Agad siyang sumunod sa babaeng walang paalam na pumasok sa kaharian niya. Nakita niyang pumasok ito sa kusina kaya sumunod siya. Yumakap ito kay Rod na parang linta at tumili pa. Napahalukipkip siya sa nakita.
"Rod! I miss you!! Musta ka na?" Patili-tiling sabi nito. Parang uod naman si Rod na hindi inaalis ang yakap ng babae, hinayaan lang nito.
"Ok lang ako may-may." Sagot nito. Sa wakas ay kumalas ang babae pero kumapit na naman sa braso ng asawa niya.
"Sandali lang yung niluluto ko.." Turan ni Rod at binalingan ang niluluto. "Ano pala ang ginagawa mo rito may-may?"
"Wala dinadalaw ka.. Matagal na noong huling nagkita tayo.. Parang dito ka na nakatira ah.. Ang dami ng gamit ang bahay mo... Sino iyong babaeng nakita ko sa labas? Ang taba.."
Nag-init ang ulo niya sa narinig. Siyempre mataba siya dahil buntis siya! Punyeta! Nagsalubong ang kilay niya. Hindi pa rin siya napapansin ng dalawa eh nasa may pintuan na siya.
"Sa labas? Babae? Anong sinabi mo sa kanya?" Tanong ni Rod na napatigil sa ginagawa.
"Tinanong kita sa kanya at sinabi niyang narito kaya mabilis akong pumasok." Parang walang kwento ng babaeng may-may ang pangalan.
"Hindi ka nagpaalam na pumasok?"
"Hindi. Bakit naman ako nagpapaalam?" Parang naiinis ng sabi ng babae.
"Sige, pupuntahan ko muna siya.." Pagbaling sa pintuan ay nakita siyang salubong na salubong ang kilay.
"Eppo.." Yun lang ang lumabas sa bibig nito.
"Oh, nandito naman pala yung babae eh. Katulong mo?" Bumaling ito sa kanya. "Oh, buntis ka pala, nagkakatulong ka pa. Halika igawa mo muna ako ng juice. "
"Sino ka?" Sa halip na sundin ang babae ay iyon ang sinabi niya. Asa ka pang susundin kita.
"Aba! Ang taray mong katulong! Ako ang nobya ng amo mong iyan kaya sundin mo ang iuutos ko kung hindi ay ipasisisante kita." Mataray na sabi nito.
"Ganoon?" Sabay baling sa asawang palipat lipat ang tingin sa kanila at parang hindi alam ang gagawin.
Lumapit siya sa asawa at hinawakan ang mukha nito. "Ito ang nobyo mo?" Baling niya sa babaeng may-may ang pangalan. Inilipat niya ang kamay sa batok ng asawa bago unti-unting hinatak pababa sa kanya. Hinalikan niya ang asawa. Ito ang unang halik na namagitan sa kanila. Simple lang ang ginawa niyang paghalik dito. Inilapat lamang niya ang labi sa labi nito pero nanginginig na ang labi niyang parang namamanhid.
Ayaw man niyang ihiwalay ang mukha ay kailangan dahil palabas niya iyon sa babaeng maldita. Bumaling siya sa babae at nginitian ng matamis.
"Ito ba ang nobyo mong nagpapahalik sa isang buntis na katulong?"
Nanlalaki ang mata ng babae at ng makahuma ay.. "How dare you kiss my boyfriend!!" Nagsisigaw na sabi nito at sasampalin na sana siya ng magsalita si Rod.
"Parang awa mo na may-may itigil mo na ang illusion mong nobya kita. Binibigyan mo kami ng suliranin ng asawa ko. Umalis ka na wala kang mapapala sa akin, magkakaanak na kami ng asawa ko at maraming lalaki diyan.." Matigas na sabi ni Rod. Sa totoo lang ay napapagod na siya sa inaakto ng babae na magkasintahan sila kahit na hindi naman.
"Hindi totoo ang sinasabi mo! Mahal mo ako kaya hindi mo magagawang mag-asawa ng ganoon lang! At kaya mo binili ang lupaing ito ay dahil sa akin, gusto mong lupa pa rin namin ito kaya binili mo dahil ako ang pakakasalan mo.." Galit at umiiyak na sigaw ng babae. Napatingin siya sa asawang iiling-iling.
