Chapter 2 - Chapter 1: Hala?

Shhhhhhhhhh.

Rinig na rinig ni Alen ang tunog ng ilog na kinalulutangan niya.

Nakalagay siya sa isang basket na gawa sa kawayan habang siya ay nakahiga at nakatingin sa kawalan.

Malamig na hangin na may taglay na kilabot ang yumakap sa kanya.

Hindi maproseso ng utak niya kung ano ang nangyayari.

Kahapon lang ay namomroblema siya kung paano ikakabit ang feature na naisip niya sa computer application na ginagawa niya. Ngayon, namomroblema siya kung bakit ang liliit ng mga bisig niya at kung bakit wala siyang saplot.

"Wahuh..."

'Huh? Pati boses ko ang li-'

Sinubukan niyang magsalita subalit malasanggol na ungol lamang ang lumabas sa maliit niyang labi..

Sinuri niya ang kanyang katawan.

Natigilan siya nang mapagtanto niya na hindi lang mga bisig niya ang maliit, lahat ng parte ng katawan niya ay maliit.

Sa makatuwid, bumalik siya pagiging sanggol.

'Putek putek putek putek... Anong kalokohan 'to? Di ako makagalaw ng maayos... Urgh... Lintek, bakit naman wala akong damit?'

Dahil nga sa maliit na katawan ni Alen, hindi siya makagalaw ng maayos.

Alen. 2nd-year college student sa Murani's Technological College (MTC), Philippines' Civilian Space Station 330036-12 (PCSS 330036-12).

Maunlad na ang Pilipinas sa taong 3156. Teknolohiya, militar, literatura at sining, iilan lang yan sa mga pinagmamalaking napagtagumpayan ng Pilipinas.

Subalit, dahil sa pagtaas ng populasyon, kinailangan ng mas malawak na lugar para tirhan ng mga tao.

Dahil dito, napagisipan ng mga siyentipiko na gamitin ang kalawakan.

Mula noon, nabuo ang kasabihang 'malawak sa lawak ng kalawakan.

Kahit hindi madali ang buhay niya sa Pilipinas, si Alen ay madiskarte at may saktong tiyaga.

Salamat sa diskarte, saktong tiyaga at pera ng lolo at lola niya kaya't nagkaroon siya ng Game Development Team sa edad na 19 years old.

Naging matagumpay ang grupong nabuo niya, sa katunayan, isa sila sa pinaka matagumpay na GameDev Team sa buong mundo.

Nabayaran na niya ang lahat ng utang ng mga tito at tita niya na tumulong sa kanya upang makamit ang nais niya.

Nakabili si Alen ng sarili niyang cabin sa Philippines' Civilian Space Station 330036-12 o PCSS 330036-12 na kilala rin sa tawag na 'Peaks Isabela 12' o 'Peaks'.

Sa makatuwid, naging milyonaryo siya kahit pa nasa kolehiyo pa lamang siya.

Minsan nga, natawa siya sa sarili niya habang iniisip niya na - kung nakulangan siguro siya sa tiyaga, baka ngayon tambay na siya. Kung nasobrahan naman, baka ngayon patay na siya.

Pero ngayon iniisip niya na maaaring sanhi ng sakto niyang tiyaga ang mga kababalaghang nangyayari sa kanya ngayon.

'Dapat ba na mas nagbanat pa ako ng buto hanggang sa mabalian na ako?

Takot, claustrophobia, pag-aalala, panghihinayang, ginaw, kilabot at kaba ang namamayagpag sa bawat piraso ng kanyang maliit na katawan.

Para bang may mga nalunok siyang malalaking tipak ng bato na pagulong-gulong sa sikmura at dibdib niya.

Maya-maya pa.

Groooog...

Usapang sikmura nga naman.

'Arghh... Gutom na ako... Wala bang gatas man lang? Puta, nasan ba ako?'

Dinapuan na ng gutom ang maliit na tiyan ni Alen.

Kahit pa kumukulo na ang sikmura, wala siyang ibang magawa kundi magpatangay na lang sa agos ng tubig habang nakatingin sa paikot-ikot na kawalan at pilit na kalimutan ang nag-aalburutong tiyan.

Parang kanina lang saganang-sagana siya sa prutas, at ibang pang masasarap na pagkain.

