Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Kung maaawa ba ako o maiinis. Nakahawak pa ako sa braso niya at concern pa sana pero binabawi ko na pala.
"Arte nito..." Irap kong sabi bago lumayo sa kanya.
Aalis na sana ako dahil hindi ko na rin maiwasang hindi mainis sa pang-uuto nila sa akin kanina.
"Ikaw na nga ang may kasalanan. Ikaw pa 'tong galit? Hanep" Taas ang kilay ko na humarap sa kanya.
"Kasalanan mo naman din ha? Ba't ba kasi nakatayo ka d'yan?" Sumbat ko sa kanya. "Akala ko tuloy multo" Pabulong kong salita sa sarili.
"Noah!" Tawag ng isang babaeng papalapit sa amin.
Tumingin siya sandali sa akin pero hindi niya ako pinansin. Mabilis ang kamay niya na humawak sa braso ng lalaking kausap ko.
"What are you doing? Paul has been looking for you" Sumulyap ulit siya sa akin at base sa tingin na 'yon ay hindi niya yata ako gusto na kasama ang lalaking hindi ko naman din kilala.
Tumalikod na ako para pabayaan na sila dahil balak ko na rin umuwi kanina pa. Pababa na ako ng hagdan nang marinig ko ang sinabi ng lalaking tinawag na Noah.
"Hindi man lang nag-sorry" Reklamo niya. Nagdadalawang isip akong lumingon.
"Tara na nga" Sabi ng babae sa kanya at hinatak na siya papalayo nang nakalingon ako.
Napabuntong hininga ako ng malalim. Wala na rin akong lakas para makipagsagutan.
Tinawag ako kanina ng isa sa mga teachers na nasa cooking laboratory bago ako tuluyang makauwi. Hinihintay pala nila ako para ibigay sa akin ang mga pagkain na natira sa mga niluto nila. May manok at cake pa akong nauwi.
Pagkarating ko sa bahay ay naghahanda na si Mama ng hapunan namin sa lamesa. Naabutan ko rin ang kapatid ko na naglalaba sa uniform niya sa labas ng kusina namin kaya tinawag ko na muna para kumain.
"Ma, may ulam ako tapos cake. Bigay sa akin ng mga teachers sa school" Kumuha kaagad siya ng plato para maisalin ang mga dinala ko.
Tuwang tuwa pa ang bunso namin habang kumakain. Minsan lang kasi kami makaulam ng ganito dahil kadalasan ay itlog, tuyo, o alamang ang ulam namin. Kung wala talaga ay mantika at asin na lang ang pinagtitiyagaan namin.
Hindi rin naman kasi swerte sa pangingisda ang tatay namin at madalas ay walang huli sa laot kaya kung minsan na may nahuhuli siyang isda ay nauuwi rin bilang pambayad ng mga inutang namin sa amo niya. Si Mama naman ay housewife na napakamahiyain rin, hindi niya kayang umutang ng kung anu-ano sa mga tindahan ng kapitbahay namin dahil takot siya na hindi makabayad.
Bilang hindi kami lumaki na sanay sa utang ay nasanay na ako na kumayod rin sa sariling paraan ko para naman makatulong ako sa mga gastusin.
"Ang bait talaga ng mga teachers sa senior high Ate, 'no? Binibigyan ka nila palagi ng pagkain" Komento ng sumunod sa akin na kapatid ko. "Kapag Grade 11 na ako mag-aapply din ako as working student para may pagkain at pera na ako" Sabi niya.
"Pero pag-aaral ninyo ha? Huwag niyo rin kalimutan. Gusto ko na makapagtapos kayo na may alam. Nagsisikap pa si Papa ninyo para maka-graduate kayo lahat" Paalala ni Mama. "Hayaan niyo kapag naka-graduate na 'tong bunso natin sa elementary ay tatanggapin ko na yung sabi ni Ma'am Gregorio na tagalinis ng room niya. Lalo na malapit na magkolehiyo si Ate ninyo" Sabi niya habang hinahati-hati ang manok para sa amin.
