Now playing: Until I Found You - Stephen Sanchez
Felicia POV
Kinabukasan, nagising ako na parang wala pa rin akong gana.
Ito yata ang kauna-unahang nagising ako na ganito ang pakiramdam. Agad na kinapa ko ang noo at leeg ko, hindi naman ako mainit o may lagnat pero bakit parang nanghihina pa rin ako?
Hindi ko maiwasan ang magpakawala ng isang malalim na paghinga. Kasabay nang tuluyang pagbangon ko mula sa aking higaan, ay ang muling pagbalik ng imahe ng babaeng humalik kay Skyler kahapon.
Napapailing na lamang ako habang napapahawak sa dibdib ko.
Hindi ko kasi maintindihan kung bakit hindi mabura-bura sa aking isipan 'yung nangyaring iyon. Bakit ko ba nararamdaman ito? Bakit naiinis akong maalala ang bagay na iyon? Hayst.
Hindi ko rin alam at hindi ko maipaliwanag kung bakit. Lalo at parang naiinis din ako kay Skyler. Kasi ba't niya hinayaan na mangyari 'yun? Sino ba 'yun? Hmp!
Napatingin ako sa labas ng bintana ng aking kwarto. Awtomatikong napangiti ako nang makita ang sikat ng araw.
Mukhang maganda ang panahon ngayon. Sabi ko sa aking sarili at ihahakbang na sana ang aking mga paa patungong balcony nang may biglang kumatok sa pintuan ng aking kwarto.
Mabilis na lumapit naman ako rito at pinagbuksan agad ang kumakatok. Baka kasi 'yung mga maid na ito at sasabihing handa na ang agahan ko.
Ngunit laking gulat ko noong makita ko na hindi maid ang nasa labas ng aking kwarto kundi si Skyler.
Mayroong malawak na ngiti sa kanyang labi. Iyong ngiti na kung hindi pa rin masama ang loob ko, tiyak na binigyan ko na rin siya ng ngiti pabalik.
Habang nakalagay naman ang kanyang dalawang kamay sa kanyang likod. Pero hindi ko na siya pinansin pa at isasara ko na sanang muli ang pinto noong bigla nitong iniharang ang kanyang paa.
"W-Wait!" Pagpigil niya sa akin.
"Sorry na. Bati na tayo, please?" Dagdag pa niya kasabay ang pag-abot ng iba't ibang klase ng bulaklak sa akin.
Ano na ngang tawag nila roon? B-B-Bouqa?
B-Bouquet? Oo, bouquet, tama!
Napalunok ako ng mariin habang nakatitig sa kanyang hawak. Gustuhin ko mang magtatalon na sa saya dahil sa ginawa niya pero, hindi. Masama pa rin ang loob ko.
Kaya sa halip na tanggapin ay tinitigan ko lamang ang hawak nito. Bago muling ibinalik ang aking paningin sa kanyang mukha pagkaraan ng ilang sandali.
"Anong akala mo sakin, paso?" Tanong ko sa kanya at tuluyan nang lumabas ng kwarto. Bago siya tinalikuran.
Kakain na lang siguro ako ng agahan baka kasi nagugutom lang din ako. Nilampasan ko lang si Skyler. Ngunit agad naman niya akong sinundan.
"P-Paso?" Nagtataka na tanong nito. Hindi ko siya pinansin.
"Ah! Flower pot." Muling ani niya. "Of course not! Para talaga sa'yo 'to Kulot." Paliwanag pa niya. "Ang magagandang bulaklak na ganito ay bagay sa mga katulad mong maganda." Dagdag pa niya bago mas binilisan pa ang mga hakbang, hanggang sa maunahan niya ako iniharang ang kanyang sarili sa daraanan ko.
"Sige na, tanggapin mo na 'to. Para sa'yo talaga 'to." Pagkatapos ay muling binigyan niya ako ng isang ngiti.
Ngunit napahinga lamang ako ng malalim. Pinipigilan ko ang aking sarili na mapangiti kaya Pilit akong bumubusangot.
Napatikhim si Skyler.
"Smileeee do you smileeee." Pagkanta nito na tila ba wala sa tono. At pagkatapos ay sumayaw-sayaw pa ito sa harapan ko katulad ng sayaw ni Jollibee na palagi kong nakikita sa facebook.
