Chereads / Single Dad by Author Bhelle / Chapter 5 - Kabanata 5

Chapter 5 - Kabanata 5

MEDYO napagod ako sa pagtutulak ng bike ni Kenny, pero sulit ang pagod ko dahil kitang-kita ko sa mukha niya kung gaano siya kasaya. Atleast kahit sa ganitong bagay ay naranasan niya ang kaniyang pagkabata.

Hindi ko namalayan ang paglapit sa amin ni Ate Ester. May dala itong juice para sa aming dalawa ni Kenny.

"Uminom muna kayo ng palamig at sigurado na pagod na pagod na kayong dalawa," nakangiting wika nito sabay lapag ng tray na may lamang dalawang basong juice at pizza sa platito.

"Naku, Ate Ester. Maraming salamat po! Kayo pa po ang nagdala ng meryenda namin ay nakakahiya naman po sa inyo, kaya ko naman pong pumunta sa kusina."

"Okay lang. Saka kakadala lang naman nitong Pizza, pasalubong ni Sir Kinly para kay Kenny." Paliwanag nito sa akin.

"Po? Andyan na po si Sir?" gulat na tanong ko. Nakita ba niya ako? Diyos ko baka mamaya nakita niya ako at nakilala siguradong tanggal na ako sa trabaho.

"Kanina pa siya nakaalis. Dumaan lang siya para kumuha ng damit at may meeting siyang pupuntahan sa malayo. Isang araw siyang mawawala. Pero may sinabi siya sa akin na kailangan mong paghandaan."

Kinabahan ako sa sinabi ni Ate Ester. Ito na yata ang pinangangambahan ko. Tanggal na ako sa trabaho.

"Tanggal na po ba ako sa trabaho?" malungkot na tanong ko.

"Ha? Anong tanggal sa trabaho? Sinabi sa akin ni Sir Kinly na ikakasal na ang pinsan niyang si Mam Celine at ang matalik nitong kaibigan na si Sir Gab. A-attend daw siya at isasama niya si Kenny."

Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi ni Ate Ester. Akala ko talaga ay tinatanggal na ako sa trabaho. Kung tatanggalin ako ay kulang pa ang isang araw na sahod ko sa ipapamasahe ko pauwi sa amin.

"Akala ko naman po kung ano na, Ate Ester. Pinakaba n'yo po ako, huwag po kayong mag-alala at ihahanda ko na po ang mga kailangang dalhin ni Kenny."

"Oo at ihanda mo na rin ang susuotin mong damit dahil siyempre kailangan ka roon para bantayan si Kenny."

"A-ano po?! Ka-kasama po ako?!" gulat na gulat na sabi ko. Muling kumabog ang dibdib ko sa kaba. Hindi nga ako natanggal e magkikita at magkakasama naman kami ni Sir sa isang party. Paano ko pa madedeny ang lahat kung sakaling makilala niya ako.

"Aba'y siyempre naman ineng. Sino naman ang mag-aalaga kay Kenny roon. E maraming bisita roon na kamag-anak nila at siguradong magiging busy si Sir sa pag-intertain ng mga iyon. Sa tagal na panahon na puro trabaho lang ang ginawa ni Sir Kinly ay siguradong na-miss siya ng mga kaibigan at kamag-anak niya." Paliwanag ni Manang sa akin. Halos umabot na yata ang kaba ko sa mukha at parang makiramdam ko ay umiinit ang mukha ko. Bigla kong nakuha ang juice at nilagok iyon ng sunod-sunod hanggang sa mangalhati ang baso.

"Bakit parang kinakabahan ka, Alice? Ikaw ba ang ikakasal?" natatawang biro sa akin ni Ate Ester.

"Po? Hindi po, Ate Ester. Hindi lang po ako sanay sa mga ganiyang party at wala din po akong susuoting maayos na damit." Pagdadahilan ko na lang kay Manang Ester.

