Chereads / Mga Apoy Sa Langit / Chapter 2 - Chapter 2: Mundo ng mga Iglesias

Chapter 2 - Chapter 2: Mundo ng mga Iglesias

PAGBABA ni Maria Isabel Iglesias sa private plane kasama ang nobyo, nakita niya ang kanyang pamilya na naghihintay sa kanya sa di kalayuan. Kusang lumapit ang mga ito at sinalubong siya.

"Buenos días, mi hija!" bati sa kanya ng inang si Imelda Iglesias. "Maligayang pagbabalik sa Pilipinas, Maria Isabel!"

Tinanggap naman niya ang malambot na yakap nito. "Buenos días, Ina! Como esta?"

"Estoy muy bien!" ngiting sagot naman ng babae.

Sunod na lumapit at yumakap sa kanya ang bunsong kapatid na si Maria Lucia. Tuwang-tuwa siya nang masilayan muli ang mala-porcelana nitong kutis at ang kulot-kulot nitong buhok na abot hanggang baywang. Kahit kailan ay hindi nagbago ang istilo nito.

"Buenos dias sa paborito kong kapatid… Excited na akong makakuwentuhan kang muli. Sure akong marami kang ibabalita sa akin!"

"Aba'y oo naman! Katunayan nga, may nais akong ipakilala sa iyo…" Saka itinuro ni Maria Lucia si Nathan na nasa tabi nito.

"O, may panauhin pala tayong kasama! Sino pala siya?" masayang tanong niya rito.

"Ano ka ba! Siya ang aking kasintahan, Hermana. He is my Nathan Gonzales!"

Nagulat siya sa tuwa. "Talaga ba? Wow! Pitong buwan lang akong nawala, ang dami na palang nangyari! Binabati ko kayong dalawa! Congrats!" Nakipagkamay na rin siya sa lalaki.

Isang matamis na ngiti ang isinalubong sa kanya ni Nathan. "Pasensiya na nga pala, hindi ako marunong mag-Kastila. Magandang umaga na lang sa iyo, Binibining Maria Isabel. Ikinagagalak kong makilala ka!"

"Ikaw naman. Masyado kang formal. You can call me Isabel for short para hindi ka mapagod," natatawang tugon niya.

"Nice to meet you, Nathan!" bati rin dito ng kanyang nobyong si Ronaldo Evasquez. "Masaya rin akong may boyfriend na ang bunsong kapatid ng girlfriend ko."

"Nice to meet you too, brad! Mukhang magkakaroon na ako ng bagong kainuman nito." Sabay pa silang tumawa roon saka inabot ni Nathan ang kamay kay Ronaldo.

"Alam mo mabuti pa, kayo na muna ni Nathan ang mag-usap. Gusto ko munang makausap din ang kapatid ko," ani Maria Isabel sa nobyo at pinalapit na ito sa lalaki. Siya naman ang tumabi kay Maria Lucia.

Nang magsimula na silang maglakad ay nilapitan naman siya ng pangalawang kapatid na si Maria Elena. "Buenos dias, Maria Isabel. Masaya rin akong nandito ka na uli sa atin."

Nginitian lang niya ito at hindi na tinanggap ang yakap nito. Pareho sila ni Maria Lucia na hindi kasundo ang babae. Katunayan ay malaki ang galit nila rito. Wala nga siyang pakialam dito. Para sa kanya, si Maria Lucia lang ang itinuturin niyang kapatid.

Magkahawak-kamay pa sila ng paboritong kapatid habang masayang nag-uusap. Nasa likuran naman nila ang kanilang mga nobyo na may sarili ring paksa. Habang nasa likuran naman nilang lahat sina Imelda at Maria Elena.

Kahit pagod pa sa biyahe ay binisita pa rin ni Maria Isabel ang kanilang ama sa opisina nito. Nakita niyang abala ito sa harap ng table nito pero ginulat pa rin niya ito.

"Buenos días a mi querido padre!"

Nanlaki sa tuwa ang mga mata ni Felipe nang makita siya. "Maria Isabel! Ang paborito kong anak!" Tumayo ito at nilapitan siya.

Isang mahigpit na yakap ang pinakawalan nila sa isa't isa. Pagkatapos ay binigyan niya ito ng halik sa pisngi. "Sobrang na-miss kita, ama! Congratulations nga pala! Nabalitaan kong kayo na pala ang bagong Governor ng ating probinsiya."

