"HUY, Sis. Ano na? Natameme ka dyan?" Nabalik lang siya sa reyalidad nang muling magsalita ang pinsan sa kabilang linya.
"Pwede bang wag ka nang magtanong? Wala ako sa mood magkwento. Ikaw talaga, masyado kang maraming iniisip kesa sakin. Tumigil ka nga dyan." Pagsasaway niya rito at naramdaman naman niya ang paglalabi nito kahit di niya nakikita.
"Nagtatanong lang naman eh. Ang sungit naman nito. Sige na nga ibababa ko na to. Bye, take care Sis."
Nang ibaba na nito ang tawag ay nilagay na niya phone sa bedside table niya saka humiga, tinitigan niya ang kisame at ipinikit ang mga mata hanggang sa tuluyan na siyang makatulog.
Sa kalagitnaan ng kaniyang mahimbing na pagtulog ay nakaramdam siya ng isang mabigat na bagay na humahaplos sa kaniyang pisngi. Sa kyuryusidad, inaantok pa ma'y pinilit pa rin niyang imulat ang sariling mga mata. Sa gulat ay ni hindi niya magalaw ang buong katawan upang makabangon at hindi man lang niya maibuka ang bibig upang magpakawala ng isang boses.
Hindi rin nito sinubukang magpakawala ng isang salita, tanging titig lamang nito ang iginagawad sa kaniya. Marahan niyang ipinikit ang mga mata nang dahan-dahan nitong nilapit ang mukha na tila ba hahalikan siya.
Nang wala siyang maramdamang dumampi sa kaniyang labi ay dahan-dahan niyang iminulat ang mga mata na agad niya namang pinagsisihan kung bakit pa siya nagmulat. Labis ang pagkadismaya niya sa mga oras na iyon.
May panghihinayang man sa mukha niya ngunit mas pinili niya pa ring bumangon sa pagkakahiga at tiningnan ang nakakasilaw na liwanag na tumama mula sa bintana niya. Umaga na, sumikat na ang araw. Bigla naman niyang naalala ang lalaki kanina na nais humalik sa kaniya. Napahawak na lamang siya sa labi nang maalala ang tagpong iyon.
"Panaginip lang pala yun." Napabuntong hininga na lamang siya bago bumangon saka nagtungo sa palikuran upang maligo.
Nasa isang kainan siya kung saan siya kumain noong unang araw pa niya sa Resort. Gaya ng dati, siya lang din mag-isang kumakain dun. Mabuti na rin iyon dahil walang mag-iisturbo at mang-iinis sa kaniya. Walang Harold sa buhay niya.
"Pwede makiupo?" Napatingala siya sa harapan niya at muli na naman niyang nasilayan ang gwapong mukha nito. Natigil sa ere ang hawak niyang tinidor na may nakatusok na gulay na sa mga sandaling iyon ay isusubo niya sana.
Hindi pa niya naibubuka ang bibig para magsalita nang umupo na ito sa tapat niya. Tumingin pa ito sa kaniya at nginitian siya. Umiwas siya ng tingin at kunwaring abala sa pagkain.
"Wait, yan lang ba ang kakainin mo? Diet ka ba o di mo lang gusto yung mga pagkain dito?" Hindi niya ito tinapunan ng tingin habang sinusubo ang gulay sa tinidor.
"You know what, hindi bagay para sa isang babae ang magdiet. Lalo na sa isang katulad mo na maganda. It's no good to be skinny, it just makes you ugly." Kumunot naman ang noo niya sa naging sambit nito. May inis ang mukhang binalingan niya ito ng tingin.
"Sinasabi mo bang pangit ako dahil ganito ang katawan ko?" Nagtataka naman itong lumingon sa kaniya at hindi natuloy ang pagsubo ng hiniwang steak.
"Woah, easy. Wala akong sinasabing ganun. Ang akin lang, hindi maganda para sa isang babae ang pumayat kasi baka pumapangit sila sa paningin ng ibang tao. Alam mo naman sa panahon ngayon, marami nang mapanghusga. I didn't say you're ugly." Hindi niya pa rin inalis ang tingin rito na parang hindi siya kumbinsido sa sinabi nito.