"Ay huwag kang mag-alala dahil may mga uniform ako riyan na puwede sa mga party. Iyon ang ginagamit ko noon. Madalas din kasi akong sumama sa party noong maliit pa iyang si Sir Kinly. Siguradong kasya sa iyo iyon kasi kasing sexy mo rin ako noong bata-bata pa ako." Natatawang kuwento nito sa akin. "At huwag kang kabahan, mag-focus ka lang sa alaga mo at siguradong hindi ka mapapagalitan ni Sir Kinly. Huwag na huwag mong hahayaan malingat sa mga mata mo ang bata. Mabuti nga at wala kang cellphone, hindi ka mahilig makipagtawagan sa mga boyfriend katulad noong isang naging yaya ni Kenny. Halos nalilipasan na ng gutom ang alaga niya ay hindi pa alam." Dagdag pa nito sa paalala.

"Huwag po kayong mag-alala, Ate Ester. Tatandaan ko po lahat ng payo at paalala ninyo sa akin." Nakangiting tugon ko.

"Ay sige. Sa lahat ng naging yaya ni Kenny. Ikaw lang ang pinakagusto ko. Kasi nakikita ko sa iyo ang sarili ko noong nagsisimula pa ako. Kung gaano ka kadeterminado sa trabaho at pinahahalagahan mo ang mga salita ng mga nakatatanda sa iyo. Hindi tulad ng iba riyan na walang respeto at palaban."

Mukhang kilala ko na kung sino ang tinutukoy nito pero hindi ko na lang tinanong kung sila ba ang mga ito.

"Kailangan ko po kasi itong trabaho, kasi ang sahod ko po rito siguradong makakapag-aral na ang mga kapatid ko sa probinsya namin sa Samar."

"Hay naku, Alice. Tama nga ang sinabi sa akin ni Criselda na hindi ka lang maganda, dahil maganda din ang iyong kalooban." Puri sa akin ni Ate Ester.

"Hindi naman po, Ate Ester. Tungkulin ko lang po talaga iyon bilang panganay na kapatid nila."

"Alam mo, Alice. Mahirap ng matagpuan sa panahon ngayon ang taong may pakialam sa kaniyang kapatid. Na imbis na unahin ang sarili ay inuunang umangat ang buhay ng mga kapatid. Sana lang e hindi nila sayangin ang mga sakripisyo mo sa kaniya. O hala sige at napapahaba na ang upo ko rito, may gagawin pa ako sa loob, maiwan ko na muna kayo riyan." Pagkasabi noon ay umalis na rin si Ate Ester.

"Ano kaya ang mangyayari sa akin pagnakaharap ko na si Sir Kinly? Kayo na po ang bahala sa akin, Lord." Bulong ko sa sarili ko.

Oras na nang pagpapahinga. Dahil wala na rin naman si Aiza ay sa kuwarto na ako ni Kenny natutulog, pero ang gamit ko ay nasa baba kung saan doon ako unang pinatulog ni Ate Ester. Hindi kasi puwedeng iwan si Kenny na solo sa kuwarto niya. Dahil sa maghapong pagod ay nakatulog na rin ako kaagad.

Kinabukasan ay maaga akong nagising. Medyo antok pa nga ako ng mga oras na iyon ngunit kailangan ko nang gumising at baka mapagalitan naman ako ni Ate Ester. Pagbukas ko ng pinto ay may biglang bumungad sa harapan ko. Nagulat ako kaya napasigaw ako sa takot.

"Ay butiki!" sigaw ko na kaagad ko rin namang tinakluban ang bunganga ko. Mabuti na lang at hindi nagising si Kenny sa sigaw ko. Muli akong napatingin sa kaharap ko ngunit biglang bawi ko rin dahil pakiramdam ko ay nanliliit ako sa harapan niya. Walang iba kundi si Sir Kinly. Mabuti na lang at mataas ito kung hindi ay mahihirapan akong umiwas nang tingin. Nakatungo ako habang nagsasalita.

