Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Phantasmagoria - Wattpad

ren_TAB
--
chs / week
--
NOT RATINGS
2.8k
Views
Synopsis
After riding a midnight train, Lotte gets transported into a new world full of magic and gets to live in a mansion with twelve guys.
VIEW MORE

Chapter 1 - [1] In Which Lotte Rides the Midnight Train

EPISODE 1

In Which Lotte Rides the Midnight Train

Isang araw ng Byernes, ay nagmamadaling bumaba si Lotte sa hagdan ng kanilang barong-barong. Dalawang floors at gawa sa pinagsamang yero at pinagtagpi-tagping plywood, halos bumigay na nga ito sa bigat at tumatagilid na sa pagdaan ng panahon. Nang simulan niya ang araw na 'yon, ay wala siyang kaalam-alam na 'yon din ang araw kung kailan magbabago ang buhay niya.

Habang bumababa ay napasinghap siya nang muntikan na siyang nadulas sa basang hagdan. Napailing siya. Umulan na naman yata ng malakas kagabi at nakapasok ang tubig sa loob. Tinulak niya nang konti ang isang baitang nito kaya ito nahulog. Kuntodo salo naman siya sa piraso ng kahoy at agad 'yong binalik. Matagal na silang nagtitiis sa sira-sirang bahay na 'yon pero di ito naaayos ng landlady nila. Tuwing pinapakiusapan naman kasi nila ito ay tatalakan lang sila nito. Magrereklamo na naman ito dahil delayed na nga ang bayad nila sa renta, nag-rerequest pa raw sila ng kung anu-ano. Hinihintay na lang nila na magkaroon ng sapat na pera para makaalis mula roon.

Pumunta si Lotte sa kusina para magsaing. Ngayong araw darating ang tiyuhin niya kasama ang tiyahin at mga pinsan niya. Sinundo kasi ng tiyahin at mga pinsan niya ang padre de pamilya nito sa airport kahapon pero may dahil nasa ibang syudad 'yon ay ngayon pa ito nakauwi ulit ng bansa. Nagtrabaho sa ibang bansa ang tiyuhin niya sa loob ng ilang taon kaya naman excited na ang pamilya nito na makita ito ulit. Maliban sa kanya.

Hindi naman kasi niya kasundo ang tiyuhin. Kahit na mula pa pagkabata ay lumaki na si Lotte sa mga ito ay hindi talaga siya nito gusto sa kung anong dahilan. Pero kahit na ganoon ay hindi naman inaapi-api si Lotte ng kanyang foster family gaya ng kadalasang nangyayari sa mga kwento. Mabait sa kanya ang tiyahin niya na kapatid ng tatay niya. Kasundong-kasundo rin niya ang mga pinsan. Mula kasi nang maagang pumanaw ang kanyang ama ay sa puder na siya ng kanyang tiyahin lumaki. Matagal na rin silang iniwan ng kanyang ina at wala na silang balita rito mula noon pa.

Mula noon ay parang palamunin na ang tingin ng tiyuhin niya sa kanya. Pinipilit naman niyang suklian ang pagpapalaki nito sa kanya sa pamamagitan ng pagbawi sa mga gawaing bahay at pagtulong-tulong sa mga gastusin. Nagdesisyon na rin siya na hindi na muna dumiretso ng kolehiyo para makapag-ipon dahil wala naman siyang aasahan sa kanyang sariling tuition. Sigurado naman kasi siya na hindi siya tutulungan ng tiyuhin niya na siyang may hawak ng pera nila.

Habang nagsasaing siya ng kanin ay nagsimula siyang magwalis. Pinagpagan niya na rin ang sirang sofa at inusog para maitabi. Gamit ang basahan ay pinunasan ang sahig at nilagyan ng floorwax. In-arrang niya na rin ang mga mumurahing kagamitan at appliances. Iisa lang rin ang sala, kusina, at kainan nila. Sa sobrang liit ng tinitirhan nila, nagsisiksikan sila roon. Pero ngayong nakauwi na si Mang Nicolas mula sa pagtatrabaho nito abroad ay baka makalipat na sila sa mas maayos na lugar. Tutal hindi na naman nga ito nakakapagpadala dahil nag-iipon daw ito ng pera para magpatayo ng sariling bahay.

Nang matapos na lahat-lahat si Lotte ay napabuga siya ng hangin at napangiti. Sa wakas ay pwede na siyang makapagpahinga.

Umupo siya may sa kusina. Tiningnan niya ang piangsasaingan at nang makitang malapit nang mawala ang apoy ay hinihipan niya ito. Nang sumilab na ang apoy ay kinuha niya ang takore at nilagyan ang mug ng mainit na tubig. Saka niya binuhos ang laman ng isang 3-in-1 sa kanyang mug.

Umupo naman siya sa bangko at nagsimulang magkape.

Kinuha ni Lotte ang nakatuping dyaryo na mula pa noong isang linggo at binuklat iyon sa ibabaw ng mesa.

Hinanap niya ang Classified Ads na pahina at tumigil roon. Gamit ang daliri ay sinuyod niya ang mga bakanteng trabaho na mahahanap niya. Kinuha din niya ang ballpen sa malapit at nilagyan ng ekis ang mga trabahong inaplayan niya na, pero di siya sigurado kung tatanggapin ba siya.

"Kung hindi sasabihing 'tatawagan ka na lang namin', sasabihin namang may nakakuha na ng trabaho. Kailan ba ako makakakuha ng trabaho nito?" maktol niya na napabuntong-hininga. Muli niyang tiningnan ang dyaryo at binilugan ang mga trabahong naisip niyang pwedeng pasukan. "Magwi-waitress lang sa resto, graduate na ang hinahanap. Pati ba bilang katulong kailangan may diploma na rin? Hay."

Napasandal si Lotte sa likod ng bangko at napatingala sa bubong.

Nakahanap nga siya ng trabaho noong summer pero di naman permanente. Kaya eto siya ngayon, wala uling trabaho.

