Nathan
Panay ang pagbuntong hininga ko habang nasa biyahe papuntang airport, paano naman kasi, sino ba naman ang hindi kakabahan at hindi mada-down dahil ito na ang araw na pinaka hindi namin malilimutan, ngayon kasi ang araw kung kailan ihahatid ko ang babaeng minamahal ko paalis.
Yes!
Araw kung kailan malalayo na sa akin si Ysa.
Hays! Gusto kong maiyak sa lungkot na nararamdaman. Hindi ko kasi yata kayang tignan na naglalakad siya papalayo sa akin, pero wala naman akong magagawa. Kailangan kong magpakatatag at kailangan kong maging matapang sa harap niya.
Kasama namin sa sasakyan ang dalawa naming kaibigan na sina Bettany at Patricia, habang ang ama naman ni Ysa ay mas pinili na lamang ang magpaiwan sa kanilang bahay dahil ayaw niyang makita na paalis si Ysa.
Nakasunod naman sa aming likuran ang sasakyan ng parents ko, na isa rin sa mga nalulungkot ngayong araw.
"Hihintayin mo ako ha?" Naluluha na sabi nito sa akin bago ako niyakap ng mahigpit na mahigpit. Mula sa minuto ay naging segundo na lamang ang tagal ng mga yakap namin.
Agad na napatango ako at marahan na pinunasan ang mga luha nitong ayaw paawat sa pagpatak. Pagkatapos ay niyakap din siya ng mahigpit, iyong mahigpit na mahigpit na parang ayaw ko na siyang bitiwan pa.
"Sshh! Maghihintay ako. Hindi ako mawawala at pagbalik mo, ikaw pa rin ang pakakasalan ko." Nalulungkot na sabi ko rin sa kanya bago siya binigyan ng pinakamalawak na ngiti na kaya kong maibigay sa kanya.
Ayaw ko siyang mawalay sa akin, pero wala akong choice kundi hayaan siyang mag-grow mag-isa. Baka isa rin kasi ito sa paraan upang mas maging better pa kami individual. At maayos ang aming mga sarili nang hindi kasama ang isa't isa.
Baka kasi masyado na rin kaming dependent sa bawat isa, lalo na ako, kaya isa iyon kailangan kong baguhin sa sarili ko.
Marahan na hinalikan ko rin siya sa kanyang noo, bago sa kanyang labi.
"Hihintayin kita!" Sinasabi ko ang mga iyon habang nakatingin sa mga mata niya. "Kaya pagtalikod mo, huwag ka ng lilingon pa ha? Please, para hindi ka na rin mahirapan pa. Hmmm?" Sabi ko sa kanya bago muling hinalikan at niyakap siya sa huling pagkakataon.
Ang sikip sikip na ng dibdib ko, pilit na pinipigilan ko kasi ang pagpatak ng mga luha ko sa harap niya. Ayaw ko lang siyang malungkot lalo.
Napatango ito habang lumuluha, handa na rin sa pagtalikod sa amin, sa akin. At habang naglalakad siya papalayo mula sa akin, doon unti-unting nagsimulang maglaglagan ang aking mga luha.
Katulad ng sinabi ko sa kanya, hindi na ako nito muling nilingon pa.
"I love you!" Sigaw ko sa kanya.
"Go, my fighter! Chase your dream!" Dagdag ko pa kahit na para na akong tangang nagsisigaw dito. Para lang kahit papaano, sa huling sandali bago siya makaalis man lang ay mai-cheer ko pa rin siya.
Hindi ko kasi mapigilan ang mag-alala, mag-isa na lang s'ya ngayon. Wala siyang kasama. Paano kapag nalulungkot siya? Sinong yayakap sa kanya? Sinong pupunas ng sipon at mga luha n'ya? Paano kapag nagkasakit s'ya? Sinong mag-aalaga sa kanya? Iilan lamang yan sa mga bagay na pilit kong inaalala pero kailangan kong magtiwala sa kakayanan niya.
Kailangan kong pagkatiwalaan siya na kaya niya ang sarili niya, na malakas siya at hindi basta-basta nagpapatalo sa anumang hirap ng mga pagdadaanan niya.
Si Ysa ko yun eh!
Lumapit sa akin si Patricia at agad na niyakap ako.
"Ano ba! Ba't ba ngayon ka lang naiyak? Parang tanga naman 'to oh!" Komento nito atsaka ako pabirong sinabunutan.
Napatawa na lamang ako habang lumuluha pa rin. Muli akong napalingon sa direksyon kung saan hindi ko na matanaw pa si Ysa.
Napahinga ako ng malalim bago malungkot na napangiti. Kaya ko 'to. Kaya namin ito.
---
Pagkatapos naming maihatid si Ysa sa airport, habang nasa biyahe pa ito at hinihintay ang update niya ay ginawa ko na lamang munang abala ang sarili ko.
Naglinis ako ng bahay, inayos at nag-rearrange ng mga furniture. Mahigpit na pinagbawalan ako ni Ysa wag na wag kong gagalawin ang mga iyon, pero wala naman akong magagawa eh. Mamimiss ko lamang siya lalo.
Dahil sa apat na sulok ng bahay na ito ay memorya niya ang maaalala at makikita ko.
Kailangan kong gawin 'to para rin sa kapanatagan at katahimikan ng loob ko.
Hindi ko alam kung gaano katagal at ilang oras akong naging abala sa paglilinis ng bahay. Ayaw kong bantayan ang oras dahil pakiramdam ko, lalo lamang akong maiinip sa kahihintay.
Para bang bawat sandali gusto ko mayroon akong pinagkakaabalahan. Kaya noong matapos ako ay agad na dumiretso ako sa gym at doon, tuluyan ko nang nakalimutan ang takbo ng oras. Napansin ko na lamang na mag-aalas sais na pala ng gabi.
Mabilis na napatakbo ako kung saan ko ipinatong kanina ang cellphone ko. Baka kasi may update na siya. Ngunit bigo ako.
Nakita ko na maraming missed calls mula sa mga kaibigan ko, sa parents ko. Lahat sila ay nag-aalala na baka raw kung ano na lang ang gawin ko dahil sa lungkot.
Napapatawa na lamang ako sa kanilang mga naiisip.
Pinili ko na huwag ko na munang reply'an ang mga ito at nagtungo na lamang sa banyo para maligo.
Sana naman pagkatapos kong maligo, may update na siya. Hindi ko talaga mapigilan ang hindi mag-alala.
Ganito pala ang pakiramdam kapag unang beses na nalayo sa'yo ang taong mahal na mahal mo at maraming taon kayong nagkasama.
Hindi ko mapigilang hindi siya isipin. Para bang nakakabaliw. Lalo at hindi mo siya mapupuntahan kaagad, wala kang magawa kundi maghintay sa message niya.
Haaaayyy. Sana naman ayos lang siyang nakarating sa apartment na tutuluyan n'ya.