"Ay siya nga pala, Ma..." Sabi ko at kinuha ang bag ko. "Fully paid na po ang miscellanous ko kaya pangdagdag na natin 'to sa kuryente. Baka kasi putulan tayo ulit nila Manang Grace" Saka inabot ang 300 pesos na naipon ko sa mga bayad ng mga teachers mula sa pagpapalinis sa akin ng mga cubicle nila sa faculty.
Ibabalik niya pa sana sa akin ang pera pero tinanggihan ko ito. Ayoko kasi na maputulan ulit kami ng kuryente lalo na't nakikikabit lang kami sa kapitbahay.
"Huling bigay mo na 'to sa akin ha? Mag-ipon ka na muna para sa pang-kolehiyo mo" Tumango ako sa kanya.
Pagkatapos naming kumain ay nagtungo na ako sa likod ng kusina para maglaba sa uniform ko. Tag-iisang set lang kasi ang mga uniform naming tatlo kaya kailangan namin maglaba araw-araw. Naghuhugas ng plato ang bunso namin nang kinausap ako ni AJ.
"Ate, kailangan ko bumili ng materials sa project ko. May pera ka pa ba?" Nahihiyang sabi niya sa akin.
"Meron pa naman. Magkano ba kailangan mo?" Tanong ko sa kanya na agad niyang ikinangiti.
"Fifty pesos sana. Ibibili ko kasi ng bond paper at construction, glue na rin" Tumayo muna ako atsaka pumunta sa kwarto ko para kumuha ng pera. Hindi ko alam na nakasunod na pala silang dalawa sa akin.
Kinuha ko ang isang daan at bente sa wallet ko at pinalapit silang dalawa.
"Oh, ayan. One hundred na ibibigay ko sa'yo kasi baka kulang tapos baon mo na din bukas. Ito sa'yo bunsoy, baon mo 'to bukas. Huwag na kayong humingin ng baon kay Mama" Mabuti na lang at tumango naman silang dalawa.
Nakangiti pa sila na lumabas sa kwarto ko. Napatingin ulit ako sa wallet ko na coins na lang ang laman.
Biyernes na nang pinatawag ako ulit ni Ma'am Lou sa faculty para ibigay ang bagong attendance sheet ng klase namin. Sinabi rin niya na siya ang magiging temporary adviser ng klase namin simula sa Lunes. Ibinilin niya rin na ibahin ang posisyon ng mga upuan namin at gawing tigdala-dalawa.
Pabalik na ako sa room nang maisip kong tingnan ang list ng attendance sheet. Hinahanap ko ang pangalan ng lalaki na nakabangga ko nung nakaraan.
"Noah Jaden Melendez..." Naibigkas ko nang nahanap ko ang pangalan niya mula sa listahan.
"Kilala mo?" Napasigaw ako sa pagkabigla dahil sa may nagsalita sa likod ko. Hindi ako nakatiis at hinampas ko na ang braso niya. Tumatawa pa siya habang tinuturo -turo ako.
"Akala ko graduate ka na sa pagiging nerbyosa" Sabi niya at kaagad umakbay sa akin.
"Ano ka ba naman? Alam mo naman na magugulatin ako" Saway ko kanya sabay hampas ulit sa braso niya habang siya ay nakatawa parin.
"So, kilala mo si Noah?" Tanong niya habang naglalakad kami.
"Hindi. Binasa ko lang sa bagong attendance namin. Lilipat kasi sila sa klase namin next week" Sagot ko sa kanya.
"Ah... So classmates na pala tayo next week" Nagtatakang tumingin ako kay Elton.
"Ha?" Nasagot ko sa kanya.
"Classmate ko 'yan. Kayo pala yung lilipatan namin? Nice! Classmates na ulit tayo" Napaawang ang bibig ko at dali-daling hinanap ang pangalan niya sa attendance sheet.
"Hala, oo!" Bigkas ko sa tuwa. Ngumiti siya.
"Kaklase na tayo ulit. Huwag ka masyadong magpaka-nanay sa akin ha?" Inilagay niya ang kamay niya sa ulo ko atsaka ginulo ang buhok ko.
