Chereads / Zaraya / Chapter 1 - Zaraya

Zaraya

🇵🇭Lonely_Rice
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 315
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Zaraya

Noong unang panahon, may isang mortal na babae na ang pangalan ay Zaraya. Si Zaraya ay isang biyuda na may isang anak na lalaki. Riyor ang pangalan ng anak niya. Isang araw, naglakbay si Zaraya papuntang akademya ng anak, pagkadating ay tinanong niya agad ang guwardiya kung naglabasan na ba ang mga istudyante. Sumagot ang guwardiya na naglabasan na daw ang mga istudyante.

Napakunot ang nuo ni Zaraya nang marinig nito ang sabi ng guwardiya. Tinanong niya ulit kung nakita niya ba ang anak nito. Pinaliwanag niya ang itsura ng anak, nag-isip naman ang guwardiya kung nakita niya bang lumabas ang bata. Nang maalala ay sinabi niya agad na nakita niya daw ang bata na kinuha ng isang lalaki, akala daw nito ay magulang iyon ng bata kaya hinayaan na lang niya.

Bigla namang kinabahan si Zaraya sa narinig, kaya tinanong niya kung nakita ba nito kung saang daan umalis ang dalawa. Sumagot naman ito na sa kaliwang kalye daw niya nakitang naglakad ang dalawa. Nagpasalamat naman si Zaraya at dali-daling tumakbo kung saan daw huling nakita ang anak niya. Pagkadating ay nagtanong-tanong siya kung may nakita ba silang lalaki na may kasamang isang batang lalaki. Ang sagot naman ay wala daw, pero kung gusto niyang malaman kung saan ang hinahanap niya, magpunta raw siya sa malapit na manghuhula. Nagpasalamat uli si Zaraya at pinuntahan kung nasaan ang lugar ng manghuhula.

Pagkadating niya palang sa pintuan ng bahay ng manghuhula, ay bigla na lamang bumukas ang pintuan at sumalubong ang mukha ng isang babae. "Pumasok ka," wika ng babae. Pumasok naman si Zaraya at nakita ang isang matandang babae na may hawak na bolang kristal, kulay lila ang kulay nito at kumikinang.

Nagtagpo naman ang tingin nilang dalawa ng matanda. "Umupo ka, iha," ani ng matanda. Nang makaupo ay akmang sasabihin niya na sana ang pakay niya, ngunit inunahan na siya ng matanda.

"Hinahanap mo ang iyong anak, hindi ba?" tanong ng matanda. Hindi naman nagpatumpik-tumpik si Zaraya at sinagot ang tanong nito. "Tama, nagpunta nga ako dito para malaman kung saan dinala ng estrangherong iyon ang anak ko," sagot naman ni Zaraya.

Napangisi naman ang matanda sa sagot ni Zaraya. "Mabuti naman at sa akin ka nagpunta, iyon nga lang ay may bayad ang panghuhula ko," wika ng matanda. "Babayaran kita," sagot ni Zaraya. "Magaling! Sisimulan ko na ang panghuhula, iha," ani nito. Sinimulan naman nitong ikut-ikutin ang kanyang kamay sa bolang kristal. Nang matapos ay sinabi niya ang nalaman. Ani nito ay nakita daw ng bolang kristal niya na nasa isang madilim at malayong lugar ang anak nito. Tinanong naman ni Zaraya kung saang lugar ito, sumagot naman ang matanda. "Hindi ko alam kung saang eksaktong lugar iyon, ngunit mukhang nasa Baryo ng Bonon iyon," wika ng matanda sakanya. Natuwa naman si Zaraya sa nalamang impormasyon saka binayaran ang matanda.

