Chereads / THE CEO'S ORPHAN WIFE / Chapter 2 - Chapter 2

Chapter 2 - Chapter 2

Kahit gusto ko pa sana siyang bantayan, pinilit nina mommy na umuwi na lang muna ako sa bahay upang makapagpahinga. Mamayang hapon na lang daw ako bumalik.

Kaso hindi ko naman magawang matulog ng maayos kaya bago pa mananghalian, bumalik na ako ng ospital.

Nagulat ako nang hindi ko na makita si Ivan sa ICU. Mabuti na lang at sakto namang tumawag si Mommy.

"Nagising siya kanina kaya nilipat na namin siya sa regular room."

Salamat po, Diyos ko!

Nagmamadali kong hinanap ang private room na kinuha ng mga in laws ko para kay Ivan.

Marahan kong binukan ang pintuan. Sinalubong naman ako ni mommy ng mahigpit na yakap. Hindi ko naman mapigilang maging emosyonal.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na ligtas na siya sa panganib. Masaya ako na maayos na si Ivan pero hindi ko din maiwasang makaramdam ng kalungkutan dahil ibig sabihin, nalalapit na ang paghihiwalay naming dalawa ng landas.

Nilapitan ko siya. Hinaplos ko ang kaniyang kamay. Hinalikan ko din ang kaniyang labi dahil ngayon ko na lang ito magagawa at malayang gawin sa kaniya.

"I'm glad that you're fine now. I love you so much, Ivan," bulong ko sa kaniyang tainga.

Sabi ng doktor any moment ay magigising na daw ulit siya kaya hindi na muna umuwi ang mga in laws ko. At kung kailan patapos na kaming kumain ng meryenda, parang napansin ko na gumalaw ang talukap ni Ivan. Agad ko siyang nilapitan.

Pinaligiran namin siya at hinintay na muli siyang gumalaw. Napangiti ako nang galawin niya ang mga daliri niya sa kamay na hawak ko.

"Tatawagin ko ang doktor niya," sabi ni Kuya. Ilang sandali pa nga ay dahan-dahan nang minulat ni Ivan ang kaniyang mga mata.

Ilang beses siyang kumurap-kurap.

"Ivan, Anak," tawag sa kaniya ni Mommy.

Hinaplos nito ang isa niyang braso. Ako naman ay nanatiling hawak ang isa niyang kamay.

Hindi nagsalita si Ivan. Kunot ang kaniyang noo at nanatiling nakatitig sa kaniyang ina, bago nito binaling ang mga mata sa ibang myembro ng kaniyang pamilya na narito.

"Mommy, bakit po ako nandito?" Sa wakas nagsalita din siya. Marahil nanunuyo ang kaniyang lalamunan kaya hirap siyang magsalita.

Bumukas ang silid at pumasok sina Kuya at ang Doktor. Doon pa lang din ako binalingan ni Ivan ng tingin.

Pinilig niya ang kaniyang ulo at ang kaniyang noo ay nagdalawang guhit dahil sa pagkakakunot.

Ang sunod niyang sinabi ay nakapagpagimbal sa amin.

"Sino ka?" Tanong niya sa akin na halos ikaguho ng aking mundo.

Napatingin ako kay Mommy.

"Sino siya, mommy?" Tanong niya sa kaniyang ina. napatingin din siya sa kamay kong nakahawak sa kaniyang kamay. Dahan-dahan ko itong binitawan. Nanatili akong nakatitig sa kaniya. Hilam ng luha ang aking mga mata.

Hindi ako makapaniwala na hindi niya ako kilala.

"Siya ang asawa mo, Anak. Hindi mo siya naaalala?" Tanong ni mommy. Umiling si Ivan.

"Hindi ko siya kilala," sambit niya sa lito at seryosong boses.

Bagsak naman ang balikat ko. Tuluyan na akong lumayo sa kaniya. Tumayo ako sa gilid sa tabi ng doktor na lumapit sa kaniya upang suriin siya.

"Paano ko siya naging asawa?" He asked, still confused. Mukhang may amnesia siya.

"Where's Maureen?" tanong niya na halos ikadurog ng aking puso. Si Maureen pa din talaga. Kahit nagka-amnesia siya, nanatili si Maureen sa kaniyang alaala.

"Paano ko siya naging asawa, mommy?" Frustrated at medyo pagalit na niyang tanong.

"Hindi ko siya kilala. Si Maureen lang ang mahal ko paano ko siya naging asawa?"

Tuluyan nang bumuhos ang luha mula sa aking mga mata. Ang mga katagang binibitawan niya ay tila patalim na paulit-ulit na sinasaksak ang aking puso.

"Ivan," marahang saway ng kaniyang mommy.

"Ivan?!" Napalingon kaming lahat nang marinig namin ang boses ni Maureen mula sa pintuan.

Napatingin kaming lahat kay Ivan na agad nagliwanag ang mukha.

"Honey!" Sambit niya sa kaniyang ex. Kita ang pagkagulat sa mukha ni Maureen pero ilang sandali lang ay nakabawi din agad siya. Ngumiti siya at agad nilapitan si Ivan. Niyakap niya ito at si Ivan naman ay mahigpit na sinuklian ang mga yakap sa kaniya ng babae.

Hindi ko sila kayang tignan na dalawa, kaya pinili ko na lang na lumabas ng silid. Nasasaktan ako. Ang asawa ko at ang babaeng mahal niya ay masaya at yakap ang isa't isa.

Ako ang asawa pero wala akong karapatan sa kaniya. Ako lang ang asawa pero hindi ako ang mahal niya.

Lumabas ako ng ospital at nagpasya na maupo na lang muna sa mga benches na nasa ilalim ng mga mahogany trees.

Tahimik akong umiyak dahil ayaw ko namang maagaw ang pansin ng ibang mga tao na naririto.

Ang sakit. Napakasakit.

Akala ko kaya ko silang makita na masaya at magkasama pero hindi pa pala.

Ngayon hindi ko na alam kung may bilang pa ba ako sa pamilya ni Ivan ngayon na hindi na niya ako maalala at ngayon na bumalik na si Maureen.

Pinunasan ko ang aking luha. Tumingin ako sa kalangitan at pilit winawaksi ang sakit na nararamdaman ko.

Inalala ko ang masasayang alaala nang buhay pa ang mga magulang ko. Wala man lang akong mapagsabihan ng nararamdaman ko. Wala man lang puwedeng makinig sa mga hinaing ko. Wala man lang dadamay sa akin sa pinagdadaanan ko ngayon.

Ngayon na tuluyan na akong nakalimutan ni Ivan, iniisip ko na umalis na ng tuluyan sa kaniyang buhay.

Kaso, saan ako pupunta? Naisip ko na ang bagay na ito noon, pero hindi ko pa naisip kung saan ako pupunta.

"Hija..." Napalingon ako sa aking byenan. Sinundan niya ako dito.

"Pagpasensyahan mo na sana si Ivan. May amnesia siya. Pero hayaan mo at tutulungan ka namin. Ipapaintindi namin sa kaniya na ikaw ang asawa niya."

Mapait akong ngumiti.

"Ayos lang po, Mommy. Nauunawaan ko naman po siya kung bakit si Maureen lang ang naaalala niya."

Hinaplos niya ang kamay ko at marahang umiling-iling.

"Magdasal tayo na sana bumalik agad ang kaniyang alaaala."

"Kahit bumalik po ang kaniyang alaala, sa puso po niya nag-iisa lang po si Maureen."

"Don't say that. Naniniwala ako na magiging maayos din kayong mag-asawa. Trust me."