Kaya dahil doon ay hindi ko na napigilan pa ang mapangiti at tuluyang matawa dahil sa itsura niya.
Pabirong hinampas ko siya sa kanyang braso at tuluyang kinuha mula sa kanya ang hawak nito.
"S-Salamat." Nahihiya na pasasamalamat ko sa kanya bago napayuko.
"Yun oh! Nag-smile na siya sakin." Nakangiting wika niya. "Wag ka nang sisimangot sa susunod ha? Hindi bagay sa'yo. Mas bagay sa'yo kapag nakangiti. Mas lalo kang gumaganda." Dagdag pa niya na ikinamatis ng buong mukha ko.
"Let's go?" Biglang pagyaya nito. Nagtataka naman ang mga mata na tinignan ko siya.
"Saan?"
"Basta. Kakain lang naman tayo ng agahan." Wika niya bago walang sabi na hinapit ako sa aking beywang at hinigit palapit sa kanyang katawan.
Hindi ko mapigilan ang mapalunok lalo na noong magdikit ang aming katawan at maamoy ko ang mabangong pabango niya. Habang 'yung dibdib ko naman ay tila ba sasabog na naman sa sobrang labas ng kaba na nararamdaman.
Hindi ko maintindihan ang sarili ko kung bakit sa tuwing magkalapit kami at nagdidikit nang ganito, para bang pakiramdam ko ang saya-saya ng puso ko.
"Wooow!" Hindi ko mapigilan ang hindi mamangha noong makarating kami sa may garden ng mansyon.
"Sky, ang gandaaaa!" Namamangha pa rin na dagdag ko habang iginagala ang paningin sa buong paligid.
Madalas ko nang makita ang garden pero ngayon lamang ako napasok mismo rito sa loob, habang napapalibutan ng mga naggagandahan at nagbabanguhang bulaklak.
Nakita ko na mayroong nakaayos na lamesa sa may unahan. Habang may dalawang upuan naman sa magkabilaan nito. Iginaya ako roon ni Skyler habang mayroong ngiti sa kanyang labi.
"Dito tayo kakain ng agahan." Paliwanag niya. Maya-maya lamang din ay may narinig akong parang rumaragasang tubig.
Agad na napalingon ako sa pinanggagalingan ng ingay na iyon. Gayon na lamang ang laking gulat ko nang biglang tumilapon paitaas ang tubig at tuloy-tuloy na iyon. Para siyang talon pero baliktad ang pag-agos nito. Paitaaas ang pag-agos ng tubig sa halip na paibaba.
"Waaaahhh! Astig." Nagniningning ang mga mata ko habang nakatingin rito.
"That's a fountain." Sabi ni Skyler. "Our mini fountain."
Napapanganga pa rin ako. Noon ko lamang naalala na hindi ko nga pala hawak ang cellphone ko. Kukunan ko kasi sana ng litrato.
"You can use my phone. Here." Sabay abot ni Skyler ng cellphone niya sa akin. Ngunit mariin na tumanggi ako.
"Ayaw ko niyan, hindi ako marunog gumamit niyan eh." Wika ko. Napangiti ito.
"Edi tuturuan kita." Pagkatapos ay lumapit siya sa akin.
Umakbay muna ito sa balikat ko habang nagpapaliwag kung paano ko gagamitin ang kanyang cellphone. Pero hindi wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya dahil nakatuon lamang ang atensyon ko sa kamay niyang nasa balikat ko.
"Gets mo?"
"H-Ha?"
"Ang sabi ko gets mo na kung paano gamitin?" Pagtanong nito sa akin. Napakamot ako sa batok ko.
Napahinga naman siya ng malalim. "Oh siya, kukunan na lang kita ng picture." Kaya pumwesto ito sa harap ko.
Iniabot na rin muna nito ang bouquet na bigay niya sa akin at isinama niya sa litrato.
"Smileeee! Say cheeese!" Utos nito kaya naman agad na ginawa ko rin. Pagkatapos noon ay lumapit ako sa kanya.
"Pwede bang isa pa? Pero dalawa tayo." Pakiusap ko sa kanya.
