Chereads / HIS VILE OBSESSION / Chapter 11 - Chapter 10

Chapter 11 - Chapter 10

"MALIGAYANG bati sa inyo, Carlos at Hezekiah. Noon pa ma'y talagang gustong-gusto na kita, Carlos para sa aking anak. Alam ko kasing mabuti kang tao. Nawa'y magsama kayo nang maligaya at puno ng pagmamahalan sa isa't-isa."

"Maraming salamat po, Nay Rebecca," nakangiting saad ni Carlos sa biyenan saka niya binalingan ang asawa. "Iingatan ko po ang inyong anak," dagdag pa niya saka masuyong ngumiti rito. Gumanti rin naman sa kan'ya ng ngiti si Hezekiah; isang napakagandang ngiti, saka kumawit sa kaniyang braso ng may paglalambing.

"O, tayo na't naghihintay na ang mga bisita sa pagdating ninyong mag-asawa. Masayang-masaya sila dahil kayo raw ang nagkatuluyan," anang Nanay Rebecca saka hinatak sa kamay ang anak.

"Nay, mauna na po kayo. May pag-uusapan lang po kami ni Carlos. Pakisabi na lang po sa mga bisita na susunod na kami," saad ni Kiah sa ina. Tumango naman ito saka lumabas sa kanilang silid. Naroon sila sa kanilang bahay dahil doon nila napagdesisyonan ni Carlos na isagawa ang pagtitipon at pakain sa kanilang mga bisita.

Nang makitang tuluyan nang nakalabas ang kanyang Nanay, ay saka niya binalingan si Carlos na noon ay nakaupo sa kahoy na katre at walang imik. Lumapit siya rito at tumabi saka hinawakan ang kamay ng asawa.

"Nagsisisi ka bang pinakasalan mo ako?" nakangiting tanong ni Hezekiah sa asawa.

Sa sinabi niya ay nag-angat ng tingin si Carlos. "Ikaw nga ang dapat kong tanungin niyan, Kiah. Nagsisisi ka na ba? Sinabi ko naman sa'yo na kung ayaw mo ay---"

"Hindi ako nagsisisi, Carlos," putol niya sa sana ay sasabihin nito. "Ginusto ko ito. Ginawa ko ito dahil mabuti kang tao."

"Pero paano kung malaman---"

Tinakpan ni Kiah ang bibig ng asawa. "H'wag kang maingay. Baka marinig ka nila," awat ni Kiah rito. "Huwag mo munang isipin iyon, Carlos. Kalimutan muna natin iyon, ngayon." Masuyo pang humalik si Kiah sa pisngi ng lalaki at saka ngumiti rito. Bakas man sa mukha ng asawa ang pag-aalinlangan, ay tumango rin ito sa bandang huli.

"Maraming salamat, Hezekiah. Napakabuti mo, bagay talaga sa'yo iyang pangalan mo," anang Carlos saka isinandal sa kanyang balikat ang asawa at marahang hinaplos ang mahabang buhok nito. Tumagal din iyon ng ilang minuto nang mag-angat ng tingin si Kiah at tumayo na.

"'Lika na't baka naiinip na ang mga bisita, Carlos."

Hinatak pa ni Kiah ang asawa upang tumayo sa kinauupuan. Nakangiti namang nagpatangay ang lalaki pagkatapos ay umakbay sa kaniya. Iniyakap naman ni Kiah ang braso sa baywang ng Mister habang sabay silang pumapanaog ng hagdang kahoy.

"Ano nga pala ang gusto mong itawag ko sa iyo, Carlos? Gusto ko iyong malambing pakinggan." Pikya pang ngumisi si Kiah rito.

"Sigurado ka ba riyan, Hezekiah?"

"Oo naman. Ayaw mo ba?"

"Kung iyon ang makapagpasaya sa iyo, e 'di sige."

Dahil sa narinig ay napangiti nang malapad si Kiah. "Sige, simula ngayon, tatawagin kitang mahal ko."

"Mahal ko? Bakit iyon ang napili mo?" kunot-noong tanong ni Carlos sa asawa.

Humarap si Kiah sa asawa at hinaplos ang mukha nito gamit ang daliri. Kuminang tuloy doon ang singsing na simbolo ng pagiging magkabiyak nila. "Iyon kasi ang tawag ni Tatay kay Nanay noong nabubuhay pa siya. . ."

Bigla ay nakaramdam ng awa si Carlos sa asawa. Alam kasi niyang masakit pa rin dito ang pagkamatay ng ama kahit ilang taon na ang lumipas. Si Hezekiah kasi ang madalas kasama noon ng Tatay niya saan man ito magtungo.

Ginagap ni Carlos ang kamay ng asawa na nakahawak sa kanyang pisngi at saka mahigpit itong ikinulong sa sariling palad. Masuyo pa siyang tumingin kay Hezekiah bago magsalita. "Sige. Kung iyon ang nais mo, mahal ko."