"Binili ko ang lupaing ito sa tatay mo dahil gusto ang lugar at naaawa ako sa tatay mo dahil wala siyang mapagbebentahang iba. Kailangang-kailangan niyong lumuwas ng manila noon kaya binili ko na." Paliwanag ni Rod sa babaeng Mali ang pag-aakala sa ginawa niya noon pa.
"Manloloko!" Hiyaw ng babae at patakbong lumabas ng bahay.
Nagtatanong naman ang mata ni eppo na nakatingin sa asawang nagbuntong hininga.
"Ano ba talaga ang nakaraan niyo sa babaeng iyon?" Nakahalukipkip na tanong niya.
Bumuntong hininga muli si Rod bago tumingin sa kanya. "Wala iyon , ang ginawa kong pagbili ng lupaing ito ay binigyan lang ng ibang kahulugan ng babae."
"Ano ang sinasabi niyang iniibig mo siya?" Mataray na sabi niya. Hindi yata niya matatanggap kung mahal nga talaga ng asawa niya ang may-may na iyon.
Kumunot ang noo nito at naiiritang sabi. "Anong mahal? Bulag ka yata eppo paano ko naging mahal ang babaeng iyon! Eh sayo ko ibinigay lahat ng atensiyon ko." Pagkasabi nito ay lumabas sa bahay. Natulala naman siya kahit na alam na niyang may pagtingin sa kanya ang asawa ay hindi niya inaasahang mas malalim pa iyon sa akala niya.
Sinundan niya ang asawa. "Rod totoo ba iyong sinabi mo? "
"Hindi ko na uulitin ang sinabi ko, bahala kang umintindi." Nakatalikod na sagot nito.
"Hindi nga.. Kahit sabihin kong ikaw ang hinahanap ng mata ko paggising ko sa umaga at ikaw ang gusto kong nakikita sa tuwing ako'y natutulog? Na pinabibilis mo ang tibok ng aking puso sa bawat pagkakataong malapit ka sa akin at kapag pinaglilingkuran mo ako?. At kapag nahihigit ko ang aking hininga kapag ngumingiti ka sa akin?" Lumingon ito sa kanya at hindi makapaniwalang napayitig sa kanya.
"Ang ibig bang sabihin ng ... Sinabi mo ay...?"
"Hindi ko na uulitin. Bahala kang umintindi.." Ibinalik niya ang sinabi nito sa kanya.
Puno ng galak na tumawa ito. Lumapit ito at hinawakan ang magkabila niyang pisngi. "Mahal kita eppo. Mahal na mahal. Kahit noon pa."
Lumawak ang pagkakangiti niya. "So mahal mo pala ako noon pa " pang-aasar niya, tiningnan siya ng masama dahil hindi ang nais nitong sagot ang sinabi niya.
"Mahal rin kita Rod, kahit ang tanda mo na ay hindi iyon naging hadlang para mahalin ka at nagpapasalamat ako dahil tanggap mo ang nasa sinapupunan ko."
Puno ng saya ang mukha nitong niyuko ang labi niya. Hinalikan siya ng asawa sa ilalim ng sikat ng araw. Napakatamis niyon sa pakiramdam nilang dalawa.
"Ito ang ating ikalawang halik.."- Rod.
"Don't worry my love, pagsasawain kita sa aking halik magmula sa oras na ito." Sabi niya sabay halik uli sa asawa.
***
Naiiyak si Rod habang hawak-hawak sa bisig ang bagong panganak na sanggol. Ang kanyang asawa ay tulog na pagkatapos iluwal ang kanilang anak. Habang tinititigan ang sanggol ay hindi na niya napigilan ang pag-alpas ng luha niya.
"Ang liit liit mo.. Parang madudurog ka kapag hindi naingatan. Papangalanan kitang Alma na galing sa salitang kastila na ang ibig sabihin ay puso at kaluluwa. Ikaw ang naging daan sa amin ni eppo, Alma Sanjuan."
Sandali lang ay pinapirma na siya upang maiparehistro na ang bata. Ilang sandali pa ay sila na lang ang naiwan sa silid. Siya, si Alma, at ang kanyang tulog na asawa. Biglang bumukas ang pintuan at pumasok ang ama ng asawa niya pati ang mga kapatid ng asawa. Siya naman ay napatayo at gulat na gulat nakatingin sa mga bagong dating.
"Iyan na ba ang baby?" Tanong isa sa mga hipag niya. Hindi pa man siya nakakasagot ay kinuha na nila ang sanggol sa bisig niya.
