Kunot noong humihigop ng kape ang kapitan ng mga guardia sibil na si Kptn. Julio de Vera. Hindi mawaglit sa isip nya kung paano nagpakamatay si maria. Masyadong mataas ang haligi sa bubong para maabot ng bata. Imposible rin maakyat ito ng bata sa pagkat kinakailangan pa ang hagdan para makapatong sa haligi ng bubong. Wala ring hagdan na nakita sa kwarto, pero kahit ganun mabilis parin ang desisyon ng mga tao na nagpakamatay ang bata sa harap ng kanyang lola. Hindi sang-ayon dito si Ktpn. Julio, para sa kanya maraming hindi nagkakatugma sa mga pangyayari. Iniisip nyang sadyang pinatay ang mag lola.
Gabi iyon ng pangalawang gabi ng lamay nina Lola Remedios at Maria. Marami ang nakiramay mula sa iba't ibang antas ng buhay. May mga mayayaman at may mga simpleng tao lang. Nandun din ang mga taga simbahan na pinangungunahan ni Padre Juan Severino Mallari. Alas onse ng gabi nang dumating sa lamay si Don Raul Torrequemada, ang may-ari ng hacienda Torrequemada isa sa pinakamalaking hacienda sa nayon. Kasama niya ang isang magandang babae na ayun sa usap-usapan ay Flora daw ang pangalan. Mas natuon ang atensyon ng mga hermana (adult woman) kay Flora, may mga balita kasi na kung sino-sinong mayayamang lalake ang kasama niya. Nakikita daw si Flora na kasama ng mayamang negosyante sa mga bahay pasugalan tuwing biernes ng gabi. May nakakita rin daw sa kanya na kasama ni Heneral Santos nung gabing nag-away si Heneral Santos at ang asawa nito.
Pagkapasok pa lang ni Flora ay nakita nya agad na nagbulungan ang mga matatandang babae habang matalas ang matang nakatingin sa kanya. Hindi niya ito pinansin bagkus mas hinigpitan pa nya ang pagkakahawak sa braso ni Don Torrequemada. Isinandal niya ang kanyang ulo sa balikat ng haciendero at pangiting tumingin sa mga matandang babaeng pinagmamasdan ang mga kilos nya. Natawa siya ng mapansing lalong tumalas ang tingin nga mga hermana sa kanya.
Inabot ni Don Torrequemada ang pera pang abuloy kay Flora at agad namang ibinigay ni Flora ito sa anak ni Lola Remedios.
Hindi rin nag tagal si Don Terrequemada sa lamay, umalis agad ito matapos makausap ang anak ni Lola Remedios na umuwi pa mula Bulacan para ayusin ang lamay ng kanyang anak at ina.
Inihatid muna ng karwahe ni Don Torrequemada si Flora sa kanila, ngunit gaya ng dati, bumaba ito ilang bloke mula sa kanyang tahanan. Iniiwasan ni Flora na makita ng mga kapitbahay niya kung sino ang kasama nya kapag siya ay galing sa labas.
Nang malapit na si Flora sa kanyang bahay, nakasalubong niya ang isang Pari, nang maaninag niya ang mukha nito, laking tuwa niya ng ito pala'y si Padre Juan Severino Mallari. Si Padre Mallari ay malapit kay Flora, madalas niya itong hinihingan ng payo kapag siya ay may problema at naguguluhan.
Binati niya ang Pari at sumagot naman ito ng isang pagbati rin. Sinabi ng Pari na may gusto itong sabihin sa kanya ngunit sasabihin lang niya ito sa isang tahimik na lugar.
Nagpunta ang dalawa sa isang kainan, malapit ng magsara ang kainan na iyon ngunit may mangilan-ngilan pa na nagkakape. Naupo sila sa madilim na bahagi ng lugar at humingi ng kape sa tagasilbi.
