Chapter 4 - Chapter 3: Pahina ng 'Sumpa'

Ilang panahon na ang nakalipas mula nung matagpuan ako sa ilog.

Yalmar na ang pangalan ko at hindi na Alen.

Mas gusto ko ang pangalang Alen kaysa Yalmar subalit, ano pang magagawa ko?

Nakakatamad makipagtalo.

Ipinangalan kasi nila sa akin yung ilog kung saan nila ako nakitang palutang-lutang.

Sipag nila mag-isip noh?

Mas humaba na ang aking mga bisig ngayon kaysa nung una akong namulat sa mundong ito subalit, hindi ko na alam kung ilang taon na ako kung nasa Earth ako.

Kung gagamitin ang kalendaryo ng mundong ito.

Anim na dhur na ang edad ko. Iba kasi ang kalendaryo nila rito.

Napagtanto ko na wala na ako sa Earth.

Iba ang kalendaryo, walang buwan at walang mga spaceships na makikitang lumilipad sa himpapawid.

Sa katunayan, walang kahit anong lumilipad sa himpapawid.

Kahit ibon.

Wala masyadong nagbago sa akin maliban sa aking tangkad.

Idinilat ko na ang aking mga mata.

Umaga na.

Ikalabing-isang emeras ng Hyarna-fasa Dahr ngayon.

Bumungad sa akin ang nakababagot na kulay puting dingding, ibang-iba sa dingding ng cabin ko sa Peaks.

Ibang-iba rin ang pakiramdam ng bawat umaga rito.

Sa Peaks, babati sa iyo ang imahe ng kabigha-bighaning planetang Earth kada umaga.

Paano ko ba ipapaliwanag?

Mula sa kalawakan, sa Peaks, pagdungaw mo mula sa bintana ng iyong cabin, makikita mo ang harmoniya ng mapuputing ulap, maasul na karagatan at berdeng kalupaan ng planetang Earth.

Tila ba ang mga pulo ay ipininta ng may pagmamahal ng isang dakilang pintor sa ibabaw ng bughaw na tubig ng mundo, pagkatapos ay nilapatan ng malalambot na hagod ng mga ulap.

Nakakagaan sa pakiramdam.

Ngayon, dito, ang babati sa iyo ay ang nakabibinging katahimikan, wala manlang mga kahali-halinang kanta ng mga ibon, o kaya nama'y matinis na tunog ng kuliglig.

Hindi ko inaasahan na mamimiss ko ang mga simpleng tunog na iyon na hindi ko naman namiss nung mga panahong lumipat ako sa Peaks.

Sa Peaks naman kasi, mga acoustic songs ang pinapatugtog tuwing umaga kaya siguro parang normal parin.

Ngayon ko lang nalaman kung gaano kahalaga ang mga tunog o musika tuwing umaga.

Nakatatawa, nakalulungkot at nakapanghihinayang.

Nakasasakal.

Ramdam na ramdam ko ang bigat ng batong nakapatong sa aking dibdib at tinik na nakatarak sa aking puso.

Ramdam na ramdam ko na hindi ako nababagay dito.

Haaa...

Bago pa ako maiyak, dali-dali akong bumangon mula sa aking kamang malambot. Isa ito sa mga bagay na nagustugan ko sa mundong ito. Ang kama kong malambot.

Tumingin ako sa salamin at tumambad sa aking mga mata ang isang batang lalaking may maitim na buhok, itim na mga mata at maputing balat.

Para parin akong taga-Earth pero iba na ang aking mukha.

Hindi na yung mukhang dati kong alam. Pero mukha parin naman akong asyano.

Natigil ang aking mga mata sa itim na buhok na nakapatong sa aking ulo.

May isang impormasyon akong naalala na hindi ko gusto.

Pero kailangan kong tanggapin.

Kendrix, ang dugong dumadaloy sa aking mga ugat.

Kilala ang lahi ng Kendrix na may mga itim na buhok, at itim na mga mata. Pero may isang dahilan kung bakit kilalang-kilala ang lahi ng Kendrix sa buong mundo.

Hindi sila makagamit ng manhira.

Ganun din ako.

