Chereads / My Master Is A Monster (Tagalog) / Chapter 1 - Chapter 1: Slavery District

My Master Is A Monster (Tagalog)

🇵🇭CDLiNKPh
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 4.8k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1: Slavery District

CHAPTER 1

SLAVERY DISTRICT

HALOS hindi na makahinga si Lana sa sobrang lamig dala ng yelo na patuloy na nalalaglag mula sa makulimlim na kalangitan. Ang mga daliri at paa niya ay tila namamanhid na dahil manipis lamang ang suot niya. Bawat paghakbang na ginagawa niya ay isang malaking parusa para sa kanya. Ilang araw na rin siyang hindi kumakain at ni tubig ay hindi sila binibigyan ng kasalukuyang nagpapatakbo ng karawahe.

Hindi lamang siya ang hila-hila na parang isang kabayo ng karawaheng iyon. Marami silang nakagapos ang mga kamay sa likuran ng karawahe at kinakalakadkad sila habang naglalakad. Mabuti na lamang at mabagal lamang ang takbo niyon dahil kung mabilis ay baka hindi na siya nakasunod pa.

Lahat silang naroon ay mga babae na nakatakdang ibenta para gawing alipin ng mga bampira.

"Ano nang mangyayari sa atin ngayon? Siguradong katapusan na natin kapag ibinigay na tayo sa mga bampirang magiging master natin. Baka ubusin nila ang dugo natin. Mamamatay tayo..." Bakas ang takot sa mukha ng isang babaeng naroon. Batid nito kung ano ang nangyayari sa mga nagiging alipin ng mga bampirang katulad nila. Karamihan ay namamatay na lamang sa kamay ng mga bayolente at halang na kaluluwang mga bampira.

Ang iba sa kanila ay ginagawang alipin na walang karapatang tumanggi sa kahit anumang utos. Ang iba naman ay pinahihirapan ng mga sadistang bampira hanggang sa unti-unting mamatay. Ang iba ay ginagawang sex slave o kaya naman, inuunti-unting kainin hanggang sa maubusan ng dugo.

Alam na alam niya kung ano ang kapalaran ng mga aliping katulad nila. Ni isa sa mga bampirang nakasalamuha niya ay walang mabuti. Para sa mga ito ay isa lamang laruan ang mga katulad nila.

Ilang ulit na siyang naging alipin at napagpasa-pasahan ng mga bampirang kung ituring sila ay parang mga hayop. Katibayan niyon ang ilang pasa at peklat na makikita na sa buong katawan niya.

Ang huling bampirang naging master niya ay ibinalik din siya sa Slavery District. Isang ahensya na nagbebenta ng mga taong katulad nila sa mga mayayamang bampira.

Ang Planet Wayne ay isang planeta kung saan nabubuhay na magkasama ang mga tao at mga bampira. Pinamumunuan ito ng tatlong kaharian. Ang Wayne Kingdom, Prenyth Empire at Derus Empire. Ang tatlong kaharian ay konektado sa Slavery District. Nagsisilbing suportado ng gobyerno ang Slavery District dahil ang mga ito ang nagsusupply ng dugo sa mga bampira at maging ng mga buhay na tao para gawing alipin.

Sa planetang ito ay itinuturing na Diyos ang mga bampira at mababang uri ng nilalang naman ang mga tao. Iyon ay dahil ang mga bampira ay may iba't-ibang taglay na lakas o kapangyarihan na wala ang mga tao.

Sa bawat tribo ng mga tao ay mayroong sampung taong pinipili at kinukuha taon-taon para ialay sa mga makapangyarihang bampira. Taon-taon dahil normal nang namamatay ang mga alipin na napipili para magsilbi sa mga bampira. Iyon ang hindi makatarungang patakaran ng gobyerno. Walang boses at karapatan ang mga tao na kalabanin ang mga makakapangyarihang bampira. Kaya naman sa oras na mapili ka ay katapusan na ng mga maliligayang araw mo. Dahil hindi mo na muli pang makakapiling ang pamilya mo...

Isa siya sa mga minalas na tao. Ilang beses na siyang nakaranas ng humiliation. Animo manhid na rin ang katawan niya sa paulit-ulit na pananakit ng mga bampira at sa pangmamaliit ng mga ito sa katulad nilang mga tao. Ilang beses na rin siyang nagtangkang lumaban ngunit wala ring nangyari. Ang kapalaran ng mga tao sa kamay ng mga bampira ay kamatayan. Hindi man mamatay ang katawang lupa mo, katumbas na rin ng kamatayan ang pagdurusang pagdaraanan mo habang buhay ka pa. Kaya naman wala na siyang natitira pang pag-asa na makakatakas pa siya. Marahil ay dapat na magpasalamat na lang siya dahil patuloy pa rin siyang humihinga.

Tatlong taon na rin niyang hindi nakikita ang pamilya at ni hindi niya alam kung buhay pa ba ang mga ito. Kahit ang pakikipagkomukasyon sa labas ay hindi pinapayagan ng Slavery District at maging ng mga bampira na nakakabili sa kanila.

