FINDING TRUE LOVE - 5UNOU5MYW5 [Eiram_Marie]

🇵🇭5UNOU5MYW5
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 902
    Views
Synopsis

CHAPTER ONE

♡♡♡♡♡

"Bakit mo naman ako kaagad iniwan? Ang sabi mo walang iwanan kahit anong mangyari. Ang daya-daya mo. Paano na ako ngayon?" humihiyaw na saad ng isang babae. Kulang na lang ay maglupasay ito o mawalan ng ulirat.

Hindi na napigilan ng babae ang mapahagulgol sapagkat sobrang sakit ang nadarama nito. Napapatingin naman sa kanya ang mga taong nakakasaksi sa ikinikilos niya. Mababakas sa mukha ng mga ito ang awa at pagkagulat. Naroroon din ang mga taong iyon para makiramay sa kanilang kapitbahay na namatayan ng anak. At nandoon din ngayon ang babae hindi bilang ibang tao na nakikiramay kung hindi bilang miyembro rin ng pamilyang namatayan ng kapamilya.

Marahan lamang siyang lumalakad papalapit sa isang kabaong na kulay puti sapagkat hindi pa gaanong magaling ang kanyang pangangatawan. Inaalalayan naman siya ng isang dalagita upang hindi siya tuluyan matumba.

Naratay siya ng dalawang linggo sa isang hospital kung saan siya isinugod nang minsang madamay siya sa isang aksidente. Ang aksidente rin na iyon ang dahilan kung bakit siya nagdadalamhati ngayon.

Hindi pa rin makapaniwala o mas tamang sabihin na ayaw pa rin paniwalaan ni Carla ang mga nasasaksihan ng mga mata niya ngayon. Nanlulumo pa rin siya ngunit pilit na tinatatagan ang kanyang kalooban. Nang makalapit na siya at matitigan nang malapitan ang kabaong na nasa harapan niya, lalo lamang dumaloy ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Halos manlabo na rin ang kanyang paningin dahil walang humpay sa pagdaloy ang kanyang mga luha. Nangangatal din ang kanyang mga kamay habang sapo ang kanyang bibig. Pilit na pinipigilan ang matinding bugso ng damdamin ngunit lalo lamang nag-uumapaw ito. Bahagyang dumistansya ang dalagitang umaalalay sa kanya ngunit nakaantabay pa rin ito malapit sa kanya para saluhin siya kung sakaling matumba.

Halos manikip na ang dibdib niya dahil sa kirot na nararamdaman ng kanyang puso. Matagal na tinititigan ni Carla ang loob ng kabaong kung saan may nakahimlay na isang taong malapit sa kanyang puso. Umuusal ng panalangin ang kanyang isipan na sana lahat ng nasasaksihan niya ngayon ay isa lamang bangungot.

Kahit umaagos ang mga luha mula sa kanyang mga mata, malinaw niyang napagmamasdan ang mukha ng kanyang pinakamamahal na asawa. Tila ba mahimbing lang itong natutulog. Napakaaliwalas ng mukha nito at walang mababakas na paghihirap.

"Carla, anak ko! Akala ko hindi na kita makikita pang muli," malumanay na wika ng isang ginang nang lumapit ito sa kinaroroonan ni Carla. Malamlam at mugto ang mga mata ng ginang habang nakatunghay ito na tumitingin kay Carla. Nangingitim pa ang paligid ng mga mata nito at may bakas din ng luha ang mga pisngi nito. Ang ginang ay ang ina ng kanyang asawa.

"Inay Ising!" tugon niya sa ginang na lumapit sa kanya. Napayakap siya ng mahigpit dito habang patuloy siya sa paghagulgol. Habang siya ay umiiyak, hinahagod naman ng marahan ni Aling Ising ang kanyang likuran. Patuloy din ang pamumuo at pagdaloy ng mga luha sa mga mata ni Aling Ising.

♡♡♡♡♡

"Hindi na natin makakapiling ang pinakamamahal natin na si Utoy. Natapos na rin ang paghihirap niya sapagkat kasama na niya ang ating Mahal na Panginoon."

"Napakasakit man sa kalooban ko ang nangyari sa kanya ngunit kailangan ko nang tanggapin na wala na ang aking pinakamamahal na anak," muling saad ni Aling Ising sa kanya habang mataman siyang tinitingnan ng ginang. Nakaupo sila sa dalawang silya na nakapuwesto malapit sa kinaroroonan ng kabaong.

Kaisa-isang anak ni Aling Ising ang napangasawa ni Carla at nagngangalan itong Utoy. Bagamat trenta'y dos na si Utoy, hindi siya ordinaryong lalaki. Maituturing siyang isang special child at person with disability sapagkat mayroon siyang mga sakit na tinatawag na Autism at Cerebral Palsy. Tatlong taong gulang pa lang noon si Utoy o Tony, nakitaan na siya ng mga sintomas ng Autism. Nang tumungtong naman si Utoy sa edad na pitong taong gulang, lumabas din sa kanya ang ilan mga sintomas ng sakit na Cerebral Palsy.

Bilang isang ina, masakit para kay Aling Ising na makita ang kaisa-isa niyang anak na makaramdam o nakararanas ng paghihirap nang dahil sa tinataglay nitong mga sakit. Kaya naman buong buhay ni Utoy, hindi nawawalan ng oras o panahon si Aling Ising. Lahat ng atensyon o pagmamahal at pag-aaruga ay iniukol ni Aling Ising kay Utoy.