Ngumiti naman ng matamis si Kiah sa kabiyak habang nakatingin sa mukha nito. Hindi dapat ganoon ang magiging kapalaran mo, Carlos. Pero siguro ay iyon ang kaloob ng Diyos sa iyo. . .

Bakas sa mukha ng kanyang Mister ang kasiyahan ngunit parehas nilang alam na panlabas lamang iyon. Maging siya ay ganoon rin, sapagkat habang pinagmamasdan niya ang gwapong mukha ni Carlos ay umiiyak ang puso niya.

Mabuting tao si Carlos. Kilalang-kilala niya ito mula pagkabata. Mula noong elementarya at highschool ay magkaklase na sila nito. Sabay silang pumapasok at umuuwi. Madalas rin silang magkasama sa paglalaro at maging sa pagpunta sa mga piyesta.

Noong magdalaga at binata na sila ay ganoon pa rin sila. Sa tingin pa nga ni Hezekiah ay lalo silang naging malapit ng lalaki. Ito kasi ang naging karamay niya sa lahat ng problema, lalo na noong namatay ang Tatay niya.

Madalas sila noong napagkakamalan ng kanilang mga kabaryo na magkasintahan. Ngunit sa tuwing sinasabi ng mga ito iyon, ay tinatawanan lamang nila ni Carlos, para kasi sa kanila ay magkaibigan lamang ang turingan nila. Pero aaminin niyang may paghanga siya sa kaibigan. Masipag kasi ito at responsableng anak, maginoo, at gwapo rin.

Sino ba naman ang hindi hahanga sa ganoon? Sa katunayan, marami sa mga kadalagahang taga-baryo ang may patingin kay Carlos. Ngunit lagi lamang nitong sinasabi na tanging pagtatrabaho lamang ang nasa isip nito at hindi ang pakikipagnobya.

Malapit rin si Carlos sa kanilang pamilya. Maging si Hezekiah ay ganoon din sa pamilya nito. Sa katunayan, para nang isang tunay na anak ang turing kay Hezekiah ng mga magulang ni Carlos. Minsan pa ngang nasabi ng mga ito na magiging maligaya raw ang mga ito kung siya ang magiging asawa ni Carlos.

"Halika na, mahal ko," muling anyaya ni Kiah sa asawa saka bumitiw sa pagkakayakap sa baywang nito at pinagdaop ang kanilang mga palad.

Tumango naman sa kaniya ang asawa at pagkatapos ay sabay nilang tinalunton ang likod-bahay dahil naroon ang kanilang mga naghihintay na bisita.

• • •

MAHIGIT isang linggo na nang pinayagan ni Akihiro na umuwi sa probinsya si Kiah. Pero ang ipinagtataka niya, hindi pa rin ito bumabalik. Ni tawag at text ay wala siyang natanggap galing sa babae.

Babalik pa kaya s'ya? Kung hindi na, sana man lang magsabi s'ya, isip-isip ni Akihiro habang nakatingin sa number ni Kiah na naka-save sa kanyang cellphone.

Nagdadalawang-isip kasi siya kung tatawagan niya ito o hindi. In fact, hindi malaman Akihiro kung bakit mayr'on sa pagkatao niya ang hindi mapalagay dahil hindi niya kasama ang babae.

Pero sa palagay niya, dahil 'yon sa halos one month nilang magkasama ay nasanay na siya sa presence nito. Sigurado rin siyang hindi 'yon dahil sa perang naitulong niya rito. Maliit lang naman kasi ang halaga n'on.

Sa katunayan, totoo ang sinabi ni Melody na ayaw niyang may kasama sa condo unit. Ayaw kasi niya nang may iistorbo sa kan'ya kapag may importante siyang ginagawa, o kaya naman ay may sagabal kapag nag-uuwi siya ng mga babae. Pero hindi niya ma-explain kung bakit when it comes to Kiah, panatag ang loob niya na kasama ito sa iisang bubong.

Or maybe, it's because tahimik lang naman kasi si Hezekiah at hindi nagtatanong ng kung anu-ano. Binibigyan siya ng privacy ng dalaga at hinahayaang gawin ang gusto niya. Besides, simula no'ng dumating ito, nakakain na siya nang maayos.

Dati kasi, halos sa fast foods at restaurants na lang ang buhay niya. Madalang lang siyang makakain ng lutong-bahay, because he was damn busy with work.

Matapos nang mahabang pagmumuni-muni, he decided to dial Kiah's number. Nakatalong ring pa muna iyon bago may sumagot. "Hello? Sino ito?"

Awtomatikong kumunot ang noo ni Akihiro nang marinig ang tinig ng lalaki sa kabilang linya. "Hello! Nar'yan ba si Kiah?"

"Ano ang kailangan mo kay Hezekiah? Pwede ko bang malaman? Asawa n'ya ito."

Asawa? Kung gano'n may asawa na s'ya? Akihiro couldn't explain why he suddenly felt dismay after hearing it.