"Muchas gracias, mi amada hija! Sayang nga lang at wala ka noong victory party ko pati sa proclamation ko. Sobrang saya namin doon. Pero siyempre, mas masaya ako ngayon dahil nandito ka na," anang ama niya at hinawakan ang dalawa niyang kamay.

Pinaupo siya nito sa malambot na sofa katapat ng lamesa nito. Habang ito naman ay nagbalik sa table nito at isinuot ang Americana nito. "Kumusta pala ang bakasyon n'yo sa America, anak?"

"Naku sobrang saya, ama! Ang dami naming pinasyalan ni Ronaldo. Tapos sa huling dalawang buwan ko roon, medyo napagod din ang boses ko sa mga mini-concert na ginawa ko. Kaya nga umuwi na muna kami rito para makapag-short break ako. Kailangan ko munang ipahinga ang boses ko sa pagkanta. Isi-save ko na ang energy ko next year para sa susunod na album ko."

"Sobrang proud ako sa `yo, anak. Ang layo na ng narating mo bilang singer. Tinitingala na ang iyong pangalan hindi lang dito sa atin pati na rin sa buong mundo. Napakataas mo na kumpara kay Maria Elena na hanggang ngayon ay dito lang kilala. Pero ikaw, sa iba't ibang bansa na! Ipagpatuloy mo lang 'yan. Gusto kong mapahiya sa akin si Imelda at ipamukha sa kanya na nagkamali siya ng paboritong anak na pinili. Ako, hindi nagkamali sa iyo, sa inyo ni Maria Lucia."

Namula ang pisngi ni Maria Isabel sa narinig. Aminado siya na medyo kinilig siya roon. "I agree with you, ama! Hindi ko nga maintindihan at bakit si Maria Elena pa rin ang favorite ni ina. Pero, no te preocupes. Hindi ako magsasawang ipamukha sa kanila na ako ang mas magaling. Soy tu única reina!"

"Balik tayo sa iyo, Maria Isabel. Kahit noong nangangampanya pa ako, palagi pa rin kitang pinapanood sa TV. Lalo na kapag nagpe-perform ka sa mga live shows. Alam mo ba na halos maluha-luha ako kapag naririnig ko ang malalakas na palakpakan sa iyo ng mga tao?"

"Naku, muchas gracias, ama! Salamat talaga sa suporta mo." Nang makita niyang nagbibihis na ito at hinahanda ang mga gamit sa pag-alis ay mabilis niyang tinapos ang usapan. "Sorry nga pala at naistorbo pa kita rito. Alam kong busy ka ngayong araw. Siguro uuwi na lang din muna ako at hihintayin na lang kita. Magluluto rin muna kami ni Maria Lucia para sa `yo."

"Salamat talaga, anak. Muchas gracias! Nais man kitang makasama ngayon ngunit talagang ako'y abala pa ngayong araw. Katunayan nga ay may pupuntahan pa kaming meeting at naghahanda na ako ngayon. Mabuti na lang at nakarating ka agad. Hayaan mo at babawi ako mamaya pag-uwi ko. Hindi na muna ako kakain ngayon para maubos ko mamaya ang iluluto n'yo sa akin ni Maria Lucia."

Muli niya itong nilapitan at niyakap nang mahigpit. "Gracias, padre, y felicidades de nuevo."

NASA harap muli ng salamin si Maria Elena habang inaayos ang kanyang sarili. Kahit walang event na pupuntahan ay hindi siya nakalalabas ng kuwarto hangga't hindi inaayos ang sarili sa ganoong porma.

Nasa dugo na talaga niya ang matinding pagkahilig sa makalumang fashion. She's living her life like in the 50s. At ito ang isa sa mga unique features niya na pinarisan pa ng busilak niyang puso.

Pagdating sa pagandahan, walang sinabi sina Maria Isabel at Maria Lucia sa kanya. Taglay niya ang isang kagandahang hindi mapantayan.

Sing puti ng gatas ang kanyang balat na medyo madulas kung hawakan. Kasing kulay naman ng seresa ang kanyang mga labi gawa ng gamit niyang lipstick.

Mapungay at makislap ang kanyang mga mata na ilang beses nang tinitigan at hinangaan ng maraming kalalakihan. Nakapaarko pa ang kanyang mga kilay na sobrang nipis kaya palagi niya itong pinapatungan ng makeup para bahagyang kumapal.

