Chereads / BOSON / Chapter 1 - BOSON

BOSON

THE_TILLER
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - BOSON

Ako si Diego Boson.

Nasisilip ko ang bukas.

 

Kalokohan?

Kabaliwan?

Mahirap paniwalaan?

 

Maaari.

 

At sabihin mo pa mang baka trip-trip lang 'to ng isang taong walang magawa sa buhay, resulta ng pagka-adik sa TV, sa mga aklat at mga kwentong kababalaghan.

 

O kaya ay paandar lang ng isang amateur na manunulat na nais sumabay o makisakay sa pandaigdigang kasikatan ng epidemyang kinakaharap din ng ating bansa ngayon.

 

O kung anupamang rason…

 

maging ano't anuman 'yun, kailangan mo pa rin itong mabasa.

 

Oras na.

Ito na 'yun.

 

Tulad nang isang normal na taong may taglay na kakaibang talento...o regalo, na tinatrato ng ilan bilang sumpa, maaaring ito din ang para sa akin, ang masilip ang hindi pa nangyayari.

 

Pelikulang pelikula lang ang dating 'di ba?

 

Kaya talagang mahirap paniwalaan.

 

Pero ilang ulit na nga bang naiwasan ko ang trahedya o mga pangyayaring dumarating sa akin?

 

Ilang ulit na rin nga bang pinasalamatan ako ng ibang tao dahil lang sa hindi nila inaasahang disgrasya na kung wala ako sa lugar o sa malapit sa kanila ay siguradong may buhay na hindi inaasahang mawawala?

 

Salamat sa sumpang ito…o regalo.

 

At kailangan mong maghanda sa mga susunod kong sasabihin dahil lahat ng ito'y totoo.

 

Magdadalawang taon na ngayon nang ilang ulit ko ring sinubukang magpadala ng mga pribado, ekslusibong sulat at mensahe sa Pangulo ng ating bansa. Ginugol ko ang maraming buwan para lang makapagbigay nang babala at suhestiyong mga hakbang para makaiwas sa paparating na trahedya, lalo na para agarang makapag-organisa ng isang malakihang grupo ng mga siyentipiko at mga dalubhasa para rito, subalit balewala ang lahat ng aking mensahe.

 

Ang mas masaklap, itinuring lang akong isang baliw ng ating Presidente sampu ng kanyang mga alipores sa gobyerno dahil sobrang napaka-hollywood daw ng mga pinagkukuwento ko sa kanila.

 

Kaya may dahilan kung bakit ngayon ay nasa isang tagong lugar kami ng aking pamilya, kasama ang ilan pang naniniwala sa akin. Naghahanda sa mas matindi pang trahedyang paparating.

 

Habang sila marahil ngayon ay muling binabalikan ang mga sulat at suhestiyon ko noong bago pa man magsimula ang krisis na'to, nagtataka kung bakit at paano ko nalaman ang epidemyang kasalukuyang nilalabanan ng ating bansa ngayon, at binubusisi sa mga isinulat ko ang susunod pang mga mangyayari.

 

At 'wag ka na ring magulat pa kung isang araw ay manawagan ang ating gobyerno tungkol sa akin…ng malawakang paghahanap kung sino ako.

 

Dahil siguradong magugutom sila sa mga kasagutan. Magtatanong kung bakit ko nalaman ang mga bagay na ito. Na kailanman ay hindi ko rin nasasagot sa aking sarili.

 

Pero ano nga ba ito? At ano ba itong pinagsasabi ko?

 

Mahigit limang taon na ang lumipas nang magsimulang maranasan ko ang magkaroon ng isang panaginip na patuloy bumabago sa aking buhay. Hindi pangarap o anupaman kundi literal na panaginip. Oo dreams…hindi hallucinations. Hindi ako adik o baliw gaya nang iniisip mo. Walang anumang mensahe mula sa ibang dimensyon. Walang mala-Muhammad, mala-Joseph Smith, mala-Ellen G. White, mala-Felix Manalo, mala-Eli Soriano, mala-Quiboloy, mala-Ruben Ecleo, o mala-sinumang faith healer o albularyong mga spiritual o religious na encounter na nangyari. Walang kapraningan. Tanging panaginip lang.