Nakakahiya. Bakit ba sa dami ng oras e sa ganitong umaga pa kami magkikita talaga. Wala pa akong hilamos at toothbrush man lang. Tapos idagdag pa ang sabukot kong buhok dahil hindi pa ako nakakapagsuklay.

"Pasensya na po sir, nagulat lang po ako!" Tinakluban ko ang bunganga ko, alam kong hindi naman mabaho ang hininga ko sa umaga pero nagsisigurado lang ako.

Bihis na si Sir Kinly at halatang paalis na rin ito papuntang trabaho. Ang bango rin nito dahil naaamoy ko ang mamahaling pabango nito na ngayon ko lang naamoy sa buong buhay ko.

"Tulog pa ba si Kenny?" seryosong tanong nito sa akin.

Pakiramdam ko ay nakatingin ito sa akin kaya mas lalo akong kinabahan. Wala na yatang itutungo pa ang ulo ko dahil baka mabali naman ito pag sobrang tungo na ang ginawa ko.

"O-opo sir tulog pa po,"

"Ito ang damit na susuotin ni Kenny bukas." Inabot nito sa akin ang isang paper bag. Mabilis ko namang kinuha iyon, medyo lumapat pa ang dulong daliri ko sa kamay ni Sir Kinly, parang nakuryente ako kaya bigla kong nahigit ang tali ng paper bag. "So-sorry sir," hingin paumanhin ko sa kaniya.

Pagkatapos nitong iabot ang paper bag ay tumalikod na rin ito at umalis. Saka lang ako nakahinga ng maluwag nang mawala na ito sa harapan ko. Bakit ba ganito ang kaba ko e mukhang hindi naman niya talaga ako nakilala na ako 'yung nasa swimming pool. Dapat ipagpasalamat ko ang bagay na iyon dahil parang natanggalan na ako ng tinik sa dibdib, hindi na ako matatanggal sa trabaho.

Inilagay ko ang paperbag sa loob at tuluyan na akong lumabas upang maligo at mag-almusal.

Nakangiting binati ko si Aling Lita na abala sa kusina. "Good morning po, Aling Lita."

"Good morning din, Alice. Mukhang maganda ang gising natin ngayon a." Puna naman nito sa akin. "Hindi ka ba pinahirapan ng alaga mo ngayon?"

"Naku hindi po, ang totoo po niyan ay ang bait nga po ni Kenny."

"Ah talaga? Bakit kaya sumusuko ang ibang yaya niya kung hindi naman pala mahirap alagaan. Hay naku, ang tao nga naman, mapili rin sa mga trabaho. Gusto ng iba ay kikita na lang ng madaliang pera."

Nagkibit-balikat na lang ako sa sinabi ni Aling Lita. Ilang sandali pa ay dumating na si Jane at Karen, kasunod nito si Ate Ester, kaya walang gaanong imik ang dalawa. Kumain lang ang mga ito at umalis na rin. Ako naman ay bumalik na sa kuwarto ni Kenny at tiningnan ko ang binigay kanina ni Sir Kinly na nasa paper bag. Nang buklatin ko ito ay bumungad ang isang mukhang mamahalin na box na ang laman pala ay isang black suit.

"Grabe ang ganda naman nito!" Manghang-mangha na sabi ko sa sarili ko. "Siguradong mas lalo pang popogi ang alaga ko rito pag sinuot niya ito." Bigla rin pumasok sa isip ko ang amo kong si Sir Kinly. "Paano kaya kung nakasuot din ng ganito si Sir, siguradong magmumukhang amerikano iyon sa sobrang maskulado ng katawan." Bigla akong napapitlag sa kinauupuan ko. "Diyos ko bakit biglang pumasok sa isip ko iyon. Ano bang pakialam ko kung ano ang itsura niya!" Iwinaksi ko sa isipan ko ang maduming bahaging 'yon at pilit na inabala sa ibang bagay ang sarili.