Perpekto rin ang pagkakalilok sa tulis ng kanyang ilong na bumagay naman sa kabuuan ng kanyang mukha na hugis puso. Ngunit ang pinaka-best asset talaga niya ay ang ayos ng kanyang buhok na may pagkakahawig sa hairstyle ni Marilyn Monroe. Ito ang signature look na lagi niyang ginagamit kahit saan siya magpunta, at kahit nasa loob lang ng bahay.

Siya lang ang tanging babae na nagbalik ng ganitong style sa panahon ngayon na ginagaya naman ng ilang mga tagahanga niya sa mundo ng fashion.

Pagkatapos niyang mag-ayos ay lumabas naman siya sa living room para hanapin ang kanyang ina. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay si Maria Isabel pa ang nakasalubong niya roon.

Ang sama na naman ng tingin nito sa kanya. Tila pinagtatawanan ang porma niyang iyon. "Wala ka talagang taste, Maria Elena. Hanggang ngayon ganyan pa rin ang style mo? So outdated!"

"Bakit ako na naman ang nakita mo, ate? Ano ba'ng masama rito? Bakit si Maria Lucia hindi mo pinupuna kahit ilang dekada nang ganoon ang buhok niya?"

"Excuse me! Huwag mo nga siyang ikumpara sa `yo! Ella es mejor que tú en cualquier aspecto!"

"Oo na lang," matipid na sagot niya at nilampasan na ito sa paglakad. Ngunit bigla nitong hinablot ang kanyang siko hanggang sa mapaharap siyang muli rito.

"Ano ba, ate! Bitiwan mo nga ako!"

"Natututo ka na yatang lumaban ngayon. Hindi ka naman ganyan sumagot dati." Halos lamunin siya ng matatalim nitong mga titig.

"Bakit, ano ba'ng gusto mong mangyari? Na lagi akong iiyak kapag inaaway mo? That's so outdated, ate! Hindi na uso iyon sa panahon ngayon."

"Realmente? Por eso te esfuerzas tanto en ser valiente, aunque no se te dé bien?" anito sa kanya na ang ibig sabihin ay masyado raw siyang nagta-trying hard maging matapang kahit hindi naman bagay sa kanya.

"Lo que sea! Sanay na ako sa pangungutya mo sa akin. Palibhasa, sa dinami-dami ng narating mo, nabura na yata ang respeto sa dictionary mo. Wala kang naririnig sa akin pagdating sa singing career mo kahit malayo sa hilig ko ang mga genre na kinakanta mo. Hindi na bagay sa edad mo ang umasta nang ganyan. Twenty-six ka na. Don't act like a spoiled-brat high school sweetheart!" Saka niya ito tinalikuran muli at ipinagpatuloy ang paglalakad na parang walang nangyari.

Halos hindi maipinta ang mukha ni Maria Isabel sa sinabing iyon ng babae. Parang gusto nitong habulin ang kapatid at sabunutan hanggang sa tumuwid ang buhok nito. Nagpipigil lang ito dahil kauuwi lang nito sa Pilipinas at gusto nitong magpahinga at magsaya.

Natagpuan ni Maria Elena ang kanilang ina sa hardin. Agad niya itong binati at nilapitan. "Buenas tardes, ina. Bakit kayo ang nagdidilig d'yan?"

"Na-miss ko lang magdilig ng mga halaman, anak. Ito na rin ang ginagawa kong libangan tuwing naiinip ako rito."

Nginitian niya ito habang sinasamahan sa paglakad sa gitna ng kanilang malaking hardin na punong-puno ng mamahaling mga halaman at bulaklak. Ang iba rito ay imported pa mula sa ibang mga bansa.

"Gano'n po ba? Gusto n'yo bang mamasyal na lang tayo sa labas? Sa mga mall? Para malibang kayo."

"Naku! Magandang idea 'yan! Sige, samahan mo ako sa mall mamaya!" sabik na tugon nito sa kanya.

Pansamantalang natahimik si Maria Elena. Pinagmamasdan lang niya ang ina na kasalukuyan pa ring nagpapaligo sa mga halaman nila. Napansin din yata nito ang pananahimik niya kaya ito na mismo ang bumuo ng bago nilang paksa.

"Nga pala, anak. Beinte kuwatro ka na. Bagama't bata ka pa rin naman, nasa tamang edad ka na para magpakasaya. Wala ka pa bang napupusuang lalaki ngayon?"