 

At paulit-ulit lang ito.

 

Hindi man gabi-gabi kundi may mga pagkakataon na hindi ko inaasahan pero ayan na naman ang dati at ganon pa din namang panaginip.

 

At kamakailan lang ay biglang naging aktibo na s'ya na kahit makaidlip lang ako sandali ay ibinabalik ako agad sa huling tagpo o eksena ng panaginip na 'yun. Naging parang TV series na lang s'ya sa akin na magpapatuloy lang muli sa oras ng pagtulog ko kaya naalarma na din talaga ako.

 

Ang malaking katanungan din sa akin ay kung bakit iisa lang ang pattern o kwento n'ya. Kaya kapag may pagkakataon at libreng oras sa trabaho ay nagre-research talaga ako sa intermet at sinimulan kong pag-aralan kung ano nga ba itong mga nagyayari sa akin. Sinimulan kong alamin at isulat kung ano nga ba ang kahulugan ng panaginip, kung anong mga dahilan ng isang panaginip, at kung anong mga posibilidad o literal na kapaliwanagan nga ba ng mga paulit-ulit kong panaginip. Gumawa ako ng isang journal para rito.

 

Kaya magdadalawang taon na nga ang lumipas, bago ko pa man mabusising napag-aralan, naobserbahan, at naisulat ang mga nararanasan ko ay mabuti namang bigla na lang naging mas malinaw at kompleto ang mga napapanaginipan ko. Hindi tulad noon na para lang s'yang abstract painting na mahirap ipaliwanag, putol-putol, tapos bigla na lang mag-iiba ang setting at pangyayari minsan.

 

Isang gabi noon, matapos ang simpleng selebrasyon ng aking kaarawan, matapos magpaalam ng aking mga bisita, nagligpit muna ako ng mga kalat sa loob ng bahay at nagtimpla ng tsaa bago lumabas para magpahangin. At total himbing na himbing na rin naman ang aking mag-iina sa kwarto kaya naisipan kong mag-muni-muni muna bago matulog. Nakailang bote lang naman kami ng serbesa ng aking pinsan at ilang mga kaibigan kaya balewala ang tama ng alak.

 

Tahimik na ang lahat. Napaka-payapa ng paligid.

 

Mag-aalas dose pa lang nang gabi.

 

Sumalampak ako sa isang mahabang selya na nakabalandra sa labas ng aming maliit na terasa. Matapos maubos ang iniinom na Tsaa ay Humilata. Tumingala sa napakagandang kalangitan. Sabay ng isang malalim na buntung-hininga ay ang pagbulalas ng mga pasasalamat at paglalambing. Kinausap ko ang may-ari ng sanlibutan. Humingi ng kapatawaran sa aking mga kasalanan. Hanggang sa ang simpleng pakikipag-usap ay naging masisinsinan. Naging diddiban. Naging personalan. Nahaluan ng iyakan, ng mga ngiti, at pangako. Nauwi sa makahulugan at malalim na usapan ng isang magkaibigan.

 

Nang ang lahat ng luha ay napalitan na ng maginhawang mga bunting hininga at unti-unting pagkalma ng aking damdamin, sumunod ay isang malalim na hikab at pag-unat ng aking mga kamay. Hanggang maya't maya pa ay doon na din ako nakatulog sa upuan na 'yun.

 

At sa kalagitnaan nang pagkakahimbing ay naramdaman kong tila ba ako'y literal na idinuduyan sa alapaap kaya dahan-dahan akong nagmulat ng mga mata.

 

Pero sobrang dilim ng paligid.

 

"Brownout siguro". Naisip ko.

 

Pero na-realize ko, ito na naman 'yun! Ang dating panaginip na paulit-ulit lang sa akin. Magsisimula sa paggising ko na nasa labas ng mundo. Minsan sa labas ng earth. Sa labas ng bahay. O minsan naman sa labas ng ating kalawakan mismo! Ang weird!