"Padre, hindi ba nasa lamay ka rin kanina? Bakit ka nandito? Ano po yung paguusapan natin?" Tanong ni Flora.
Tinitigan muna ni Padre Mallari ang babae at nagpakawala ng buntong hininga.
"Hindi lingid sa aking kaalaman ang relasyon nyo ni Don Torrequemada. Payo ko lang sa iyo ay tigilan mo na ang pakikipagrelasyon sa lalakeng yun Flora. Wag mong hayaang ikaw ang maging dahilan ng pagkawasak ng pamilya ni Don Torrequemada." Deretsahang sambat ni Padre Mallari.
Natigilan si Flora, natulala siya at nanlaki ang mga matang nakatitig sa mata ng Pari. Iyon ang umpisa ng mahabang pag uusap nila ni Padre Mallari, nagpaliwanag siya na kaya niya iyon nagawa dahil gusto niyang patuloy na makapag-aral ang kapatid niya sa koleheyo. Hindi na kasi makapagtrabaho sa hacienda ang kanilang ama dahil sa iniindang sakit na rayuma. Inamin din niyang hindi lang si Don Torrequemada ang naging ka relasyon niya, may iba pang mayayaman at makapangyarihang kalalakihan ang nakikipagkita sa kanya sa tuwing gusto nila ng kausap oh dikaya'y magparaos.
Halatang hindi nagustuhan ng Pari ang sinabi ni Flora, napakunot ang noo nito at namula ang mukha.
"Hindi mo ba naisip kung ano ang sasabihin ng iyong Ama at kapatid kapag nalaman nila ang mga pinaggagawa mo?" May konting diin na pagkakasabi ni Padre Mallari.
"Para sa Ama at kapatid ko, gagawin ko ang lahat para maiahon sila sa hirap, masakit makitang naghihirap sila kaya gusto kong makapagtapos ang aking kapatid para makapagtrabaho siya nang marangal at may malaking sweldo. Kung ikaw ang nasa kalagayan ko Padre, hahayaan mo bang maghirap ang iyong ama't ina?"
Mabilis ang naging sagot ni Padre Mallari kay Flora.
"Gagawin ko ang lahat para hindi mahirapan ang aking ina, kahit ano pa ang kailangang gawin ay gagawin ko ng walang pagdadalawang isip." Kagaya ni Flora, gagawin din ni Padre Mallari ang lahat malunasan lang ang kulam sa kanyang Ina.
Nagpasya ang dalawa na ipagpatuloy ang pag-uusap habang naglalakad patungo sa bahay ni Flora upang ihatid ito.
Habang naglalakad napansin ni Padre Mallari na may lalakeng sumusunod sa kanila ngunit hindi niya ito sinabi kay Flora upang hindi ito matakot at mataranta. Sinabi nya lang sa babae na bilisan ang paglalakad sapagkat umaambon na.
Nang makarating sila sa may eskinita agad na hinila ni Padre Mallari si Flora para magtago. Ilang sandali pa'y sumulpot sa daan ang isang lalake na palinga-linga at halatang hinahanap sila.
"Ano ang kailangan mo sa amin? Kanina mo pa kami sunusundan." Tanong ni Padre Mallari mula sa likod ng lalake.
Nagulat ang lalake at tumakbo agad ito palayo. Tinangkang habulin ni Padre Mallari ang lalake ngunit pinigilan siya ni Flora.
"Hindi na yan kailangan Padre, kilala ko ang lalakeng iyon." Pagpipigil ni Flora.
Ipinaliwanag ni Flora na ang lalakeng iyon ay si Simon. Noong una ay masugid na tagahanga niya ito hanggang sa ang paghanga ay naging obsesyon. Madalas daw sinusundan at minamanmanan si Flora ni Simon. Minsa pa nga daw ay nahuli niya itong naninilip sa bintana.
Pagkahatid ni Padre Mallari kay Flora sa kanyang bahay at bumalik na ito sa kumbento.
