malaking problema yun dahil ilang lakad lang yung entrance ng mall, at meron din iyong canopy na pwedeng tambayan ng mga nagpapatila ng ulan.
Puno nga ng mga nagpapatila ng ulan yung paligid ng mall. Hinawakan ni Jigo ang kamay ko, naghahanap ng paraan paano kami makakasingit sa mga tao. Napadpad kami sa kabilang gilid ng mall na may nakasulat na Fernando Wing.
Wala halos tao sa mall pagpasok namin. Ang naririnig lang ay yung mga lasenggo sa isang night club, kumakanta ng di ko maintindihang kanta. Mga Japanese siguro.
"Wait! Wait!" Hingal ko habang hinahatak niya ako paakyat sa upper ground floor ng mall, papunta sa isang elevator lobby. "Ba't tayo bumalik?"
"We're going up."
"Up?" Pagtataka ko. Ito ibig sabihin niya ng I live here kanina? "Parang kabisado mo lahat ng nandito? Ikaw ba may-ari nito?"
"Well yes!" Halakhak niya habang pinagmamasdan akong pagod, kahit na ilang hakbang lang ang tinakbo namin. "Well not really...but my family owns this. I'm exiled here."
"Anong exiled?"
"Let's go?" Saktong tumunog ang elevator at bumukas ang pinto. Umakbay siya sa akin, senyas na sumunod ako sa kanyang pumasok. "You know there's a condo upstairs, right?"
"Ano naman?"
Pinindot niya ang number 17 at ang close button, sabay ngisi na parang demonyo. "Well I see you glaring at it at the CCTVs, duh."
Red flag, red alert. Wee woo, wee woo! Help! Saklolo!