 

Pero mas kakaiba ito ngayon! Mas matagal at detalyado.

 

Maya't maya pa ay may naaninag akong animo'y mga mumunting kislap ng bituin sa malayo. Magkakaiba ang kulay nila. Aandap-andap.

 

At sinubukan kong maupo mula sa aking kinahihigaan pero wala akong mahawakan na upuan sa likod ko. Pilit akong bumabalikwas. Pilit akong bumabaling ng pagkakahiga pero tila ba ako'y nakaangat sa hangin. Tumagilid. Tumihaya. Dapa. Pero wala talaga akong maapuhap na kahit anumang bagay sa paligid ko.

 

Ura-uradang nag-giyera ang mga dugo ko sa ugat at tumalsik sa kung saan-saang sulok ng aking kalamnan. Bigla akong nahintakutan. Sobrang takot na ramdam na ramdam ko ang naglalakihang tagaktak ng pawis na lumalabas mula sa aking nuo at buong katawan.

 

Halos mahimatay ako sa sobrang nerbiyos nang ma-realize kong wala nga talaga ako sa aking kinahihigaang upuan at bagkus ay nakaangat sa hangin!

 

Bigla akong napapagaspas ng aking mga kamay sa pagkatakot na akala ko'y nahuhulog ako sa isang napakalalim na hukay.

 

Pero lumipas na ang maraming minuto ay wala naman akong binabagsakang lupa o anuman. At maya't maya pa ay naramdaman kong tila hindi naman ako nahuhulog. Walang anumang hangin ang sumasalungat o humihila sa akin pabagsak sa kung saan.

 

Hindi naman pala ako nahuhulog.

 

Wala lang talaga akong hinihigaan.

 

At ako'y tahimik na natutulog lang nang nakalambitin sa kawalan.

 

Nasa kalawakan nga ako!

 

At dahan-dahan, unti-unti lang na umaangat o umaabante papalayo nang papalayo.

 

Malayong-malayo.

 

Sobrang layo.

 

Surmaryosep!!!

 

Anak ka ng pitong batalyong manyakis na kuba!!!

 

Lalong nagkanda-buhol buhol ang mga ugat ko sa katawan sa sobrang takot at pagkataranta!

 

Anong ginagawa ko rito??!!

Bakit ako nandito?!!!

Anong nangyayari??!!!

Makakauwi pa ba ako??!!

Nasaan na ang earth??!!

TULONG!!!

TULONG!!!!

 

Pero makalipas ang ilang saglit at nang mapagod din sa kakapagaspas ng aking mga kamay at paa, nang mapaos na kakasigaw ay tumahimik na lang ako.

 

Nakailang ulit na pagkurot at pagsampal sa sarili din ang ginawa ko hanggang sa pinipilit ko na lang kalmahin ang aking isip sa kung anong posibleng magagawa ko para lang magising sa sobrang nakaka-bad-trip na panaginip na'to!

 

At habang dahan-dahan nga akong hinihila ng kung anumang pwersang ito ay ang unti-unting pagkagising naman ng konsyusnes ko sa nangyayari.

 

Ito 'yung tinatawag siguro nilang Astral Projection na masyadong salungat sa paniniwala naming mga Kristiano at lalong hinding-hindi ko din nga pinaniniwalaan.

 

Pero bakit ito yata ang nangyayari sa akin ngayon?

 

At bakit aware na aware din ako sa kung anong nagaganap sa loob ng aking panaginip?

 

Patay na ba ako?!

 

Siguro patay na nga ako…

 

Pero 'di ba kung patay na nga ako ay may kukuha dapat sa aking liwanag papaakyat sa Langit?

 

Bakit?

 

Papunta ba akong impyerno?

 

At kung papunta man ako sa impyerno, bakit tila mag-isa lang ako? Patay na rin ba si kamatayan kung totoo man s'ya? Bakit wala man lang sumusundo sa akin?

 

Siguro nga panaginip lang lahat ito dahil feeling ko nasa sequel lang ako nang pelikulang "Gravity" at ako si George Clooney, dahan-dahang lumalayo, hinihila ng kawalan, hanggang sa tuluyan nang mawala sa paningin.

