Chereads / My Master Is A Monster (Tagalog) / Chapter 4 - Chapter 4: Ang Mabuting Bampira

Chapter 4 - Chapter 4: Ang Mabuting Bampira

CHAPTER 4

ANG MABUTING BAMPIRA

SA ARAW-ARAW na pananatili ni Lana sa palasyo ay wala siyang ibang naiisip kundi ang kagustuhan na tumakas doon. Pero sa bandang huli ay nagbabago lamang din ang plano niya na isakatuparan ang kagustuhan dahil kapag ginawa niya iyon ay maaaring tuparin nga ni Prince Wayne ang banta nito. Baka nga ipapatay nito ang pamilya niya.

Paulit-ulit din na pinagsasamantalahan ni Wayne ang pagkababae niya. Ni wala itong pakialam kahit paulit-ulit na rin siyang umiiyak nang dahil sa ginagawa nito. Pero kahit ayaw niya sa mga nangyayari ay hinahayaan na lamang niya ito dahil wala rin namang mangyayari kahit tumutol pa siya.

Isang araw na good mood ito ay binigyan siya nito ng pabuya. Maaari na raw siyang lumabas-labas sa 'kwarto' niya kung gusto niya pero bilang kapalit ay dapat daw niyang isuot ang neck chain na isinuot nito sa leeg niya. Wala mang iyong tali, katulad ng sa aso ay sumisimbolo pa rin iyon na gustong ipakita ni Wayne sa lahat na pagmamay-ari siya nito.

Kung siya ang tatanungin, hindi na niya kailangan ng gano'n. Alam niyang alam na rin naman ng lahat ng tagasilbi sa palasyo kung sino siya. Alam niyang alam ng mga ito na personal na alipin siya ni Wayne.

Nang araw na iyon ay wala si Wayne dahil may pinuntahan itong isang pagtitipon ng mga bampira. Sinamantala niya ang pagkakataon na iyon para magpunta sa garden na natuklasan niya sa loob ng palasyo.

Nakahinga siya ng malalim nang makaamoy ng sariwang hangin sa wakas. Dati pa talaga ay mahilig na siya sa mga bulaklak. Sa tuwing nakakakita siya ng bulaklak ay gumagaan ang loob niya kahit pa alam niya na isang impyerno ang kinaroroonan niya ngayon.

Nang makakita siya ng isang bulaklak na puti ay tuwang-tuwa siya. Agad siyang lumapit doon at hahawakan na sana niya iyon nang bigla siyang makarinig ng yabag na papalapit.

"Don't worry about me. Go ahead, you can touch those flowers." Isang gwapong lalaki ang nasilayan niya.

Maputi ang lalaki, matangkad, itim na itim ang buhok na may pagkabiakis tingnan. Matangos din ang ilong nito at kissable lips. At ang mga mata nito? Kahit na mukha iyong inaantok tingnan ay parang hinihigop niyon ang kaluluwa mo. Para bang napakasarap titigan ng mga matang iyon. Sa unang tingin ay mukha itong isang anghel kahit pa may pagkaseryoso ding tingnan ang mukha nito. Mukha itong mabait pero alam niyang imposible na iyon dahil kahit ang ibang mga taga silbi rin sa palasyo na iyon ay hindi rin naman siya tinatratong tama. Mas mababa kaysa sa mga taga silbi ang tingin ng lipunan sa kanilang mga alipin na nanggaling sa Slavery District. Alipin din ang tawag sa mga tagasilbing naroon sa palasyo pero mga mabababang uri ng bampira sila. Samakatwid, nakakalamang pa rin kung ikukumpara sa kanilang mga tao...

Napaatras siya ng makita ang lalaki. Nasisilaw siya sa lalaking ito. Masyado itong gwapo sa paningin niya. Sino kaya ito?

Lumapit ang lalaki at pinitas pa ang bulaklak para sa kanya saka iyon inabot sa kanya. Hindi pa ito nakuntento at kumuha pa ito ng isa at inilagay sa gilid ng tenga niya na talagang ikinagulat at kinapula ng mukha niya!

"Mas bagay sa 'yo ang ganyan. Mas nagmumukha kang babae. You know what? I think you'll be more beautiful if you will just smile a little bit. Masyado ka kasing seryoso," sabi nito.