Natawa lang siya. Iniiwasan niya ang ganoong mga tanong pero ngayon wala na naman siyang kawala sa kanyang ina. Sinagot na niya ito kahit alam niyang hindi sasang-ayon dito ang babae.

"Makailang ulit ko nang sinabi sa inyo, ina. Wala nga akong balak magmahal ng lalake. Ang pagmamadre ang gusto kong gawin. Dahil nais kong maglingkod sa simbahan."

Isang makahulugang titig ang itinugon nito sa kanya. Hindi ito galit pero hindi rin masaya sa sinabi niya. "Anak, nauunawaan ko ang kabutihan ng iyong puso, ang iyong pananampalataya, at ang iyong pagtulong sa kapwa. Pero sigurado ka na ba talaga sa gusto mo? Ayaw mo bang magkaroon ng asawa at makabuo ng sariling pamilya?"

"Inay, bakit ko pa kailangang bumuo ng sariling pamilya? Nandito naman kayong lahat. Kayo ang pamilya ko."

"Pero hindi naman habang buhay ay nandito kami. Lalo na ako. Alam mo naman siguro na hindi maganda ang trato sa iyo ng mga kapatid mo. Pati ako ay kinakalaban na rin nila. Kaya sana naman, maisipan mo ring bumuo ng pamilya. Magagawa mo pa rin namang maglingkod sa Diyos at sa simbahan kahit hindi ka magmadre 'di ba? Iniisip ko lang naman ang future mo, anak. Balang araw tatanda ka rin. Ayokong apihin at kaawaan ka nila."

"Inay, hindi ako magiging kawawa. Kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko sa kanila. Saka hindi naman ang pagbuo ng sariling pamilya ang palaging kailangan sa pagtanda. Marami naman akong mga kaibigan at magiging kakilala sa simbahan na puwede kong makasama. Saka hindi ko rin iniisip na kakawawain ako nina ate balang araw. Kahit gaano pa kalaki ang galit nila sa akin, naniniwala akong magkakaayos din kami. Sa ngalan ng Diyos, ina. Alam kong hindi hahayaan ng Diyos na manatili habang buhay ang sigalot sa aming mga pagitan. Kaya huwag na kayong mag-alala sa akin. I will be fine," sagot niya rito. Nais talaga niyang panindigan ang kagustuhan na maging madre.

Hindi na lamang sumagot dito si Imelda. Mahal na mahal nito ang anak pero hindi pa rin nito handang tanggapin ang landas na gusto niyang tahakin sa buhay.

MAGKASAMANG nagluto ng dinner sina Maria Lucia at Maria Isabel. Naghanda sila ng Carbonara na paborito ni Ronaldo, at One-Pan Creamy Chicken & Gnocchi naman para kay Nathan.

Magkakasabay na silang kumain sa mahaba at babasaging lamesa na punong-puno ng mga pumpon ng bulaklak. May mga katulong naman sa likuran nila na naglalagay ng juice sa kanilang mga baso tuwing mauubos na ang laman nito.

"Honey, ikuwento mo nga kina Lucia at Nathan kung paano tayo nagkakilala?" ani Maria Isabel kay Ronaldo habang magkaharap sila sa mesa.

Nagkaroon muli ng pagkakataon ang dalawang lalaki na makapag-usap at magkakilala. Kinuwento nito kay Nathan ang love story nilang dalawa.

"Alam mo, pare, nagkakilala kasi kami ni Isabel sa isang concert niya noon sa White Line Coliseum. Happy go lucky lang ako noong binata pa ako. Wala akong pakialam sa mundo. Ang gusto ko lang magsaya at manood ng mga concert, ng mga festivals… Iyan lang ang kasiyahan ko dati. D'yan ko rin nilalaspag ang lahat ng pera ko. Until I discovered Maria Isabel's music. Kahit hindi ko gusto noong una 'yung ballad genre niya, nagustuhan ko naman 'yung stage presence niya pati na rin 'yung meaning ng mga kanta niya. Naisipan kong mag-attend sa isa sa mga shows niya. Aksidenteng ako pa ang napili niya noon sa mga audience para makaakyat sa stage at maka-duet niya. The rest was history. Mukhang tinamaan din yata siya sa galing kong kumanta kaya humanap talaga siya ng paraan para magkita kaming muli. Ako naman baliw na baliw sa kanya kaya hindi ko na siya pinakawalan," mahabang salaysay ni Ronaldo sa lahat habang palipat-lipat ng tingin kina Nathan, Lucia at Isabel.