 

Naisip ko.

 

Parang itinakwil na yata ako ng sarili kong mundo kaya itinapon na lang sa kalawakan, doon sa hindi na nila makikita pa kailanman. Nag-iisa. Walang kasiguruhang mabubuhay pa. Walang malinaw na hinaharap. Tuluyan nang makakalimutan ang sarili kong kahapon. Wala nang halaga pa sa mundo. Wala nang pag-asa pang makabalik.

 

Wala nang buhay.

 

Walang karamay.

 

Mag-isa.

 

Mamamatay.

 

At ako nga ba talaga ay malayang inaanod lamang sa gitna ng napakalawak na kadilimang ito na walang ibang saksi kundi mga aandap-andap na liwanag na unti-unting kumakalat na sa paligid, o ako ba ay hinihila lamang ng kung anong kapangyarihan papalapit sa kanya? Meron bang pwersang naglagay sa akin sa sitwasyong ito?

 

At pilit ko na lang kinakalma ang sarili sa ideyang kung anuman at kung saan man ako patungo, mayroon ngang gumagabay sa akin kaya nandito ako ngayon. Mayroon akong patutunguhan. Mayroon itong hangganan. At kung ano man iyon, kung saan man ako patungo, hindi ko pa alam.

 

Maaring 'yun ay tahanan.

 

Ako'y pinapauwi na.

 

Siguro nga.

 

Maya't maya pa ay muli akong napapagaspas at napaurong.

 

Isang papalapit na kumukislap na bato ang natanaw ko sa malayo. Pinaghalo-halong berde at violet ang kulay ng mga nagkalat na usok na bumabalot dito.

 

At habang papalapit nang papalapit ang bagay na 'yun ay mas naaaninag ko kung gaano ito kalaki na parang salamin o diamanteng itim sa malayuan.

 

Umaabante ito nang umaabante papalapit sa kinaroonan ko. Papasalubong sa akin.

 

Habang lumalapit at tinatamaan ng mga mumunting sinag sa paligid ay lalo naman akong namamangha sa laki at kakaibang kulay nito.

 

Kumikislap-kislap.

 

Pero napatigil ako at napaisip.

 

May naalala ako.

 

Kasi kani-kanina lang ay bigla akong napaatras sa sobrang pagkagulat.

 

Huli bago nag-rehistro sa akin ang lahat…napaatras ako!

 

Oo, umatras nga ako!!!

 

'Yun ang mas nakakamanghang bagay!

 

Ibig sabihin, nakontrol ko ang aking sarili sa gitna ng pag-aakala na mas kontrolado ako ng kung anumang kapangyarihan na humihila sa akin ng humihila tungo sa kung saan!

 

Muli kong sinubukan.

 

Dahan-dahan kong itinaas ang aking mga kamay at ibinuka ang palad sa harap ng aking mukha, sinipat-sipat at naghahanap ng kung anumang enerhiya na mararamdaman ko sa sarili o sa paligid.

 

Akma kong hinawakan ang ere sa harapan ko para itulak.

 

Napanood ko na ang ganitong eksena dati sa mga pelikula. Kailangan mo lang maging kalmadong kalmado upang lumabas ang tunay mong lakas. Kailangang mas aktibo ang iyong isip upang ang iyong katawan ay maging sunod-sunoran lamang sa lakas ng damdamin at pag-iisip mo. Siguro ganito 'kako 'yun.

 

Ipinikit ko ang aking mga mata. Kinalma ang sarili.

 

At sa dahan-dahang pagtulak ko nga sa ere ay may naramdaman akong sensayon ng hangin sa aking mga kamay at likuran na tila ba ako'y umaatras!

 

Muli kong itinulak ang sarili.

 

Nagawa ko!

 

Umaatras ako!!!

 

Kayang-kaya kong maigalaw ang aking sarili sa kalawakan!!!

 

Sinubukan ko ring umabante habang animo'y nasa ilalim ng dagat na ikinampay ang mga kamay para s'yang magtulak sa akin. Nagawa ko rin!!!