Naalala niya tuloy ang masasarap na luto ng lola niya dati nung sa kanila pa siya nakatira nung bata siya.

Naalala din niya yung huling niyang kinaing chopsuey, siomai at pancit sa isang fast food sa Peaks.

Di maiwasan ni Alen na maglaway at mas maging malungkot pa.

'... Putang ina...', sabi niya sa sarili habang unti-unting pinalalabo ng mga luha ang kanyang maliliit na mga mata.

Hindi na niya mapigilang mag-isip ng masama dahil sa gulong kinahaharap niya.

Dumagdag ang galit sa listahan ng mga emosyon na kasalukuyan niyang nararamdaman.

Pinilit niyang ibahin ang iniisip upang mapa-gaan ang sitwasyon at ang nararamdaman nita.

'Siguro may makakapulot naman sa akin... tama, magbibilang nalang ako ng ibon...', tahimik niyang sinabi sa sarili ng may namumugtong mga mata.

Subalit wala siyang napapansing lumilipad na ibon. Para bang mga halaman lang ang nanonood sa paghihirap niya.

Mga nilalalang na ang kaya lang ay manood.

Dahil sa mga negatibong nararamdaman ni Alen, hindi na siya makapagisip ng rasyonal.

Dahil sa gutom, sama ng loob at kasalukuyang lebel ng utak niya.

Sanggol parin naman siya kahit may ala-ala siya ng nakaraan.

Isa sa talento ni Alen ang manatiling kalmado at rasyonal kahit na magulo ang mga sirkumstansyang hinaharap niya subalit, ito ang unang beses sa mahabang panahon na nawala ang rasyonal na pagiisip na pinagmamalaki niya sa sarili.

'Kailangan ko lang humanap ng makakakain, ang problema, wala pa akong mga ngipin at nasa gitna ako ng ilog. Kung mas matanda siguro ako ng pitong taon, baka makahuli pa ako ng maliit na isda, pero nga dahil gapulgada lang ang mga braso at binti ko, imposi... Argh!'

Natigilan siya ng may hapding nagparamdam sa kanyang ulo na mala-kutsilyo.

Sa katunayan, naguupisa nang umayos ang utak ng kasalukuyang katawan ni Alen upang tumugma sa lebel ng kanyang kamalayan.

Salamat sa tulong ng mga manhira sa paligid. Ang himala ng planetang ito.

Manhira, ito ang taglay na bagay na kakaiba dito sa mundong ito na kasalukuyang hindi alam ni Alen.

Dahil dito, maaari ang paggamit ng mahika.

Agad-agad naukit ang sakit sa maliit na mukha ni Alen habang unti-unting dumidilim ang kanyang mga paningin.

Tila nawala ang kumukulong tiyan at pumalit ang napakasakit na ulo.

Di nagtagal ay tuluyan nang nawalan ng malay si Alen habang siya ay inaanod ng ilog patungo sa kawalan.

Sa tabing ilog, di kalayuan mula sa kasalukuyang lugar ni Alen.

May apat na babaing tahimik na naglalaba ng mga damit.

Ang kabuuang edad nila ay humigit-kumulang 15.

Tunog lamang ng mga kinukusot, pinipigaang mga damit at agos ng tubig ang maririnig nila.

Walang huni ng ibon. Taliwas sa inaasahan ni Alen.

Wala ring huni ng kuliglig.

Isang dalaga ang nagsalita at sumira sa paulit-ulit na tunog.

"May panggatong na ba?"

"Oo, nagpakuha si Yana kay Kuya Resi kaninang umaga."

"Ahhh... Nagluto na kaya sila?"

"Ewan. Sana."

"Haaay. Nagugutom na ako, sana may pagkain na pagbalik."

"Ha."

Ang sumira ng nakasasawang tunog, si Eunice, ay nagkukusot ng sarili niyang damit nang magtanong siya kay Janice, na tinapos naman ni Janice sa pamamagitan ng pagsingasing

Eunice, 14 na taong gulang. Pangkaraniwan (sa mundo nila) ang mukha; bahagyang maputi; may malagintong buhok na parang along nakabagsak sa kanyang likuran na lampas ng apat na pulgada mula sa kanyang balikat; parating may kayumangging panyong nakatali paikot sa noo hanggang batok at kulay kahel na mga mata.

