(Anyo mil otso nubenta'y nuebe(1891), Felipinas)
Hindi na masumpungan ang liwanag sa bayan, at kasabay sa pagsipol ng makapanginig-butong ihip ng hangin, isang malakas na daing ang umalingawngaw. Tumilamsik sa pader ang dugo, at ang imahe ng buwan sa sanaw ay ginulo ng mga yabag. Sa isang makiput na daanan, sa pagitan ng mga kabahayan, maaaninag ang dalawang anyo ng di matukoy na nilalang. Matutulis ang kanilang mga kuko, at gumuguhit sa dilim ang liwanag mula sa mapupula nilang mga mata, subalit sila'y kaagad na tumakas bago pa may makatuklas ng karimarimarim na gawa nila.
Animo'y mga gagamba silang gumapang paakyat sa pader ng isang tahanan, at sila'y tumatakbo at lumulundag sa bawat bubungan. Subalit, sa isang dulo, sila'y biglaang napahinto. Isang babaeng nakaitim ang kanilang nasumpungan. Nakatalikod ito habang nakatingala sa buwan, at nang hawiin ng hangin ang buhok nito, sumilip ang nakabordang hugis ng espada sa damit nito. Ang sagisag ng samahang kinatatakutan nila. Ang La Orden De Las Espadas Sagradas, o maskilala sa wikang tagalog bilang Ang Kongregasyon ng mga banal na espada.
Subalit sa pagkakataong ito, hindi nakaramdam ng pagkatakot ang dalawang nilalang, bagkus sila'y nagtaka, sapagkat sa lahat ng kasapi ng samahang yaon, ang nasa harapan nila ngayon ay taliwas sa kanilang inaasahan at pagkakaalam.
"Gutay-gutay ang mga katawan at nawawala ang mga lamanloob, ganyan ang sinapit ng apat na Guwardiya Sibil mula sa di-matukoy na salarin, at kung ibibilang ang ngayon, lima na ang lahat na naging biktima nila," malamig na sambit ng babae. Humigpit ang pagkakahawak niya sa kanyang pistola at humarap sa dalawang nilalang, "hindi ba't ito'y kagagawan n'yo? Kayong mga Aswang?"
Nangunot bigla ang noo at pisngi ng mga halimaw na tinukoy niya na mga aswang, at ang maiitim nilang gilagid at matatalas na ngipin ay nagsilabasan. Umaangil sila na animo'y mga aso.
"Grrrr... Oo! Tama ka! Kami nga! Nararapat lang sa mga kastila at sa mga tuta nila ang mamatay! Mga ganid na pumipighati sa bayan!" mariing tugon ng isa sa mga aswang, at muling nagsalita ang babae.
"Kung gayon ay kabilang pala kayo sa mga indio na nagpakahangal at isinuko ang kanilang pagiging tao. Para baga sa kalayaan ng bayan ang mga ginagawa n'yo? o di kaya'y kinalimutan n'yo na ito, at tuluyan na kayong nagpakahumaling sa panibagong lakas na tinataglay n'yo?"
"Grrrr... Paniwalaan mo ang gusto mong paniwalaan! At ganito na ba ka desperado ang kongregasyon ngayon? maging isang hamak na babaeng kagaya mo ay tinatanggap na nila? Katawa-tawa! Pagsisisihan mo ngayon na pumunta ka rito babae! Dapat nanatili ka nalang sa kusina kung saan ka nararapat!"
Nagpanting ang tainga ng babae sa mga sinabi ng aswang. Kasabay sa pagtiim ng kanyang mga ngipin, Itinutok niya ang pistola at walang pakundangang pinaputukan ang mga ito. Isa, dalawa, tatlo, hanggang sa anim, subalit kaagad ring kumilos ang mga ito. Paliko-liko ang kanilang takbo at maliksing lumulundag sa iba't ibang dako, at sa isang kisapmata, nakalapit ng husto ang isa sa mga aswang sa kanya.
Halos dumikit na ang noo ng Aswang sa nguso ng kanyang pistola, tiyak na matatamaan niya na ito, at sa ikapitong pagkakataon, kinalabit nga niya ang gatilyo. "Klik!" Subalit, sa halip na putok, lagitik lamang ang kanyang narinig. Nanlaki ang kanyang mga mata. Naubusan na siya ng bala.