Wala naman akong pakialam kung 'di ako makagamit ng magic-magic nila eh. Nabuhay naman ako dati nang walang magic.

Pero dahil kasi rito, hindi naging maganda ang trato sa akin ng ibang mga tao rito sa ampunan pati na rin sa bayan.

Dahil din sa ibang kulay ng buhok at mata ko, nilalait nila ako dahil dito. Malas daw ako.

Hayup na mga racist.

Kahit na pa hindi sumagi ang mahika sa aking isipan dati, nakakainis parin na hindi ako makagamit ng biyayang karaniwang ibinibigay sa mga taga-rito.

Nareincarnate ako 'di ba? Bakit walang cheat skill na kung ano-ano katulad nung mga napapanood ko dati sa internet?

[So may pake ka... -_-]

Ang mayroon lang ako ay mga alaala ko na minsan pa nga'y napagkakamalan ko pang sumpa.

Dahil sa alaala ko, madali kong naintindihan ang mga bagay-bagay dito tulad ng letra, numero at pagbasa.

Iba ang letra nila rito. Hindi Roman alphabets. Wala naman kasi yatang Rome dito.

O baka meron? Ewan...

Naaalala ko pa kung paano gumawa ng primitibong mga armas upang protektahan ang aking sarili tuwing luluwas ako kahit wala akong magamit na salamangka.

Subalit, madalas din ako maging malungkot dahil sa mga alaalang ito.

Lumiraw ang aking mata paikot sa aking kuwarto at lumapag ang mga ito sa isang sulok ng aking kuwarto

Tinitigan ko ang crossbow na ginawa ko na nakasabit sa pader. Tila ba naging magkamukha sila ng baril ko sa Peaks.

Haaa... Nakakamiss ang buhay mangngangalawak.

Tuwing walang pasok sa eskuwelahan o kapag bakasyon, sa umaga, maghahanda na ako ng mga kagamitan para magsimula a

ng ekspedisyon sa iba't-ibang parte ng kalawakan.

Mag-isa akong luluwas at bibisita sa iba't-ibang planeta.

Masaya kahit mag-isa lang. Malaya.

Kahit pa na yumayaman na ako dahil sa game development, pinili ko paring maging manlalakbay dahil naaaliw ako rito.

Andaming magagandang exoplanets na maaaring makita.

Ang iba ay nabisita ko na at ang iba nama'y hindi pa.

May mga planetang may buhay at mayroon din namang wala.

Mula sa Peaks, patungong Mars, asteroid belt, ibang solar systems ng milky way hanggang iba't-ibang galaxies.

Salamat sa warping systems, nakakarating ako sa iba't-ibang mundo.

Kaso... dati iyon.

Noong hindi pa ako dinapuan ng kamalasang ito.

Tila ba isa akong agilang kahapo'y lamang malayang lumilipad at nahuli ng mga siraulong mangangaso upang putulan lamang ng pakpak at itapon sa isang lugar na hindi ako pamilyar.

Isang agilang mataas ang nalilipad at malayo ang nararating. Subalit, kahit pa malayo man ang nararating... nakakauwi parin...

...nang ligtas.

Para akong napagtripan ng tadhana.

Makababalik pa kaya ako sa pagkakataong ito?

Muli kong tinitigan ang salamin at nakitang muli ang repleksyon ng aking mukha.

Iniiling ko ang aking ulo at kinalimutan na ang mga kaisipang hindi naman nakatutulong sa sitwasyon ko.

Nagtungo ako sa banyo ng kuwarto ko.

Walang shower ngunit may gripo. Siguro kahit papaano natutuhan nilang gumawa ng sistema ng tubig sa gusaling ito

Muli akong napaisip habang nakatingin sa tabong kahoy na nakalagay din sa timbang kahoy.

Libre ang tirahan ko pero hindi ang pagkain ko.

Pagtungtong ko ng siyam na dhur, kailangan ko nang bayaran ang pagtira ko rito.

Gayun pa man, wala na akong balak na dito pa tumira bago ako tumuntong ng pitong dhur.

Kumbaga ang legal age nila rito ay 8-10 years old kung sa Earth... yata... ewan ko ulit.

