Nagtatawanan pa kami ni Noah papalabas ng gym nang makasalubong namin si Paul na papasok sana sa loob.
"Oh, akala ko kung ano na ang nangyari sa inyo" Bigkas niya.
"Medyo natagalan lang, nagkwentuhan pa kasi kami" Sagot ko naman.Tumingin siya sa akin at inilipat ang tingin kay Noah bago bumalik ang tingin sa akin.
"Ang saya niyo yatang dalawa? Why don't you share some tea with me too?" Mahina akong natawa sa kanya at sasagot na sana nang dumako ang tingin niya sa kamay ko. "Okay na 'to? Okay ka na?" Tanong niya na habang hawak ang palapulsuhan ko.
"Okay na. Medyo hindi na kita yung pasa" Sagot ko.
"Ikaw? Okay ka lang ba?" Biro niya kay Noah."Ako ba yung may pasa?" Sarkastikong sagot niya."Nagtatanong lang eh" Salita nito sa sarili. Umakbay kaagad siya kay Noah. "Tara na. Kumain muna tayo ng lunch para mawala ang sumpong mo" Umirap lang sa sinabi niya si Noah.
Bigla namang tumunog ang tiyan ko ng walang pasabi. Natigilan ako at nahihiyang tumingin sa kanilang dalawa.
"Kita mo? Gutom na si Pres kaya tara na" Nagulat ako nang bigla niya din akong inakbayan.
Nasa gitna namin siya ni Noah at hinatak na niya kami papalakad papunta sa canteen. Nagreklamo pa ako dahil naipit ang braso ko na may pasa pero agad din naman siyang nag-sorry at sinabayan na lang kami sa paglalakad.
Gulay lang ang inorder ko na ulam para makatipid. Isang serve ng ginisang sitaw at isang kanin na sinamahan ng isang cup ng tubig. Nang makarating ako sa lamesa na pagkakainan naming tatlo ay napatingin ako sa mga pagkain nila. Tigtatatlong kanin na may serve ng adobo, fried chicken, at kung hindi ako nagkakamali ay menudo.Napatingin sila sa akin at sa pagkain ko. Napataas ako ng kilay sa kanilang dalawa.
"Oh, bakit?"
"Wala ka na bang ibang order?" Umiling ako.
"Ba't 'yan lang?" Tanong ni Paul.
"Gulay lang ang kaya ng budget ko. Okay na'to sa'kin... Kumain na nga kayo d'yan" Sabi ko at nagsimulang kumain.
Bigla namang tumayo si Noah at maya-maya pa ay may dalang kanin pagbalik. Inilapag niya kaagad sa harap ko.
"It's on me, don't worry" Sabi niya at nagsimulang kumain. "Kumain ka rin d'yan ng ulam. I ordered a lot so we can share with you" Dagdag niya.
Naguguluhan akong tumingin sa kanya.
"Ah, oo nga pala. Naalala ko na libre pala 'to ni Sir Noah" Singit na naman ni Paul at itinulak ang mga ulam sa harap ko. "Kain ka lang. Hindi rin naman namin kayang ubusin lahat 'yan" Kaya pala nagtataka ako kanina kung bakit ang dami naman yata ng mga ulam na binili nila para sa kanilang dalawa.
Tumango ako at inilagay din ang gulay ko sa harapan nila.
"Kumain rin kayo nito. Dagdag sustansya sa mga ulam niyong puro karne" Sabi ko at nagpatuloy sa pagkain.
Nakita ko ang pag-iling ni Noah at nang tumingin ako kay Paul ay ngumiti ito sa akin bago sumubo ulit. Kumakain pa kami nang napansin kong wala sa kanilang dalawa ang may balak na tumikim sa ginisang sitaw.
"Kayong dalawa..." Bigla kong salita sa kanila para mapatingin sila sa akin. "Hindi kayo kumakain ng gulay, ano?" Panghuhuli ko.
"No." Diretsong sagot ni Noah habang si Paul ay nahihiyang tumango sa akin.