Kaagad namang tinabig ng aswang ang kanyang pistola at ang matatalas nitong kuko ay nakaambang bumaon sa ulo niya.
Bagamat nanganganib, ngumisi lamang ang babae. Walang kamalay-malay ang aswang na may nakahanda pa siyang sandata sa kaliwang baywang, at sa tamang pagkakataon, kasabay sa pagkiling ng kanyang ulo upang iwasan ang matatalas nitong kuko, hinugot niya ang isang punyal mula roon,
at marahas niyang isinaksak sa ulo nito.
Kaagad na tumirik ang mga mata ng aswang at bumulwak ang napakaraming dugo mula sa bungo nito, subalit, sa pagbagsak ng walang buhay nitong katawan, muling nanlaki ang mga mata ng babae nang masilayan niya sa likod nito ang isa pang aswang na nakaambang umatake sa kanya.
Sinunggaban siya nito, at bagama't nagawa niyang iwasan ang matutulis nitong kuko, Hindi naman niya nagawang iwasan ang pagbangga nito sa kanya. Sila'y parehong bumagsak at gumulong-gulong hanggang sa sila'y mahulog sa bubungan.
Ngayon ay nakahiga na sa lupa ang babae, sumisimangot sa matinding sakit dulot ng kanyang paglagapak, at mula sa mariing pagkakapikit ay iminulat niya ang kanyang mga mata, at muli niyang natunghayan ang hugis gasuklay na buwan na sumisilip sa maulap na kalangitan.
Pumupungas-pungas siya at tila wala pa sa kanyang diwa, subalit ito'y kaagad ring nanumbalik, nang biglang humarang sa paningin niya ang isang nakakakilabot na mukha. Napasinghap siya sa pagkabigla, at doon niya lang napagtanto na nakadagan na sa kanya ang aswang na kanina ay sumunggab rin sa kanya. Nakaupo ito sa kanyang puson habang nagbabanta naman ang matatalas nitong kuko.
Kaagad niyang hinanap ang kanyang punyal at pistola, subalit hindi niya masumpungan ang mga ito sa kanyang mga kamay, kung kaya, nang magpaulan ng mararahas na pagkalmot ang aswang ay wala siyang nagawa kundi ang umasa sa kanyang mga braso upang salagin ang mga ito.
"GRAAWWRRR!!!"
Nagkapunit-punit ang manggas ng kanyang damit at nagtamo rin siya ng mga sugat sa katawan, na kung hindi dahil sa nakaharang niyang mga braso ay marahil ay naging masmalala pa. Naging masikap rin siya sa pag-ilag at buong tapang rin siyang nakipagbuno rito, na kahit sa kabila ng kanyang kalagayan ay nagagawa parin niyang makapagpatama ng iilang suntok, subalit sadyang nangingibabaw talaga ang lakas ng aswang. Hinawakan nito ang magkabilang palapulsohan niya at pwersahan itong inilagay sa lupa, samakatuwid ay sa magkabilang gilid ng kanyang ulo.
Dahil dito, hindi niya na magawang makapiglas pa, at bukas na bukas ang leeg niya na siya namang inaasam ng aswang. Subalit kagaya ng kadalasan, tuwing nalalagay siya sa alanganin, muli na namang bumulong sa kanyang gunita ang tinig ng isang lalaki. Ang tinig ng kanyang guro.
"Alalahanin mo kung paano kinuha ng mga aswang sa'yo ang lahat. Linangin mo ang iyong galit at ito'y ipabatid mo sa kanila. Sikapin mong mabuhay hanggang sa tuluyan mong madurog ang kanilang lipi."
At yumuko nga ang aswang upang kagatin ang kanyang leeg, subalit bago pa ito tuluyang makalapit sa kanya, ay pwersahan niyang ini-angat ang kanyang balakang, na dahil dito ay naitulak niya ang aswang. Lumagpas lamang ang mga pangil nito sa kanyang ulo, at nasubsob ang mukha nito sa lupa.
Kaagad rin namang nakawala ang kanyang mga kamay, at gamit ang kanyang karunungan sa pakikipagbuno ay nagawa niyang baliktarin ang kanilang kalagayan. Ngayon, siya naman ang nasa ibabaw. Inupuan niya ang katawan ng aswang at gigil na gigil niyang pinagsusuntok ang mukha nito habang nanlilisik ang kanyang mga mata sa galit.