Nasa ganoong sitwasyon si Lotte nang marinig niya ang katok mula sa pinto sa labas. Walang gana niya itong nilingon. "Sino 'yan?" Pero nagpatuloy lang ito sa pagkakatok na para bang nagmamadali ito.

"Nandyan na, nandyan na," sabi naman niya na napabuntong-hininga. Tinupi niya ang dyaryo at tumayo. Naglakad siya papunta sa pinto ng bahay at binuksan iyon. Tumambad naman sa kanya ang isang pulis. Napanganga naman siya sa gulat.

"Ikaw ba si Ms. Charlotte E—emily Liddell?" tanong naman ng pulis. May kasama itong isa pa na nagsusulat sa isang notebook.

"A-ako nga po," aniya naman na nagsimula ng kabahan. Nagtaka na si Lotte dahil baka may nagawa siyang krimen na wala siyang kamalay-malay. "B-bakit po?"

"Ito ba ang bahay ni Florita at Nicolas Reyes?" sabi naman ng pulis na nagsusulat sa notebook.

"O-opo, ito nga po." May kung ano sa inaasal ng mga ito na ikinakatakot ni Lotte.

"Ikaw ba ang pamangkin nila?"

Muling tumango si Lotte.

Bumuga naman ng hangin ang pulis. "Nandito kami para ibalita sa'yo na nadisgrasya ang sinasakyang nilang bus," anito naman na seryosong nakatingin sa kanya. May lungkot sa ekspresyon nito. Napakurap lang si Lotte sa sinabi nito. "Nasa ospital ngayon ang tiyuhin at ang mga pinsan mo. At ikinalulungkot ko namang sabihin na, hindi na nakaabot ng buhay sa ospital ang tiyahin mo. Pasensya na sa nangyari."

***

Noong una ay akala ni Lotte na baka nagbibiro lang ang mga ito sa kanya. O baka maling bahay ang napuntahan ng mga ito. Ngunit nang makita niya sa telebisyon ang tungkol sa aksidente ay nakumpirma nga niya ang nangyari.

Hindi pa rin makapaniwala si Lotte. Habang kasama niya ang mga pulis dahil sinamahan siya nito sa ospital kung saan isinugod ang mga biktima ay para siyang naglalakad sa tubig. Paano nangyaring, kahapon lang ay masaya pa silang nagkukuwentuhan kasama ang mga ito. Ang dami pa nilang plano sa pag-uwi ng kanyang tiyuhin. Mag-a-outing pa sila sa beach sa birthday ng kanyang tiyahin tatlong araw mula ngayon. Tapos biglang naglaho na lang iyon lahat.

Lumipas ang mga araw na parang panaginip sa mga mata ni Lotte. Ang tiyahin niya na ang tumayong ina sa kanya sa loob ng maraming taon. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap lamang ay mawawala lang ito. Habang ang dalawang pinsan naman niya ay nasa ospital pa rin at hindi nagigising.

Nilibing na lang ang tiyahin niya na ang tanging dumalo lang ay siya, ang tiyuhin niya, at iilang mga kaibigan nito. Nakatayo lang doon si Lotte na nakatingin sa kawalan. Hindi niya alam, pero walang luha na lumalabas mula sa kanyang mga mata. Siguro, nang dahil sa labis na gulat ay parang namanhid ang puso niya.

Nagsiuwian na rin ang mga nakipaglibing hanggang sa ang naiwan na lang ay siya at ang tiyuhin niya.

"Dadalhin ko sa probinsya ang mga pinsan mo," anito sa kanya maya-maya. Tumango lang siya. "At buti pa maghanap ka na rin ng bago mong matutuluyan."

"P-po?" maang na sagot naman niya dito. "M-maghahanap po ako ng—ano?"

Tiningnan naman siya ng tiyuhin niya na parang ang bobo ng sinabi niya. "Hindi mo na pwedeng tirhan ang bahay. Ngayon na ang huling buwan na binayaran ng tiyahin mo. Tsaka, ipapagiba na rin ng may-ari iyon dahil tatayuan ng bagong boarding house."

"S-saan po ako pupunta?" sabi naman niya na parang nanlumo sa narinig. "Wala na po akong ibang mapupuntahan, Tiyong. D-di po ba ako pwedeng sumama na lang muna sa inyo?"

Kumurba paibaba ang bibig nito. Para namang pinagsisihan ni Lotte na sinabi pa ang bagay na iyon.

"Hindi tayo magkakasya roon. Makikitira rin lang muna kami sa kapatid ko doon, saka ako babalik sa labas ng bansa kapag bumuti-buti na ang kalagayan ng mga pinsan mo," anito naman. "Hindi magugustuhan ng kapatid ko kung may dadagdag pang alagain."

Natahimik naman silang pareho. Ito, nakatingin sa malayo habang siya naman ay maang na nakatingin dito. Nakaawang ang bibig ni Lotte na para bang may gusto siyang sabihin pero di niya alam kung paano.

"Mananatili ka pa ba dito?" untag naman nito. "Mauuna na ako. Pagdating mo sa bahay, magsimula ka nang mag-impake. Hanggang bukas lang ang binigay na palugit ng landlady."

Doon na nakadama ng desperasyon si Lotte. "P-pero Tiyong—saan po ako pupunta? Maghahanap naman po ako ng trabaho eh. Pero sa ngayon, pwede bang doon muna ako sa in—"

Tinaas naman ng tiyuhin niya ang dalawang kamay nito. Tiningan siya nito na parang naiinis. "Maghahanap ka naman pala ng trabaho eh," anito na bahagyang tumaas ang boses. "Dito ka na lang sa Dacarra. Doon sa probinsya, wala kang mahahanap. Dito, magkakatrabaho ka pa. Maghanap ka na lang ng matutuluyan—bahala ka na kung paano mo gagawin iyon."

