Chereads / WeiHay Endgame / Chapter 4 - Maliit na Bagay

Chapter 4 - Maliit na Bagay

Umorder na ako ng drinks at naghintay kay Joey. Meron pang limang minuto bago mag alas-otso.

Nilibot ng mata ko ang buong bar, makaluma ang itsura nito, kaya pala ganon nalang ang pangalan. Kung mahilig ka sa classic at relaxed na atmosphere, ito yung tipo ng bar na gugustuhin mo. Sakto lang din ang dami ng tao.

Madalas, hindi ko napapansin yung mga ganito. Pero minsan maganda ring pansinin ang maliliit na bagay.

"Huy! Weinchester! Long time! Long time!" bati ni Joey sa'kin.

"Sinong Weinchester? AHAHAHA May bago nanaman akong palayaw sa'yo kupal ka," masaya kong sagot sa kanya.

"Ako nga naging kupal nagreklamo ba ko? Ahahahaha," balik nyang kantyaw.

Nag-akapan kami na may kasamang katamtamang tapik sa likod.

"Mas lalo kang pumopogi Wein ah hahah," pambobola niya.

"Anong gusto mong drinks ha? Hahaha order ka na bilis, ako magbabayad," sabi ko naman sa kanya.

"Joey!" biglang sigaw ng lalaki para kunin ang atensyon ni Joey.

Naka-jersey sa bar? Wag mo sabihing may basketball court rito haha.

Lumingon si Joey sa likod niya at kumaway "Oy, pre!" sabay bati nito.

Binalik nya ang tuon nya sa akin at nagpaalam.

"Wein, sorry. Puntahan ko lang sya saglit. Yung libreng drinks ko babalikan ko, wait lang talaga hahaha," sabi ni Joey.

"Ah, no problem pre," mabilis kong sagot habang bahagya na syang nakalingon sa likod.

Sinundan nya sa room yung lalaking naka-jersey. Ano yun, private room?

Kinuha ko ang drinks ko, nakaisang baso na ko pero wala pa rin si Joey. Pagkainom ko ng bagong punong baso, narinig kong nagbulungan ang mga katabi ko.

"Bro, nakita mo yung picture sa forum? Anong pangalan nung lalaki?" tanong nya.

"Hmm...Wein? alam ko Wein eh." sagot ng kausap nya.

Ako ba pinag-uusapan nila?

"Kala ko iinvite na sa forum yung Wein ngayong gabi?" sabi ng naunang lalaki.

"Di pa ko sigurado eh, pero dapat nandito na nga rin sya, abangan nalang natin," dugtong pa ng usapan nila.

Common ba ang pangalan ko? O talaga bang campus celebrity na ko? Kupal. Ano ba 'tong iniisip ko? Tagal kasi ng mga tropa ko eh. tsk.

"Bro, si Joey oh," sabi ng isa sa mga lalaki na naguusap sa tabi ko.

Pagkalingon ko nandito na nga si Joey.

"Hmm...hi." sabi nya lang sa kanila na may kasamang pagtango.

Itinapik ni Joey ang isa nyang kamay sa balikat ko na may katamtamang lakas.

"Bakit?" tanong ko sa kanya habang nakangiti at nakataas ang dalwang kilay sa pagtataka.

"Uhh...hello" sabi naman sa akin ng dalawang lalaki na pinaguusapan ako o kung sinumang Wein kanina.

"Hmm...haha" sabi ko lang para bumati pabalik.

Umalis lang sila at umupo na sa tabi ko si Joey.

"Ang dami mong kilala rito ah, nagbebenta ka pa rin ba?" biro ko kay Joey.

"Oy, masamang biro yan ah hahaha. Sadyang madalas lang ako rito kaya ganon," sagot niya.

"Mukhang ang friendly rin nila," sabi ko sa kanya kasabay ng pagtingin sa direksyon ng dalawang lalaki kanina.

"Oo, ganun talaga. Teka," bahagya nyang hinto at pagtingin sa'kin,

"wag mo sabihing mahiyain ka na ulit? Hahaha hay, sabagay kaya lang naman kumapal mukha mo dahil kay Lia tyaka sa'kin eh. Ahahaha," pagbabalik nya ng nakaraan.

Buti pa sya kaya nyang bigkasin yon ng parang wala lang. Ibang university si Joey, kaya di kami masyadong nagkakasama. At hindi nya rin alam kung pano at bakit kami nagbreak ni Lia last year.

Tumahimik kami saglit, pero nabasag ito nang magtanong si Joey.

"Kamusta ka?"

Huminto ako sa paglalaro ng baso ko at tumingin saglit as kanya.

"Nakita ko si Lia nung nakaraan sa ibang bar, kasama niya yung lalaking hinahabol-habol niya nung Junior High. Anong pangalan non? Jimmy?" dugtong nya pa.

Nanlaki ang mata ko sa kanya.

"Ah.." hinawakan niya ang batok nya atsaka pinagpatuloy ang pagsasalita.