 

Atras! Abante! Taas! Baba!! Kayang-kaya ko!!

 

Naigagalaw ko ang aking sarili!!

 

Nakapanggigilalas!!

 

Ang lupit!!!

 

Hahaha!!!

 

Napahagalpak na lang ako sa sobrang tuwa at excitement!

 

Ibig sabihin nito, kayang-kaya ko nang lumipad pabalik sa amin! Hahanapin ko ang aking mundo!!!

 

Makakauwi na ako!!

 

Kaya't muli ko ngang ikinampay ang mga kamay paatras para subukan nang lumipad pabalik sa earth. Pero naisip ko. Bakit hindi ko kaya muna subukang usyusuhin kong anong bagay ba itong malaking batong papalapit nang papalapit sa akin?

 

At maya't maya pa ay nagawa ko ngang mag-ala Superman para makalapit sa dambuhalang batong ito!

 

Akalain mo 'yun! Hindi lang pala ala-Goerge Clooney! Para din akong si "Neo" sa pelikulang "Matrix"!

 

Sobrang ganda naman 'kako ng panaginip kong ito! Akalain mo 'yun, superherong superhero ang dating!

 

Nadoble ang pagkagitla ko nang malapitan kong makita ang bato! Higante nga! Animo isang isla! Napansin ko din agad ang tila masangsang na amoy mula rito. Tila balot na balot din ng mikrobyo.

 

Kung susukatin ay halos kapantay ng bansang Australia ang sukat at laki nito! Napalunok ako habang dahan-dahan na lang na sinabayan ang pag-abante ng bato. Sinusubukan ko sanang tingnan ang loob ng mas malapitan. Pero dahil sa bilis nito at tila napapalibutan na ito ng mga usok at ulap na alam kong hindi naman ulap kundi mga maliliit na himulmol na nanggagaling din mismo sa kanya, nagiging mga abo, kaya medyo nahirapan akong sumiksik papasok dito.

 

Kaya inikotan ko na lang ang higanteng bato at inobserhanan sa malayuan habang kasabay n'ya sa ere. Umuugong pa ito sa pagmamadali na animo'y galit na galit at naghahanap ng giyera!

 

At habang abala sa pag-explore sa aking kakayahan at sa pag-uusyuso sa batong ito ay napatanaw din ako sa paligid, lalo na sa dakong pinupuntirya nito.

 

Wala naman. Parang isang napakaliit na liwanag lang ang babagsakan n'ya. Pero habang inaaninag ko nang husto ang liwanag na 'yun ay may napansin akong pamilyar na hugis nito! Sa mga aklat sa elementary at hayskul ay nakikita ko na ito! Hindi nga ba ito ang tinatawag naming "Milky Way"?

 

Oo nga!!

 

Milky Way nga!!

 

Nandon din ang Earth!! Ang tahanan ko!!!

 

Anak ng kambal na saging na saba!!!

 

Ito nga ang direksyong pinupuntirya ng umusok-usok pa at nangangalaiting malaking tipak ng batong ito!!!

 

At ang maliwanag na bituing natatanaw ko ay ang aming napakagandang araw!!

 

Na-excite ako at natakot!

 

Makakauwi na nga ako!

 

Pero umuwi man nga ako, paano kung ang malaking batong ito ay disgrasyang mahagip ang earth? Nakakatakot namang isipin 'yun!

 

Pero sabi ko baka hindi naman. Sobrang lawak naman 'kako ng galaxy namin para sadyang earth pa mismo ang tumbukin ng mabahong lumilipad na islang ito!

 

Natakam akong makauwi at makabalik agad sa aming planeta. Nanumbalik bigla ang kagustuhang makita ang dati kong buhay at pamumuhay! Miss na miss ko na ang pamilya ko! Ayoko nang mag-explore! Ayoko na sa kalawakang ito! Gusto ko nang bumalik sa dati! Kung panaginip man nga ito ay gusto ko na ulit magising!!

