Maagang nagising si Samuel. Hindi niya matukoy kung anong oras, wala kasing orasan. Kapag may sapat na siyang mga gamit, gagawa siya ng orasan. Hindi pwede ang mag hula-hula lang.
Paglabas niya ng kwebe, nakita niya kaagad si Ardes. Nakatayo ito, hinihintay ata ang paglabas niya. Nginitian niya ang heneral. Kitang-kita niya ang pagkalito sa mukha nito, naiintindihan niya. Hirap pa ata itong paniwalaan ang nangyari kagabi.
"Totoo 'yon, hindi panaghinip.
Pagkatapos mag-agahan, papuntahin mo ang mga kawal sa kwebang tinitirhan ko. Dalhin rito ang mga katas ng halamang pinadala ko kahapon, kailangan 'yon para mas lalo pang lumakas ang mga katawan niyo."
"Prinsepi Samuel hindi ba't may nagmula sa may lasong mga halaman ang katas na 'yon, mamatay ba ang iinom no'n?" May takot na gumuhit sa kaniyang mukha. Hindi sa wala siyang tiwala sa prinsepi, alam niya pag nakainom ka ng lason mamatay ka kaagad.
"Oo, pero hindi. Kung tama ang timpla at sukat sa paghalo ng mga katas. Maari nitong mapalakas ang katawan ng isang tao, magkakaroon din ng depensa ang katawan sa ibang lasong."
Parang ayaw niyang maniwala, ngayon lang siya nakarinig ng gano'n. Kung iba ang nagsabi no'n siguradong matatawa siya at iisiping nababaliw na ang nagsabi. Pero kung ang prinsipeng nasa harap niya, magdadalawang isip muna siya kung anong pasya ang gagawin. Misteryoso ang prinsepi, hindi pangkaraniwan ang talinong meron ito. 'Yong mga natutunan niya sa mga sundalo kagabi, hindi 'yon pamilyar sa kaniya. Iba ang paraan nila ng pagsasanay. Ang ilan do'n ay hindi niya naintindihan, kaya gagawin niya ang ehersisyong natutunan niya kagabi para masigurong mainam ba talaga ang mga 'yon sa pagpapalakas ng katawan.
"Masusunod Prinsepi Samuel," nasabi niya. Nagtiwala siya kahit hindi siya sigurado. Umaasa siyang sana tama itong ginawa niya. May tiwala siya sa prinsepi malakas ang kutob niyang hindi sila papatayin nito. Wala siyang nakikitang dahilan para gawin 'yon ng prinsepi. Kailangan nito ng mga malalakas na kawal, sila 'yon. Hindi sila pwedeng mawala.
Pagkatapos ng agahan. Naguguluhan ang mga kawal sa biglang pagpatawag ng prinsepi sa kanilang lahat. Nakaupo sila ngayon sa mga bato sa loob ng malawak na kweba. Inutusan sila ni Heneral Ardes na tumahimik, sumunod ang lahat. Lahat ay gulong-gulo. Pinatawag sila pero 'yon nagpatawag sa kanila ay hindi nila nakita. Para saan ba 'tong pagtitipon na 'to? Lahat ay gustong makakuha ng sagot.
Maya-maya pa, dahil sa katahimikan. Kaagad nilang narinig ang yapak na nagmula sa harapan. Nakita nila si Prinsepi Samuel, may dala itong mahabang kawayan sa kanang kamay. Sa kaliwa naman ay maliit na basong kawayan.
"Tinipon ko kayong lahat ngayon para bigyan kayo ng isang napakamahal na regalo. Bilang mga kawal ko, bawal sa 'kin ang mga mahihina. Kayo ang isa sa lakas ng kaharian, dapat malakas kayo kagaya ng isang mabangis oso. Mabilis kagaya ng isda. May malakas na pakiramdam kagaya ng insekto."
Kumunot ang noo nila. Wala silang naintindihan. Nagbulungan sila, tanong dito tanong doon.
"Alam kong naguguluhan kayong lahat. Ang hawak ko ngayon ay isang gamot na nagmula sa katas ng mga lasong kinuha natin kahapon. Ang gamot na ito ay kayang palakasin ang buong katawan niyo. Kita ko ang pag aalangan sa inyong mga mukha, hindi kayo mamatay pag ininum niyo 'to. Para masigurado ko sa inyo, ako ang unang iinom. Susunod kayo."
Binuhos niya ng kulay pulang tubig sa maliit na kawayan, hanggang sa umabot ang tubig sa linyang pinamarkahan ni Sammy. Bawal raw sumobra, hindi rin pwedeng kumulang. Dapat sakto.
Namawis ang mukha ng mga sundalo ng makitang dahan-dahan niyang inilapit sa bibig niya baso. Walang pag aalinlangan niya 'yong ininom. Mapait ang lasa at mainit sa lalamunan.
Pinahawakan niya ang hawak niya kay Ardes. Baka matapon. Sayang.
Napapikit siya ng maramdamang tumatalab na ang epekto ng gamot. Bigla siyang napaluhod, masakit ang buong katawan niya parang hinihiwa ang kaniyang balat. Tiniis niya ang sakit, sabi ni Sammy normal lang daw 'yon. Lumipas ang isang minuto, unti-unting nawala ang hapdi sa katawan niya. Pawis na pawis.
Ang mga kawal na nakatingin sa kaniya ay naguguluhan ang mukha, lason ang inumon niya bakit hindi siya namatay. 'Yan ang tanong sa kanilang isipan.