"Ang totoo kasi nyan narinig ko kay Cleo. Nagbreak raw kayo ni Lia dahil sa kanya?"

"Ano bang meron sa Jimmy na yun? Napakaboring na tao naman, alam kong may pagkaboring ka rin minsan pero yung Jimmy na yun, hanggang sa bar nagbabasa. Ba't pa sya pumunta ng bar diba? Halatang papansin lang eh. Tsk," inis na sabi nya.

"Kung sa looks lang, di rin naman lalagpas sa average. Medyo matangkad siya pero--"

"Joey," kalmado kong pagputol sa sinasabi nya.

"Ah...sorry pre. Sabi ko nga eh, tatahimik na ko," nakangiti nyang sabi.

Wala nang kung anong meron sa amin ni Lia, kaya kung anumang piliin nyang gawin sa buhay niya, wala akong karapatan.

Nalipat ang atensyon ko nang may magnotif sa phone ko.

Gio invited you to this forum, will you accept?

Tinitigan ko lang. Sino naman yung, Gio?

Tumingin din si Joey.

"Hmm…invitation. Sasali ka?" tanong nya sa'kin.

"Ayoko. Di ko naman kilala yang Gio na yan," sagot ko.

"Hmm...diba sa school nyo yan nag-aaral? Gio Maranta? Yung basketball player. Madalas syang nandito," sagot niya naman.

Biglang sunod-sunod na invitation ang dumating sa phone ko.

At sunod-sunod ding binanggit ni Joey lahat ng pangalan nila.

"Ah, itong si Jake same campus mo rin, History major. Yung sunod si Lindon, English major. Yung isa si Rome, anak yan ng artista, atlhete din sya, swimming sports nya. Tapos..."

Di ko na narinig ang pagpapakilala ni Joey sa lahat ng taong nag-invite sa akin para sa forum, dahil napatingin ako sa message request na sinend ni Gio sa akin.

Tungkol 'to kay Fhay kaya join the forum.

"Nakikinig ka pa ba?" tanong ni Joey.

"Ah. Sorry, sorry." sabi ko naman.

"Hanep ka talaga lahat nalang kilala mo rito hahah," pang-aasar ko.

"Syempre haha," pagmamayabang naman ni Joey.

"Oh, ang saya nyong dalawa na wala ako ah," bungad na sabi ni Cleo.

Sabay kaming napalingon ni Joey sa direksyon niya.

"Sa wakas nakarating na rin si Cleong pagong hahaha," asar ni Joey.

"Hoy, di mo alam pinagdaanan ko kaya wag mo kong husgahan," sabi ni Cleo habang umuupo at isinalpak ang mukha sa kamay bilang pagdadrama.

"Tss...kasi naman, inabangan ulit sya ng mga chicks nya. Gawa-gawa kasi ng kalokohan, yan tuloy," paglalaglag ko kay Cleo.

"Kaibigan ba talaga kita?" sabi ni Cleo na may kulubot na mukha.

"AHAHAHAHA" sabay naming tawa ni Joey.

"Yung mukha mo pre AHAHAHA" paghihingalo ni Joey.

"Uminom ka na nga lang hahaha," sabi ko naman kay Cleo.

• Fhay's POV •

Binaba ko ang bag ko sa study table ko. Pagtingin ko ng orasan sa gawing pinto ng kwarto ko, mag-aalas nuwebe na ng gabi.

"Ginabi ka ata ngayon anak ah. Sobrang dami nyo bang ginawa?" sabi ng mommy ko sa'kin.

"Oo nga po eh, medyo busy ho yung first week namin agad," sagot ko naman.

"Kung gusto mo pwedeng hindi ka muna tumulong ng weekends." sabi ni mommy habang may pagaalala sa mga mata

Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang kamay niya.

"Hindi ko pwedeng gawin yun mommy, lalo na pagkatapos ng nangyari kay Frisha."

"Na-receive ko yung text nyo pero buti nalang hindi ko agad nabasa kasi kung oo baka di ko mapigilan sarili ko at tumakbo rito, at makagawa ng bagay na hindi ko akalaing magagawa ko," sabi ko ng isang buga.

Pagdating ko sa loob ng bahay namin hindi ako si Ms. Bato na walang emosyon, dito, ako ang may pinakamahinang puso.

Ngumiti naman si mommy at inialis ang dalawang kamay niya sa pagkakabalot ko nito, at inilagay sa magkabilaang pisngi ko.

"Kumalma ka anak, walang nangyari kay Frisha. Alam mo yung empleyadong lalaki natin? Yung pinsan ni Pia? Ang laking tulong nya kanina. Tama ka nga na i-hire sya kasi magagamit natin yung pag-ta-taekwondo nya," pagpapakalma naman sa akin ni mommy.

• SIMULA NG FLASHBACK

(Author's POV) •

Mga bandang ala-una ng hapon.

"Sir, ano pong idadagdag nyong order?" sabi ni Frisha.

"Pwede ka bang isama sa susunod kong order?" sagot ng lasing na customer.

Umalis si Frisha at pumunta sa ibang customer na umoorder.