Janice, 17 taong gulang. Katulad ni Eunice, kulay kahel ang mga mata at malagintong buhok na bahagyang mas mahaba kaysa kay Eunice na nakatirintas sa likod.

Ang pangkaraniwan na wangis ng mga taga Alsanta, babae man o lalaki. Malagintong mga buhok at kahel na mga mata. Magaganda at mapuputi.

Sa katunayan, lahat ng mga nakatira sa Alsanta ay mapuputi dahil sa lamig ng klima.

Madalas silang naihahalintulad sa puno ng karabson. Isang uri ng puno na ginintuang kayumanggi (golden-brown) ang dahon at hindi nagbabago kahit anong klima pa.

Hindi naglalagas ang mga dahon kahit pa taglamig.

Di lamang sila nahahalintulad sa karabson dahil magkakulay ang mga buhok at dahon nila. Ang pangunahing produkto ng Alsanta ay ang kahoy ng carabson na ginagamit na palitong pansalamangka (magic wand) dahil bagay ito upang mapalakas at mas maayos na makontrol ang manhira upang mas maging malakas at epektibo ang salamangka.

Maya-maya pa, may napansin silang palutang-lutang na bagay sa ilog.

'Di kalayuan mula sa kanila sa gilid ng ilog, napansin ni Michelle ang palutang-lutang na mababaw na tiklis na dahan-dahang umiikot pakaliwa habang inaanod ng tubig.

"Uy!! Ano yun oh!"

Tumuro si Michelle sa direksyon ng lumulutang na bagay sa gawing kanan.

Tinigil ng mga kasama niya ang pagkukusot maliban kay Sane at tumingin sa direksyon kung saan nakaturo si Michelle.

"Basket? Yata."

Sagot ni Sane, tila walang pakialam, sa tanong ni Michelle at patuloy sa pagkusot ng blusa niyang puti.

Sane, 14 na taon, may matingkad na kulay lilang buhok na mala-talon na nakabagsak sa kanyang likuran, mga magaang kulay-ubeng mga mata at labing mapupula.

"Parang may laman yata", dugtong ni Michelle.

Tumigil sa pagkusot si Sane ng may ekspresyon kasing lamig ng simoy ng hangin at tumingin sa direksyon kung saan tumuro sa Michelle.

"Oh?... Ano laman?", tanong ni Sane sabay tingin kay Michelle.

"Ewan ko, lapitan kaya natin?"

"Wag na. Hintayin nalang natin yan mismo ang lumapit.", sagot ni Sane na may halong bahahyang pagkairita.

Tumayo sila sa kinauupuan nila at lumusong sa malamig na tubig upang abangan ang inaanod na mababaw na tiklis.

"Ingat kayo ah, madulas"

Babala ni Janice, ang pinakamatanda sa grupo, sa mga kasama niya.

Dahan-dahan naman sumunod ang ibang mga babae malapit sa kintatayuan niya.

Mula sa lugar kung saan sila nakatayo, kapansin pansin ang mapunong kabilang panig ng ilog.

Punong-puno ng kulay berde ang kabilang dalampasigan kahit na malamig.

Kapansin-pansin din ang lilim ng nga punong ito mula sa kinatatayuan nila.

Nakakakalma ang tanawin.

Maya-maya pa ay lumapit na ang mababaw na tiklis sa kanila.

Laking gulat nila ng makita nila ang isang tulog na sanggol, wala itong saplot at parang sinandyang pinaanod sa ilog para mamatay.

Si Alen.

Wala nang pusod ang bata subalit kitang-kita ang mga tadyang nito sa sobrang payat, kahit sinong makakita sa batang ito, masasabi na hindi pa ito nakatitikim ni kahit patak man lang ng gatas mula nang pagsilang sa kanya.

Agad-agaran, walang sali-salita, ginamitan ni Janice ng panggamot na mahika ang sanggol.

Wala silang dalang kahit anong tela o damit na tuyo para sana pambalot sa bata, kaya at ginamitan nalang ni Michelle ng pampainit na mahika ang sanggol, sapat lang para maprotektahan ang sanggol sa malamig na hangin.