"Maraming salamat sa inyong tulong, Manghuhulang...?" nagtatanong na ani ni Zaraya. "Nashara...Nashara ang aking pangalan iha," sagot nito. Ngumiti naman si Zaraya at nagpaalam na aalis na ito. Pagkadating sa bahay ay agad na nag-impake si Zaraya ng gamit na kakailanganin niya sa paglalakbay patungong Baryo ng Bonon. Lilisan na sana siya ng masulyapan niya ang espada niya at pana ng namayapang asawa niya. Isang dating kabalyero si Zaraya at ang kanyang namayapang asawa na si Sielo. Napagpasyahan niyang dalhin ito, sakaling may makasalubong siyang mga masasamang tao o halimaw.

Nagsimulang maglakbay si Zaraya galing sa Baryo ng Estreliya patungong Baryo ng Bonon. Habang naglalakbay ay may mga nakasalubong siyang mga halimaw na tinatawag na Triya. Isang uri ng butiki na may matutulis na ngipin at tatlong malalaking buntot. Nahirapan si Zaraya tapusing kitilin ang mga halimaw dahil sa dami nila. Nang matapos ay akmang itutuloy na sana ni Zaraya ang paglalakbay ng may nakita naman siyang berdeng lubid na gawa sa mahika. Kahit nagtataka, sinundan pa rin ni Zaraya ang berdeng mahikang lubid. Nakarating siya sa isang Templo dahil sa lubid na sinundan niya. Nagulat na lamang siya ng biglang bumukas mag-isa ang pintuan ng Templo. Isang hindi nakikitang puwersa ang nagdala sakanya papasok dito.

Pagkapasok ay isang rebulto ng isang lalaki na nakaupo ang bumungad sa kanyang harapan. Maingat namang lumuhod ng padapa si Zaraya ng mapagtanto na nasa loob siya ng Templo ng isang diyos. "Ano ang maipaglilingkod ko sainyo?" Nagtatanong na ani ni Zaraya habang nakaluhod. "Nakita kong nasa delikadong kalagayan ang iyong katawan at napagpasyahan kong idala ka dito sa aking Templo upang magpagaling," Ani ng isang boses na sa tingin ni Zaraya ay galing sa rebulto. Nagulat na lamang si Zaraya ng biglang umilaw ang katawan niya ng kulay berde at nawala ng parang bula ang kanyang mga sugat. Gumaan ang pakiramdam ni Zaraya sa nangyari at dali-daling nagpasalamat sa diyos na tumulong sakanya. "Maraming salamat sa inyong tulong. Kung mayroon kayong hiling, gagawin ko ang aking makakaya upang maitupad iyon," wika ni Zaraya. "Huwag mong kakalimutan iyan, mortal," Ani nito bago uling bumukas ang pintuan ng Templo na nagpapahiwatig na puwede na siyang lumabas. Nakita naman iyon ni Zaraya at nagpasalamat ulit bago lumabas. Liningon niya ang lokasyon kung nasaan nakalagay ang Templo, ngunit wala na ito roon sa puwesto nito.

Tinuloy naman ni Zaraya ang paglalakbay papuntang Baryo ng Bonon ng makita iyon. Pagkarating ay agad siyang nagtanong-tanong kung may nakita ba silang lalaki na may dalang batang lalaki. "Sa tingin ko ay nasa Templo ni Kashmir ang tungo nila," Sagot ng taong pinagtanungan ni Zaraya. "Gusto mo bang puntahan ang Templo ni Kashmir para magdasal? Dumiretso kalang ng lakad at lumiko ka sa kanan at doon mo mahahanap ang Templo," wika nito bago umalis.

Nagpasalamat si Zaraya sa mahinang boses ng makitang malayo na ang taong pinagtanungan niya. Sinimulan niyang puntahan ang sinabing direksyon ng taong iyon. Pagkarating ay hindi muna siya pumasok. Pinagmasdan niya muna ang Templo, bago gumawa ng plano kung papaano siya makakapasok ng walang nakakaalam. Nang makapagplano ay naghintay muna siyang wala nang tao ang nasa loob ng Templo bago pumasok.