Nagsimula na itong maglakad. Gustong habulin ito ni Lotte pero mabilis itong nawala sa paningin niya at naiwan siya doong nakatunganga at hindi alam ang gagawin.

Pag-uwi niya sa bahay ay nakita niyang wala na pala doon ang ibang gamit ng tiyahin at mga pinsan niya. Nakita niya pang inakyat sa isang multicab ang luma nilang sofa at refrigerator. Sinundan na lang niya iyon ng tingin hanggang sa umandar ito at umalis na.

Naiwan doon si Lotte sa bahay na halos wala nang laman.

Noong gabing iyon ay umakyat si Lotte sa ikalawang palapag ng kanilang bahay na lumong-lumo. Hindi niya alam ang gagawin pero alam niyang bukas na bukas din ay kailangan na niyang umalis sa bahay na iyon. Pero bumabalik pa rin sa isipan niya ang tanong kung saang lupalop siya ng mundo pupunta.

Nagsimulang mag-impake si Lotte. Isa-isa niyang tinupi ang kung ano mang damit na natitira sa kanya. Saka niya ito isiniksik sa kanyang backpack kasama na ang mga importanteng gamit niya. Ang iba naman niyang gamit ay nilagay niya sa isa pang bag. Nang matapos siyang magbalot ay humiga na siya sa kamang wala man lang sapin.

Habang nakatitig siya sa kawalan ay doon na lumabas ang lahat ng luha niya nitong mga nakaraang araw.

Sa pagitan ng mga hikbi niya ay naalala niya ang kanyang tiyahin. Pati na ang kawawa niyang mga pinsan. Hindi na pala niya makikita o makakasama ang mga ito kahit kailan. Ito lang ang natitira niyang kamag-anak sa mundo na kilala niya. Tapos dumagdag pa sa kalungkutan niya ang isiping wala na siyang ibang mapupuntahan. Kung ano mang mangyayari sa kanya kinabukasan ay wala siyang alam. Tahimik pa rin siyang humahagulgol nang mag-isa hanggang sa maramdaman niya ang bigat ng talukap ng kanyang mga mata. Hindi nagtagal ay nakatulog na din siya.

Kinabukasan ay nagising si Lotte nang may marinig na kaluskos sa ibaba ng kanilang bahay. Kusot-kusot ang mga mata niya ay dahan-dahan siyang bumaba sa kanilang hagdan. Akala niya ay ordinaryong araw lang 'yon. Subalit nang makita niya ang bakanteng unang palapag ay saka bumaha sa isipan niya ang lahat. Biglang bumigat ang puso niya. Napabuga siya ng hangin at pilit na inalis 'yon sa isipan niya.

Sumilip siya sa baba para tingnan kung sino ang tao at nakita niya ang matabang landlady.

"Aling Rosa?" tawag niya rito.

"O, Lotte? Andito ka pa pala," anito naman sa kanya. "Kahapon lang umalis ang tiyuhin mo, ah. Ba't ka pa nandito?"

"E-eh kasi po," nauutal naman niyang sabi. "Ano—ah—aalis din naman po ako ngayon, nakitulog lang ako kahit ngayong gabi lang."

Tumango naman ito at tiningnan pa siya mula paa hanggang ulo. "Mabuti nga't umalis ka na rin ngayon. May darating na ngayong araw para rentahan ang bahay na ito," anito naman sa kanya. Halos mapataas naman ang kilay ni Lotte sa sinabi nito. May magtitiis pa bang ibang tao sa bahay na ito? piping tanong niya sa sarili. "Ano? Hindi ka pa ba aalis? Saan ka na pupunta ngayon?"

Para namang tumalon ang puso ni Lotte nang marinig ang sinabi nito. Ito na ang pagkakataon niya! Baka naman sakaling maawa ito sa kanya at—

"Eh, kasi po, w-wala na po kasi akong ibang mapupuntahan, baka naman po—" aniya ngunit naputol din ang sinasabi niya. Napataas naman ang kilay ng kanilang landlady. Napalunok si Lotte. "Baka po may—may mairerekomenda kayong trabaho o—matutuluyan man lang?"

Sana naman maawa siya at patuluyin ako sa kanila, piping dasal niya sa kanyang sarili. Ngumiwi naman ang matabang landlady at tinigitigan siya ng maigi. 'Yung klase ng tingin na para bang sinusuri nito ang buong pagkatao niya.

"May alam akong lugar na nagpapatuloy sa mga tin-edyer na kagaya mo, at nagbibigay din sila ng mga trabaho. Kaya mo naman sigurong magtrabaho ng kahit na ano, di ba?" anito naman sa kanya.

Mabilis namang tumango si Lotte. Humingi naman ito ng papel sa kanya at agad naman niya itong binigyan ng isang pinunit na piraso. Kinuha naman nito 'yon at nagsulat ng mabilis.

"Pumunta ka sa lugar na ito. Naghahanap sila ng bagong aplikante. Hanapin mo lang si Criselda, bibigyan ka niyon ng trabaho," sabi naman nito sa kanya. Ibinalik nito sa kanya ang piraso ng papel at agad naman iyong kinuha ni Lotte.

Nagpasalamat naman si Lotte dito at umalis na mula roon. Wala siyang ibang dala maliban sa isang lumang bags na siyang tanging pag-aari niya. Pagdating niya sa labas ay naglakad siya papuntang kanto at doon sumakay ng jeep.

Nang makarating siya sa lugar na tinutukoy ng address na binigay nito ay nasorpresa naman siya nang makitang nasa loob pala iyon ng isang maliit na eskinita. Nagtaka siya at sandaling naghinala, pero dahil nangibabaw ang pangangailangan niya nang matutuluyan, ay naisip rin niya na subukan pa ring puntahan 'yon.

Dumaan naman siya sa pasikut-sikot na daanan at hinanap ang lugar na tinutukoy nito. Nang makarating naman siya sa isang pinto na nasa likod ng isang malaking building, ay muli siyang napatingin sa papel kung tama ba ang lugar na napuntahan niya. Ayon sa mapa na ginuhit nito ay nasa tama naman siyang lugar. Sinabi pa nga ni Aling Rosa na kulay pula ang pintong iyon.