Noong una hindi pa nais ni Aling Ising na isuko ang buhay ni Utoy sa Diyos dahil hindi pa siya handang mawalan ng anak pero sa huli ay pumayag na siyang alisin ang life support ni Utoy para tuluyan nang makapagpahinga si Utoy.

"Alam mo ba Carla, sobrang mahal na mahal ka ng anak ko," may kalambingan pero may halong pagmamalaki na saad ni Aling Ising sa kanya sabay marahan kinuha ang kanyang mga palad at bahagyang hinimas at pinisil ito.

"Alam na alam ko po iyon, Inay. Kung hindi rin dahil sa kanyang mga mata, hindi na po ako makakakita," tugon naman niya ngunit may halong bahagyang panginginig sa kanyang boses habang nagsasalita. Namumuo na ulit ang mga luha sa paligid ng kanyang mga mata.

"Mahal na mahal ko rin po si Utoy. Kahit napakaikli nang naging pagsasama namin, kahit minsan hindi ko naramdaman na mag-isa ako. Palagi niyang ipinaparamdam sa akin kung gaano niya ako kamahal."

"Hanggang ngayon hindi ko magawang tanggapin na wala na siya sa atin. Sobrang sakit Inay!"

"Inay Ising, bakit ganoon? Bakit sa tuwing nagmamahal ako at nagiging masaya, binabawi ng Diyos sa akin ang kaligayahan ko? Ano bang kasalanan ko sa kanya at ganito siya kalupit sa akin." May hinanakit na mababakas sa tono ng pananalita niya. Bahagyang kumuyom ang mga kamay niya dahilan para mapakislot si Aling Ising sapagkat hawak pa rin nito ang mga kamay niya.

"Huwag kang magsalita ng ganyan anak. Alam kong napakasakit para sa iyo ang pagkawala ni Utoy ngunit naniniwala pa rin ako na lahat ng mga nangyayari sa buhay natin ay may dahilan kung bakit ito nangyari? Walang intensiyon ang Panginoon na saktan ang kanyang mga anak. Mahal niya tayo."

"Alam ko rin na malalagpasan mo itong pinagdadaanan natin sapagkat isa kang matatag na babae. Kaya nga mahal na mahal ka ni Utoy dahil lumalakas ang loob niya sa tuwing magkasama kayo. Nagiging matapang ang aking anak."

"Carla, anak! Malulungkot si Utoy ko kapag makikita kang ganyan. Nangako ako sa aking anak na aalagaan kita at hindi kita hahayaan na makaramdam pa ulit ng kalungkutan. Nandito lang ako para sayo, anak. Kakayanin natin ito. Magtiwala ka lang sa Panginoon," malumanay pa rin na saad ni Aling Ising sa kanya sabay yapos ulit ng mahigpit sa kanya. Hindi na niya napigilan ang muling paghagulgol na katulad ng isang batang paslit na sabik sa yakap ng isang ina.

♡♡♡♡♡

Noon, nahihirapan pa siyang maaninaw ang mga tao o bagay sa kanyang paligid sa kadahilanang nagkaroon ng damage ang mga mata niya noong minsan may nagalit sa kanya at sinabuyan siya ng asido sa mukha. Ngayon ay malinaw na niyang nakikita ang mga nangyayari sa kapaligiran. Nakikita na niya ang mga taong nakapaligid sa puntod ni Utoy. Karamihan ay nag-iiyakan. Mga ginang at ginoo. Kamag-anakan ng asawa ni Aling Ising. Mga kaibigan at dating mga kaklase ni Utoy. Maging ang mga bata ay nakita rin ni Carla na nakikidalamhati sapagkat wala na si Utoy at hindi na nila makikita ito. Ang mga taong nakikiramay kay Aling Ising dahil sa pagpanaw ni Utoy ay ang mga taong mahal na mahal si Utoy at itinuturing din kapamilya ng mga ito si Utoy.

Nakakakita na rin siya sapagkat bago mamatay si Utoy, inihabilin nito kay Aling Ising ang isang kasunduan. Isang kasunduan na makakatulong ng malaki sa buhay niya upang makapamuhay na siya ng maayos at hindi na mahihirapan pa. Iyon na rin ang huling pagkakataon na masisilayan niya ang kaisa-isang lalaki na minahal niya ng lubusan at habambuhay pa rin na mamahalin.

Paalam na mahal kong Utoy! Hanggang sa muli natin pagkikita.

Hinding-hindi kita makakalimutan. Pangako, palagi na akong ngingiti kahit ano man pagsubok ang dumaan sa akin buhay. Aalagaan namin ni Inay Ising ang isa't isa.

Mahal na mahal na mahal kita. Gabayan mo kami huh!

Nagpalipad sila ng mga puting lobo pagkatapos na maihatid si Utoy sa huling hantungan nito. Ipauubaya na nina Aling Ising at Carla sa Diyos ang buhay ni Utoy. Kasabay nang pagkawala ni Utoy sa buhay ni Carla ay ang pagbabalik-tanaw sa lahat ng mga nangyari sa kanyang buhay at kabilang na roon ang mga pangyayari kung paano nagsimula ang kanilang wagas na pagmamahal at kung paano nito nabago ang takbo ng buhay niya.