Napabusangot ako dahil hindi ko alam na hindi naman pala sila kumakain ng gulay pero hindi man lang sila tumanggi. Sayang lang ang binili kong pagkain kung hindi rin mauubos. Kukunin ko na sana ang platito na may ginisang sitaw nang bigla akong pinigilan ni Noah.
"Put it back. We'll try it..." Mabilis na nilingon siya ni Paul dahil sa sinabi nito.
Pinandilatan siya ni Paul kaya natawa ako pero bigla rin siyang kumuha ng ilang piraso at ipinatong sa nakakutsarang kanin sa plato niya bago isinubo. Naghihintay kaming pareho ni Paul sa magiging reaksyon niya.
"Anong lasa?" Nakatinging tanong ni Paul sa kanya."Ikaw rin, Paul. Kumain ka rin, masarap naman 'yan" Kumuha rin ako ng ilang piraso at inilagay sa plato niya.
"It's good. Malutong pero maalat..." Pagpapakatotoong sabi ni Noah sa amin nang naisubo na naman ni Paul ang sa kanya. Kami naman dalawa ni Noah ang naghihintay ng reaksyon niya.
"May seeds pa pala 'to?" Unang sinabi niya matapos nguyain ang kinain niya.
"Ano? Okay lang ba?" Tanong ko na sa kanila.
"Okay lang. I think need lang ng maraming kanin kapag kakain" Sagot niya kaya natawa ako dahil totoo din ang sinabi niya.
Akala ko ay hindi na sila kakain pero natawa na lang ako nang kumuha sila ulit ng ilang piraso.Pagkatapos kumain ay nag-usap muna kami saglit para kahit papaano ay matunawan kami sa mga kinain namin.
Paubos na ang tubig ko kaya umalis muna ako sa table para bumili ng tubig sa dispenser ng canteen.Naghahanap pa ako ng piso sa wallet nang napatingin ako sa nakatayong lalaki sa harapan ng fridge. Pamilyar ang likod niya sa akin kaya hanggang sa naipasok ko ang piso sa dispenser ay nakatitig parin ako sa taong 'yon.
Naramdaman niya yata ang titig ko nang napalingon ito sa gawi ko at hindi nga ako nagkamali. Si Ryde pala. Ngumiti siya sa akin kaya binigyan ko din siya ng ngiti. Sa huli ay kumuha siya ng isang bote ng mineral water at orange juice mula sa fridge at lumapit sa akin para makabayad sa tindera.
"You're done eating?" Tanong niya na ikinatango ko.
"Oo, ikaw?" Tumango din siya at iniabot ang palad niya sa tindera para makuha ang sukli nang bigla niyang ibinigay sa akin ang orange juice na hawak niya.
"Sa'yo na..." Sabi niya at ngumiti sa akin bago umalis na wala man lang ibang sinabi.
Nagtatakang bumalik ako sa upuan namin habang hawak ang orange juice na ibinigay niya.
Ang weird niya rin. Ang weird pero gwapo.
Hindi ko alam nakatingin na pala ang dalawa sa akin kaya nang makalapit ako sa table namin ay nakakalokong ngiti ang iniharap sa akin ni Paul.
"Sino 'yon?" Ngumingising tanong pa niya.
"Kilala ko lang" Sagot ko pero hindi niya na ako tinantanan.
"Talaga ba? May pa-orange juice pang nalalaman" Umikot ang mga mata ko sa kanya kaya mas lalo siyang ginanahan na tuksuhin ako. "Ang bilis mo namang palitan ang manok ko..." Nang-iinis na sabi niya sa akin at tumingin kay Noah na wala man lang reaksyon.
"Alam mo bang mabilis akong mainis?" Sarkastikong tanong ko bago naunang tumayo at naglakad papaalis mula sa kanilang dalawa.
Nababadtrip pa ako sa nangyari sa amin ni Alex kanina. Wala na akong lakas para tumanggap pa ng pangbibwisit sa araw na ito.
Narinig ko ang boses ng pagtawag ni Paul akin kaya hindi ako lumingon at mabilis na naglakad papunta sa building namin. Nang biglang may humablot sa braso ko para palingunin ako.
Napasigaw ako sa sakit kaya hindi ko sinasadyang malakas na kumalas mula sa pagkakahawak ng braso ko dahilan para matumba ang kung sino man ang humawak sa akin na hindi ko naman alam na si Paul pala.