Upang may magawa kami sa maghapon ni Kenny ay tinuturuan ko siyang magkulay sa coloring book, ngunit dahil sa tatlong taon lang ito ay hindi maayos ang kinalabasan ng aming ginawa. Ganoon pa man ay pinupuri ko ito sa lahat ng ginagawa niya.

"Napakagaling naman ng Kenny namin. Tingnan mo ito o, ung aso kulay blue. Lalaki ba yong dog?" Natatawang tanong ko sa bata.

"Oo," tugon ng bata.

"Naku hindi oo ang sagot sa Yes, opo kasi mas matanda ako sa iyo. Kapag sasagot ka ng yes say Opo." Turo ko rito na kaagad naman nitong nakuha.

"Opo, yaya!" anito na pinalakpakan ko naman.

"Very Good!"

Masayang niyakap ko si Kenny. Tuwang-tuwa namang yumakap din sa akin ito. Pakiramdam ko ay napapalapit na ang kalooban ko kay Kenny. Isa na sa rin sa dahilan ay sa awa ko sa batang ito na walang nanay na siyang dapat na kasakasama niya sa pagtuklas ng mga bago niyang natututunan sa buhay. Bagay na ipinagkait din ng mga magulang ko sa aking mga kapatid kaya ako na lang ang tumayong magulang nila. Sa kagaya ni Kenny na sabik din sa kalinga ng ina ay hindi malayo ang pagkakaiba niya sa aking mga kapatid. Wala talagang pinipili ang mundo, mahirap ka man o mayaman mayroong pagsubok ka sa buhay na kailangan mong malampasan at pagdaanan. Bagay na hanggang ngayon ay aking pinagdadaanan. Kaya naman kung kaya kong punan ang kalungkutan ni Kenny ay gagawin ko mapasaya ko lang siya.

Kinabukasan ay inihanda na namin ni Ate Ester si Kenny. Maging ako ay nakasuot na rin ng white scrubs suit uniform na ibinigay sa akin ni Ate Ester.

"Ang guwapo naman ni Sir Kenny!" wika ni Karen nang makita si Kenny sa ganoong porma.

"Kanino pa ba magmamana iyan e kundi kay Sir Kinly. Siguradong paglaki niyan e magkamukhang-magkamukha silang dalawa." Dagdag ni Jane.

"Okay na ba kayo, Alice? Pababa na si Sir Kinly." Saad ni Manang habang pababa ng hagdan, dala-dala nito ang bag ni Sir. Inabot nito kay Mang Ruben. "Pakilagay na nito sa sasakyan."

Mabilis namang tumugon si Mang Ruben.

Susunod na sana ako para doon na lang kami ni Kenny maghihintay sa sasakyan nang biglang marinig ko si Jane at Karen na tumili.

"Ay ang guwapo ni Sir!" sigaw ni Jane na halos hindi na napigilan ang nararamdaman.

Natigilan naman ako at napalingon sa hagdan kung saan bumababa si Sir Kinly. At maging ako rin ay napako ang tingin ko dahil makalaglag panga ang kaguwapuhan nito. Para itong hollywood actor na ubod ng guwapo. Muntikan ko nang makalimutan ang ganap ko dahil parang nanabik ako sa role na maging muse niya. Mabuti na lang at tinapik ako sa balikat ni Ate Ester.

"Alice sakay na kayo sa sasakyan," anito.

"Ay opo, Ate Ester!" Dali-dali ko nang kinarga si Kenny papunta sa sasakyan. Pinaupo kami ni Mang ruben sa likod ng sasakyan. Inilagay ko ang gamit ko sa tabi habang si Kenny naman ay nasa gitna. Ilang saglit pa ay muling binuksan ni Mang Ruben ang pintuan ng sasakyan, sa pag-aakala na may ilalagay pang gamit ay nagulat ako nang sumulpot si Sir Kinly sa harapan ng pintuan.

"Alice doon ka sa dulo at uupo si sir diyan," wika sa akin ni Mang Ruben.