Chereads / Day Zero: Fairview Outbreak / Chapter 39 - Kabanata 39: Ang Lihim ni Shynie

Chapter 39 - Kabanata 39: Ang Lihim ni Shynie

Kabanata 39: Ang Lihim ni Shynie

Sa pag-uwi ni Mon sa Hilltop Compound matapos ang mahabang araw ng pag-aayos ng kanilang bagong farm, napansin niya si Shynie na nakaupo sa harap ng bahay na itinalaga sa kanya. Ang mukha nito ay tila malalim ang iniisip, at ang gabi'y naging tahimik maliban sa mga huni ng kuliglig sa paligid.

"Shynie," tawag ni Mon habang palapit. "Napansin ko, parang ikaw na lang yata ang hindi namin alam ang kwento. San ka ba talaga nakatira? At may pamilya ka pa bang gustong iligtas?"

Napatingin si Shynie sa kanya, tila nag-aalinlangan ngunit halatang gusto ring magbahagi. Huminga ito nang malalim bago nagsalita.

"Sa totoo lang, Mon, hindi ako accountant," aniya habang nakayuko. "Isa akong teacher. Nasabi ko lang yung tungkol sa pagiging accountant dahil sa pagkabigla noong unang araw ng outbreak. Hindi ko na rin binawi kasi… ano pa bang saysay? Pero kung tungkol sa bahay…"

Itinuro ni Shynie ang direksyon ng Phase 6, Camarin. "Magkalapit lang tayo ng lugar. Taga Chapel lang ako, doon din sa Phase 6. Pero wala na akong pamilya sa bahay namin. May kanya-kanya na silang buhay. Ako na lang ang naiwan. Kaya hindi ko na rin sinuggest na balikan yung bahay namin."

Saglit itong tumigil, nag-isip, at tumingin kay Mon. "Pero... may tita ako. Siya lang ang pinakamalapit na kamag-anak ko na gustong-gusto kong balikan. Malapit lang din siya sa lugar mo. Pero sa tingin ko, wala na rin sila. Alam mo naman, nung huling mission nyo sa area na yun, sinalakay ng mga zombie ang evacuation site."

Tahimik si Mon habang nakikinig, iniintindi ang bigat ng kwento ni Shynie.

"Alam mo, Shynie," sabi niya sa mahinahong tono. "Kapag may mission ulit tayo na malapit sa lugar natin, sumama ka. Daanan natin yung lugar mo at yung bahay ng tita mo. Malay mo, may pag-asa pa. At least magpapanatag ka kahit papaano."

Tumingala si Shynie at nagbigay ng malungkot ngunit mahinang ngiti. "Salamat, Mon. Hindi ko man maamin, pero ang bigat kasi. Hindi ko alam kung paano magsisimula ulit sa ganitong mundo."

Bago pa makasagot si Mon, dumating ang walong taong gulang na si Enzo, may hawak na dalawang tasa ng mainit na kape. Iniabot nito ang isa kay Mon at ang isa kay Shynie.

"Kape po," sabi ni enzo, ngumingiti nang bahagya. "Sabi ni mama Jessica, kailangan nyo po ito para maginhawaan kayo."

Natawa si Mon at tinapik ang ulo ni enzo. "Salamat, enzo. Alam mo, kahit bata ka, ang laki ng tulong mo dito sa grupo natin."

Tumango si enzo at tumakbo pabalik sa bahay nila ni Jessica, iniwan sina Mon at Shynie na parehong tahimik na nagkakape. Sa sandaling iyon, parehong naramdaman nila ang bigat ng mga nawala sa kanila, ngunit naroon din ang pag-asa na sa kabila ng lahat ng hirap, may mga tao silang maaaring sandalan.