"I'm Akihiro Tetsuya. Sa'kin nagtatrabaho ang asawa mo. Itatanong ko lang sana kung babalik pa ba s'ya para magtrabaho."

"Mahal ko, sino iyang tumawag? Si Sir Akihiro ba?"

Hindi nakaligtas sa pandinig ni Akihiro ang malamyos na tinig ni Kiah sa kabilang linya. Mahal? Kung gano'n, asawa nga niya ang lalaking 'yon, isip-isip niya. Aki just kept listening from the other line when the voice of a man spoke again.

"Oo, mahal ko. Itinatanong niya kung babalik ka pa raw para magtrabaho."

"Sa akin na ang cellphone, mahal ko. Ako na ang kakausap kay Sir Akihiro," dinig niyang saad ng babae. "Hello, Sir Akihiro? Nariyan pa ba kayo?"

Suddenly he felt a tension when he heard Kiah's sweet voice. "Hello, Hezekiah."

"Sir, pasensya na kayo kung hindi ako nakatawag sa inyo. Masyado po kasi akong naging abala nitong mga nagdaang araw. Sorry din kung lumampas na ako sa isang linggong bakasyon na ibinigay ninyo," hinging-paumanhin ng babae sa kan'ya.

"It's okay. I'll understand. So, ano? Babalik ka pa ba or hindi na? Kasi kung hindi na, maghahanap na 'ko ng iba." Siya na rin ang napailing sa sariling sinabi. Alam kasi niya sa sariling hindi na siya kukuha pa ng ibang maid dahil hindi na 'yon kailangan.

"Sir Akihiro. . . Maaari bang pag-usapan muna namin ng asawa ko? Kapag nagkasundo na kami ay agad akong tatawag sa inyo," anang Hezekiah.

"Okay, sure. I'll give you enough time. Tawagan mo na lang ako kapag nakapag-decide na kayong mag-asawa." Iyon na lang ang isinagot niya sa babae. Feeling kasi niya ay bigla siyang nawala sa mood.

"Maraming salamat po, Sir Akihiro! Tatawag na lang po ulit ako. . ."

After that, pinatay na ni Kina ang linya. Napapailing naman siya saka sumalampak ng upo sa swivel chair. Nasa DISG kasi siya noon at coffee break lang niya kaya naisipan niyang tawagan ang babae. Natapos na rin kasi ang hiningi niyang one week vacation leave at 'eto siya, balik-trabaho na.

Muli niyang inabala sarili sa pagtitipa sa kanyang laptop nang may kumatok sa pinto ng opisina niya. At palibhasa'y glass wall 'yon, kaagad niyang nakita si Heinz.

"Kups!" nakangising bungad ni Heinz sa kan'ya pagpasok. Umupo pa ito sa swivel chair na katapat niya.

"O, bakit? Ano'ng nginingisi-ngisi mo? May naputukan ka na ba ng semilya mo kaya gan'yan ka makangisi?" tanong niya sa kaibigan saka pansamantalang inihinto ang ginagawa.

"Gago ka! Hindi 'yon," natatawang sagot naman ng kaibigan.

Dumiretso ng upo si Akihiro at saka isinandal ang likod sa kinauupuan. Pakiramdam kasi niya ay nangalay 'yon. "E, ano?" clueless niyang tanong.

Ngumisi pa muna si Heinz at saka magsalita. "Kahapon nakita si Melody, hinahanap ka."

"Si Melody? O, e ano naman? 'Di na 'yon bago," kibit-balikat niyang sagot rito.

"Bakit kasi hindi mo sinabihan na nagbakasyon ka?"

"Ba't ko naman s'ya sasabihan? Sa pagkakaalam ko, 'di ko naman obligasyon na magsabi sa kan'ya," naiinis niyang sabi sa kaibigan.

Sa sinabi ng kaibigan ay lumapad pang lalo ang pagkakangisi ni Heinz. "Ginalingan mo kasi kaya 'yan ang nangyayari sa mga chiks mo."

"'Yan lang ba ang ipinunta mo dito, kups? Effort, huh?" inis pa rin niyang saad sa kaibigan. Hindi niya alam kung bakit naiinis siya ng mga sandaling 'yon na wala namang dahilan. Kanina lang bago niya nakausap si Kiah, nakikipagbiruan pa siya sa mga katrabaho. Baka gutom lang ako, anyway lunch na, kumbinsi pa niya sa sarili.

"O, e bakit parang mainit ang ulo mo? May nangyari ba?" tanong pa nito na halatang nang-aasar lang. "Actually, hindi talaga tungkol kay Melody ang ipinunta ko rito," dagdag pa ng kaibigan. Kunot-noo naman niya itong tinapunan ng tingin.

"About what?"

"Mali. Tungkol kanino dapat," pagtatama pa nito sa kan'ya na lalong ikinasama ng mukha niya.

Pumalatak pa siya dahil sa paligoy-ligoy ng kupal. "O, e 'di tungkol kanino?" tanong niyang in-emphasize pa ang salitang kanino.

"About Hezekiah Delgado."