Sandali itong natigilan. Kusang nawala rin 'yung ngiti sa kanyang labi.
"Sky, a-ayos ka lang ba?" Nag-aalala na tanong ko. Ngunit muli ako nitong binigyan ng ngiti. Pero mahahalatang pinilit lamang niya.
"O-Oo! Come, let's take a picture." At pagkatapos ay pumwesto na kami ng maayos bago nag-selfie.
Pero hindi siya sa camera nakatingin. Kundi sa akin.
"Kain na tayo?" Biglang pagyaya nitong kumain na. At agad na ipinaghila na ako ng upuan.
Noong makaupo na ako ay sandaling lumapit na muna ito sa isang maid. Hindi ko alam kung anong iniutos niya pero nagulat ako dahil ilang sadnali lamang ay nakabalik na ito hawak ang cellphone ko.
"Alam ko naman na ipo-post mo 'yan sa instagram account mo eh." Paliwanag ni Skyler sa akin.
Awtomatikong napangiti ako. "Salamat, Sky." Pasasalamat ko sa kanya. "Pero kain muna tayo?" Bigla na lamang din kasi akong nagutom. Napatango ito bago tumango.
"Teka... nasaan ang mga plato, kutsara at tinidor natin?" Nagtataka na tanong ko sa kanya dahil tanging dahon lamang ng saging ang nakikita ko. Wala kaming plato. At ang mga pagkain ay nakalagay lamang din agad sa dahon ng saging. Maayos lamang ang pagkakalagay kaya malinis tignan at hindi kalat-kalat.
Isang matamis na ngiti lamang ang ibinigay ni Skyler sa akin.
"Kulot, hindi tayo gagamit ng plato ngayon o ng kutsara at tinidor." Paliwanag niya.
"P-Pero bakit?"
"Magmula ngayon, hindi mo na kailangang mag-adjust palagi." Muling wika niya.
"Mag-adjust?" Tanong ko. Muling napatango siya.
"Oo, mag-adjust. Kasi palaging ikaw na lang ang gumagawa ng mga bagay na nakasanayan namin. Kaya ngayon, ako na naman ang mag-a-adjust para sa'yo." Mas lalo tuloy akong naguluhan.
"Look at the food. Alam kong miss na miss mo na 'yung mga pagkain ninyo sa isla. Naalala ko kasi na gusto mo 'yung mga simpleng bagay lang. Kaya ayan! Nagpahanda ako ng inihaw na isda, gulay, dried fish at bagoong. Pati na rin mga prutas." Paliwanag niya. "Kaya rin magkakamay lang tayo ngayon at kakain sa dahon ng saging. 'Di ba?"
Noon ko lamang napagmasdan ng maayos 'yung mukha ni Skyler habang nagsasalita. 'Yung pag kinang sa mga mata niya habang sinasabi 'yung mga bagay na alam niyang gusto ko at nakasanayan ko na.
Pero kasi tungkol sa akin 'yun eh! Pero bakit parang mas masaya pa siya kaysa sa akin habang sinasabi 'yung simpleng bagay na gusto ko?
"Sky, bakit palagi kang masaya na ibigay 'yung mga bagay na gusto ko?" Bigla ko na lamang na naitanong sa kanya.
Ngunit binigyan lamang niya ako ng isang matamis na ngiti. "Syempre, ikaw 'yan eh! Malakas ka sakin." Sinasabi niya iyon habang nakatingin lamang ng diretso sa mga mata ko.
Dahil doon ay mabilis akong napaiwas ng tingin habang pinipigilan ang sarili na mangiti.
"K-Kain na nga tayo!" Muling pag-iiba ko ng usapan. "Magdasal ka na." Dagdag ko pa.
"Ha??!" Gulat na gulat ang itsura nito.
"Pansin ko kasi sa inyo dito, Sky. Hindi kayo nagdadasal. Hindi kayo nagbibigay pasasalamat sa biyaya na meron kayo sa araw-araw. Magagalit si Papa Jesus, gusto mo yun?" Agad itong napakamot sa kanyang batok.
Habang ako naman ay ipinikit ko na ang aking mga mata. Hinihintay na magsimula siya sa pagdasal.