"Eunice at Sane, tuloy niyong labhan yung mga damit, iuwi lang namin 'tong bata sa bahay. Babalik kami kaagad."

Tumango nang mabilis si Eunice at sumagot naman si Sane sabay tagilid ng ulo niya sa kanan.

"Lalakarin niyo pauwi?"

"..."

Natigilan si Janice at lumingon sa direksyon ni Sane.

"Ayos lang ba na gamitin natin ang mahika mo sa paglipad?", tanong ni Janice ng may saliwang ekspresyon sa mukha.

"Ayos lang, di naman ganun katagal eh"

"Baka mamaya bigla ka na namang himatayin ah"

Sane, mabilis niyang natutuhan ang paggamit ng iba't ibang mahika. Paglipad, pampabilis tumakbo, pampahina, simpleng salamangkang pang-opensa, at marami pang-iba subalit, masyado pang mababa ang limitasyon ng paggamit niya ng manhira.

Sa madaling salita, hihimatayin siya kapag nasobrahan siya sa pag-gamit ng mahika

Subalit, siya lang ang kasalukuyang may kakayahan upang mapabilis ang pag-uwi nila sa bahay-ampunan.

"... 'di yan", maiksing sagot ni Sane habang pinipigaan niya ang laylayan ng mahaba niyang damit na nabasa sa paglusong sa ilog.

Kumunot ang noo ni Janice sa maiksi at walang emosyong to sagot ni Sane.

'Kung himatayin siya malapit sa bahay, ayos lang kasi nandoon naman si lola Marsina at iba pang mga kapalad. Masasalo kami kung bumagsak kami kapag hinimatay siya'

"Saan ka ba nagaalala ate Janice? Hindi lang naman mahikang pagpapalipad kaya ko."

"Haaay... Kahit naman anong mahika gamitin mo, gagastos parin naman ng manhira."

"Onti lang magagastos ko kung pampabilis sa takbo lang."

"Haaa... Sige sige", sagot ni Janice na may halong pagsuko.

Kahit napupuno ng duda at pagaalala ang isip ni Janice, sumangayon nalang siya.

Sa halip naman na mag-aksaya sila ng oras sa pag-iisip kung paano nila maiuuwi ang bata, dapat ay bilisan nalang nila ang pagbalik para makaiwas sa mga di-kanais-nais na pangyayari.

Kahit pa ginamitan ni Janice ng mahikang panggamot ang bata, nasa lebel palang ng paunang lunas ang mahika niya, sa madaling salita, simpleng mga sugat at gasgas lang ang mapapagaling niya pero hindi mga sakit dulot ng mikrobyo. Kaya dapat parin nilang bilisan.

Ginamit na ni Sane ang mahikang pandagdag bilis sa kanyang sarili, Michelle at Janice na may hawak na bata.

"Ako... dito lang ako?", tanong ni Eunice.

"Oo", mabilisang sagot ni Janice sabay takbo.

Napitlag sila Sane at Michelle. Nabigla sila sa pagtakbo ni Janice at bahagyang nahuli.

'Ohh! Ambilis ko ah, pakiramdam ko kaya kong libutin ang buong Alsanta. Haha.' Sabi ni Janice sa sarili na may halong saya.

Taliwas sa iniisip ni Sane na may halong inis, 'Ungas talaga... Haaay... kung wala lang siyang bitbit na bata pinatid ko na siya'

Kahit pa na tatlong taong mas matanda sakanya si Janice, hindi niya maiwasang mainis. Kung mas malayo kasi siya kay Janice ng 15 metro, mapuputol na ang mahikang nakakonekta kay Janice.

Dahil sa momentum ng takbo niya, baka kung ano pang mangyari kay Janice dahil sa pagbabago ng bilis.

Di naman siya ekspertong mago na kaya siyang suportahan kahit 100 metro ang layo.

'Sa susunod tatalian ko ng baging mga paa niya bago ko siya gamitan ng pampabilis', mabagsik na inisip ni Sane habang may madilim na ngiting nakaguhit sa kanyang mukha.'

'Di nagtagal ay parang tuldok nalang sila para kay Eunice.

"Haaaa...", buntong hininga ni Eunice sabay tingin sa mga tiklis na may mga damit na nakalagay 'di kalayuan mula sa kanya.

"Daming labahin"