 

Bigla kong iniwan ang bato at sumirit ng lipad sa buong kawalan patungo sa aking mundo. Uuwi na ako!! Tuwang-tuwa ako at manghang-mangha sa aking paglipad dahil kayang-kaya ko palang maging kasimbilis ng isang kisapmata habang maya't maya ay iilag sa mangilan-ngilang tipak ng bato sa aking dinaraanan. Dinaanan at napansin ko din ang isang maliit na tipak na kasinglaki ng Bundok Isarog at parehong pareho sa kulay at amoy ng batong nakita ko kanina. Baka anak 'kako ito 'non. Malayong malayo na s'ya sa pinanggalingan n'yang malaking bitak na 'yun. Parang distansya ng araw at planetang Neptune ang pagitan.

 

Sa sobrang bilis nang aking paglipad ay hindi ko napansing papasok na pala ako sa aming galaxy. At 'yun sa may kaliwa ko ang mundo namin! Malapit na ako!! Natatanaw ko na ang animo'y flashlight na naglalabasang berde at asul n'yang liwanag na sumasayaw-sayaw pa sa malayo. Ang liwanag ng araw na tumatama sa kanya ay tila bumabalandra naman sa bawat sulok ng kalawakan at s'yang nagpapaliwanag sa kabuuang naaabot nito. Nakakamangha talaga ang kagandahan ng Earth. Tanging s'ya lang ang namumukod-tanging may ganitong kislap at kulay sa lahat ng planeta. Buhay na buhay at punumpuno ng hiwaga. Habang lumilipad papalapit dito ay napalingon din ako sa dinaraanan kong napakalaki ring planeta, sa may itaas at kanan ko. Ang Saturn. Ito na rin nga 'yun!! Tila payapang-payapa itong taas-noo sa kanyang sombrerong nababalutan ng iba't ibang uri ng kumikislap na mga hiyas. Dinaanan ko sa ibabaw ng malapitan at sobrang manghang-mangha ako dito. Napakalaki n'ya pala talaga!

 

Gustong-gusto ko na talagang umuwi. Sabik na sabik na akong makabalik. Pero habang dahan-dahan ko nang binabaybay ang direksyon papalapit sa ating mundo ay bigla kong naalala ang bato. Oo, ang asteroid! 'Yung napakalaking islang bato o salamin. Paano kung tuluyan ngang sa aming planeta mismo ito tumama? Lao na't saktong sakto ang tinatahak nitong direksyon na nakita ko kanina. Isang napakalaking trahedya ito sa amin. Maaring ikawasak ito ng Earth mismo!!

 

Nabagabag ako sa mga posibleng mangyari. Hindi ko naman alam kung anong magagawa ko pero hindi ako mapakali. At lalong hindi ako matahimik lalo na't alam ko naman ang mga posibilidad na kahihitnan namin pero hindi ko man lang susubukang mag-isip ng solusyon.

 

Bigla akong pumihit ng lipad at nag-ala-Superman ulit pabalik sa dambuhalang bato. Habang lumilipad ay naisip ko, ano kaya kung ganito rin ako sa Earth? Siguro magiging totoo ang mga Superhero! Magiging totoo si Superman. Pero ayokong magsuot ng brief sa labas ng leggings, ang corny no'n. At ano kaya 'kakong magandang pangalan ko din kung sakali? Hmmmmm….The Flying Man? Super Flash? Wonder Man? Ano kaya? Kaso lahat 'ata ng Superhero eh, merong iba pang kapangyarihan, samantalang ako paglipad lang ang alam. Ahh, baka nga meron pa akong ibang powers, masubukan nga.

 

Umakma-akma din akong maglabas ng Laser Beam, hangin, o kung ano mang kapangyarihan meron ako galing sa mata, kamay, bibig, maging sa ilong sinubukan ko…pero walang lumalabas. Ilang ulit kong sinubukan, may kasabay pang malalim na konsentrasyon, pero wala talaga. Wala akong nararamdamang kakaibang lakas. Bilis, oo! Pakiramdam ko kayang-kaya kong mag-ala "The Flash" dito! Oo, dito.

 

Dito?

 

Bigla akong natahimik habang patuloy lang na lumilipad papalapit sa bato.

 

Oo nga!