Kaya nga lang, ay nang tingalain niya ang kabuuan ng building ay parang di siya sigurado. Parang may masama siyang kutob sa lugar. Muling tiningnan ni Lotte ang pinto at naghanap ng kahit anong senyales kung ano kayang trabaho ang inaalok sa lugar na ito. Ngayon lang din niya naisip na sana pala ay nagtanong siya kay Aling Rosa kung anong trabaho ang tinutukoy nito. Napabuntong-hininga si Lotte.

Nang, may biglang kung anong gumagalaw at kumanlong sa paanan niya. Tumingin si Lotte sa baba at nakita niya ang isang pusa. Isang kulay itim at matabang pusa. Tumingin ang mga mata sa kanya. Napakunot-noo naman siya na napangiti nang makita 'yon. Kakaiba ang mga mata ng pusa—kulay green. Mahaba at makintab ang mga balahibo nito na parang isang stuffed toy.

Inabot naman niya ang pusa at kinarga ito dahil naku-cutean siya rito.

"Anong kelangan mo? Gutom ka ba?" tanong naman niya sa pusa, kahit alam niyang hindi naman siya nito naiintindihan.

Sinuklay niya ang mahabang buhok nito at napansing mayroon pala itong kakaibang suot na collar. Silver collar na parang may gemstone sa gitna. Totoo kaya ito? tanong niya sa sarili na sinundot ang bato. Kahit may maliit na parte sa loob niya na tinutukso siyang kunin 'yon dahil nangangailangan naman siya ng pera ay hindi niya 'yon pinakinggan. Nakakatawa man isipin pero hinding-hindi siya magnanakaw para lang mabuhay, kahit sa pusa pa.

Muli itong ngumiyaw sa kanya, at dinilaan pa ang kamay niya. May dinukot siya sa isang supot na nasa bag niya na pandesal at binigay dito.

"O, 'yan lang ang pagkain na meron ako. Sana naman hindi ka mapili sa pagkain. Mukha ka pa namang pusa ng mayaman," sabi niya rito. Pero imbes na tanggapin nito 'yon ay tumalon lang ito bigla, dahilan para matapon ang tinapay niya sa lupa. Napabuga naman siya nang hangin sa inis, at agad na hinanap ang nakakaasar na pusa. Nakita niya itong nakatayo malapit sa isang nahulog na poster. Nangangalit itong nakatingin sa papel na para bang kalaban nito ang bagay na 'yon. Ang lakas pa nitong ngumiyaw.

"Hoy, ano bang nangyayari sa'yo—" panimula niya nang mapansin ang poster sa paanan nito. May mga scotch tape itong nakadikit sa bawat gilid nito at hula ni Lotte ay nakapaskil siguro ito sa pader at nahulog lang. Kunot-noo naman niyang pinulot 'yon at binasa. "Wanted, GRO, w-with pleasing personality. Anak ng—ito ba 'yung trabahong sinasabi ni Aling Rosa?"

Buong lakas na napabuga ng hangin si Lotte at naitapon ang papel sa ere. Nang napatantong hindi nga maganda para sa kanya ang lugar na iyon ay ttumayo na siya para agad na lisanin ang lugar na iyon. Subalit saktong may tatlong lalaki na palang nakatayo sa harapan niya.

Ngiting-ngiti pa ang mga ito na nakatingin sa kanya. Lumalim naman ang kunot sa noo niya at napaatras hanggang sa mabangga niya ang pulang pinto sa likuran. Nakaharang na ito sa dinadaanan niya at walang ibang tao roon maliban sa kanila.

Pati ang pusa ay hindi na rin niya makita.

Nagsimula na siyang kabahan pero pilit niyang 'wag ipahalata 'yon. Mabilis namang sinuyod ng mga mata niya ang pwedeng gawin para depensahan ang sarili kung sakaling pagtatangkaan siya ng mga ito.

"Magandang umaga, miss," bati naman ng isang boses sa harapan ni Lotte. Mataba ito at halos nakakalbo na ang buhok. "Nawawala ka ba?"

"H-hindi may hinahanap lang ako, kaya kung pwede—" sabi naman niya at pinilit na makadaan sa tatlong lalaki. Ngunit mas lalo lang lumapit ang mga ito kaya naman ay napilitang umatras si Lotte.

"Baka naman pwede kaming makatulong?" tanong naman ng isang lalaki na payat, mabuto at may sira-sirang mga ngipin. Tiningnan siya mula ulo hanggang paa.

Naiinis na siya dahil ang lapit na ng mga ito sa kanya.

"Hindi na nga. Wala pala dito 'yong hinahanap ko," malamig na sabi niya.

"Suplada mo naman," tudyo ng ikatlong lalaki na may katabaan din at nakalabas na halos ang malaki nitong tiyan. "Akala mo naman kung sinong malinis 'to o. Bawal pa naman ang suplada sa akin, miss."

"Ano?" sabi niya na sinusubukang kumalma. "Mawalang-galang na ha? Hindi ko alam anong gusto niyong sabihin kaya naman tumabi na kayo o kung hindi—"

"Kung hindi ano?" hamon nito. "Anong gagawin mo?"

"Tsaka miss, nakita naming nakatingin ka doon sa poster. Naghahanap ka ba ng trabaho dito, ha? Hindi ka naman mapapadpad dito kung hindi 'yan ang sadya mo rito, tama diba?" tanong naman ng lalaking may malaking tiyan.

Nagtawanan naman ang mga lalaki at sinubukan siyang abutin. Umalpas naman siya agad at sinamaan ng tingin ang mga ito—bagay na mas lalong nagpaugong ng tawanan nila.

"Kung gusto mo, tulungan ka naming makapasok dun, ha? Basta ba't sumama ka na lang muna sa'min sandali," susog ng lalaking walang ngipin.