"Oo na. Busy na rin naman ako. Hindi na ako makakabantay sa'yo" Pag-amin ko sa kanya. Ayaw niya kasing may makaalam na iba sa sakit niya sa puso at pag-alahin ang mga teachers.
Nasanay kasi ako noong magkaklase kami simula elementary hanggang junior high school na sinasabihan ko ang mga teachers namin na maging exempted siya sa mga activities na nakakapagod. Nagalit na siya sa akin one time kaya hindi ko na pinakialaman ulit.
"Kitakits next week" Paalam niya sa akin. Tumango naman ako at bumalik na sa room.
Lunes na lunes pero nakabusangot ang mukha ko dahil hindi nakapagsuot ng footsock ang mga bagong kaklase namin at basta-basta na lang pumasok sa loob ng room. Kakafloor wax lang namin nung Biyernes. Ang galing.
Gusto ko man silang pagalitan pero hindi rin naman magandang salubong sa kanila as first day ang pagra-rant.
Buti na lang at dumating na si Ma'am Lou at inayos na ang bagong seating arangement namin. Pumwesto na kaagad ako sa upuan ko nang matawag ang apelyido ko. Wala pa ang katabi ko sa upuan kaya lumingon ako sa mga hindi pa natatawag at nakita ko kaagad si Elton na ngumiti at mahinang kumaway sa akin.
"Melendez" Rinig kong tawag sa apelyido ng pamilyar na lalaki.
Dahan dahan itong naglakad patungo sa upuan nito. Nakasunod ang mga mata ko sa kung saan siya uupo at natigilan nang napagtanto kong sa katabing upuan ko pala siya pupwesto.
Nahuli niya akong nakatingin kaya umirap ito sa akin. Sinuklian ko kaagad ang irap niya at binawi ang tingin.
"Sa likod lang pala kita" Biglang salita ng babae na nakapwesto sa harap ng upuan ko.
Nakilala ko agad siya. Siya rin yung babaeng tumawag sa kanya nung nakaraan. Tumingin ako kay Leila na ngumiti sa akin. Isa rin siya sa mga dati ko ng kaklase. Katabi niya ang babae. Napasulyap na naman ang babae sa akin pero hindi ko rin alam kung anong ibig sabihin ng mga tingin niya kaya hindi ko na lang pinansin.
"Sa harapan ko lang pala si Miss Pres" Lumingon ako sa nagsalita mula sa likod ko.
Nakikilala ko rin siya. Siya ang kasama ni Noah na tinakasan ako sa may hagdan.
Binigyan ko siya ng sarkastikong ngiti at tumingin din sa katabi niya na si Aiza na dati ko ng kaklase.
"Hi..." Pabulong na bati niya sa akin na nginitian ko rin.
"Andyan ka pala?" Pagkausap ko sa kanya nang biglang magsalita ang katabi ko.
"Hey, huwag kang malikot" Walang emosyon niyang sabi sa akin.
Pakiramdam ko ay biglang tumaas ang altapresyon ko. Gusto kong sumigaw at awayin siya pero hindi pwede dahil nandito pa si Ma'am Lou. Kinagat ko na ang labi ko sa inis at iniwas na lang ang tingin sa kanya at nagbingi-bingihan. Kinausap ko lang ulit si Aiza.
"Bingi ka ba?" Narinig kong sabi niya kaya napataas ang kilay ko.
"Okay... Ayan muna siguro sa ngayon. Miss Lopez" Tinawag na ako ni Ma'am Lou bago pa ako makasagot sa kanya.
Pero dahil hindi ako makatiis ay sinagot ko siya ng mabilisan.
"Hindi. Hindi ako bingi at ayoko rin ng katabing bugnutin na katulad mo kaya manahimik ka" Ang mga salita ko sa kanya bago naglakad papunta sa harapan.
Kitang-kita ko ang pagbabago ng ekspresyon niya at ang pagtawa ng kaibigan niya mula sa kinatatayuan ko. Napangisi ako ng hindi namamalayan nang makita ang pagkairita niya sa sinabi ko.
Akala ba naman hindi ako babawi.