"Paano niyo nalaman na ngayon na ang kanyang panganganak?" Gulat at nagtatakang tanong niya.
"Di ba tumawag kayo?" Masungit na sagot ng biyenan niya.
"Hindi.." Nag-aalangan na sagot niya kahit alam niyang hindi siya tumawag.
"Tumawag kaya kayo, yung number in ate ang ginamit niyo pero hindi kayo sumasagot bagkus narinig namin kayong natataranta." Sabat ng isa sa hipag niya. Naisip niyang baka aksidenteng napindot niya iyon dahil naalala niyang may tatawagan sana siya pero bigla na lang nagsisigaw ang asawa niya. Tumango na lamang siya sa mga ito.
"Ikaw Tito ah este kuya pala. Itinanan mo pala ang ate kaya hindi ka kinikibo ng itay" sabi ni nica.
"Mag-usap nga tayo.." Parang naiiritang sabi ni Mario.
Lumabas sila ng silid at doon lang sa tabi ng pintuan sa labas nag-usap.
Tumikhim si Mario. "Alam ko na nagkamali ako sa ginawa ko sa inyo. Pinilit ko kayong ipakasal kahit wala naman akong matibay na dahilan upang ipakasal kayo. Hayaan mo at ako na ang bahala sa annulment niyo." Walang gatol na sabi ni Mario.
Nanlaki naman ang mata niya at ng makahuma ay napalitan ng galit ang ekspresiyon ng mukha niya. Nag-igting ang panga niya at kumuyom ang kamao niya. "Mag-asawa na kami ngayon at wala kang karapatan na pagdesisyonang mag-isa kung maghihiwalay kami o hindi." Nagtitomping turan niya.
Tumitig naman si Mario sa mga mata niya. "May karapatan ako, ako ang ama niya at alam ko namang hindi ikaw ang ama ng sanggol." Walang kaemo-emosyong sabi ng dating kaibigan.
Hindi na siya nakapagtimpi at kinwelyuhan na niya ito. "Ano ang ibig mong sabihin!"
"Ang nais kong sabihin ay nagkamali ako at gusto kong maghiwalay na kayo dahil pabigat lang sila sayo at alam kong nahihirapan ka at napipilitan ka lang akuin sila dahil alam kong ayaw mong mag-asawa at isa pa walang dahilan para akuin ang responsibilidad dahil hindi naman sayo ang bata." Mahinahon pa rin na sabi nito.
Mas lalo lang nagsiklab sa galit ang mga mata ni Rod. "Una wala kang karapatang paghiwalayin kami. Pangalawa responsibilidad ko sila dahil asawa ko siya, mag-ina ko sila at pangatlo mahal ko siya at kasinungalingan ang sinabi kong ayaw kong mag-asawa." Pagkasabi noon ay binitawan na niya ito at papasok na sana ng hinigit siya nito. Nakangiti si Mario ng balingan niya.
"Natutuwa ako sa nalaman ko. At gusto naman kita sa anak ko. Alam kong hindi ikaw ang ama ng bata dahil kinwento sa akin ng mga bata na kakabreak lang ng ate nila sa boyfriend niya kaya alam kong hindi iyon sa iyo at patawarin mo ako. Hayaan mo at mananatiling lihim na hindi sa iyo ang bata." Sabi nito at tinapik ang balikat niya. At pumasok na.
Siya naman ay hindi nakagalaw sa kinatatayuan.
Pagkagising ni Eppo ay hinanap agad niya ang anak. Nagulat siya ng makita ang pamilya. Sinabi ng mga ito kung bakit ang mga ito narito dahil daw sa tumawag sila. Ikinibit na lamang niya ang balikat at kinuha ang anak kay nica.
"Nasaan ang dalawa?"
"Nag-usap raw.."
Ilang sandali pa ay pumasok na ang dalawa, nauna lang ang tatay niya.
"Alam mo anak bagay pala kayo ng kaibigan kong iyon.." Nakangiting sabi ng ama. Alam niyang sa sinabi nito ay bati na sila.
Nakangiti naman ang asawa niyang lumapit sa kanya at bumulong. "Tanggap na tayo ni Mario este tatay" natawa sila. "At pananatilihin nating lihim ang pagkatao ni Alma ang ating anak.."
Nakangiting tumango naman siya. Sa ngayon wala na siyang mahihiling pa, nagkaayos na silang mag-ama at mayroon siyang asawa na kagaya ni Rod..
N: Hala! wakas na. Ang iksi ano?