Pagkalipas ng ilang mga minuto ay malakas na tunog ang narinig ni Frisha, pagkalingon nya nanggaling ang tunog sa table ng lasing na customer kanina.

Tumingin sya sa ibang staff ng pub nila pero lahat ay may ginagawa kaya nilakasan nya ang loob at lumapit.

Nabasag ang ilang bote dahil sa pagkalaglag nito sa sahig. Dali-daling kumuha si Frisha ng panglinis dito at dinakot ito sa takot na baka may masaktang iba.

"Excuse me Ms.? May tatanong lang sana ako eh," sabi ng lasing na customer habang winawalis pa rin ni Frisha ang mga basag na bote.

Hindi pinapansin ni Frisha ang lalaki, pero nagpatuloy pa rin ito sa pagsasalita.

"Gusto mo bang tulungan kita? Alam mo kasi marami akong pera. Pwede kitang pag-aralin, di mo na rin kailangan magtrabaho rito," sabi ng customer habang umupo siya sa sulok ng upuan nya para mapalapit kay Frisha.

Napansin ng lalaking empleyado na si Bart ang lasing na customer at Frisha sa isang table sa sulok. Halatang di komportable si Frisha kaya dali-dali syang pumunta rito.

Samantala, nang maramdaman ni Frisha na lumapit ang customer ay tumayo siyang mabilis.

"Hindi ko po kailangan ng kahit ano. Anak ho ako ng may-ari," pilit na pagpapalakas nya ng loob katulad ng kung pano ang ate nya sa tuwing pinagtatanggol sya.

Kaso biglang hinawakan ng customer ang hita niya at mahinang kinurot sya rito, napasigaw sya sa gulat at takot. Saktong dating ito ni Bart kaya tinapik nya ng malakas ang kamay ng lasing na customer.

Iniikot ni Bart ang kamay ng customer at inilagay sa likod nito. Napaharap ang mukha ng customer sa pader at isinangga ni Bart ang buong katawan para hindi ito makagalaw.

Nabigla si Frisha at nakuha rin ang atensyon ng ibang customers. Napatakbo ang mommy ni Frisha.

"Anong meron dito?" tanong nya pagkadating.

Lumingon si Bart kay Frisha habang bahagyang nahihirapan sa pagpigil sa customer na parang uod na inasinan.

"Ayos ka lang Frisha?" tanong ni Bart kay Frisha.

Tumango lang si Frisha habang halata pa rin ang takot.

• PAGTATAPOS NG FLASHBACK •

"Dapat talaga di na tumulong si Frisha eh, pano po kung maulit yun ulit?" sabi ko kay mommy pagkababa ko ng dalawang kamay niya sa mga pisngi ko.

"Alam mong higit sa lahat, yun din ang gusto ko, ang hindi mapahamak ang kahit sino sa atin, lalo na't tayo-tayo lang ang nandito ngayon," kalmadong sagot ni mommy.

Napatahimik kaming parehas dahil napunta kami sa topic na madalas nauuwi sa iyakan at sama ng loob. Umupo ako sa kama ko at kasalukuyang nakaharap sa pader.

Nagsalita ako para mawala ang ikinakabahala ko.

"Si papa, ano pong balita?" tanong ko ng hindi sya nililingon.

"Parehas pa rin ng last week," rinig na rinig ang pag-aalala at lungkot sa boses ni mommy.

Iniisip ko palang na ganito ang tunog ni mommy naiinis na ako.

"Bakit ba kasi dumating pa sya kung parehas lang naman sya ng gagawin kay Dad," tanong ko na para bang naririnig ni papa.

"Anak, hindi magkapareho ang papa mo at daddy mo," Pagtatanggol ni mommy kay papa.

Nakakapagod lang maghintay. Lahat ng magandang alaala parang naging masama dahil wala sya.

Ibinuka ko ang bibig ko, umaasa na naririnig ni papa. Kasi gustong-gusto ko na syang bumalik.

"Bakit po? Kasi may natataggap kang text every week? Ano pong ikinaiba non mommy? May text o wala, kung wala sya sa tabi natin, sa mata ko, parehas lang po sila."

"Sorry po, medyo pagod ako kaya pwede po bang mauna na akong magpahinga?" sabi ko kay mommy habang naglalakad papuntang banyo.

Kaya ayokong naglalabas ng nararamdaman eh, kasi minsan yung mga nasasabi kong salita, ay yung mga salitang hindi kaya dalhin ang mga naradamdaman ko.

"Sige Anak, pahinga ka na," malungkot na sagot ni mommy.

Habang nasa loob ako ng banyo, nakarinig ako ng ilang yapak, na huminto, at nagsalita ulit si mommy.

"Ah, bago ko pala malimot, hinahanap ka ni Wein kanina. May kailangan daw ata syang sabihin," dagdag nya bago ko narinig ang pagsarado ng pinto.

Wein.

Oo nga noh, di ako naka-receive ng text o tawag, tamang tao binigyan ko ng number ko. Pero bakit sya pumunta?