Araw ng libing ni Lola Remedios at Maria. Nanindigan ang simbahan na walang misa at bindesyon para sa libing ni Maria sapagkat ito'y bawal dahil siya'y nagpakamatay. Tanging si Lola Remedios lamang ang may pamisa at bindesyon. Laking paghihinagpis ng ama ni Maria sa paglibing ng anak na walang bindesyon. Nagsumamo ito sa mga pari para mabindisyonan ang bangkay ng kanyang anak ngunit matigas ang mga pari.
Lumapit si Padre Mallari sa ama ni Maria at bumulong ito.
"Kawawa ang anak mo Pablo, diretso sa impyerno ang kanyang kaluluwa dahil hindi siya nabindesyonan. Doon sa impyerno habangbuhay na susunugin ang iyong anak."
Lalong naglupasay si Pablo sa sinabi ng Pari. Nakaluhod itong umiiyak sa paanan ng Pari, nagsusumamo na bigyan ng bindesyon ang kanyang anak. Malungkot ang mukha ni Padre Mallari pero sa kaloob-looban niya'y galak na galak siya sa kanyang sarili na niluluhuran ng isang tao.
Muling bumulong si Padre Mallari kay Pablo.
"Alam mo ba kung sino ang dapat sisihin dito? Walang iba kundi ikaw, kung hindi mo lang sana iniwan si Maria kay Lola Remedios upang ikaw ay malayang makipagrelasyon sa ibang babae ay hindi ito mangyayari. Labis na nalungkot si Maria dahil sa isip niya'y iniwan mo siya at ipinagpalit sa ibang pamilya."
Halos mabaliw na si Pablo sa sinabi ng pari, napuno ng galit sa sarili si Pablo, at nadagdagan pa ang galit na ito ng bumalik sa isip nyang hindi mabibindesyonan ang kanyang anak. Hanggang sa sumagad ang galit ni Pablo, nagdilim ang paningin nito at mabilis na hinablot si Padre Mallari at pinilipit ang leeg niyo.
"Kung hindi mo bibindesyonan ang anak ko'y isasama kita sa impyerno upang samasama tayong tatlo doon!" Sigaw ni Pablo.
Mabilis na umaksyon ang mga tao sa paligid, tinulungan nila si Padre Mallari na makawala mula sa kamay ni Pablo. Ngunit bago pa mailayo ng mga tao si Padre Mallari, tinadyakan siya ni Pablo at natumba sa lupa. Pumulot ng bato si Pablo at ihahampas na sana niya sa ulo ni Padre Mallari ngunit agad siyang napigilan ng mga tao.
"Sinasaniban ng demonyo si Pablo! Yan ang mangyayari kapag isa sa pamilya nyo ay nagpakamatay! Buong angkan nyo ang masusumpa! Tingnan nyo si Pablo, siya'y pag-aari na ng mga demonyo!" Nagsisisigaw si Padre Mallari, sa isip niya'y may binabalak ito.
Matapos makumbinsi ang mga tao na sinaniban nga si Pablo dinala nila ito sa kumbento upang palayasin sa katawan ni Pablo ang demonyo. Itinali nila ito sa kama at binusalan ang bibig.
"Iwanan nyo ako rito, lumabas kayo sa kwartong ito pagkat nagkalat ngayon sa kwarto na ito ang mga demonyo na gusto ring sumanib kay Pablo. Papalayasin ko ang demonyong sumasanib ngayon sa kanyang katawan!" Utos ni Padre Mallari sa mga taong nagdala kay Pablo sa kumbento.
Kahit pagod na ay nagsisisigaw pa rin si Pablo, gusto niyang mabindesyonan ang kanyang anak. Ngunit kahit anong sigaw niya'y hindi maintindihan ang kanyang mga sinasabi dahil nakabusal ito.
