Chereads / Etched | Geomet Agape / Chapter 12 - 12 | True Intentions

Chapter 12 - 12 | True Intentions

And finally, he dropped his mask.

Elise Montenegro

"Nakakapagod pala talagang maging mabait sa mga mortal."

Bagot na tumingin sa'kin si Oliphius.

Wala ng bakas ng ekspresyon ni Kyle ang mukha niya ngayon. Kahit ang tono at boses niya parang hindi ko na kilala. Pero sa parehong pagkakataon, mas naging komportable na ako na totoo lahat ang sasabihin niya ngayon kaysa kanina.

"Alam mo Elise." Panimula niya bago lumuhod sa harapan ko. "Plano ko talagang pasayahin ka basta pumayag ka lang na tulungan ako."

Inabot niya ang pisngi ko at humaplos, diretso ang tingin sa mata ko.

Hindi na brown ang kulay ng mata niya ngayon, matingkad na kulay asul na. "Akala ko madali lang kitang mapapaikot dahil mabait kang mortal Elise, mabuti ka. Alam kong mabuti ka." Tipid siyang ngumiti sa akin bago binawi ang kamay na nakahawak sa pisngi ko.

"Pero hindi ko alam na kaya mong sabihin 'yon sa 'kin. Sa akin?" Mapakla siyang tumawa.

Mas kumbinsido na akong mas hindi siya tulungan. Kung tutulungan ko siya at magiging masaya ako, ibig sabihin magiging parte rin ako ng plano niya. At ramdam kong may hindi siya magandang balak.

"Hindi pwedeng matali ang buhay ko sa tulad mong mortal, Elise."

"Anong ibig mong sabihin?"

Marahas niyang hinila ang kaliwang braso ko. "Kailangan ko si Xerxes na maniwalang tinulungan ko siya."

"Bakit?" Tanong ko pa uli.

"Kailangan ko siya para makumbinsi ang ibang diyos na walang pwedeng pumalit sa pwesto ko bilang diyos ng tadhana."

"Paano mo naman naisip na kailangan niya ang tulong mo?"

"Dahil ako lang ang diyos niya at ako lang ang makakatulong sa kanya ngayon para makuha ang gusto niya."

Pilit akong huminga kahit masikip ang dibdib ko sa sobrang kaba at takot ngayon. Hindi ko alam kung anong gagawin niya sa'kin kung hindi ako papayag sa gusto niya pero at least ngayon alam ko na kung ano ba talagang gusto niya at kung anong dahilan.

"Anong gagawin mo kapag hindi niya sila nakumbinsi?"

Binitawan niya ang braso ko bago tumayo. Napahinga siya ng malalim.

"Alam kong hindi siya matatanggihan ni Lilith at Adamus." Tumingin siya uli sa akin. "Lalo na kung magkakaroon ng dahilan si Xerxes para humiling sa kanilang dalawa."

"At paano ako?" Usisa ko pa uli sa kanya.

Kung ang trabaho ko ay ang linisin ang imahe niya kay Xerxes, paano naman kung hindi ako magtagumpay do'n? Anong gagawin niya sa'kin?

"Anong ikaw?"

"Paano kung hindi ko natupad ang gusto mo?"

"You're gonna be stuck with me forever."

Napakunot ang noo ko sa narinig. "Anong forever?"

"Gagawin kitang alipin ko sa impyerno."

Nangilabot naman ako sa narinig. "May impyerno?"

Tumingin siya sa akin at natawa na lang. "Kung hindi mo ako matutulungan, ibig sabihin magkakaroon ng bagong diyos ng tadhana at hindi ko alam kung anong mangyayari sa inyong mortal." Tumuro siya sa akin. "Lalo na sa mga tulad mong anak na resulta ng kasalanan."

Kahit natatakot ako kay Oliphius, mas naging komportable naman ako dahil alam kong wala na siyang itinatago sa'kin. Mas natatakot akong mahulog sa kasinungalingan niya kaysa sa tunay niyang balak.

"Lilipat na siya, Elise. Pero gagawan ko ng paraan para hindi siya makalipat. Kailangan niyo pang mag-usap, kumbinsihin mo siya na gagaling siya kapag nagdasal siya sa 'kin–kay Oliphius."

Pinigilan kong mapabuntong-hininga.

May nagdadasal pa ba ngayon?