Ah, siya nga pala, ako lang ang dapat magbayad ng 'renta' kasi nga...

...abnormal daw ako.

Ayon sa mga namamahala ng gusaling ito, si Rona, para lang daw sa mga batang may KINABUKASAN ang ampunang ito.

Naalala ko kung paano nilinaw nung Rona na iyon yung salitang 'KINABUKASAN' sa akin na akala ba niya'y hindi ko siya naiintindihan.

Mga ulol!

'Ang libreng pagkain ay para lamang sa mga estudyante na nakakagamit ng MAHIKA'

Mga ulol!

Mas sibilisado naman ako kaysa sa inyong mga tinamaan kayo ng pitongpu't pitong puting puta!

[weh?]

Hinubad ko na ang aking mga damit at nagupisa na akong maligo.

Umpisa na naman ng araw ko. Ibig kong sabihin emeras.

Pero... mas tugma yata ang salitang, 'panibagong pahina ng sumpa'?

Pagkatapos kong maligo, lumabas na ako ng banyo. Nagsuot ng puting t-shirt at maluwang na kayumangging pantalon.

Tiningnan ko ang kalendaryong naka sabit sa gilid ng salamin ko.

Walang konsepto ng 'linggo o buwan' dito sa mundong ito.

Wala naman kasing buwan dito.

Subalit mayroon paring paraan para malaman kung anong araw na... ibig kong sabihin emeras-nichtas... pala... ehem...

Heleeth Myohg Vetravorthor.

Ito ang pangalan ng talangguhit o chart na nagsasabi kung anong emeras na ba.

Binase nila ang bawat emeras-nichtas o 'araw na nagdaan', base kung anong kulay ng guwardyang tala, na tinatawag na Verdastania, sa bawat panahon.

[A/N: Ang emeras-nichtas ay 'araw' or day-night at hindi Sun ah. Sa makatuwid isang buong paglipas mula madaling araw ngayon hanggang bago mag madaling araw kinabukasan.

Hindi 24 hrs ang isang 'araw' dito sa mundong ito. Tatanungin niyo ako kung ilan? Ewan ko, wala sa akin orasan nila noh, nagsusulat lang ako. Nagtatype pala... ibig kong sabihin...]

Ang binabatayan nila ng panahon ay ang bawat pagpapalit ng kulay ng Verdastania.

Verdastania, isang kakaibang malaking bituin na matingkad at paiba-iba ng kulay.

Ayon sa alamat, ito raw kasi ang bituin kung saan nagtitipon ang anim na kaluluwa ng dakilang bayani ng sinaunahang panahon.

Bawat kulay ay may pangalan na tugma sa pagkakilanlan ng sinaunang dakilang bayani na nirerepresinta nila.

Hyarna-Fasa Frysta, ang tawag kung ang kulay ng Verdastania ay kulay langit.

Ang Hyarna-fasa Frysta ay binubuo ng limampu't anim na emeras-nichtas.

Pagkatapos nito, magiging malamlam na kulay puti ang Verdastania. Tinatawag namang itong Stua Eftir Frysta.

Ang Stua Eftir Frysta ay tatagal ng apatnapu't dalawang emeras-nichtas.

Sunod ay magiging matingkad na kulay cyan naman ang Verdastania. Tinatawag naman itong Hyarna-Fasa Dahr.

Ang kulay ng Verdastania ngayong panahong ito.

Ang Hyarna-Fasa Dahr ay tatagal ng limampu't pitong emeras-nichtas.

Muli, magiging malamlam na puti ang kulay ng Verdastania na tinatawag namang Stua Eftir Dhar na tatagal ng tatlompu't walong emeras-nichtas.

Susundan naman ito ng Hyarna-fasa Fostio na kulay kahel at tatagal ng limampu't limang emeras-nichtas.

Muli, magiging malamlam na puti ulit ang Verdastania na tinatawag na Stua Eftir Fostio na tatagal ng apatnapu't tatlong emeras- nichtas.

Sunod magiging kulay ube naman ang Verdastania na tinatawag na Hyarna-fasa Svikari na tatagal ng limampu't anim na emeras-nichtas.