 

Paano kung hanggang dito lang lahat ito?

 

Paano kung hanggang dito lang naman sa labas ng kalawakan ang bilis at kakayahan kong makalipad?

 

Paano kung nasa Earth na ako? Ganon pa rin ba kaya?

 

Bigla akong kinabahan.

 

Baka hanggang dito lang talaga sa kalawakan ang lahat ng abilidad kong ito!

 

Ibang usapan na sa Earth! Hihigupin ka ng gravity! Ipapadpad ng hangin! Ibabalibag sa lupa!

 

Nakakatakot!! Nakupo!!

 

Gusto ko na talagang magising!! Ayoko na dito!! Tulong!!

 

At maya't maya pa ay nasa harapan ko na ulit ang higanteng isla ng itim na diamante…salamin, na ewan at hindi ko naman masabi kung anong bagay nga ba talaga ito.

 

Muli akong lumipad paikot sa bagay na 'yun. Sinipat ko muli ang direksyong pinupuntirya nito. Matatag! Hindi man lang natitinag! Ganon pa rin! Desididong desidido sa kanyang pinupuntiryang tamaan! Ni hindi man lang lumiko o bumaling ng ibang direksyon!! Tsk! Tsk! Tsk!!

 

Unti-unti akong lumapit dito. Gusto kong makalapag sa kanya. Susubukan kong makita ng malapitan kung anong klaseng bato o bagay nga ba talaga ito.

 

Dahan-dahan.

 

At habang papalapit ako ng papalapit ay tila may naramdaman akong bigat na humihila sa akin para makalapag dito. Tila ba may sariling gravity ang islang ito. Nang papalapit na ako nang papalapit ay naaninag ko ang kalawakan n'ya, isang tila isla ng kristal o salaming itim, bughaw at violet nga ang kanyang kapatagan! Nagmadali na ako sa paglapag. Papalapit ng papalapit sa kanyang lupa. Hanggang sa makalapag na nga ako. Pero laking gulat ko nang pagkatungtong na pagkatungtong ko ng aking mga paa ay tuloy tuloy lang akong lumulubog dito! Dumire-deritso lang ang aking paa sa ilalim kasunod ng aking katawan, papalubog nang papalubog. Tuloy-tuloy. Deri-deritso. Lumulusot lang ang buo kong katawan sa islang ito. Nakita kong nagsilagpasan lang sa akin at binabangga lang ako ng lahat ng bagay sa loob nito na para bang ako'y isang anino o multo! O kaya'y sila ang lumulusot lang sa aking katawan!

 

Habang steady lang ako't tuloy-tuloy na umiilalim dito ay patuloy naman sa pag-abante ang isla kaya kitang-kita ko ang tren-tren o hile-hilerang magkakadikit na poste o dingding ng pinaghalo-halong maliliit, malalaki, at mga dambuhalang bato na nagsisiksikan sa kalupaan nitong tila kulay itim na buhangin. Ang bawat batong nakikita ko ay tila halos pare-parehong parihaba lang ang sukat hindi tulad ng mga bato sa ating mundo na karamihan ay mga bilugan. Tila mga hugis diamante ang kurte nila na magkakadikit-dikit at nakatusok lang sa ilalim ng lupa.

 

At habang pailalim ako ng pailalim ay nakita ko ang isang parang napakalaking itim na kwadradong magnet sa pinakagitna nito na sa palagay ko'y s'yang pinakaugat kung bakit tila may gravity ang islang ito. Kaya maya't maya ay ramdam ko ang bigat na tila humahatak sa akin para lumapit at dumikit dito, na ewan pero hindi naman ako nahihirapang labanan. Mabilis kong nababalewala ang pwersa ng paghatak nito.

 

Maya't maya ay napansin ko din sa may hulihang bahagi ng isla ang tila ba isang malaking sapa na umuusok-usok pa ang ibabaw na s'yang pinanggagalingan ng masangsang na amoy na napansin ko kanina. Napaisip ako kung bakit may nabubuhay na tubig o anumang klaseng likido sa islang ito na siguradong dahil sa kawalan nang oxygen ay t'yak na malulusaw.