Nagsalita ang nakangiti rin. Mukha ngang hindi rin ngumingiti ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Mukha rin itong seryoso tingnan at tila blangko palagi ang expression ng mukha. Ang stoic nitong tignan.

"Ikaw siguro ang bagong alipin ng kapatid kong si Wayne. Halata dahil sa suot mong neck chain."

Dahil sa sinabi nito ay mas nanlaki ang mga mata niya. Kapatid ito ni Prinsepe Wayne? Ang ibig sabihin ay isa rin itong bampira at hindi isang anghel katulad ng una niyang inakala?

Lalo siyang napaatras palayo sa lalaki at napalitan ng takot ang expression ng pagkailang na nakikita sa mukha niya kanina. Kung kapatid ito ni Wayne ay nasisiguro niya na hindi rin ito naiiba sa lalaki. Isa rin itong bampira kaya nasisiguro niya na masama rin ang pagkatao nito. Marahil ay itinatago lamang nito ang masamang ugali sa pamamagitan ng mababait na salita at kapag nakuha na ang loob niya ay saka nito ipapakita ang totoong kulay nito.

"Hey, don't be afraid of me. I will never hurt you. Pero aaminin ko na hindi kita masisisi kung ganyan ka na lang kung matakot sa akin. I guess, inaapi ka rin ng kapatid ko katulad ng ibang naging alipin niya," malungkot na sabi nito.

Tinitigan pa niya ng maigi ang lalaki at tinitimbang ang sinseridad sa sinasabi nito. Totoo nga kaya na mabuti ito? Pero imposible, sa buong buhay niya ay wala pa siyang nakikitang mabuting bampira.

"I'm not like my brother. Wala akong alipin na tao dahil para sa akin, ang mga bampira at ang tao ay magkakapantay lamang. Nagkataon lamang na ipinanganak tayo na magkaiba ang mundo pero parehas lamang tayong may buhay. Aaminin ko, hindi ko rin gusto sa tuwing nababalitaan ko na may alipin na namamatay dahil sa kalupitan ng kapatid ko."

"Hindi mo gusto pero hinahayaan mo na lang na pumatay siya ng mga walang kalaban-laban na tao?" Lumabas ang paghinanakit sa dibdib niya. Hindi niya mapigilan ang sarili na magalit pagkatapos ng mga masasamang bagay na nararanasan niya sa mga bampirang katulad nito. Alam niya na napagbubuntunan niya ito ng galit kahit wala pa itong ginagawa sa kanya. Pero masisisi ba siya nito?

Bigla niyang natakpan ang bibig. Ano iyong lumabas sa bibig niya? Isa ring prinsepe ang lalaking nasa harapan niya, kapag ginusto nito ay maaari rin siya nitong ipapatay! Bakit ba hinayaan niya ang sarili na magpadaig sa nararamdaman niya?

"Nandito ka ngayon sa palasyo kahit na ayaw mo dahil ipinanganak ka bilang alipin. Kung tutuusin, halos wala rin tayong pinagkaiba dahil kahit ayaw ko ang nakikitang pagpatay ni Wayne ay wala rin akong magawa. Katulad mo na walang ibang magawa kundi ang sundin siya dahil wala ka rin namang ibang mapagpipilian. Kapatid ko nga siguro si Wayne pero siya ang susunod na magiging hari ng palasyong ito. Sa madaling salita, hindi ko siya maaaring pigilan sa kahit anumang bagay na gusto niyang gawin dahil sa batas ng mga bampira, bawal mangialam sa business ng ibang bampira ang isang bampira lalo na kung wala ka namang kinalaman dito. Kaya kahit ayaw ko ang ginagawa ng kapatid ko ay wala akong ginagawa para pigilan siya. Dahil kapag ginawa ko iyon, maaaring kamatayan ko ang maging kapalit."

"Magagawa ba talagang ipapatay ng master ko ang sarili niyang kapatid?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Hindi kami katulad ninyong mga tao na may matinding pagpapahalaga sa lukso ng dugo. Para sa mga bampira, mas mahalaga ang kapangyarihan. Karamihan ng mga magulang sa aming mundo ay ginagamit lamang ang anak nila para sa pulitika. Paano pa kaya ang mga magkakapatid lang? Kapatid ko lamang sa ama si Wayne kaya mas madali para sa kanya na patayin ako," sabi pa nito. Wala pa ring kangiti-ngiti ang mukha.