Nang nakalabas na ang mga tao sa kwarto, malakas ang boses na nagdasal ng latin si Padre Mallari upang marinig ng mga tao sa labas ang kanyang dasal. Ito yung dasal kapag nag e-eksorsismo upang mapalayas ang mga masasamang espirito na sumapi sa katawan ng tao.
Ang hindi alam ng mga tao, iba ang plano ni Padre Mallari kay Pablo.
Habang nakahiga at nakatali sa kama si Pablo'y nilagyan ni Padre Mallari ang mukha nito ng basang tuwalya. Hindi kumportable sa sitwasyon na iyon si Pablo, nakakahinga naman siya ngunit pakiramdam niya ay nalulunod siya dahil sa basang tuwalya na nakapatong sa kanyang mukha.
Sumigaw si Pablo ng saklolo ngunit hindi maintindihan ang kanyang salita dahil sa busal sa kanyang bibig, sinasabayan din ni Padre Mallari ang kanyang sigaw ng sigaw din at nagaastang nagpapalayas ng mga demonyo sa kanyang katawan.
Habang nakapatong sa mukha ni Pablo ang basang tuwalya'y binuhusan ito ng tubig ni Padre Mallari. Dahan-dahan ang pagbuhos ng tubig ni Padre Mallari sa tuwalya na nakapatong sa mukha ni Pablo. Bawat paghinga ni Pablo ay may sumasamang tubig na pumapasok sa kanyang baga, nilulunod niya ni Padre Mallari habang nakahiga sa kama.
Nagpumiglas si Pablo ngunit hindi ito makawala sa pagkakatali sa kama. Si Padre Mallari nama'y sumusigaw na ani mo'y pinapalayas ang demonyo na nasa katawan daw ni Pablo. Sinasadya niyang marinig ng mga tao sa labas ng kwarto ang pag-eeksorsismo niya kay Pablo.
"Hindi ako papayag na makuha ninyo ang katawan ng lalakeng ito! Sa ngalan ni Jesus! Lumayas kayo sa katawan ng lalakeng ito!" Sigaw ni Padre Mallari.
Parang nakikinig ng programa sa radyo ang mga tao sa labas ng kwarto. Pinapakinggan nila at iniisip kung ano ang nangyayari sa loob. Hanggang sa sumigaw uli si Padre Mallari.
"Oh Dios ko! Mga demonyo! Wag ninyong patayin ang kanyang katawan! Pablo magpakatatag ka!" Umiiyak na sigaw ni Padre Mallari.
Ilang sandali pa'y tumahimik na sa kwarto, maririnig mo nalang ang mahinang iyak ni Padre Mallari. Agad na binuksan ng mga tao ang kwarto at bumungad sa kanila si Padre Mallari na duguan at nakadapa sa sahig habang umiiyak. Sa kama naman nakahiga ang walang buhay na si Pablo.
"Bigo akong tulungan si Pablo, ginawa ko ang lahat pero napatay parin siya ng mga demonyo... Sana ako nalang ang kinuha nila at hindi si Pablo." Iyak ni Padre Mallari habang kaharap ang mga tao.
Basang-basa ang bangkay ni Pablo, sinabi ni Padre Mallari na hindi maipaliwanag na lumalabas daw mula sa bibig ni Pablo ang tubig at tila ito'y nasa ilalim ng tubig at hindi makahinga.
Ayon sa mga nag-imbestiga pagkalunod nga ang kinamatay ni Pablo ngunit imposibleng malunod ito sa kwarto dahil wala namang malalim na tubig doon. Dahil sa hindi nila maipaliwanag ang pagkalunod ni Pablo, pinaniwalaan nila ang sinabi ni Padre Mallari na ang mga demonyong sumanib kay Pablo ang siyang naglunod at pumatay sa kanya. Hindi nanaman sang-ayon sa Ktpn. Julio sa desisyon ng mga nagimbestiga.
Namatay si Pablo sa araw ng libing ng kanyang anak at ina.
Itutuloy....