 

Tuloy-tuloy lang sa pag-abante ang isla.

 

Para lang akong nasa loob ako ng isang silicon glass.

 

Hanggang sa makalagpas na nga ang lahat sa akin. Naiwan akong tulala sa kalawakan at nakatingin lang sa deri-deritso at papalayo nang itim na islang 'yun. Ako, na tila isang multo o espiritu lang na matapos masagasaan ng isang lumilipad na islang animo'y may mga natutunaw pang yelo sa dulo ay naiwang hindi na alam kung anong gagawin. Tulalang nakatingin lang sa napakalaking asteroid na delikadong tumama sa sarili kong mundo!

 

At ako, walang magawa. Isang multo! O espiritu! O engkanto! Ewan! Sobrang nalilito na ako!

 

Pero, imposible…bakit ba ako nakakakilos ng ganito! Bakit sobrang linaw ng lahat sa akin? Bakit parang totoong totoo ang lahat? Bakit ako nakakahinga sa lugar na'to?

 

Patay na nga ba talaga ako??!!

 

Ahhhh!!!

 

Hindi!!!!!

 

Hindi ito totoo!!!!

 

Ayoko na!!!

 

Gusto ko nang bumalik!!!

 

Hindi ito nangyayari!!!

 

Panaginip lang lahat ito!!!

 

Gisingin n'yo ako!!!

 

Muli akong sumirit ng lipad. Balak kong bumalik na sa Earth.

 

Binilisan ko pa ng sobra at sa isang iglap ay nilagpasan ko pa ang isla, sa gitna nito ako dumaan. Pinaghalo-halong na ang takot at pagmamadali sa akin. Wala na akong pakialam sa itim na islang 'yun.Basta gusto ko na lang makauwi! Wala akong pakialam kung may kapangyarihan man ako o wala! Wala akong pakialam kung bakit kahit walang oxygen ay buhay na buhay pa din ako sa lugar na'to!

 

Lalo pa akong natakot dahil kahit sa sobrang bilis na nga aking paglipad ay wala man lang natitinag kahit sa mga maliliit na batong dinaraana ko. Dapat kasi gumalaw man lang sila kahit kunti dahil sa epekto ng bilis ko pero wala eh! Hindi man lang sila natitinag! Patay na nga siguro ako! Wala ring silbi ang tulad ko rito!! Wala rin akong magagawa dito!

 

Ayoko na talaga!!

 

Uuwi na ako!!

 

Tama na ang kalokohang ito!!

 

Deri-deritso na akong sumibat nang lipad papasok sa ating galaxy.

 

'Yun na ang earth! Tanaw na tanaw ko na ang aming planeta! Ramdam na ramdam ko na ang sinag ng araw sa mukha ko! Andito na ako! Papasok sa ating planeta…sa ating mundo…deri-deritso. Excited na akong sobra!! Heto na!! Earth!!!

 

Kzzzzztttttttttttt!!!!!!!!!

 

**May narinig akong tila sumirit at nag-spark na kable ng kuryente. Parang may sumabit 'atang kung anong bagay sa poste malapit sa amin! O baka may nakuryenteng tao!!!

 

Napabalikwas ako't hingal na hingal na bumangon! Hinugot ko nang sobrang lalim ang aking hininga! Weeewww!!! Tagaktak ang pawis sa aking mukha at katawan. Basang-basa na ako! Pakiramdam ko'y ikinulong ako sa isang vacuum! Wal ang hangin. Uhaw na uhaw ako. Matapos mahimasmasan ay tumayo na ako sa mula sa sofa at pumunta sa kusina. Nagsalin ng tubig sa baso. Uminom! Pagkatapos ay bumalik ako sa sofa at naupo. Nagtataka kung bakit andito na ako sa loob ng Bahay. Ang pagkakaalala ko ay sa may terasa ako nakatulog kanina.

 

Tiningnan ko ang relo sa dingding. Mag-aalas singko na ng umaga.

Kailangan nang magsaing. Nagugutom na ako.

 

(end of Chapter 1.)