Chereads / Day Zero: Fairview Outbreak / Chapter 68 - Kabanata 68: Ang Bagong Panganib

Chapter 68 - Kabanata 68: Ang Bagong Panganib

Kabanata 68: Ang Bagong Panganib

Kinabukasan, matapos ang pagpupulong sa Hilltop, inanunsyo ng ating bida, si Mon, na siya ang mamumuno sa susunod na misyon ng paghahanap ng suplay. Kinausap niya si Joel upang ipahinga muna ito.

"Joel, marami ka nang nagawang misyon. Pahinga ka muna. Ako naman ang bahala ngayon," wika ni Mon.

Kasama niya sa misyon sina Vince, Macmac, Emjay, Rina, at Shynie. Pinaalalahanan niya ang grupo, "Delikado ang gagawin natin. Hindi natin alam kung ano ang nagbago sa lungsod. Maghanda kayo."

---

Sa Daan Patungo sa SM City San Jose del Monte

Habang naglalakbay, kitang-kita ng grupo ang pagbabago sa lugar. Ang dating puno ng trapik na kalsada, ngayon ay punung-puno ng sira at nakataob na mga sasakyan. May iilang mga zombie ang naglalakad sa daan.

Sabi ni Vince, "Mon, may mga zombie pang mabibilis. Ibig sabihin, bago lang sila naging zombie."

Tumango si Mon. "Oo, tama ka. Ibig sabihin, marami pa ring survivor sa paligid. Mag-ingat tayo. Asahan natin na baka makasalubong tayo ng mabilis na zombie o kaya'y ibang tao na nagloloot."

Pagdating sa SM City San Jose del Monte, iniutos ni Mon, "Vince, sa likod tayo dumaan sa parking area. Ang entrance doon ay supermarket agad. Iwas tayo sa zombie at sa ibang survivor."

---

Sa Loob ng Mall

Sa likod na entrance ng mall, may iilang zombie ang naglalakad. Inutusan ni Mon sina Shynie at Rina.

"Kayo na ang pumatay diyan. Gamitin niyo ang bat at kutsilyo. Tandaan niyo ang training natin—walang maingay."

Maingat nilang pinatay ang mga zombie bago pumasok sa back entrance. Naghanap sila ng mga pagkain sa supermarket. Marami sa mga karne at gulay ay bulok na, kaya mga de-lata at noodles na lang ang nakuha nila.

Habang nagbubuhat si Rina ng mga de-lata, aksidente siyang nakalaglag ng isa, na lumikha ng ingay. May zombie ang lumapit. Agad inutusan ni Mon si Vince.

"Vince, ikaw na bahala diyan."

Pagkatapos patayin ang zombie, nagpatuloy sila sa pagkuha ng mga suplay. Ngunit narinig nila ang dalawang lalaking nag-uusap hindi kalayuan.

"Grabe 'yung zombie na 'yun," sabi ng isa. "Ang bilis, tumatalon pa. Buti na lang naiwanan natin!"

Bigla na lang nagulat sina Mon nang makita nilang parehong napugutan ng ulo ang dalawang lalaki. Sa kanilang harapan, lumitaw ang isang kakaibang zombie—mahaba ang binti, kayang tumalon hanggang dalawang palapag ng gusali.

Agad tinakpan ni Mon ang bibig ni Shynie, na halos mapasigaw sa gulat.

"Walang maiingay. Walang gagalaw. Aalis tayo dito kapag nawala na siya," bulong ni Mon.

Nang mawala ang zombie, dahan-dahan silang umatras pabalik sa sasakyan.

---

Ang Pagtakas

Habang umaalis na ang grupo, biglang lumitaw ang tumatalon na zombie at sumampa sa bubong ng kanilang mini bus. Si Mon ang naiwan sa labas.

"Sa main entrance niyo ako hintayin! Magpapahabol ako!" sigaw ni Mon.

Tumakbo siya patungo sa main entrance habang hinahabol ng zombie. Sa daan, binaril niya ang mga zombie na humarang. Sa wakas, nakarating siya sa mini bus, sabay talon sa loob nito. Agad sinarado ni Rina ang pinto.

Pag-andar ng sasakyan, biglang kumalabog sa bubong ang tumatalon na zombie. Pilit nitong binubutas ang bubong ng mini bus. Pinaputukan nila ito mula sa loob. Sa dami ng tama ng bala, nahulog ang zombie sa daan at nagpagulong-gulong.

Nakahinga ng maluwag ang lahat.

"Grabe 'yun," sabi ni Shynie habang pinupunasan ang pawis sa noo.

Sumagot si Vince, "Buti nakatakas tayo. Pero hindi ko makakalimutan ang zombie na 'yun."

"Maghanda pa tayo," sabi ni Mon. "Mukhang marami pang panganib ang kailangan nating harapin."