At nang hindi na makagulapay ang aswang, pinatila rin niya ang pagbagsak ng kanyang mga kamao, at siya'y paika-ikang tumayo habang tumutulo mula sa kanyang mga kamay ang malaput na dugo ng karumaldumal na nilalang.
Kaagad niyang Iginala ang paningin sa madilim na paligid, at nahagilap niya sa isang sulok ang makintab niyang pistola. Subalit, bago paman siya makahakbang patungo roon, biglang may nagsalita, at kagaya ng kanyang inaasahan, hindi nga niya mapapaslang ang aswang sa ganoong paraan.
"Iniisip mo bang mapapatay mo ako gamit ang mga munti mong kamao babae?" mapanuyang tanong ng aswang. Tatayo pa sana ito, subalit biglang sinipa ng babae ang kanyang mukha, dahilan upang gumulong-gulong ito sa lupa nang di-kalayuan. At kaagad namang sumagot ang babae.
"Alam ko, wala akong sapat na lakas upang magdulot ng pinsalang ikamamatay mo, subalit huwag mo sanang isipin na hindi ko magagawa iyon, dahil maliban sa mga baril at patalim, alam mo bang may isa pa kaming sandata?"
Itinaas ng babae ang kanyang kanang kamay, ibinuka ang palad, at mula roon, nagsilitawan ang mga butil ng liwanag. Naiipon ito hanggang sa nagkaroon ng hugis, at gayon nga, mula sa kawalan, nalikha ang isang espada. Hinawakan niya ito nang mahigpit at itinutok sa aswang.
"Ito ay ang Salamangka," dugtong niya.
Tila nawala naman ang pagkahilo ng aswang sa kanyang nasaksihan. Nanlaki ang mga mata nito at kasabay sa kanyang pagtayo ay nagsitayuan rin ang kanyang mga balahibo, tila sinasabi ng kanyang pakiramdam na dapat na siyang umurong at tumakas, subalit, binaliwala niya ito, at siya'y mabalasik pa ring sumugod.
"GRRRAWWR!!!"
Hindi naman natinag ang babae. Sa isang pagwasiwas ng kanyang espada, humiwalay ang isang buong braso ng aswang sa balikat nito, na sinundan ng isa pa, na sumugat naman nang malalim sa mga binti nito.
Bumuhos ang dugo at kusang bumagsak ang mga tuhod ng aswang. Nakahawak rin ito sa balikat na pinagputolan ng kanyang braso, at ang mukha nito ay muling dumampi sa lupa. Animo'y nagmamakaawa siya ngayon sa harapan ng babae. Nakapatirapa ito habang umaatungal sa sakit.
"Kung tutuosin ay dapat tinapos na kita, subalit may gusto pa'kong itanong sa iyo," sambit ng babae.
Hinintay niya ang aswang na maibangon nito ang sarili, at nang ito'y nakaluhod na lamang, ay kaagad niyang ini-angat ang baba nito gamit ang matulis na dulo ng kanyang espada, dahilan upang mapatingala ito sa kanya.
"Labing dalawang taon ang nakakaraan, may isang liblib na pook sa Tayabas ang sinalakay ng mga ka-uri mo. Pinatay nila halos lahat ng residente roon at may isang batang babae silang dinukot. Ngayon, nais kong malaman kung may alam ka sa pangyayaring yaon?" Patuloy ng babae.
Bigla namang nanlaki ang mga mata ng aswang sa tanong na yaon. Hindi ito makapagsalita at titig na titig siya sa mukha ng babae, subalit hindi rin nagtagal ay sumilay rin ang isang mapanuyang ngiti sa mukha nito, at ito'y sumagot, "Ah... naaalala ko na, huwag mong sabihing ikaw na ang batang yaon, ang kapati—"
"Oo, ako nga, kaya ngayon gusto kong magsalita ka. Saan n'yo siya dinala?"
"Babae, Sabihin ko man sa iyo, wala ka na ring magagawa pa. Masyado ka nang huli! Hahahahah –"
"SWIIIISH"
Sa huling pagkakataon, muling iwinasiwas ng babae ang kanyang Espada, sapagkat hindi iyon ang sagot na gusto niyang marinig. Naputol ang nakakairitang halakhak ng aswang, gayon din ang ulo nito na kaagad gumulong sa lupa.