At magiging malamlam na puti muli ang Verdastania na tinatawag namang Stua Eftir Svikari na tatagal ng apatnapu't walong emeras-nichtas.

Sunod ay magiging matingkad na pula ang Verdastania na tinatawag namang Hyarna-fasa Vetra na tatagal ng limampu't anim na emeras-nichtas.

Pagkatapos ay magiging malamlam na puti muli ang Verdastania. Tinatawag naman itong Stua Eftir Vetra na tatagal ng walumpu't anim na emeras-nichtas.

Pagkatapos ay babalik sa Hyarna-fasa Frysta.

Sa pagkakataong ito, magkakaroon ng pagdiriwang na tinatawag na Dhurliftur upang batiin ang pagulit ng kulay ng Verdastania.

Ang isang buong pagpapalit-palit ng kulay ng Verdastania mula Hyarna-fasa Frysta hanggang katapusan ng Stua Eftir Vetra ay tinatawag na isang Dhur.

Maihahalintulad ang dhur sa taon subalit, sa taon kasi, binabatayan ang pagikot ng Earth sa Araw, dito naman, binabatayan ang kulay ng Verdastania.

"Haaaay... Nakakabulol naman kasi yung pangalan nung mga fasa-fasa eme-eme nila rito. Nakakasoybeans... lalo na yung pangalan nung kalendaryo nila, halik niyog betranortor"

Halik niyog amputa.

'Di ko napigilan ang aking sarili sa pagrereklamo.

[A/N: Sa taong 3156, may nausong video ng bulol na batang babaing galit na galit sa kuya niya. Sinasabihan niya ng 'stupid' kuya niya kaso bulol kaya ang nasasabi niya ay 'soobids' na katunog ng soybeans. Kaya nauso sa Pilipinas yung salitang 'soybeans ang puta', 'nakakasoybeans', 'taho ang utak' at marami pang ibang related sa soya, hahaha. Nakakatawa noh? Tawa ka na please (> ~ <)]

Hindi man kasing garbo ng pagdiriwang ng Dhurliftur ang pagdiriwang ng pagpapalit-palit ng kulay ng Verdastania, maraming paring pagkain.

Subalit para sa akin na hindi naman nasasali sa pagdiriwang na katulad noon.

Ginagawa ko nalang silang katatawanan.

"Pagdiriwang din kaya nila kapag nagkakaroon ng sale sa Isabela Peaks? Mas makulay pa yung Space Billboard nila roon eh."

Space Billboards, kung may sale at iba pang announcements, kahit hindi mo mababasa yung mga nakasulat kung nasa Earth kalang, kitang-kita yung kinang nito tuwing gabi.

Sa katunayan, pinagdiriwang ko rin yun, kaya baka nga.

[So... paano mo sila nagawang katatawanan?]

Kung iisipin, talagang nakakamangha ang pagpapalit-palit ng kulay ng Verdastania, maski ako, 'di ko alam kung anong milagro ang mayroon sa Verdastania kung bakit ganun pero, mas marami kasing nakakamanghang bagay sa Earth, lalong-lalo na sa Pilipinas at sa ibang galaxy.

Kung galing ka sa mundo kung saan abot-kamay na ng mga tao ang kalawakan, mamangha ka pa ba sa bituing papalit-palit ng kulay?

[Woi sagot!]

"Haaa... Tama na nga, tatanghaliin na ako, baka mamaya wala na akong mahuli"

Inihanda ko na ang lahat ng kakailanganin ko.

Crossbow, kutsilyo, wallet, tali, malinis na tela kung sakaling masugatan ako at iba pa.

Bago ka maging manlalakbay o mangngangalawak sa Earth, dapat ay kumuha ka ng special course sa high school hanggang college na 'Spexed'(Spek-zed) o Space Expedition Education.

Dito, ituturo sa iyo ang iba't ibang paraan kung paano mabuhay sa kalawakan.

Sasanayin kang umasinta gamit ang crossbow, pana, solid-projectile based weapons, energy-projectile based weapons, hybrid-projectile based weapons at iba pang weapon-weapon sa isang pasilidad na paiba-iba ng gravity dipende sa nais ng instraktor.

