Anim na buwan ang lumipas...
Sa isang simenteryo, sa harapan ng isang puntod, makikita ang isang binatang may dala-dalang bulaklak.
Sa kabila nitong kamay ay hawak-hawak ang plastik na laman ang posporo at mga kandila. At sa lapida na nasa pungtod na iyon, nakasulat ang pangalan ng nakalibing. Maging ang larawan nito ay nakapastil sa lapida.
Tinitigan ng binata ang larawan. Pagkatapos, dumako ang mata nito sa pangalang nakasulat.
Bumuka ang bibig ng binata.
"Josephine Alcantara," wika nito at bahagyang ngumiti.
"6 months na rin pala ma nang umalis ka. Pero ganon pa rin. Araw-araw pa rin kitang namimiss," lumamlam ang ngiti ng binata.
Sumilay ang pangungulila ni Zack sa kalinga ng ina. Ang ngiti, ang tawa, ang yakap ng ina, ay hinahanap-hanap pa rin niya.
Walang araw na hindi niya nararamdaman ang pangungulila kay Josephine. Ang guilt, ang kahihiyan, ang pagkamis sa ina, minu-minuto niyang nararamdaman.
Tumingala ang binata sa asul na langit. Taimtim niyang pinanood ang mga ibon sa itaas.
"Alam mo ma, ang dami dami kong napagtanto ngayong wala ka na. Ngayon ko pa lang naiintindihan ang hirap mo nang tinaguyod mo akong mag-isa.
Pero hanga ako sa'yo mama kasi hindi ka po sumuko. Hindi ka po napagod. Lalo ka lang pong nagpursigi na kumayod para maibigay lang ang hinihingi ko po sa'yo."
Saglit na huminto ang binata at huminga ng malalim.
Muling idinako ang tingin sa larawan ng ina.
"Sa mga araw na 'yon ma, habang lugmok na lugmok ako sa pagkawala mo po, lahat na alaala ko sa'yo ma, laging bumabalik. Ang bigat pa rin pala sa dibdib na wala ka na po.
Kung kailan ako nagising sa mali ko mama, kung kailan ko ginustong bumawi, tsaka ka pa po umalis."
Gumuhit ang mapait na ngiti sa labi ng binata.
"Tama pala talaga si Jenny ma. Sana... Sana sinulit ko po ang oras noon pong buhay ka pa," dumaloy ang masaganang luha sa pisngi ng binata.
Napaiyak siya.
Lungkot ay muling bumalot sa kan'yang kalooban. "Pero nasa huli pala talaga ang pagsisisi mama ano?" tumawa ng pilit si Zack habang pinunasan ang luha.
"Tama na nga ang iyakan, ma. Pumunta lang po ako rito para bisitahin ka po. Palapit na rin naman po kasi ang undas ma eh. Ilang buwan na lang."
Tumayo ang binata. Pinagpagan ang pang-upo at muling humarap sa pungtod.
"Sige ma, alis na po muna ako," pagpapaalam niya sa namayapang ina. "Babalik na lang po ako ma sa undas po. Miss na po kita mama. I love you po."
Napahigpi ang binata sa huling itinuran. Pagkatapos, tumalikod siya at pinunasan ang luhang dumadaloy.
"Bye po ma," huli niyang wika at naglakad na papalayo.
Sa kan'yang paglayo sa pungtod, isang paru-paro ang lumipad at sumunod kay Zack. Nang maabutan ito, saglit na dumapo ang paru-paro sa tuktok ng ulo ng binata na tila hinalikan sa ulo si Zack na parang sanggol.
Pagkatapos, lumipad na ito papalayo.
***