Natahimik siya. Ngayon lamang niya nalaman ang tungkol sa bagay na iyon. Naisip niya na tama ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Wala nga silang halos ipinagkaiba. Dahil parehas sila na sumusunod lamang sa agos ng buhay. Walang magawa sa itinakda ng kapalaran para sa kanila.

Umupo sa tabi niya ang lalaki. Ngayon ay parehas na silang nakamasid sa malaking aquarium na nasa harapan nila.

"Malakas ang personalidad ni Wayne. Kapag may ginusto siya ay gagawin niya ang lahat para lang makuha iyon kahit ang kapalit pa ay ang paggamit ng dahas. Iyon ang dahilan kung bakit kahit ako ang panganay ay hindi ako ang naging tagapagmana ng korona. Mga bata pa lang kami ni Wayne ay mas paborito na siya ng Hari kaysa sa akin kahit siya ang bunso. Iyon ay dahil bilang hari, kinakailangan ang lakas ng loob at pagiging marahas para makuha mo ang respeto ng mga kapwa mong bampira na nasasakupan mo. Sa totoo lang, no'ng mawala sa akin ang responsibilidad sa pagiging hari ay mas lumuwag pa ang dibdib ko kaysa ang magtanim ng sama ng loob dahil hindi ako ang napili. Kahit kailan ay hindi ko nagustuhan ang karahasan. Karahasan na matagal ng umiiral sa pagitan ng mga tao at bampira," sabi pa nito ng hindi siya magsalita.

"Bakit mo ba sinasabi ang lahat ng ito sa akin? Isa lang akong alipin. Deserving ba ako na kainin ang oras mo?" nagtataka talagang tanong niya. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na may kumausap sa kanyang isang bampira na para bang magkapantay lamang sila.

Lumingon sa kanya ang lalaki at tinitigan siya sa mga mata. "Katulad ng sinasabi ko kanina, balewala sa akin kung ano ang antas mo sa lipunan. Kahit pa isa kang tao ay parehas lamang tayong may buhay kaya bakit kita titingnan na para bang mas mababa ka kaysa sa akin?" seryosong tanong nito.

Dahil sa sinabi nitong iyon ay pinamulahan siya ng mukha. Naramdaman na rin niya na lumalakas ang tibok ng puso niya lalo na ngayong ang lapit-lapit nila sa isa't-isa. Lalo pa at nagagawa niyang matitigan ang napakagandang mga mata nito...

"Hindi ako madalas na nakikipag-usap sa mga nagiging alipin ng kapatid ko dahil ayaw ko rin na mapalapit sa kanila. Dahil alam ko na kapag dumating ang araw ay wala rin akong magagawa para iligtas sila sa magiging kapalaran nila pero iba ka. Nakita ko kung paano kang humahanga sa mga bulaklak na inaalagaan ko at bihira lamang dito sa palasyo ang nakakaappreciate sa kanila kaya naman naisipan kitang kausapin," sabi nito nang hindi na siya nakapagsalita.

Alam niya na halatang-halata na sa mukha niya ang pamumula pero parang hindi man lang nito napapansin na may nararamdaman siyang kung ano. Magandang bagay ba na mukhang manhid ito?

"Ako si Stefan. Ang panganay na anak ng hari. Kinagagalak kitang makilala." Inabot ng lalaki ang kamay nito sa kanya.

Bigla siyang napaisip kung tatanggapin ba niya ang kamay nito. Naalala niyang sinabi sa kanya noon ni Master Wayne na huwag kumausap ng kahit na sinumang lalaki pero naging maganda ang pakikitungo sa kanya ng lalaking nasa harapan niya ngayon. Pagkatapos ng ilang taon ay ngayon lamang niya naramdaman ulit na kapantay siya ng kausap niya. Simula ng mabenta siya sa iba't-ibang bampira bilang alipin ay umikot na sa pagdurusa ang buhay niya. Dahilan para maramdaman niya na mas mababa siyang nilalang kaysa sa kahit na sinong bampira. Pero ngayon... Ngayon lamang siya ulit nagkaroon ng maayos na pakikipag-usap sa isang nilalang. Marahil ay kailangan niya si Stefan para hindi siya tuluyang mabaliw dahil sa mga pinagdadaanan niya ngayon.