Wala ring saysay ang pagtakas sa mundo nila dahil kahit ilang beses man siyang magtangkang tumakas ay paulit-ulit lang siyang mahahanap ng gobyerno na pinamumunuan din ng mga bampira at ibabalik sa Slavery District.

Kaya naman naroon muli siya pabalik sa Slavery District. Isang lugar kung saan punong-puno ng mga masasamang bampira at animo mga baboy na binebenta sa palengke ang mga tao.

"Nandito na tayo!" Bumaba sa karawahe ang nagpapatakbo niyon saka paisa-isang tinanggal ang mga kamay nila sa pagkakatali sa kadena. Ang mga kamay nila na pulang-pula na at nagdurugo na sa sobrang pagkakahigpit ng kadena kaya hindi rin sila makakapanlaban.

"Parang awa na po ninyo! Ayoko pa pong mamatay!" Humahagulgol na ng iyak ang isang babae roon na alam niyang bagong salta lang sa Slavery District.

Hindi kataka-takang nanginginig ito sa takot dahil ganoon din siya noon. Humihingi ng awa sa mga bampirang walang kinikilalang Diyos kundi ang mga demonyo.

"Lapastangan kang babae ka!" Parang walang narinig ang bampirang gwardiya. Kumuha ito ng latigo at walang awang pinaghahampas ng ilang ulit ang babaeng tumitili na sa sobrang sakit.

"W-wag! Ah! P-parang awa n'yo na po! Aray ko pooo!" pagsigaw nito habang humahagulgol ng iyak.

Lalo lamang nanginig sa takot ang ibang kasamahan nila roon. Napakabata pa ng babaeng kasalukuyang hinahampas ng latigo ng bampira. Puno na ng pantal at duguan na ang balat nito! Gustuhin man niyang pumigil sa nakikitang kaharasan ay alam niya na wala rin siyang magagawa.

"Mga hayop kayo! Mga halimaw! Mamamatay-tao! Mga walang-awa! Halang ang kaluluwa!" Dala na rin ng galit ay napasigaw na ng ganoon ang babae.

Pinagtawanan lamang ito ng bampirang gwardiya saka sila tiningnan. "Ang mga hamak na taong katulad ninyo ay walang ibang lugar sa mundong ito kundi ang maging laruan at pagkain lamang namin. Ang mga katulad ninyo ay walang karapatang sumagot sa Diyos ninyo! Kaya naman bibigyan ko kayo ng leksyon!" Iyon lamang at agad nitong nilapitan ang babaeng nilalatigo nito saka ito sapilitang pinatayo.

Sa sobrang panghihina ay animo bumibigay pa rin pabagsak ang katawan ng babae pero itinayo ito ng bampira sa pamamagitan ng pagsakal dito. Saka walang anumang inilabas nito ang pangil nito at walang pag-aalinlangan na ibinaon nito iyon sa leeg ng biktima nito.

"E-eekkk!" napasigaw ang babae at tila nanginginig pa ang katawan nito sa sobrang sakit na nararamdaman. Maging ang paa nitong nasa ere ay nangingisay na rin. Pero tinakpan ng lalaking gwardiya ang bibig nito kaya naman nakulog lamang ang naudlot na pagsigaw nito.

Tumutulo ang dugo nito sa sahig habang namimilipit ito sa sakit. Winakwak ng bampira ang leeg nito at unti-unting naubos ang dugo sa buong katawan nito na naging dahilan nang biglang pagpayat nito. Unti-unting nawalan ng buhay ang nakadilat pa rin na mga mata ng babae hanggang sa ibinagsak na ito ng gwardiya sa lupa.

Shock silang lahat sa nakita nila at puno ng hilakbot ang mga balat nila. Halos buto na lang ang natira sa katawan ng babae!

"Ngayon ay alam na ninyo kung ano ang nangyayari sa mga sumusuway sa mga makapangyarihang katulad namin. Kaya kung nais ninyo na humaba pa ang buhay ninyo ay siguraduhin ninyo na paliligayahin ninyo ang mga magiging master ninyo," babala pa nito saka na ito nagpatiuna at sumunod na lamang sila.

Unti-unting nanginig ang mga kamay niya. Hindi na siya makapaglakad ng maayos. Sa tatlong taon ng pagiging alipin niya sa kamay ng iba't-ibang bampira ay hindi pa rin siya nasasanay na makakita ng mga taong pinapatay ng mga ito na wala ni katiting na bakas ng kunsensya. Naroon pa rin ang matinding takot niya para sa mga kampon ng dilim.

This world is cruel. Kahit anong gawin nila ay wala silang laban...

Dinala na sila sa loob ng Slavery District. Pagpasok pa lamang sa loob ay makikita na agad ang pang-aaping ginagawa ng mga bampira sa alipin ng mga ito na ni hindi pa man tuluyang naiuuwi sa bahay.