Tumilamsik naman ang kaunting dugo sa mukha ng babae, at bagamat hindi siya nagpapakita ng kahit anumang emosyon, ang luha niya na kusang lumandas sa kanyang mga pisngi ay nagsasaysay ng tunay niyang nararamdaman. At sa pagbagsak ng katawan ng aswang sa lupa, siya'y muling tumingala sa buwan at marahang pumikit.
At bigla na lamang nagsilitawan muli ang mga butil ng liwanag, ngunit sa pagkakataong ito, nagliliparan ang mga ito sa kanyang paligid na animo'y mga alitaptap. Pinuspos rin ng malamlam na liwanag ang kanyang sarili habang ang bawat sugat sa kanyang katawan ay kusang nagsisihilom.
Subalit, sa kalagitnaan ng sandaling yaon, biglang may nasagap ang kanyang mga pakinig. Napadilat siya at kasabay nito ay nagsilaho ang mga butil ng liwanag gayon din ang liwanag na bumabalot sa kanyang katawan. Alisto rin siyang lumingon, at sa dakong yaon, mariin niyang itinutok ang kanyang espada.
Isang pigura sa ilalim ng mga anino ang kanyang nakita. Naglalakad ito patungo sa kanya, at nang ito'y tamaan ng sinag ng buwan, kaagad niyang ibinaba ang kanyang espada at siya'y uminahon.
"Liyong..." anas niya.
Isang matangkad na binata ang indibidwal na tinatawag niya sa pangalang Liyong. Nakasuot ito ng uniporme na kahalintulad sa mga gwardya sibil, subalit ito'y itim mula itaas hanggang pang-ibaba, at kagaya niya, nakaborda rin sa likod nito ang isang hugis ng espada.
Tinapik siya ni Liyong sa balikat at Dinaanan lamang siya nito, at sa harapan ng aswang na ngayon ay isang bangkay, ito'y huminto at tumalungko. Ipinatong niya ang kanyang kanang kamay roon at kasabay sa pagsambit niya ng salitang, "Incinerar," ang bangkay ng aswang ay biglang tinupok ng apoy.
"Bakit ka nandito? Anong sadya mo?" malamig na tanong ng babae.
At muli namang tumayo si Liyong, at lumingon kasabay ng isang ngiti, "Huwag kang magalala, hindi ako naparito upang gulohin ka. May misyon rin akong dapat ganapin rito,"
"Ganoon ba."
Bigla namang nadurog na parang buhangin sa kamay ng babae ang kanyang espada, at siya'y kaagad na nagtungo sa kanyang pistola. Pinulot niya ito, at samantalang nilalagyan niya ng bala ang bawat butas ng silindro nito, ay pinagmamasdan naman siya ni Liyong, at ito'y muling nagsalita.
"Kamusta na nga pala ang paghahanap mo? may balita na ba?"
"wala."
"Ni minsan ba'y hindi sumasagi sa isipan mo na sumuko na lamang? Isipin mo, labing dalawang taon na ang nakakaraan, gaano ka nakakatiyak na buhay –"
"BANG!"
Biglang naudlot ang sinasabi ni Liyong. Binaril siya ng babae. Mabuti na lang at dumaplis lamang ang bala sa kanyang pisngi.
"Buhay siya, buhay ang kapatid ko. Kung walang lalabas na maganda sa bibig mo, masmabuting iwasan mo na muli tayong magkita, dahil sa susunod, tinitiyak kong hindi na ako magmimintis," mariing sambitla ng babae. Isinukbit niya ang pistola sa kanyang baywang, at siya'y kaagad na umalis.
Hindi naman nagawa pang makaimik ni Liyong. Sinundan niya na lamang ng tingin ang babae, at habang ito'y papalayo at unti-unting naglalaho sa kadiliman, siya'y napabulong na lamang sa kanyang isipan.
"May hinahanap ka pa kaya? O mauuwi lamang sa walang kabuluhan ang lahat? Kung ano man ang sagot na iyong masumpungan, sana'y sa dulo ay lumigaya ka, Edelmira."
-Ipagpapatuloy...