Pagkapasok niya ay nilibot niya ang tingin. Malawak ang Templo na ito kaysa sa Templo na napasukan niya kanina. Maglalakad na sana si Zaraya sa kanan ng may narinig siyang umiyak. Dali-dali siyang tumakbo sa pasilyong iyon. Nang makarating ay gulat ang sumilay sa mukha ni Zaraya. Halos limampung bata ang nasa loob ng bilangguan. Nakikita ang pag-iyak at pagkatulala sa mukha ng mga bata. Tuluyan na ngang tumulo ang luha ni Zaraya na ilang araw niya pang pinipigilan, dahil sa kadahilanang wala naman magagawa ang luha para mailigtas ang anak niya.

Nanghihinang hinanap ni Zaraya ang anak. Nang makita ay mas lalong tumulo ang luha niya. Nang akmang tatawagin na sana ang anak ay bigla namang may dumating na lalaki. Nagtagpo ang kanilang mga mata at nakita ni Zaraya na may kinuhang punyal ang lalaki sa likuran nito. Nangamba naman si Zaraya at akmang kukunin na ang Espada niya ay bigla namang umatake ang lalaki gamit ang punyal. Napasagi si Zaraya para iwasan ang punyal na muntik nang tumama sa mukha niya. Agad namang kinuha ni Zaraya ang Espada at sinangga ang pangalawang atake ng lalaki.

Tinanong ng lalaki kung sino siya at ano ang ginagawa niya dito. Imbes na sagutin siya ni Zayara ay nagtanong ito kung ano ang ginagawa nila sa mga bata na dinadakip nila. Nagalit naman ang lalaki sa kadahilanang hindi sinagot ni Zaraya ang kanyang tanong. Sa sobrang galit ay mas binilisan niya ang pag-atake kay Zaraya.

Tumagal ang labanan ng dalawa ng limang minuto bago napuruhan ni Zaraya ang lalaki. Nahihingal naman na pinuntahan ni Zaraya ang anak at tinawag ang pangalan nito. Nakita naman siya ng anak at umiiyak na niyakap siya. Pinatahan naman ni Zaraya ito at sinabing uuwi na sila. Natandaan naman niya na may iba pa palang bata ang nasa bilangguan. Napagpasyahan niyang sabihin sa mga kawal ito upang makabalik na ang mga bata sa pamilya nila. Paalis na sana ang mag-ina ng may narinig silang nagaaway. Nakilala niya ang isa sa mga boses kaya dali-dali niyang sinilip kung saan nanggaling ito. Nakita niya ang dalawang lalaki na nagaaway. "Kashmir, ano ba iyang nasa isip mo, at napagpasyahan mong utusan ang mga tagalingkod mo na mandakip ng mga bata?" Tanong ng boses na nakilala niya. "Novar, ama kita, pero hindi mo parin maunawaan ang mga iniisip ko," ani naman ng lalaking tinawag na Kashmir. Pagkatapos niyang magsalita ay umalis ito ng parang bula. Napahinga na lamang ng malalim si Novar bago lingunin ang puwesto ni Zaraya.

Nagulat naman si Zaraya na napansin nito ang presensya niya. Walang magawa si Zaraya kundi lumabas sa pinagtataguan habang bitbit ang anak. Nakita naman ni Novar ang bata at napahinga ulit ng malalim. "Sana'y itupad mo ang aking hiling na huwag nang sundan pa ang anak ko," pagmamakaawa nito. Tinitigan naman siya ni Zaraya bago tumango. Napangiti naman ito bago umalis para sundan ang anak.

Hinayaan ni Zaraya makaalis ang mag-ama dahil naiintindihan niya si Novar. Tulad ni Novar ay magulang din siya. Kaya niyang isakripisyo ang lahat para sa kanyang anak. Tinuloy naman ni Zaraya ang pag-alis habang bitbit ang anak palabas. Sinabihan niya rin ang mga kawal sa nangyari bago sila umuwi ng anak nila.

Simula noon, hindi na nakita pa ni Zaraya ang mag-ama. At namuhay naman ang mag-ina ng ligtas at masaya.