Mayroon siyang nakitang babaeng nakahubad na, roon pa lamang ay pinagsasamantalahan na ng nakabili ritong bampira. Mayroong kinakagat na agad na alipin na para bang binili lamang para unti-unting ubusin ang dugo. Mayroong kinadenahan pa na parang isang aso.

"Ganyan ba ang magiging kapalaran natin?" Narinig niyang bulong ng isa niyang kasama sa iba pa nilang kasama.

Tahimik lamang siya dahil alam niya na ganoon na nga. Wala silang takas. Kamatayan lamang ang naghihintay para sa kanila. Wala na rin siyang lakas para kausapin pa ang mga ito dahil alam niya na magiging maikli lamang ang magiging pagsasama nila kaya useless din kung magiging magkaibigan pa sila. Isa pa, ayaw na rin niyang mapalapit sa kahit na sinumang tao lalo na sa mga alipin na katulad niya dahil kapag ginawa niya iyon, siya lang din ang malulungkot kapag nabalitaan niya na namatay na ang mga ito sa kamay ng mga bampirang nakabili sa mga ito. Lahat silang mga alipin ay nakatakdang maibenta sa iba't-ibang klase ng bampira na iisa lang naman ang gagawin sa kanila. Puro kasamaan...

"Dumating na ang prinsepe!" Napaangat ang ulo nilang lahat nang marinig ang biglaang pagsigaw na iyon ng isa sa mga nagtatrabahong bampira roon sa Slavery District.

Silang mga bagong dating ay kasalukuyang nasa cellar na. Nakikita nila mula sa malayo ang kasalukuyang pagkataranta ng mga bampira sa pagdating ng prinsepe. Ang iba ay tumawid ng tayo at nagbigay daan para sa prinsepe, ang iba naman ay naglinis bigla. Sadyang malakas ang presensya ng parating na prinsepe.

Si Prince Wayne ang isa sa mga anak ng kasalukuyang hari sa Planet Wayne at ito rin ang nakatakdang magmana ng korona ng ama nito. Ang pangalan nito ay nagpasalin-salin na sa iba't-ibang naging hari na ng kaharian dahil sa mga ninuno rin nito nanggaling ang pangalan ng Planet Wayne.

Marami na siyang narinig na bagay tungkol sa prinsepe. Alam niya na wala rin itong pinagkaiba sa mga masasamang bampirang pinagsilbihan na niya noon. Naroon ito sa Slavery District para kumuha ng bagong alipin. Narinig niya na halos linggo-linggo itong naroon para kumuha ng alipin. Ang normal na bampira ay maaari lamang magkaroon ng alipin na tao sa loob lamang ng isang taon. Kapag natapos ang term na iyon ay saka lamang sila maaaring bumili ulit ng alipin na tao sa Slavery District. Pero iba ang mga maharlika, maaari silang bumili ng alipin kahit ilang beses pa nilang gustuhin sa kahit anumang panahon. At alam na alam iyon ng spoiled brat na prinsepe ng Planet Wayne.

Hindi pa man niya ito nakikita ay kinamumuhian na niya ito. Dahil ang tingin nito sa mga tao ay laruan lamang. Pinapatay lamang nito ang mga nagiging alipin nito kaya kuha ito ng kuha ng bago.

"Marami kaming bagong dating na alipin, Prinsepe Wayne. Maaari kayong kumuha kahit ilan pa po ang gusto ninyo!" Halos hindi magkamayaw si Ka Esteban sa pag-aasikaso kay Prince Wayne. Bakit nga namang hindi, e sampung beses na malaki ang bayad ni Wayne kumpara sa mga normal na bampira sa tuwing kumukuha ito ng alipin.

Binuksan na ni Ka Esteban ang cellar na kinaroroonan nila. Nag-umpisa nang manginig ang kalamnan niya dahil isa na siya sa mga pagpipiliian na bitayin. Ni hindi niya gustong iangat ang ulo para tingnan ang hitsura ng prinsepe dahil natatakot siya na baka magtama ang mga mata nila at siya ang kunin nito.

Nagpaikot-ikot si Wayne at pinapasadahan ng tingin ang mga alipin na nasa cellar. Tahimik lang ang lahat at pawang lakas ng tibok lamang ng puso ang maririnig dala ng sobrang takot. Walang gusto na mapili ng prinsepe dahil alam ng lahat na kamatayan na ang naghihintay sa sinumang mapipili.

Biglang ngumisi ang prinsepe. "May napili na ako, Ka Esteban," sabi ng prinsepe.

"Ilan po, mahal na prinsepe?" Parang nagbebenta lamang ng baboy si Ka Esteban. Nagniningning na naman ang mga mata dahil muli ay may benta na naman ito.

"Isa lang ang gusto ko. Ang babaeng 'yan!" Saka may itinurong babae si Wayne.

Napaangat ng ulo si Lana dahil may kumalabit sa kanya na kasamahan niya. Saka nanlaki ang mga mata niya nang makita kung kanino nakaturo ang hintuturo ng prinsepe. Sa kanya!

That handsome devil is pointing at her!