"Hindi nga," matigas na sabi niya at iwinaksi ang mabalahibo nitong kamay palayo. "May sadya talaga akong kaibigan na nakatira rito malapit. At may kasama ako kaya umalis na kayo bago niya pa kayo maabutan."

Dasal niya na sana umipekto ang pagsisinungaling niya. Ginawa niya ang lahat para maging convincing ang pag-arte niya. Natahimik naman ang mga ito at nagkatinginan pero nagtawanan rin nang malakas.

Napalunok si Lotte at umatras ng konti. Hinawakan niya ng mahigpit ang bag para ipamalo kung saka-sakali.

"Sino? Nasaan ngayon ang kasama mo?" tudyo ng kalbong lalaki na luminga-linga pa. "Eh parang tayo lang naman ang nandito—"

"Ako ang kasama niya, mga ginoo."

Sabay namang napalingon ang tatlong lalaki sa likuran. Pati si Lotte ay napasilip at nasorpresa sa nakita. Isang lalaking nakasuot ng suit, vest, at pantalon ang nakatayo ilang metro mula sa kanila. May dala rin itong baston na pinaglalaruan pa nito sa isang kamay. Dahil nakasuot ito ng top-hat na nakababa ay hindi niya maaninag ang mukha nito. Ang tangi lang na nakikita ni Lotte ay ang matangos nitong ilong at buhok na lampas tenga. Napansin din niyang ang misteryoso ngunit nakakahalinang ngiti nito.

Nagtawanan naman ang mga lalaki.

"Patawa 'tong gagong 'to, naka-costume pa. Sino ka ba?" tanong ng isang lalaki.

"Kasama niya nga ako," ulit ng bagong dating. Humakbang ito papalapit sa kanila. 'Kaya kung pwede lubayan niyo na ang kasama kong binibini. Ngayon. Din. Mismo."

Kalmado ang boses nito ngunit maotoridad. Marahan naman nitong ipinilig ang ulo na para bang sinisenyasan siya. Doon siya parang nagising at naghanap ng daan si Lotte. Dahan-dahan siyang umatras habang nakatuon pa ang atensyon ng mga manyakis sa estranghero. Subalit napansin naman siya agad ng payat na lalaki at dinakip ang kamay niya.

Napasinghap siya.

"Saan ka pupunta?!" sigaw nito kaya naman napunta ulit sa kanya ang atensyon ng iba pa. By instinct ay hinampas niya ang dalang bag sa sikmura nito dahilan para mapaluhod ito sa lupa. Pero agad ring sumugod papunta sa kanya ang isa pang lalaki para sapakin siya.

Ngunit sa kung anong dahilan ay hindi tumama ang kamao nito sa kanya at sa halip ay napadpad ito sa sarili nitong mukha. Hindi pa doon natapos 'yon dahil sinuntok rin nito bigla ang payat na lalaki, dahilan para muli itong mapaluhod sa lupa. Natawa naman si Lotte sa kalokohang ginagawa ng mga ito, pero nagulat siya nang akmang susugurin ng ikatlong lalaki ang estranghero—nang, sa kung anong dahilan, ay bigla itong sumayaw.

"Hoy anong ginagawa mo—" tanong ng kalbong lalaki pero sa halip ay hinila lang siya ng matabang lalaki at isinayaw. Tawa naman ng tawa si Lotte at ang estranghero, lalo na ng pinaikot ng mataba ang kalbo sa kamay nito. "Nababakla ka na ba?!"

"H-hindi ko alam bakit ko ito ginagawa!" tili ng matabang lalaki. "Gumagalaw na lang ng kusa ang katawan ko!"

Pati ang payat nilang kasamahan ay nakikitawa na rin sa kanila, ngunit para bang may invisible force na humila rito patayo. Tumakbo ito papunta sa dalawa nitong kasamahan at nakisayaw na rin. Sa kung anong dahilan ay parang kinokontrol nga ang mga ito.

Napalingon naman si Lotte sa estranghero. Tahimik lang itong nakamasid sa mga manyakis na nagbaballet sa gitna ng eskinita. Alam niya medyo nakakatawa kung iisipin pero ito ba ang gumawa niyon sa mga lalaki?

Subalit nang tumingin ito sa kanya ay ibinaling na lang ulit niya sa tatlong manyakis na nagba-ballet leaps palayo. Natatawa pa rin siya sa karma ng mga ito. Nang mawala ito sa paningin niya ay naisipan niyang pasalamatan ang estrangherong nagligtas sa kanya pero wala na ito sa kinatatayuan.

Hinanap niya ito sa paligid pero hindi niya ito makita.

"Hinahanap mo ba ako, binibini?"

Napasinghap siya sa gulat at napalingon sa likuran. Nakatayo ito sa may pader at nakangiti sa kanya. Ngayon lang din napansin ni Lotte na kakaiba ang suot nito. Kahit ang init-init ay nakasuot ito ng maitim na cloak. Yumuko ito ng bahagya bilang pagbati. Napa-curtsy na rin siya nang wala sa sarili.

Bakit ba kasi ang weird nito magsalita? sabi niya sa isip. Pati na kilos at pananamit niya para bang ang tanda na niya kahit mukhang ang bata pa. Nahahawa tuloy ako.

"Pasensya na kung nagulat kita," sabi nito. Binuksan nito ang isang pinto sa gilid nito. Pero dahil hindi pa siya tuminag ay mabilis itong nakalapit sa kanya at hinawakan ang kamay niya. Marahan siya nitong hinila papunta sa kinaroroonan nito. "Dito ka na dumaan palabas ng kanto kung saan may sakayan ng bus. Mag-ingat ka palagi."

Nang silipin niya ang pinto ay nasorpresa naman siya nang makita ang main avenue. May short cut pala rito? Akala niya kasi talaga ay nasa gitna pa rin sila ng squatter's area. Hawak pa rin ang kamay niya ay iginiya siya nito palabas. Malakas ang kamay nito, bagay na hindi niya inasahan dahil kahit na matangkad ito ay hindi naman ito maskulado. Nang makatapak siya sa labas ay nasa waiting shed na siya. Sa tapat niya ay ang matatayog na towers at buildings ng city center.