Si Lola at Lolo siguro, pero bihira na lang talaga ang nakikita kong nagdarasal sa mga diyos. Lalo na rito sa siyudad na masyadong abala sa mga bagay-bagay ang mga tao. Napapansin ko rin maraming parang laging pagod at walang energy dito kaysa sa probinsya kahit malayo ang nilalakad papuntang bukid at tindahan.

"Sa tingin mo ba madali ko lang siyang makukumbinsi?"

Si Oliphius na ang napabuntong-hininga ngayon. "Ayaw mo na ba talaga siyang makilala pa?"

Umiling ako. "Gusto."

Tipid siyang ngumiti bago ipinatong ang kamay sa ulo ko. "Iyon naman pala. Ito na ang panahon. Kailangan niyo ring kumilos para magkaroon kayo ng spark na gusto mo."

"Anong gagawin ko?"

Tinanggal niya ang kamay sa ulo ko bago pumitik gamit ang daliri niya sa kanang kamay. Bigla siyang naglaho sa harap ko at nalipat sa tabi ko ngayon.

Napasinghap ako bago napausog palayo.

Gusto ko sanang pumasok sa school kanina pero dinemonyo niya akong huwag nang pumasok. Nagawan na raw niya ng paraan para maka-graduate ako. Pwede niya rin kayang bigyan na lang ako ng diploma at skills pagkatapos nito para hindi na rin ako maghirap sa College?

"Bago ko sagutin ang tanong mo, sa tingin mo ba romantic ang connection niyo ni Xerxes?"

Napatingin ako sa kanya at napakunot ang noo. "Seryoso ka ba? Bakit sa'kin mo tinatanong ikaw ang diyos sa atin?"

Nagkibit-balikat siya. "Gusto ko lang malaman kung anong tingin mo sa kanya para alam ko kung hanggang saan kita itutulak."

Matagal akong napatitig sa kanya. Naguguluhan ako sa kanya pero mas naguguluhan ako kung bakit parang wala lang sa akin na iwan ako ng sarili kong soulmate. Konektado kaya 'yon sa powers niya? Kaya ba hindi na intense dahil wala na siyang powers?

"Platonic?" Hindi siguradong sagot ko.

"Oh?" Nangingiting tanong niya. "Talaga ba?"

Tumango ako kahit hindi naman ako sigurado.

Wala rin naman siyang binigay na sign kung platonic o romantic ba. Sabi naman ni Lola mararamdaman na raw 'yon. Manhid yata ako at wala akong maramdaman kaya ganito. Siguro makokompirma lang 'yon kapag nakita ko na ang pangalawa kong soulmate. Kung bakit ba kasi ang komplikado, hindi ba pwedeng ilagay na lang sa ibaba ng pangalan nila kung alin sa kanila ang romantic at platonic?

"Hindi ako sigurado pero siguro mako-confirm naman 'yon kapag lumitaw na 'yung second soulmate ko 'di ba?"

Bigla siyang nasamid kahit wala naman siyang iniinom o kinakain.

Anong ibig sabihin no'n?

Huwag niyang sabihing wala akong pangalawang soulmate?

"Ayos ka lang ba?"

Tumango naman siya. "Ikaw ayos ka lang kung hindi dumating 'yung pangalawa mong soulmate?"

"Kasama rin ba 'to sa sumpa mo? Sobra na 'to ah. Gusto mo ba talaga kaming mamatay na malungkot lahat? Hindi ba ikaw naman ang gumawa ng soulmate mark na 'to? Bakit parang gusto mo kami lalo pahirapan?" Unti-unting tumaas ang boses ko sa bawat tanong pero mukhang wala namang epekto 'yon sa kanya.

Mukha pa nga siyang natutuwa na naiinis ako ngayon kaya lalo akong naiinis sa kanya.

"Tinanong ko lang naman." Natatawang sabi niya. "Alam mo bang pwede ko siyang palitawin ngayon?"

Sa lahat nang sinabi niya 'yon lang yata ang pinakamaganda.

"Talaga?"

Tumango siya. "Kaso kailangan mo na akong pagsilbihan habang buhay. Payag ka ba ro'n?"

"Alam mo, huwag na lang. Pwede naman ako mag-isa. At saka alam mo, pwede namang hindi kita tulungan. Bahala ka sa buhay mo, tutal hindi rin naman ako sigurado kung tutupad ka sa usapan–" Napatigil ako sa pagsasalita nang makitang matalas na ang tingin niya sa'kin.

"Ako." Mariing sabi niya.

"Ano?" Tanong ko naman.

"Ako ang pangalawa mong soulmate."