"At wala rin akong sinabi na pangit ka. Ang ganda-ganda mo kaya at-" ngumiti ito at nakita niya na bumaba ang tingin nito sa dibdib niya, "Sexy."
Lumaki ang mga mata niya sa sinabi nito. Kaya padabog siyang tumayo para iwanan sana ang lalaki nang agad naman siya nitong naharangan.
"Woah, teka lang. Saan ka pupunta? Hindi mo pa natatapos yung kinakain mo." Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito sa mga mata.
"Alam mo gwapo ka sana eh. Kung hindi ka lang bastos." Nagtataka ang mukhang binalingan siya nito.
"Ano bang ginawa ko? Sinabi ko lang naman na maganda ka at sexy. May masama ba dun?"
"That's exactly my point Mister. Hindi nga ba masamang sabihan mo ang isang babae ng sexy habang nakatuon ang tingin sa dibdib? Now tell me you didn't do anything wrong, Mr. Pervert." Bago tumalikod ay may sinabi pa siya sa lalaki.
"One more thing, huwag ka nang susulpot ulit sa harapan ko. You're freaking me out. At para sabihin ko sayo, hindi porque nagkakilala na tayo at nagkaalaman ng mga pangalan ay pwede ka nang makipagclose sakin dahil hindi ako basta-basta lang nakikipagkaibigan sa kahit sino." Turo niya rito bago tuluyang umalis.
Sa totoo lang ay hindi niya rin alam kung saan siya kumuha ng lakas ng loob para sabihin iyon sa lalaki. Nakakapanghinayang lang kasi hindi ganun ang pag-aakala niya sa lalaki tulad ng inaasahan niyang ugali nito. Gayunpaman, marahil ay katulad lang rin siya sa mga lalaking nakilala niya. Kinukuha ang pinakamahalagang perlas ng isang babae para lang sa sariling interes pagkatapos ay itatapon na lang na parang isang basura kapag hindi na mapakikinabangan.
****
HINDI na natapos ni Jhairo ang kaniyang umagahan sapagkat hindi na naman maalis sa kaniyang isipan si Celestine matapos siya nitong komprontahin kanina. Kasalukuyan na siyang naglalakad patungo sa Cottage na tinutuluyan na hindi lang rin kalayuan sa tinutuluyang Cottage ni Celestine.
Sa kabila naman ng ginawang pagsusungit sa kaniya ni Celestine ay mukhang masaya pa siya. Naiisip pa lang niya ang mukha nitong hindi maipinta sa tuwing nakikita siya ay napapangiti na siya. Hindi niya alam kung bakit ngunit iba na ang epekto sa kaniya kapag nakikita niya ang dalaga.
Lalo pa siyang naging masaya nang makita itong muli. Akala niya kasi ay hindi na niya muling makikita ito mula sa reception noong nakaraan. Hindi niya akalain na muli niyang makikita ang dalaga sa lugar kung saan ay gustong-gusto na niyang makalimot sa nakaraan sa dating pag-ibig.
Noong nakita niya sa pangalawang pagkakataon ang dalaga sa dalampasigan habang umaahon siya sa dagat ay hindi na ito naalis pa sa kaniyang isipan. Akala niya nga noong oras na iyon ay baka namamalikmata lamang siya sapagkat lagi-laging sumasagi sa kaniyang isipan ang dalaga kamakailan lang pero napatunayan niyang tama nga siya ng nakikita nang mas lumapit pa siya. Ngunit natigilan siya nang umiwas ito ng tingin at tumalikod. Agad naman siyang napangiti nang pumasok ito sa Cottage na hindi naman kalayuan ng kaniya. Ibig sabihin ay palagi na niya itong masisilayan.
Kanina naman sa may malapit na kainan kung saan siya palaging pumupunta ay nakita na naman niya ang dalaga na mag-isang kumakain. Mukhang maganda na naman ang umaga niya. Hindi na siya nag-aksaya pa na lapitan ito nang may ngiti sa mga labi.
Inaasahan na niyang susungitan siya nito at ganun nga ang nangyari. Dun lamang siya nagulat nang komprontahin siya nito na tinitingnan daw ang dibdib nito kahit hindi naman talaga iyon ang intensyon niya.