"K-Kulot... paano ba? Hindi ako---"
"Magpasalamat ka lang." Putol ko sa kanya.
"O-Okay." Tuluyang pagpayag nito bago napatikhim.
May ilang segundo pa bago ito tuluyang nagsimula.
"Uhmmm, L-Lord. H-Hello. I'm...I'm Skyler. How are you?" Napakagat ako sa aking labi. Pinipigilan ko ang aking sarili na mapangiti. Sandaling ibinukas ko rin ang kabilang mata ko para silipin kung anong ginagawa niya.
Pero natuwa naman ako noong nakapikit ang mga mata nito. Habang magkadikit ang dalawang mga kamay niya. Mukha talaga siyang nagdadasal.
"T-Thank you sa food, Lord. Amen." Iyon lamang ang sumunod na sinabi niya. "Okay na ba 'yun, Kulot?" Agad na tanong niya.
Hindi ko mapigilan ang hindi mapangiti ng malawak habang napapatango. "Pwede na tayong kumain." Nakangiting sabi ko sa kanya.
"Yes!" Napapasuntok pa sa ere na wika nito.
Naghugas muna kami ng kamay bago nagsimula sa pagkain.
Sobrang nakakataba lang ng puso 'yung mga bagay na ginagawa ni Skyler para sa akin. Hindi ko alam pero ang saya-saya ko ngayon. Lalo na dahil naaalala niya 'yung mga maliliit at simpleng bagay na gusto ko.
Bihira lamang kasi yata 'yung mga taong ganoon. Dahil sa ginawa niya, tuluyang nabura na ang sama ng loob na meron ako.
At kung sino man 'yung babaeng humalik sa kanya, hanggang halik lang siya. Dahil ako, araw-araw kong makakasama si Skyler. Araw-araw ko siyang makakasabay sa pagkain, habang nasa iisang bubong lang kami.
Pero teka nga, bakit ba parang ikinukumpara ko ang sarili ko sa kanya? Hmp!
Pagkatapos naming kumain ni Skyler. Doon ko rin naisipan na i-post ang litrato namin kanina.
Pero dahil hindi ako sigurado sa spelling ko kaya muling lumapit ako kay Skyler.
"Sky, tama ba 'yung spelling ko?" Tanong ko sa kanya.
Napangiti ito noong mabasa ang ginawa kong caption. "Akin na, ayusin ko." Sabay haplot nito ng cellphone sakin.
"Ayan! Okay na. Nai-post ko na rin." Saad niya bago ibinalik ang kanyang atensyon sa screen ng kanyang cellphone.
Agad naman na tinignan ko ang picture naming dalawa na ipi-nost niya.
"Breakfast with my asawa."
Iyon ang nakalagay sa caption habang naka-tag ang Instagram account niya.
Awtomatikong nang init ang buong mukha ko at napakagat sa aking labi.
Noon din ay naisipan kong tignan ang Instagram account ni Skyler.
567K followers.
Nagulat ako sa dami ng kanyang followers. Pero bakit kahit isa wala siyang litrato na post?
Napahinga ako ng malalim bago siya lihim na sinulyapan. Abala pa rin ito sa kanyang pagce-cellphone.
Ngunit agad din na muling ibinalik ko ang aking mga mata sa screen ng aking cellphone noong tumunog ito.
"Breakfast with my Kulot <3" ang nakalagay sa caption habang naka-tag ang Instagran account ko.
Dali-daling tinignan ko ang post. Awtomatikong nanlaki ang mga mata ko noong makita na mayroon nang post ang account ni Skyler.
At litrato pa naming dalawa.
Mabilis na nagbaling ako ng aking mga mata sa kanya. Hindi ko alam na nakatingin na rin pala siya sa akin. Marahil inaabangan ang magiging reaksyon ko.
Kusang gumuhit ang matamis na ngiti sa aking labi habang nakatingin sa kanya. Ganoon din ito sa akin.
Hindi ko maintindihan pero para akong lumulutang sa ere sa mga sandaling ito.
Napahawak akong muli sa dibdib ko. Ang lakas na naman kasi ng pagtibok ng aking puso. Ito na ba 'yung tinatawag nilang kilig?