Napahilata siya sa mga nakapasong halaman na nakadisplay sa harapan ng building namin. Nabasag pa ang mga ilang paso dahil sa lakas ng pagkakabagsak niya.
Nabigla man ay dali-dali kong tinulungan siyang makabangon. Nag-alala ako nang makitang nadumihan ang likod ng uniform niya at nasugatan ang bandang ilalim ng mukha niya dahil sa tinik ng halaman.
Nagsimula akong mag-panic nang tumingin ako ulit sa likod niya na dumudugo na.
"Anthony!"Napalingon agad kami sa likuran ko nang marinig ko ang sigaw na 'yon.
Hindi ko kilala ang teacher na 'yon pero mabilis niya kaming nilapitan at itinayo si Paul. Masamang tumingin siya sa akin at itinabig ang kamay ko na nakahawak kay Paul.
"Anong ginawa mo sa anak ko?!" Hindi makapaniwalang napatingin ako sa kanya nang marealize ko kung sino siya.
Agad naman na pumagitna si Noah sa amin.
"Tito, hindi po sinasadya ng classmate namin" Paliwanag ni Noah sa kanya.
"Anong hindi? Nakita ko na itinulak niya si Paul!" Sumbat niya.
Tumingin ako kay Paul na hanggang ngayon ay iniinda ang likod niya.
"Sir, I'm sorry. Hindi ko-"
"Manahimik ka! You hurt my son! We should take this to the guidance office!" Galit na galit na sabi niya.
Natakot ako bigla. Ito ang magiging first time ko sa guidance kapag nagkataon.
"Tito, sasabihin ko kung anong nangyari pero huminahon muna po kayo" Pagpilit ni Noah sa kanya pero halatang ayaw nitong makinig.
"Dad... It's really not her fault. I was teasing her. Aksidente niyang naitabig ako kaya ako bumagsak" Napahinga ako ng malalim nang naniwala siya sa anak niya.
Naiinis na tumingin siya ulit sa akin.
"Sa susunod, hija... Matuto ka ng makihalubilo ng tama. Nakakalimutan mo yata na hindi lahat ng nasa school na 'to ay mahihirap na kagaya mo? My son should have friends that are the same level as him..." Napayuko ako sa lahat ng sinabi niya.
Tama nga pala. Hindi lahat mahirap dito. Kaya nga pala ang laki din ng ibinabayad ng mga teachers sa tuwing naglilinis ako ay dahil sa sinabi niya. Sinasampal na naman ako ng realidad.
Hindi ako makaimik. Kahit sila ni Paul at Noah rin.Tutulungan na sana niya si Paul para dalhin sa clinic nang bigla siyang itinabig nito.
"Hindi ko kailangan ang tulong mo..." Galit na galit ang ekspresyon ng anak niya.
"Walang modo!" Sigaw niya nang naalimpungatan din siya dahil may mga estudyanteng nakatingin na sa amin. Natawa ako ng bahagya sa kabila ng lahat.
Naalala ko si Alex sa kanya.Mabilis siyang umalis at iniwan kaming tatlo. Tumingin si Paul sa akin na nakangiti kahit alam kong iniinda niya ang likod niya.
"Tara sa clinic?" Aya niya sa aming dalawa ni Noah.
Bigla niyang pinaupo ng nakatalikod sa kanya si Noah. Nagre-request ng piggy back ride. Hindi naman nagreklamo si Noah at sinunod kaagad. Pagkatapos niyang makasakay sa likod ni Noah ay hinawakan niya ang kamay ko.
"Tara na. Alam ko rin na may masakit sa'yo" Tanging sabi niya bago kami nagsimula sa paglalakad papunta sa clinic.
Hinihila niya ako para makasabay sa paglalakad kay Noah nang hindi ko na namalayang tumutulo na pala ang luha ko.
Unti-unting lumalabo ang daan pero nakahawak parin siya sa kamay ko habang nakasampa sa likod ni Noah.
Hindi ko na napigilang hindi humikbi dahil sa naalala ko ang lahat ng nangyari sa araw na ito.