Sasanayin ka ring gumamit ng iba't-ibang klase ng 'melee weapons' tulad ng kutsilyo, tabak, arnis at energy blades.

Ituturo kung ano dapat mong gawin kung sakaling mawala ka sa kalawakan, maestranded sa isang planeta, buwan o asteroid at marami pang iba.

Sasanayin kang humanap ng posisyon-pangngangaso, pagakyat sa matataas na lugar at mahusay na pagtalon sa iba't-ibang platforms.

Parang parkour kaso walang papogi.

Tinuturo ang 'basic survival skills', traditional navigation at hunting.

Sa madaling salita, malakas akong nilalang wuhahahahaha!

...kaso dati yun... wuhuhuhuhu...

Dahil may posibilidad na madapuan kami ng katangahan at mawala namin armas namin sa expedition, tinuruan din kami kung paano gumawa ng simpleng mga armas tulad ng high-powered slingshots, crossbow, rifles, dart rifles, makeshift-energy rifles, pistols, explosives at iba't-ibang patalim.

Pero kapag nasa civilian area ka, dapat mong isurrender ang armas mo sa baggage counter.

May striktong panuto sa paggamit ng armas.

Minsan kasi, kung masyadong mababa o walang atmospera yung pallid, o sa mas madaling salita, nasa vaccum ka, hindi gagana ang pulbura kaya tinuturo kung paano gumawa ng highpowered slingshots(tirador) at makeshift-energy rifles.

May mga nilalang kasi na nabubuhay kahit walang oxygen.

Ginagamit nila ang iba't-ibang chemical upang mabuhay o kaya naman ay mayroon silang Titan's Core na nakapagpapabuhay sa kanila.

Kung nasa lugar ka naman na may atmospheric conditions, hindi gagana ang makeshift-energy rifles kasi mag-iiskater ang enerhiya mula rito, kaya kailangan mong gumawa ng ibang armas tulad ng crossbows, rifles, high-powered slingshots at iba pa.

Pero may kondisyon parin kung ano-anong klase ng atmosphere lang ang puwede mong gamitan ng baril.

Lalong-lalo na kung yung atmosphere ng planetang ineexplore mo ay may oxygen tapos may mataas na concentration ng methane sa paligid, nako, roasted beef labas mo kapag nagkataon.

Bago ka magumpisa sa ekspedisyon, may inspeksyon munang gagawin sa spaceship mo para i-check kung lahat ba ng kailangan mo ay handa na at kung may kontrabando ba.

Iniiwasan nilang magkaroon ng giyera dahil lang sa isang siraulong sibilyan na may dalang planetary threat armaments (PTA or Pita)

Mahigpit, pero mas ayos na yun kaysa mamatay ka o makapatay ka.

Naalala ko tuloy na usong-uso yung mga tutorial nun sa internent kung paano gumawa ng kutsilyo gamit obsidian, high-powered crossbows at tirador.

Kaya karamihan ng mangngangalawakan ay may dala-dalang mga obsidians, scrap metals, fiber threads, sticks, rubbers at iba pa.

Ang iba naman ay ginagawa na nila bago pa sila umalis. Pero dahil nga may possibilidad na mawala, ang iba ay gagawin nalang kung kailangan.

'Di ko maiwasang matawa, paano pala kung may papatay na sa iyo noh? Tapos ikaw nagtutuktok pa ng obsidian hahahaha.

Mahirap madapuan ng katangahan noh?

Maraming iba't ibang klaseng armas na maaaring pagpiliian nung nasa Earth pa ako.

Subalit ngayon, crossbow lang mayroon ako, gawa pa sa kahoy.

Pero ang mahalaga, nakakapatay parin naman ng hayop at halimaw kaya goods lang.

Dahil mahina lang ako, kasi nga bata pa ang katawan ko, simple lang ang naging stratehiya ko sa pangangaso.

Magtago, mag-abang at mamana.

Bumaba na ako sa plaza upang lumuwas na.

Ang maganda rito, wala silang pakialam kung anong gawin ko kasi nga wala akong manhira.