"Salamat talaga sa—" Lumingon ulit si Lotte para pasalamatan ito ngunit wala na ito roon. At mas lalo siyang nagulat nang makitang isang pader lang ang nasa likod niya. Nanlalaki naman ang mga mata niya na luminga-linga sa paligid. Nasa gitna nga siya ng isa sa pinakamataong parte ng Dacarra City. At ang pintong nilabasan niya ngayon-ngayon lang ay parang naglaho ng isang iglap.

Nanindig naman ang balahibo na nahihiwagaan sa nangyari. Totoo ba lahat ng nangyari sa kanya o baka gutom lang siya? Naglakad naman siya ng konti at itinaas ang tingin, para lang matuklasan na ang likod ng waiting shed na nilabasan niya ay isang malaking building. Walang kahit anong senyales ng squatter's area na pinanggalingan niya.

Nagkibit-balikat na lang si Lotte. Saka pinara ang parating na bus.

Nagpatuloy siya sa paghahanap ng trabaho. Pero kumain na muna siya saglit dahil may kaunti pa naman siyang perang natitira. Baka nga napunta lang siya sa lugar na iyon nang di niya namamalayan at lahat nang nangyari sa kanya ay hallucination lang. Kaya lang masyadong totoo 'yon para maging ilusyon lang. Siguro may lohikal na eksplanasyon bakit siya napunta bigla sa city center kung isang segundo lang ang nakakaraan ay nasa squatter's area siya.

Pero kung totoo 'yon, napabuga naman siya ng hangin sa relief na naramdaman na buti na lang ay walang nangyari sa kanyang masama. Napailing siya. Hindi pa rin siya makapaniwala sa inirefer sa kanya ni Aling Rosa.

'Yung totoo, aniya sa sarili na naiinis, ano bang tingin niya sa akin? Ang lupit naman niya para gawin 'yon.

Kinastigo niya rin ang sarili kung bakit nagtiwala siya rito. Swerte niya lang talaga at nakaalis pa siya roon. Pero sino naman kaya 'yung misteryosong estranghero na nagligtas sa akin? sabi niya sa isip.

Naghanap siya ng trabaho buong araw, pero kung walang opening, ay hindi rin siya tinatanggap. Kadalasan sa mga hinahanap ay mga nakatapos ng kolehiyo. O kung di naman ay may mga requirements na hindi pasok sa kanya. Nakapag-apply nga siya sa isang callcenter pero hindi rin siya tinanggap dahil hindi niya nagawa ang accent na hinihingi nito. Nag-apply naman siya bilang sales representative, pero dahil nagpanic siya sa demo ay hindi rin siya tinanggap. Ang sabi nito ay mas kailangan niya pa dawng i-build up ang confidence niya.

Napabuntong-hininga si Lotte habang naglalakad sa isang park. Hapon na lang at wala pa ring nangyayaring maganda sa kanya. Inaamin naman talaga niyang wala siyang kumpyansa sa sarili. Mabilis siyang mataranta lalo na kapag kausap niya ang ibang tao o maraming tao. Wala siyang masyadong alam gawin maliban sa mga gawaing bahay. Sinubukan niyang maghanap ng trabaho na pwede siyang maging kasambahay kahit panandalian lang pero wala pa rin. Wala siyang talentong maipagmamalaki.

At higit sa lahat, aniya naman sa sarili na napatingin sa isang fishpond doon sa park. Inilayo niya ang sarili nang makita ang malungkot niyang mukha. Hindi ako maganda. Kung siguro naging maganda lang ako, baka mas madali akong matanggap sa trabaho. At least mas madali sa akin ang maging presentable.

Napabuntong-hininga si Lotte at sinuklay ang buhok gamit ang mga daliri. Di niya alam kung ano ng itsura niya dahil sa pawis at pagod. Nanlabi siya. Malapit nang gumabi at wala pa rin siyang nahahanap na pwede niyang tulugan ngayon.

Muling tumayo si Lotte. Determinado siyang makahanap ng lugar na matutuluyan kahit ngayong gabi lang. Susubukan niyang makisuyo sa isang kaibigan niya na doon na muna siya tumuloy. Pakapalan na ng mukha 'to, bulong niya sa sarili.

Lumabas siya ng park at tinahak ang direksyon papunta sa bahay ng kaibigan niya. Ngunit pagdating niya doon ay napag-alaman niyang umalis pala ito. Sinubukan naman niyang hintayin itong umuwi at umupo siya sa isang tindahan malapit sa bahay nito. Ngunit sumapit na lang ang alas nuwebe ng gabi at di pa rin ito dumadating. Muli siyang nagtanong sa nanay nito at sinabi nitong nagtext ang anak niya at mag-oovernight pala ito sa lugar na pinuntahan nito. Nagpasalamat na lang si Lotte at umalis na. Nahihiya naman siya na dito humiling na patirahin siya sa bahay nito kahit isang gabi lang.

Lumong-lumo namang iniwan ni Lotte ang lugar na iyon. Nagpalakad-lakad siya na hindi sigurado kung saan pupunta. Hindi katagalan ay isa-isa na ring nagsara ang mga shops at kabahayang dinadaanan niya. Puno pa rin ang isipan niya ng pagtatanong kung saan siya magpapalipas ng gabi.

Hanggang sa natagpuan niya ang sarili sa isang lumang train station.

Kahit may kalumaan na ang estasyon ng tren na 'yon ay maliwanag naman doon. Pagtapak niya sa estasyon ay may nakita pa nga siyang mga taong naglalakad—pero kadalasan sa mga ito ay homeless din na kagaya niya. May iba pa sa kanila na hila-hila ang isang sira-sirang karton para gawing banig. Ngayon ay ramdam na niya ang nararamdaman ng mga ito—ang walang matutuluyan at walang mapupuntahan.