Napangiti si Samuel ng mapansin ang biglang pagbabago sa katawan niya. Mas lalong tumalas ang pandinig niya, mula sa kinalalagyan niya naririnig niya ang huni ng mga insekto kahit malayo ang mga ito sa kaniya. Mas lalong luminaw ang paningin niya, kahit madilim sa pinakaloob ng kweba klarong-klaro niya ayos at porma ng mga bato. Naging sensitibo ang amoy niya, nababahuan siya katawan niya tyaka sa damit ng nga kawal na hindi nalalabhan, halata naman amoy pa lang.
Tinakpan niya ang kaniyang ilong. Tumayo siya. "'Yang mga damit niyo ang babaho! Labhan niyo 'yan mamaya! Tyaka maligo rin kayo."
Kitang-kita niya ang pagkagulat sa mukha ng mga kawal, parang ayaw ng mga ito na maniwala sa nakita nila. Kagaya ng paanong nakakakilos pa rin siya na parang wala lang. Hindi lason ang ininom niya, gamot 'yon. Gamot! Ang ilan ay inamoy ang sarili, tama ang prinsepi hindi kaaya-aya ang amoy sa kanilang katawan.
Tinignan nila ang gamot na hawak ng heneral. Hindi man nila alam kung paano nangyari, malakas ang kutob nilang dahil do'n kaya naging mas malakas ang pang amoy ng prinsepi. Nawala ang pag aalinlangan sa kanilang loob na inomin ang gamot. Ayos lang ang prinsepi, ibig sabihin no'n hindi nakakamatay ang gamot.
"Bago kayo uminom. Kailangan wala kayong dinaramdam na sakit sa katawan, kung meron man magpagaling muna kayo. Bawal uminom ang may sugat, malaki man o maliit. Bawal uminom pag mainit ang katawan at nilalamig. Bawal uminom pag may malagkit na tubig sa ilong (sipon). Bawal uminom ang pag may pasa sa balat. Bawal uminom pag kumikirot ang laman.
Lahat ng walang dinadamdam na bawal, tumayo at pumila ng tuwid sa harap ko. Pagkatapos niyong mainom 'tong gamot, normal lang na makaramdam kayo ng sakit na parang hinihiwa ang inyong balat. Kailangan niyong tiisin ang epekto ng gamot sa katawan niyo. Pag nawala na ang sakit, mararamdaman niyo kaagad ang pagbabago sa katawan niyo."
Kaunti lang ang tumayo. Sa isang daan at isa bente lang ang may katawang walang sakit. Kasali do'n ang heneral.
Nginitian niya ang heneral. Ito kasi ang una sa linya. Kinuha niya sa mga kamay nito ang mahabang kawayan. Binuhusan niya ng gamot ang maliit na baso. Inisang lagok lang 'yon ni Ardes.
Pumunta ito sa gilid at tahimik na dumaing. Nilalabanan ang sakit.
Nang nakainom na ang lahat ng nakatayo. Rinig na rinig ang sigaw ng mga kawal sa paligid. Ang ilan ay umiyak, may naihi at may muntik ng mahimatay buti na lang at nakayanan.
Pagkatapos ng isang minutong pagtitiis, ang ilan ay mapaiyak. Hindi sila makapaniwala sa nangyari. Tinignan nila ang prisepi na punong-puno ng papuri. Malaki ang pasasalamat nila dahil maswerte silang nakainom ng hindi pang karaniwang na gamot. Labis silang nagpasalamat at ipinangakong magiging tapat silang kawal ng prinsepi.
Biglang nagbago ang tingin ng mga kawal sa prinsepi. Nakakamangha ang talinong taglay nito, akala nila walang silbi si Prinsepi Samuel. Maling-mali 'yon!
"Lahat ng nga uminom ng gamot, magpahinga muna kayo. Sa araw na 'to wala kayong trabahong gagawin. Lahat ng mga hindi nakainom may ipapagawa ako sa inyo. Dapat bukas natapos niyo na ang ipapagawa ko."
Hinintay ng mga kawal ang iuutos ng prinsepi.
"Kumuha kayo ng tubig sa dagat, mas marami mas mabuti. Gagawa tayo ng asin!"
"Asin? 'Di ba para sa maharlika lang ang sangkap na 'yon?"
"Ano namang kinalaman ng maalat na tubig ng dagat sa pag-gawa ng asin?"
"Hindi ko alam. Magtiwala na lang tayo sa prinsepi."
"Pwede niyo nang simulan."
Tumayo ang mga kawal at dali-daling lumabas sa kweba. Ang ilan sa kanila ay nanghinayang, gusto din nilang uminom ng gamot. Pero bawal pa muna. Inalalayan nila ang mga kasama nilang nanghihina dahil sa nainom. Kitang-kita nila ang saya sa kanilang mukha kahit parang lantang gulay ang katawan.
"Ano bang nagbago sa katawan mo? Wala naman pinagkaiba no'ng hindi ka pa uminom ng gamot."
"Mahirap ipaliwanag basta maiintindihan mo rin pag nakainom ka na. Inaantok ako ang sarap matulog."
Samantala nanatili si Ardes sa loob ng kweba. Inutusan kasi siyang manatili.
"Ardes mamayang gabi, hindi ka muna makakapagsanay kasama ang sundalo. Masakit pa ang katawan ko, gusto kong magpahinga muna sa buong araw."
"Naiintindihan ko Prinsepi Samuel. Salamat din at hinayaan mo kaming inomin ang gamot na 'yong ginawa. Hindi ko alam kung paano ako makakabawi sa 'yo, labis pa sa labis ang ginawa mo para sa 'min."
"Wala 'yon, basta maging tapat lang kayo sa 'kin. Masaya na ako do'n."
Naantig ang puso niya sa narinig. Ngayon lang siya nakakita ng maharlikang tumutulong sa mga kawal ng hindi naghahangad ng malaking kabayaran. Dahil dito, nangako siyang hanggang sa huling hininga ng buhay niya, paglilingkuran niya si Prinsepi Samuel ng may buong katapatan.