"Grabe naman pala 'yung love story n'yo, brad. Sino'ng mag-aakala na ang isang bigating singer gaya ni Maria Isabel ay mahuhulog lang sa isang biggest fan niya?" natatawang komento rito ni Nathan. Nakisabay rin sa pagtawa ang tatlo.

"Sinabi mo pa! But now, he's not my biggest fan anymore. He is now my biggest man!" masayang sagot naman dito ni Maria Isabel.

"Pero, brad. Since nabanggit mo na magaling ka ring kumanta, buti at hindi mo naisipang mag-build ng career sa singing? Para masamahan mo rin sa industry ang pinakamamahal mong babae?"

Umiling lang si Ronaldo. "Para sa akin hindi na kailangan 'yon, brad. Wala rin naman kasi sa isip ko ang pagpasok sa show business, eh. Kuntento na ako sa pagiging fan boy sa mga favorite kong banda. Saka iniiwasan ko ring mawalan ng privacy. Alam mo naman karamihan sa mga famous personalities ay nawawalan ng privacy oras na sumikat sila."

"Pero marami na rin namang nakakakilala sa `yo ngayon, 'di ba? Balita ko alam na rin ng mga fans ni Maria Isabel na ikaw ang boyfriend niya. Ilang beses na nga rin kayong nakita na magkasama sa TV 'di ba?"

"Oo, pero at least may privacy pa rin ako kahit papaano. Nagagawa ko pa ring gumala kahit saan nang walang sumusunod sa akin para magpa-picture. I just hate that. Basta ako, kuntento na ako sa lagay namin ngayon ni Maria Isabel. I am very happy for her success and I'm very proud of her."

Kinilig naman dito ang babae. "Thank you, honey!" Saka niya ito binigyan ng matamis na halik.

Masayang nag-uusap at nagtatawanan sa dining area ang magkakarelasyon. Habang sina Imelda at Maria Elena ay nagpapakasaya naman sa pamamasyal sa labas.

INABOT ng gabi sina Felipe sa paglilibot sa buong bayan ng Las Iglesias, ang capital city ng Hermosa. Katatapos lang ng meeting nila kanina kasama ang kanyang vice governor at ang buong provincial board.

Ngayon ay nais naman nilang inspeksyunin ang iba pang mga lugar sa Las Iglesias para malaman kung ano ang mga dapat baguhin dito. Nais nilang gumawa ng malaking pagbabago rito sa pamamagitan ng mga bagong infrastructures.

Nang madaanan nila ang Barangay Sto. Tomas, halos masuka-suka ang matanda sa kanilang nakita. Sinakop na ng squatter area ang buong paligid. Kabilaan ang mga basura. Ang dudungis ng mga batang naglalaro sa labas, at hindi rin mabilang ang mga ventor na nagtitinda ng maruruming pagkain.

"Esto es muy frustrante!" bulalas ni Felipe. "Ano'ng klaseng lugar ito? Kasuklam-suklam! Nakakahiya sa mga turistang makakakita!"

"Don Felipe, matagal na pong naging squatter ang barangay na 'to. Dito lahat nagsisiksikan ang mahihirap na pamilya sa ating bayan," sagot naman sa kanya ng tauhang si Nemencio.

"Kailangang malinis ang buong lugar na ito. Tanggalin ang mga squatter, tanggalin ang mga vendor, lahat ng nakakasuka sa mata ay dapat mawala! Alam n'yo ba na ito ang unang barangay na madadaanan nila bago makarating sa Las Iglesias? Dapat lang na maging malinis din ito at maging kaaya-aya sa paningin ng mga turista."

"Pero mukhang mahihirapan tayo, Don Felipe. Hindi papayag ang mga tao rito na matanggalan sila ng bahay. Lalo na ang mga vendor. Ito lang ang tanging hanap-buhay nila," saad naman ni Jomar.

"Wala akong pakialam! Dapat mawala ang mga 'yan. Ipalinis ang buong Sto. Tomas. Itapon sa dapat tapunan ang mga basurang iyan. Entiendes?"

Tumango na lamang ang mga tauhan. Wala naman silang magagawa kundi ang sumang-ayon.

TO BE CONTINUED…