Napabuntong-hininga naman si Lotte. Naglakad siya papalapit sa riles ng tren. Inapak niya ng konti ang paa para tingnan kung gaano kalalim ang pagitan ng semento at ng riles—

"Miss, 'wag kang magpapakamatay!"

Agad namang napalingon si Lotte sa gulat. Muntikan pa siyang nadulas papunta sa riles. Luminga-linga siya para hanapin kung sino man ang taong tumawag sa kanya nang may makita siyang isang matandang nakatungkod at nakatingin sa kanya.

"Hindi po ako magpapakamatay," sabi naman ni Lotte na kabadong ngumiti.

Ngumiti naman ito ng malapad sa kanya. "Mabuti naman. Isa pa, bihira na lang ang tren na dumadaan dito kaya wala ring mangyayari sa mga taong nagbabalak ng ganun sa sarili nila," esksplika naman ng matanda. Tumawa ito ng kaunti at kita ni Lotte na halos wala ng ngiping natitira dito. "Ano bang ginagawa mo dito, 'neng? Hindi ka pa ba hahanapin sa inyo?"

Lumayo naman siya sa riles ng tren at naglakad papalapit dito. Ngayong nakalapit na si Lotte ay doon lang niya napansin na maliit pala ang matanda. Nakukuba na rin ito. Ngunit base sa ekspresyon sa mukha nito ay mukha naman itong masaya. Nakasuot ito ng maruming bestida at may sukbit na bag na mukhang puno ang laman. May mga nakasabit din na dreamcatcher, kristal-kristalan at mga burloloy sa bag at damit nito. Nakasuot nga ito ng kakatwang sumbrero na makulay.

"Wala na po akong bahay na mapupuntahan, Lola," sabi naman niya. "Pinaalis na po ako doon sa dating lugar na tinitirhan ko."

"Talaga ba? Aba'y bakit naman?" anito na nakakunot-noo sa kanya. Umupo ito sa isang sirang bench at inaya si Lotte na umupo sa tabi nito. Sinapinan nito iyon ng carton.

Kinwento naman ni Lotte ang lahat ng nangyari sa kanya mula noong araw na ibinalita sa kanya ng mga pulis na wala na ang kanyang tiyahin hanggang sa mga nangyari ng araw na iyon. Nalungkot naman ito sa kinwento niya at pati siya ay naramdaman muli ang panlulumo.

"'Yun po ang nangyari," pagtatapos niya sa kwento. "Ngayon di ko po alam kung saan ako pupunta. May tanong lang po ako—hindi ba mapanganib ang lugar na ito?"

Nanlabi naman ang matanda na parang nag-iisip. "Hindi naman. Bukod sa may mga baliw na lumalagi dito minsan at mga daga na nagpaparoo't-parito gabi-gabi, wala pa naman akong nakikita na masamang nangyari dito," sabi naman ng matanda. Muli itong ngumiti sa kanya at alinlangan naman niya itong sinuklian ng ngiti. Mapanganib nga, pero mag-iingat na lang siya o baka umalis rin siya roon at gastahin ang natitira niyang pera sa inn. "Bakit, may plano ka bang magpalipas ng gabi dito?"

Marahan naman siyang tumango. "Sana. Wala naman po akong ibang mapupuntahan eh. Bukas ko na lang ipagpapatuloy ang paghahanap ko ng trabaho."

Namayani naman ang katahimikan sa pagitan nila ng matanda. Tumitig ito sa kanya ng matagal. Habang siya naman ay nanlalaki ang mga mata na napatingin dito. Ang seryoso kasi nito tingnan. Isa pa, sa ekspresyon ng mukha nito ay natatakot si Lotte na bigla na lang itong atakihin sa puso.

"Naghahanap ka kamo ng trabaho?" anito naman sa kanya. Tumango naman siya. "May alam akong lugar, na mukhang naghahanap ng aplikante."

"Baka naman po night club 'yan ah. Nirefer na ako kanina ng walanghiya kong kapitbahay at muntikan pa akong napahamak," reklamo naman niya na tumawa pa ng konti.

Kumunot naman ang noo nito. "Syempre naman hindi. Ano bang tingin mo sa'kin? Sa itsura kong 'to, mukha ba akong bugaw?"

Akala niya ay maiinis ito sa sinabi niya pero sa halip ay natawa ito. Natawa na rin si Lotte at humingi ng pasensya sa matanda.

"Ano po bang trabaho 'yan?"

Sandali silang natahimik hanggang sa muling nagsalita ang matanda. "Ang totoo niyan, hindi ko rin talaga alam." Bumagsak naman ang balikat ni Lotte sa narinig. "Pero personal kong kakilala ang mga naninirahan doon, at welcome na welcome sa kanila ang isang dagdag na kasambahay."

Napakurap naman si Lotte. "Talaga po? Saan ba 'yan?"

Dasal ni Lotte na sana naman totoo na ito at hindi na siya mapapahamak sa trabahong irerekomenda nito.

"Teka lang," sabi naman ng matanda at may kinuha sa bag nito. Sinilip naman ni Lotte ang hinahalungkat nitong gamit. Namilog naman ang mga mata niya nang makita ang mga kakaibang bagay sa loob: mga boteng may lamang makukulay na likido, mga kakaibang kagamitan, at mga libro. Kumuha ito ng isang piraso ng papel at—isang kumikinang na feather quill.

Taray, aniya sa sarili, ang ganda ng ballpen niya.

"Pumunta ka sa lugar na ito. Sa bayan na 'yan. Kumatok ka ng tatlong beses sa gate ng mansyon at ibigay mo sa kanila ang sulat na ito," utos nito sa kanya. Sunod-sunod namang tumango si Lotte at tiningnan ang sinusulat ng matanda. Agad naman nitong tinakpan ang sinusulat at tumingin sa kanya. Tinuro nito ang ilong niya. "Hep, hep. 'Wag na 'wag mong buksan ang papel na ito hanggang hindi ka nakakarating sa mansyon, naiintindihan mo?"