Inabot niya ang kamay ni Stefan. Nang maramdaman ang malaking palad nito ay para bang may naramdaman siyang kuryente mula roon. Mas lalo lang tumibok ng malakas ang puso niya. Ano bang nangyayari sa kanya?

"Ako naman si Lana. Isang tao at opisyal na alipin ni Maste Wayne," sabi niya.

"Kaunti lang ang nakakaalam ng garden na ito sa palasyo dahil palihim lamang ang pagpapagawa nito. Kapag nalaman ng ibang bampira na mayroon akong garden ay mas iisipin lang nila na mahina ako dahil maging ang buhay ng mga halaman ay pinahahalagahan ko pa. Iisipin lang nila lalo na hindi ako karapat-dapat na maging hari kaya pilit na itinatago ng aking ina ang lugar na ito sa kaalaman ng lahat. Patuloy pa rin siyang umaasa na magbabago balang araw ang desisyon ng hari at ako pa rin ang gawing tagapagmana."

Doon niya napagtanto kung bakit parang tagong-tago ang garden na iyon at tila halos walang napapagawi. Sinadya pala talaga iyon ng ina ni Stefan.

"Alam ko na pinagbabawal ng kapatid ko sa mga alipin niya na huwag makipag-usap sa kahit na sino kaya alam ko rin na maaari mong ikabaliw iyon lalo pa at batid ko na maaaring inaabuso ka niya. Binibigyan kita ng pahintulot na magpunta sa secret garden na ito para magamit mong escape sa reyalidad. Huwag kang mag-alala, kahit si Wayne ay hindi alam ang lugar na ito kaya maaari kang palihim na magpunta rito kung kailan mo gustuhin," mabait na sabi nito.

Hindi niya mapigilan ang sarili na maiyak dahil sa mga narinig niya. Nagbalik sa isipan niya ang iba't-ibang klase ng paghihirap na pinagdaanan niya sa kamay ng mga bampira. Iyong paulit-ulit na pananakit, pang-iinsulto at pang-aabuso sa pagkababae niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, sa wakas ay may natagpuan din siyang isang mabuting bampira. Talagang nahaplos ng kabutihan ni Stefan ang puso niya.

Natigilan naman ito nang makita ang pagluha niya. "Ano'ng problema? Ayaw mo ba ng inalok ko sa 'yo?" nagtatakang tanong nito. For the first time ay bahagyang nagkaroon ng expression ang mukha nito. Para bang bigla iyong nag-alala.

Pinilit niyang magpakatatag kaya naman pinahid niya ang luha sa mga mata niya. "Wala. Ngayon na lang kasi may kumausap sa akin at hindi ako itinuring na mas mababa kaysa sa kanila. Ngayon lang din may tumulong sa akin at nagmalasakit na para hindi ako matuluyang mawala sa sarili ay maaari kong gamitin ang garden nila. Maraming salamat, Stefan. Malaking bagay ito para sa akin--" Hindi na niya naituloy pa ang sasahihin pa sana niya dahil bigla na siyang niyakap nito ng mahigpit na mahigpit.

"I'm sorry that you have to experience those horrible things. Alam ko na mahirap ang pinagdaraanan mo at patawarin mo ako kung hanggang ganito lang ang maaari kong gawin para sa 'yo..." malumanay na sabi nito.

Ilang segundo pa sila na nanatiling magkayakap at ng mga sandaling iyon ay humihiling siya na sana ay hindi na matapos ang mga sandaling ito. Sa kauna-unahang pagkakataon, kahit sinasabi ni Stefan na wala itong magagawa para sa kanya pagdating ng panahon ay nararamdaman pa rin niya na safe siya habang yakap siya nito. Parang gusto niyang ibaon na lang ang sarili sa dibdib nito at umiyak na lamang nang umiyak sa mga bisig nito.

"Sapat na sa akin ang ginagawa mo, Prince Stefan. Maraming-maraming salamat," nangingilid ang luha na sabi niya.

Umiling ito. "Just call me Stefan dahil simula ngayon ay magkaibigan na tayo. Kapag kailangan mo ng kausap ay nandito lang ako. Madalas ako sa garden na ito dahil dito ako nagbabasa ng mga libro kaya mas maliit ang chance na hindi mo ako makita rito," sabi pa nito.

Sa kauna-unahan din na pagkakataon pagkatapos ng ilang taon ay hindi niya akalain na magagawa pa niyang ngumiti ulit.

"Salamat ulit, Stefan. Sana lang ay hindi malaman ni Master Wayne na nakikipagkaibigan ako sa 'yo. Pinagbawalan niya akong makipag-usap sa kahit na sino lalong-lalo na sa isang lalaki. Kapag nalaman niya na kinakausap kita, baka pati ikaw ay madamay pa sa galit niya," pakiusap niya.

Ginulo nito ang buhok niya at ngumiti na rin ito. "Hindi mo na kailangang sabihin 'yan. Magkaibigan tayo kaya hinding-hindi kita ipapahamak kahit na kailan," pangangako nito. "Basta mag-ingat ka na lang sa pagpunta mo rito para walang makasunod sa 'yo. Walang maaaring makaalam ng lugar na ito," bilin nito.

Tumango siya. "Ako naman ang nangangako ngayon." Itinaas niya ang hinliliit na daliri niya. Parang naguluhan naman ang lalaki at hindi malaman kung para saan ang ginagawa niya. "Sa aming mga tao ay madalas na ginagawa namin ito kapag may ginagawa kaming kasunduan," paliwanag niya.

"Hindi ko maintindihan. Bakit kailangan pang gawin iyan kung wala namang anumang kasulatan? Hindi ba at maaaring suwayin ng kahit sinuman ang kasunduan kung gugustuhin lang nila?" nagtatakang tanong nito.

"Tama ka. Maaaring magsinungaling o gumawa ng kasunduan na walang balak tuparin ang kahit na sino pero ang pinky promise ay ginagawa lamang ng mga taong malapit talaga sa isa't-isa. Wala nga itong kasulatan pero ang dalawang puso ng mga taong gumagawa nito ang nagsisilbing pundasyon para sumunod sa kasunduan ang bawat isa," sabi pa niya.

Naaamaze na napangiti na lang ang lalaki at itinaas na rin ang hinliliit nito. "Hindi ko alam kung magtatangka pa ba ang kapatid ko na kilalanin ang pagkatao na mayroon ka pero gusto ko lang sabihin na you're amazing. Ikaw pa lang ang nakapagpangiti sa akin ulit ng ganito kaya sige, mangangako ako..." sabi pa nito.

Pinagbuhol nila ang mga hinliliit na daliri nila sa isa't-isa. Patunay na may nabuong isang pagkakaibigan na hindi niya akalain na makukuha pa niya sa loob ng palasyo.

"Kailangan ko nang umalis. Baka biglang dumating si Master Wayne na wala ako, siguradong magwawala iyon." Pagkatapos ng pinky promise nila ay nagpaalam na siyang umalis.

Palabas na siya ng gate ng tawagin nito ang pangalan niya.

"Hiling ko na sana ay bukod sa isang hamak na tao o alipin ay makita rin ng kapatid ko na may buhay ka rin at pagkatao na dapat pahalagahan. Sana ay magawa ka rin niyang respetuhin balang araw. Sana ay hindi ka matulad sa ibang alipin na pinaslang niya noon..." malungkot na sabi nito.

"Sana nga, Stefan. Sana nga..." Iyon lamang at tinalikuran na niya ang lalaki.

Nararamdaman niya ang sincerity at kabutihan ng loob ni Stefan para sa kanya pero hindi para sa kapatid nito. Iyon ay dahil isang halimaw ang master niya at wala itong puso. Hindi siya umaasa na darating pa ang panahon na makakakuha siya kahit kaunting respeto man lamang mula rito dahil para rito ay isa lamang siyang basahan o hayop na binili nito para paglaruan at abusuhin. Hindi na siya natatakot para sa sarili niyang buhay. Mas natatakot siya na baka mapahamak din maging ang buhay ng mga taong mahahalaga sa kanya.

At si Stefan? Sa tingin niya ay naging isa na ito sa mga importanteng nilalang sa buhay niya. Kahit pa isa rin itong bampira ay ibang-iba ito.

Nang maalala ang nakangiting mukha ng lalaki habang naglalakad siya papunta sa kwarto ni Master Wayne ay hindi niya mapigilan ang mapangiti. Sa tingin niya ay umiibig na siya. Alam niyang napakabilis ng mga pangyayari pero sigurado na siya sa nararamdaman niya.

Umiibig siya kay Prince Stefan...