"Pero bakit—"

"At, 'wag ka ng masyadong matanong," putol naman ng matanda sa sasabihin niya. Nagmamadali nitong tapusin ang sinusulat. Pagkatapos ay tinupi nito ang papel at nilawayan pa para dumikit ito. "Kung ano mang mga makikita mo sa bahay na 'yon, 'wag ka nang masyadong mabigla. Hindi naman masama ang mga nandoon, pero talagang masusubukan ang pasensya mo."

"O-okay po."

"At isa pa," anito ulit. Kinuha nito ang kamay niya at inilagay doon ang nakatuping papel. Tiningnan naman iyon ni Lotte na natutuksong buksan ito. Pero naagaw ang atensyon niya nang muli itong may hinalungkat sa bag nito. May binunot ulit itong papel. Isang maliit na papel na naninilaw na sa sobrang kalumaan yata. Ibinigay nito sa kanya ang piraso ng papel. Itinaas naman 'yon ni Lotte sa ere. "'Yan ang train ticket papunta sa bayang sinasabi ko. Hindi dito sa Dacarra matatagpuan ang lugar na 'yon, kundi sa isang—medyo limot nang probinsya. Sa akin dapat ang ticket na 'yan at matagal ko ng tinatago, kaya lang mas kailangan mo ito ngayon. Malaki ang bahay nila at alam kong nangangailangan sila ngayon ng katulong. At—"

Napatingin naman ito sa lumang orasan na nakadikit sa isang haligi roon. Roman numerals pa ang mga numerong nakasulat sa orasan at ang mga kamay nito ay parang mga dulo ng pana.

Nakita naman ni Lotte na saktong tumapat na sa alas dose ang dalawang kamay. Tumunog ang mga maliliit na kampana kung saan.

Biglang yumanig ang istasyong kinaroroonan nila Lotte. Nagpalinga-linga siya sa paligid at napansin niyang umuuga din ang mga gamit na naroroon. Saka niya narinig ang malaking busina ng isang tren na papalapit sa istasyong kinalalagyan nila.

"At 'yan na pala ang tren na sasakyan mo!" puna naman ng matanda na napatayo. Nanlaki ang mga mata nito at hinawakan siya nito sa magkabilang braso. "Magmadali ka. 'Yan lang ang nag-iisang tren na papunta sa bayan ng Magoria. Tuwing alas dose lang din ang byahe nito at wala nang iba pang maaari mong sakyan papunta doon. Bilisan mo!"

"P-pero—" hindi na natuloy ni Lotte ang pagpoprotesta dahil hinila na siya patayo ng matanda. Tumayo naman siya at tarantang tiningnan ang papalapit na tren. Mula sa kinatatayuan ni Lotte ay kita niya ang usok na lumalabas mula sa chimney nito. Steam train? gulat na tanong niya sa sarili. Paanong—?

"Halika na!" aya sa kanya ng matanda. Hinila siya nito papunta sa babaan ng tren. Tumigil naman ang tren sa istasyon at namangha si Lotte sa disenyo nito. Antigo, kulay itim, pilak at ginto, at bumubuga ng usok ay hindi niya alam kung dapat ba siyang sumakay sa ganoong klase ng tren. Mahaba ito at di na makita ni Lotte kung hanggang saan ito abot dahil lumiko na ang tunnel pati na ang tren. Umiilaw din ang headlights nito at inaaninagan ang mga madilim na tunnel.

Nagulat naman si Lotte nang mula sa hagdan ay bumaba ang kumpol-kumpol ng mga taong nakasuot ng itim at cloak. Pumipila ang mga ito pasakay ng tren.

"Bilisan mo!" sigaw sa kanya ng matanda at tinulak siya nito sa kumpulan ng mga tao. Nadala siya sa malaking umpukan at inanod papasok ng tren. Napalingon naman si Lotte sa matanda ngunit wala na ito roon. Naroon na ito sa likuran kung saan malayo sa nagsisiksikang mga taong nakaitim.

"Pagkababa mo sa tren ay sumakay ka ng karwahe papunta sa dulo ng kalsadang 'yon kung saan may lumang gate—!" sigaw naman nito sa kanya. Sinigaw naman dito ni Lotte na hindi niya alam kung paano. Pero mukhang hindi na ito narinig pa 'yon. Kumaway naman ito sa kanya at sinuklian naman ito ni Lotte ng kaway din. Pinahabol niya ang pasasalamat dito bago siya tangayin ng mga nagsisiksikang tao.

Napahinto naman si Lotte nang harangin siya ng isang lalaking nakaitim na cloak at nakasuot ng sumbrero. Ang inspector ng tren. Inilahad naman nito sa kanya ang kamay nito, at nagmamadali namang binigay ni Lotte ang ticket niya. Nagulat naman siya ng kainin nito 'yon at saka siya pinapasok sa loob.

Pagkarating ni Lotte sa loob ay naghanap naman siya ng compartment na kanyang paglalagian. Halos lahat ng mga compartment ay meron nang laman hanggang sa makarating siya sa pinakahuling compartment. Doon siya umupo at tumingin sa labas ng bintana.

Kita naman niya ang istasyon ng tren ngunit wala na roon ang matanda. Malamang ay nakaalis na ito. Tumingin naman si Lotte sa paligid at napasandal sa kanyang upuan.

Maya-maya pa'y umandar na ang tren.

Muling napatingin si Lotte sa labas ng bintana para aliwin ang sarili sa pagtitingin sa mga tanawin. Ngunit dahil madilim sa labas ay nabagot din siya maya-maya. Di nagtagal, ay nakatulog din ng mahimbing si Lotte, na walang kaalam-alam na makikitira pala siya sa isang malaking bahay na tinitirhan ng mga lalaking may taglay na hindi kapani-paniwalang mga kakayahan.